frchito

Posts Tagged ‘Mabuting Pastol’

BUTIHING PASTOL; PINUNONG MAPAGKALINGA

In Uncategorized on Abril 28, 2012 at 20:02

Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay (B)

Abril 29, 2012

Image

Ang mga pagbasa ngayon ay tila lahat tumutuon sa diwa ng kapangyarihan. Sa unang pagbasa, binanggit ni Pedro kung paano napagaling ang lumpo. Hindi siya nag-atubiling sabihin na ito ay galing sa kapangyarihan ng ngalan ni Jesus … na tinagurian niyang batong itinakwil na naging batong panulukan, saligan ng haliging matatag ng pananampalataya.

Ang ikalawang pagbasa ay hindi rin nagpalamang. Nakasalig naman, sabi ni Juan Evangelista, ang kapangyarihang ito sa pag-ibig, na nagpabagong-anyo sa mga sumasampalataya at sila’y naging higit pa sa rito – dahil sa pag-ibig, sila ay naging mga anak ng Diyos. Pero ang ebanghelyo ay parang naligaw ng landas, kumbaga. Ang kapangyarihan ay napasa larawan ng isang pastol – maamo, maalaga, masinop, mapagmatyag, at mapagpaanyo sa kapakanan ng kawan! Parang malayo ito sa diwa ng kapangyarihan!

Una sa lahat, hayaan ninyong aminin ko sa inyo na sa panahong ito ay tila ako ay walang lakas at walang kapangyarihan. Sobra init … sa init na ito ay ayaw mo nang kumilos, ayaw mong gumalaw. Gusto mo na lamang ay nakatapat sa bentilador maghapon o nakababad sa kung saan may aircon. Pero bukod rito, may iba pa ring sumisipsip ika nga ng aking kapangyarihan, kung meron man … ang tila kawalang kakayahan ng pananampalatayang katoliko na puknatin at wasakin ang kampon ng kadiliman, ang lalim at lawak ng korupsyon sa lipunan, at ang tila walang puknat na pagyurak sa karapatan ng mga mangmang at hindi aral, na patuloy na pinaiikot ng mass media.

Sa panahong ito, aminin man natin o hindi, ay nagsimula na ang kampanya para sa eleksyon sa 2016, nang nagpalabas na ng hanay ng mga kandidato sa pagka senador. Di maglalaon ay makikita na naman natin ang paglipat ng partido ng mga taong walang paninindigan, walang pinanghahawakan, at walang isinusulong liban sa kanilang sariling bulsa at kapakanan.

Pawang tila walang kaya tayong lahat sa harap ng kadilimang ito. Dahilan ito upang ako ay malungkot, manghinawa, at mawalan kung minsan ng pag-asa. Bagama’t nagpaliwanag na ang pitong Obispo tungkol sa mga sasakyang ipinagkaloob ng Pagcor, para sa kapakanan ng mga mahihirap, marami pa rin ang nadala sa mapanlinlang na balita tungkol sa diumano ay mga ganid na obispong naging korap din sa paghahangad ng magagarang sasakyan. Palso man ang balita, ay parang lintang dumikit na sa kamalayan ng marami.

Anong uri baga ng kapangyarihan ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon? Una sa lahat, ito ay hindi galing sa atin. Hindi ito galing sa ibaba, sa lupang ibabaw. Ang kapangyarihang makamundo ay mababaw, pahapyaw, at walang patutunguhan. Ang kapangyarihang ito ay nakasalalay sa banal na ngalan ni Jesus. Sa ngalang ito nagkamit ng kagalingan ang lumpo, sa pamamagitan ni Pedro.

Ikalawa, ang kapangyarihang ito, ayon kay San Juan, ay nakasalig sa pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay siyang naging dahilan kung paano nagbagong-anyo ang mga sumampalataya at nagkamit ng bagong kakanyahan. Bukod sa pagiging mananampalataya, sila ang naging mga anak ng Diyos. Nabago ang kanilang pagkatao, nadagdagan ng isang karangalang hindi taal sa kanilang pagkatao, bagkus kaloob mula sa Diyos.

Pero hindi ito ang pinakamahalaga sa lahat. Ang lubhang mahalaga ay walang iba kundi ang larawang ikinikintal sa atin ng pahayag ng Panginoon – na siya ay isang Pastol, isang lingkod, isang mababa ang loob, at tila walang kayang tao. Ito ang nagbibigay sa akin ngayon ng kaunting tapang, kaunting lakas, at kaunti pang pagpupunyagi.

Mahaba-haba na rin ang mga taong nangaral ako, nagturo, nag-Misa at naging tagahubog ng mga kabataan.Marami na rin akong napagdaanan. Marami na akong nakita at naranasan. At alam kong sa takbo ng mga pangyayari, ang mga bagay-bagay ay mas lalala pa, bago ito maging mas mabuti, malungkot man aminin. Sa pagdaan ng mga taon, nalulukuban ako ng maraming pangamba, takot, at pag-aalinlangan. May bunga pa kaya ang pagsisikap ng Inang Simbahan na mangaral, yamang ang lahat ay nababaligtad ng mga pahayagan at mga estasyon ng TV at radio? May katuturan pa ba ang mangaral, kung ang mga sasabihin ko ay mapagbibintangang pamumulitika, na tila baga ang pulitika ay hindi napapasa ilalim ng batas moral ng ebanghelyo? May dahilan pa ba upang magsikap at magpunyagi para sa katarungan at katotohanan?

Ang liksyong malinaw ng mga pagbasa ngayon, ay isang matunog na “oo” … may pag-asa pa … may katuturan ang lahat, at ang dahilan nito ay walang iba kundi siyang nagturo na ang kapangyarihan ay makikita sa pagmamahal, sa paglilingkod, sa kababaang-loob, sa pang-aalipusta ng balana, sa pagkamuhi ng mga napopoot sa kanya, at sa kasukdulan, ay sa kanyang paghihirap at pagkamatay sa krus. Ito ang Panginoong butihing Pastol … maamo, mababa ang loob, nguni’t mapagkalinga at mapagpaanyo sa kapwa, sa mga tila mga tupang walang patutunguhan. May pastol tayong naggagabay, subali’t ang tanong ay ito: may kawan ba tayong nakikinig at tumatalima?

HINDI SILA MAAAGAW NINUMAN SA AMA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Reflections, Taon K on Abril 23, 2010 at 06:40

Ika-4 na Linggo ng Pagkabuhay(K)
Abril 25, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 13:14, 43-52/ Pahayag 7:9, 14b-17 / Juan 10:27-30

Hirap ako sa araw na ito, bilang pari, na gumawa ng anumang paliwanag sa mga salita ng Diyos na kababasa lamang natin. Ang tatlong pagbasa ay may kinalaman sa pagkalinga, pangangalaga, pagmamalasakit, at pagtataguyod sa buhay ng mga tupang ligaw, tupang maamo at inosente, tupang handang mahubog tungo sa isang malinaw na kinabukasan.

Ito ang pinagmalasakitan nina Pablo at Bernabe. Ito ang kanilang walang kapagurang pinanagutan at pinagpagalan. Ito ang halos ikamatay ng dalawa sa ilang mga pagkakataon – ang maging ilaw sa mga Hentil at magbalita ng kaligtasan “hanggang sa dulo ng daigdig.”

Subali’t ngayon, magmula sa lahat ng sulok ng daigdig, ay lumilitaw ang mga balitang salungat sa mabuting pastol. Ang lumalabas na pinagpipiyestahan ng mass media ay ang kabulukan ng ilang tupa sa simbahan na nanlaso at nanalasa sa mga inosenteng batang parang mga tupang walang kamuang-muang, nguni’t nasadlak sa nakaririmarim na pananamantala ng mga tinaguriang pastol ng simbahan.

Bagama’t hindi lahat ng sinasabi ng mga pahayagan, radio at telebisyon, at “you tube” ay pawang totoo, dapat tanggapin ng simbahan at ng lahat ng mga tagasunod kay Kristo na ang bahid ng kasalanan ay nanunuot sa lahat ng antas, dako, at kasuluk-sulukan ng Inang Simbahan, mula sa taas hanggang sa ibaba. Nguni’t dapat rin natin tanggapin na bahagi ng kulturang ito ng kasalanan ang kamuhi-muhing pagsisikap lahatin, at husgahan, hindi ang ilang mga nagkasala, kundi ang kabuuan ng simbahan, na para bagang ang Simbahan sa kanyang kabuuan ay bulok, at walang magagawa at maidudulot na magaling sa sangkatauhan.

Tayo ngayon ay nagtipon sa simbahan upang: una, tanggapin ang pagiging makasalanan natin; ikalawa, upang ihingi ito ng kapatawaran; at ikatlo, upang makarinig tayo ng mensahe ng pag-asa na maghahatid sa atin sa isang panibagong bukas, panibagong pagbangon, at panibagong pagsisikap upang mapanuto tayong lahat sa landas na naghahatid sa kapayapaan.

Dito ngayon papasok ang aking tungkulin sa kabila ng akin ring pagkamakasalanan, tulad ng lahat ng kasapi ng simbahan, tulad ng lahat ng anak ni Eba, at tulad ng mga sa ngayon ay nagkukumahug upang pukulin ang simbahan ng lahat ng uri ng masasamang tawag at kataga.

Madamdamin ang tunog ng sinasaad ng ebanghelyo: “nakikinig ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.”

Sa kaibuturan ng lahat ng ating pinag-uusapan, iisa ang totoong dapat mamaulo sa buhay natin … Tanging si Kristo ang pastol … kaming mga pari ay mga larawan lamang at kinatawan ng kanyang pagiging dakila at butihing pastol. Ang Inang Simbahan sa kanyang kabuuan ay siyang kumakatawan sa pagiging butihing pastol ni Kristo. At kahit na mayroong ilan sa hanay ng mga naglilingkod sa simbahan at sa bayan ng Diyos na malayo sa pagiging tunay na pastol, ang kabuuang larawan ng Inang Simbahan ay hindi nagbabago, hindi nasisira, at hindi kailanman magagapi ng kasamaan at kadiliman.

Mahigit na 28 taon na akong pari, sa biyaya ng Diyos. Marami na ako napagdaanan. Marami na ring pasakit ang idinulot sa akin ng maraming taon kong paglilingkod. May mga kapwa ako kaparian at mga nakatataas o nakabababa sa akin ang nagdulot sa akin ng iba-ibang mga problema at pasakit. May pagkakataong nanghinawa ako sa paggawa ng mabuti. May sandaling parang gusto ko nang sumuko at magtampo sa Inang Simbahan. Hindi lahat ng mga nakatataas ay may mabuting kalooban. May inggitan at iringan sa simbahan; may politika rin. May sapawan at payabangan.

Nguni’t sa kabila ng lahat, masasabi kong ang kabuuan ng Simbahan ay hindi nabawasan ng pagiging kung ano ang itinalaga para sa kanya ng Butihing Pastol na si Jesus.

Ito sana ang gusto kong baunin ninyo lahat matapos mabasa ito. Huwag sana tayo mawalan ng pag-asa at pagtitiwala bagama’t may ilang hindi na dapat pagtiwalaan. Ang lahat ng ito, kasama ang pinagdadaanang crisis ng simbahan, ay hindi makababawas sa kung ano at para kanino ang Simbahan. At ito ay pinaninindigan ngayon ni Kristong Panginoon mismo: “Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman.”

Ano ang patunay ko rito? Wala akong maipakikitang tarheta o diploma o anumang prueba, liban sa pangako ng Butihing Pastol: “hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”