Ika-4 na Linggo ng Pagkabuhay(K)
Abril 25, 2010
Mga Pagbasa: Gawa 13:14, 43-52/ Pahayag 7:9, 14b-17 / Juan 10:27-30
Hirap ako sa araw na ito, bilang pari, na gumawa ng anumang paliwanag sa mga salita ng Diyos na kababasa lamang natin. Ang tatlong pagbasa ay may kinalaman sa pagkalinga, pangangalaga, pagmamalasakit, at pagtataguyod sa buhay ng mga tupang ligaw, tupang maamo at inosente, tupang handang mahubog tungo sa isang malinaw na kinabukasan.
Ito ang pinagmalasakitan nina Pablo at Bernabe. Ito ang kanilang walang kapagurang pinanagutan at pinagpagalan. Ito ang halos ikamatay ng dalawa sa ilang mga pagkakataon – ang maging ilaw sa mga Hentil at magbalita ng kaligtasan “hanggang sa dulo ng daigdig.”
Subali’t ngayon, magmula sa lahat ng sulok ng daigdig, ay lumilitaw ang mga balitang salungat sa mabuting pastol. Ang lumalabas na pinagpipiyestahan ng mass media ay ang kabulukan ng ilang tupa sa simbahan na nanlaso at nanalasa sa mga inosenteng batang parang mga tupang walang kamuang-muang, nguni’t nasadlak sa nakaririmarim na pananamantala ng mga tinaguriang pastol ng simbahan.
Bagama’t hindi lahat ng sinasabi ng mga pahayagan, radio at telebisyon, at “you tube” ay pawang totoo, dapat tanggapin ng simbahan at ng lahat ng mga tagasunod kay Kristo na ang bahid ng kasalanan ay nanunuot sa lahat ng antas, dako, at kasuluk-sulukan ng Inang Simbahan, mula sa taas hanggang sa ibaba. Nguni’t dapat rin natin tanggapin na bahagi ng kulturang ito ng kasalanan ang kamuhi-muhing pagsisikap lahatin, at husgahan, hindi ang ilang mga nagkasala, kundi ang kabuuan ng simbahan, na para bagang ang Simbahan sa kanyang kabuuan ay bulok, at walang magagawa at maidudulot na magaling sa sangkatauhan.
Tayo ngayon ay nagtipon sa simbahan upang: una, tanggapin ang pagiging makasalanan natin; ikalawa, upang ihingi ito ng kapatawaran; at ikatlo, upang makarinig tayo ng mensahe ng pag-asa na maghahatid sa atin sa isang panibagong bukas, panibagong pagbangon, at panibagong pagsisikap upang mapanuto tayong lahat sa landas na naghahatid sa kapayapaan.
Dito ngayon papasok ang aking tungkulin sa kabila ng akin ring pagkamakasalanan, tulad ng lahat ng kasapi ng simbahan, tulad ng lahat ng anak ni Eba, at tulad ng mga sa ngayon ay nagkukumahug upang pukulin ang simbahan ng lahat ng uri ng masasamang tawag at kataga.
Madamdamin ang tunog ng sinasaad ng ebanghelyo: “nakikinig ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.”
Sa kaibuturan ng lahat ng ating pinag-uusapan, iisa ang totoong dapat mamaulo sa buhay natin … Tanging si Kristo ang pastol … kaming mga pari ay mga larawan lamang at kinatawan ng kanyang pagiging dakila at butihing pastol. Ang Inang Simbahan sa kanyang kabuuan ay siyang kumakatawan sa pagiging butihing pastol ni Kristo. At kahit na mayroong ilan sa hanay ng mga naglilingkod sa simbahan at sa bayan ng Diyos na malayo sa pagiging tunay na pastol, ang kabuuang larawan ng Inang Simbahan ay hindi nagbabago, hindi nasisira, at hindi kailanman magagapi ng kasamaan at kadiliman.
Mahigit na 28 taon na akong pari, sa biyaya ng Diyos. Marami na ako napagdaanan. Marami na ring pasakit ang idinulot sa akin ng maraming taon kong paglilingkod. May mga kapwa ako kaparian at mga nakatataas o nakabababa sa akin ang nagdulot sa akin ng iba-ibang mga problema at pasakit. May pagkakataong nanghinawa ako sa paggawa ng mabuti. May sandaling parang gusto ko nang sumuko at magtampo sa Inang Simbahan. Hindi lahat ng mga nakatataas ay may mabuting kalooban. May inggitan at iringan sa simbahan; may politika rin. May sapawan at payabangan.
Nguni’t sa kabila ng lahat, masasabi kong ang kabuuan ng Simbahan ay hindi nabawasan ng pagiging kung ano ang itinalaga para sa kanya ng Butihing Pastol na si Jesus.
Ito sana ang gusto kong baunin ninyo lahat matapos mabasa ito. Huwag sana tayo mawalan ng pag-asa at pagtitiwala bagama’t may ilang hindi na dapat pagtiwalaan. Ang lahat ng ito, kasama ang pinagdadaanang crisis ng simbahan, ay hindi makababawas sa kung ano at para kanino ang Simbahan. At ito ay pinaninindigan ngayon ni Kristong Panginoon mismo: “Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman.”
Ano ang patunay ko rito? Wala akong maipakikitang tarheta o diploma o anumang prueba, liban sa pangako ng Butihing Pastol: “hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”
[…] nguni’t nasadlak sa nakaririmarim na pananamantala ng mga tinaguriang pastol ng simbahan. Continue reading here. Share Bookmark It Hide Sites $$('div.d3502').each( function(e) { […]
ano po ang pangalan ng inang simbahan frchito?
ito ang simbahang itinatag ni Kristo. Kung titingnan natin sa kasaysayan, iisa lamang ang simbahang itinatag ng Diyos ngunit marami ang itinatag ng mga tao.