frchito

BALONG HIKAHOS, BALON NG BIYAYA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Tagalog Homily, Taon B on Nobyembre 2, 2009 at 12:49

a_gift_that_pleased_jesus
Ika-32 Linggo ng Taon(B)
Nobyembre 8, 2009

Mga Pagbasa: 1 Hari 17:10-16 / Hebreo 9:24-28 / Marcos 12:38-44

Hindi makatkat sa isipan ko ang mga larawan ng sari-sari at iba-ibang antas ng paghihirap ng mga nasalanta ng bagyo. Noong una, akala ko ay sa Kamaynilaan lamang, sa mga lubog na mga lugar na pinagbahayan ng mayaman at mahirap. Subali’t noong dumaan ang isa pa, si Pepeng, ang mukha ng paghihirap ay lumawig, kumalat, lumaganap, at lalung lumalim, higit na malalim sa mga bahang nanalanta ng gamit ng marami.

Para sa mga mahaba ang pisi, ang paghihirap ay panandalian lamang, temporaryo, ika nga. Hindi maglalaon at sila ay makababangon. Subali’t may paghihirap na tila walang katugunan – tulad ng paghihirap ng isang balo sa unang pagbasa, na matapos iluto ang natitirang harina at langis, ay wala nang aasahan pang iba. Ito ay hindi rin malayo sa paghihirap ng mga taong wala nang bahay na babalikan, na magpahangga ngayon ay nananatili pa sa evacuation centers sa Pasig at iba pang lugar.

Dalawang uri ng balo ang nakikita ko sa mga pagbasa ngayon … dalawang uri ng taong lubhang nangangailangan. Ang una ay isang balo na tila balong malalim ng kasalatan. Sa Banal na Kasulatan, ang balo ay isa sa mga tinaguriang anawim ni Yahweh, mga dukha ni Yahweh, mga dukhang malapit sa puso ng Panginoon.

Ang magandang balita ay nagmula rito sa unang balo sa unang pagbasa. Sa kanyang kasalatan, ang Diyos ay nag-alay ng tulong sa pamamagitan ni Elias. Ibinigay niya ang lahat na natitira sa kanya, at hindi siya umuwing nakatingala sa kawalan. Ang kanyang pagiging malalim na balon ay napag-punuan ng dakilang pag-ibig ng Diyos.

Subali’t dapat nating alalahanin na balo man ay may angking yaman rin. Dapat nating gunitain, na walang sinumang sukdulan ang hirap na walang maaaring ipagkaloob.

At dito nagtutugma ang dalawang balo. Ang una ay isang malalim na balon. Ang ikalawa ay isang balo rin nguni’t bumalon sa kanyang ginintuang kalooban ang balon ng biyayang nagmumula sa kaibuturan ng kanyang puso.

Walang sinumang sukdulan ang hirap na walang maipagkakaloob!

Ito ang larawang hindi makatkat sa aking isipan – ang kabatirang may mga taong handang tumulong, handang magkaloob ng sarili at ng lahat, habang sila mismo ay salat sa maraming bagay.

Maraming halimbawa ang lumutang sa baha ng kasalatan at paghihirap sa lipunan natin. Nandyan si Ping Medina, na bagama’t hindi nahihilata sa salapi, ay kagya’t gumawa ng kung ano ang kanyang kaya – ang magpakain ng lutong pagkain mula sa kanyang restoran sa Quezon City. Nandyan ang mga walang pangalang mga bayani na bagama’t sila mismo ay hirap din, ay hindi nag-atubiling ipagkaloob ang kanilang kaunting naipon o naipundar, upang tumulong sa mga higit na wala kaysa sa kanila.

Maraming halimbawa ang makikita sa facebook, sa internet, sa twitter – mga Pinoy na bagama’t malayo sa larangan ng baha sa Pilipinas, ay nasa gitna na aksyon, ng kilusan para sa mga binaha.

Hindi makatkat sa aking isipan ang ginintuang halimbawa ng balo …ng kapwa mahirap, ng mga taong simple lamang at payak ang pamumuhay, na hindi nag-dobleng isip kung dapat kumilos o umasa sa isang gobyernong hindi maaasahan.

Malapit na naman ang Pasko. Sa pagdating ng malamig na simoy ng hangin, at sa pagpapatugtog ng awiting pamasko, marami tayong malilimutan. Marami tayong makakaligtaan at mabubura sa ating alaala. Paglipas ng panahon, mapapari sa gunita natin ang kapaitan ng paghihirap ng marami, tulad nang, sa pag-alis ng baha, ang mga taong nanirahan sa mga sapa, sa mga ilat, at ilog na napatituluhan o nakamkam ng mga masisiba, ay mangagsisibalikan at makikipag-sapalarang muli – hanggang dumating muli ang isa pang higit na trahedya.

Nguni’t may isang trahedya na hindi natin dapat pairalin – ang trahedya ng pagkakanya-kanya at pagwawalang-bahala.

Sa araw na ito, dalawang balo ang naging balon ng biyaya mula sa Diyos. Walang sinuman ganoong kahirap na wala ni anumang maaaring ibahagi sa iba. Dalawang balo ang pinagmulan ng biyaya ng Diyos … dalawang balong walang kaya, dalawang balong salat kung salat, nguni’t dalawang balo na, dahil sa kanilang ginintuang puso, ay hindi nagdobleng isip na gumawa nang nararapat.

Hindi tayo dapat kailanman lumimot. Hindi natin dapat hayaang ang mga larawan ng paghihirap ay maiwan na lamang sa facebook, sa blogs, at sa vlogs na kumakalat sa buong daigdig.

Maging balon nawa tayo, tulad ng mga balo, ng biyayang kaloob ng Diyos para sa lahat … para sa mayaman at mahirap, na pawang mga “naghihintay sa kanyang kaligtasan.”

Advertisement
  1. kapayapaan! ang ganitong uri ng pagninilay ay malinaw at tumatagos sa puso ng bawat isang kristiyanong nakahandang buksan ang kanilang puso at isipan sa mga nangyayari sa ating lipunan ibat ibang uri ng trahedya sa buhay natin kalamidad, bagyo, baha, lindol.bagyong undoy, pepeng at santi silay mga kalamidad na dala ng pagbabago ng ating klima subalit ang pinakamalalang trahedya sa buhay ng mga kristiyano ay ang silay makalimot sa Diyos. katulad po ng inyong sinabi na nalalapit na naman ang kapskuhan subalit dama pa rin natin ang kahirapan sabayan pa ng mga polotikong naghahanda na naman sa isang bagong pamunuan naway matuto rin ang mga kapatid natin napumuli ng lider na siyang mamumuno sa ating bansa baka ang mapili nila ay katulad ni undoy, pepeng at santi na walang gawin kundi abusuhin ang yaman na bigay ng Diyos sa ating lahat ang kawalan ng mga pinuno natin na alagaan ang kalikasan. slamat na lang at may fr.chito na nagbibigay ng kalakasan sa loob g mga balong wala ng matakbuhan hindi man sa materyal na bagay kundi mas higit sa espiritual na buhay natin. slamat

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: