frchito

Posts Tagged ‘Mahal na Araw’

KASAMA, KASANGGA, O KATUNGGALI?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Mahal na Araw, Tagalog Homily, Taon K on Marso 22, 2010 at 16:44

Linggo ng Palaspas
Marso 28, 2010

Habang lumalapit ang halalan, lumalabas rin ang tunay na kulay ng mga kandidato o mamboboto. Hindi mahirap makita ang pagiging hunyango ng ilan sa mga kandidato. Ang mga dating mga magkatunggali ay ngayon ay magkakasama; mga dating parang magsing-irog sa iisang partido ngayon ay parang pinaghiwalay ng tadhana. Ang mga dati ay maiingay sa larangan ng politika, ngayon ay nagtatago at hindi natin alam kung saang lupalop naparoon.

Ito rin ang tila telenobelang sa araw na ito ay nagsisimula, kumbaga. Ang kaibahan nga lamang ay hindi ito isang teleserye. Ito ay salaysay ng pinakadakilang pag-ibig na natungyahan ng sangkatauhan sa kasaysayan … ang pinakadakilang kasaysayan ng pag-ibig.

Kasama … ito ang ugaling ipinakita ng marami nang pumasok si Jesus sa Jerusalem! Nangasipaglabasan sa mga lansangan ang mga bata, matanda, at talubata … tangan nila ang anumang mahagilap sa kamay upang iwagayway, ilatag, iwagiswis bilang pagpupugay sa itinanghal nilang Haring dumarating.

Kasama … Ito ang larawan ng mga taong sa simula ay tuwang-tuwa sapagka’t dumarating mula sa kaitaasan ang kanilang pinakaaasam, pinakahihintay! Halos manggayupapa ang lahat sa pagpuri at pag-awit: “Osana sa kaitaasan … Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”

Kasangga … ito ang larawang kanilang ipinamalas. Kasangga sila ng kanilang itinatanghal at pinagpupugayan. Kasangga sila ng isang hindi malamang unawain at tanggapin ng mga namumuno sa bayan, na ang tingin sa kanya ay isang taong may madilim at maitim na pakay na hindi magugustuhan ng mga nasa kapangyarihan.

Minsan din nating ginampanan ang pagiging kasama at kasangga ni Kristong Mananakop. Di miminsan sa buhay natin na nagpahayag tayo ng pagiging kasama at kasangga ng Panginoong dumating sa kasaysayan upang isulat ang panibagong takbo ng kasaysayan.

Nguni’t alam natin ang naging takbo ng salaysay… Ang mga nagmakaingay na masiglang naging kasangga ng Panginoon ay nangagsipag baligtaran … naging mga balimbing na nag-astang mga hunyango ay tumalikod sa kanilang pinuri hanggang langit ilang araw lamang ang nakalilipas. Sa ikalawang bahagi ng liturhiya natin, binasa natin ang pasyon, ang kwento ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Ang mga balimbing na dati-rati ay umawit ng “Osana,” ay sila ring di naglaon ay sumigaw ng “tama na!”

Sala sa init; sala sa lamig ang mga balimbing na walang iisang salita.

Ito ang salaysay na nananalaytay sa ating kasaysayan, sa ating lipunan, sa ating kultura at pagkatao bilang Pinoy. Tingnan lamang natin ang mga hunghang at sinungaling na mga politico na dati ay parang hayop kung magbangay at ngayon ay parang si Romeo at Juliet kung magmahalan. Tingnan natin ang mga dating tinitingala natin na ngayon pala ay mandarambong na primera klase din naman pala. Tingnan natin ang ubod ng yamang kandidato na hanggang langit ang gastos para ipagmakaingay sa siya ay mahirap at natutulog sa bangketa at naglalangoy sa basura!

Higit sa lahat, tingnan natin ang sarili natin. Tingnan natin ang Inang Simbahan, na bilang samahan ng mga taong marupok ay sinagian at dinapuan na rin ng iba-ibang uri ng kabulukan, tulad ng mga pang-aabuso ng mga kabataan. Tingnan natin ang sarili natin sa salamin. Tingnan natin kung paano tayo maghusga tulad ng mga kalalakihang handang pumukol ng bato sa babaeng nahuli sa pakikiapid. Tingnan natin ang sarili natin …

Hindi malayong makita natin ang larawan ni Judas, ni Pedro, ni Pablo – ng lahat ng mga makasalanang naging banal sapagka’t bumangon sila sa tulong ng kanilang itinatwa at ipinagkanulo.

Kasama ako sa pulutong na ito … kasama tayong lahat … kasangga tayo dapat at tunay ngang di miminsang idineklara natin ang sarili bilang kasangga ni Kristo. Ngunit ang linggo ng palaspas ay salaysay tungkol sa mga balimbing at mga salawahan at tampalasan … masakalanan tulad ko, tulad ninyo, tulad ng lahat.

Katunggali tayo ni Kristo … di miminsan, di kayang ipagkaila gaano man kadulas ang ating mga dila, gaano man karami ang sanga ng mga dila natin … kasama tayo sa tinatawag natin sa panalangin, na mga “dilang masasama.”

Pero tumitigil tayo taon-taon upang gunitain, upang balik-isipin at muling ganapin … Alin? Ang dakilang salaysay ng pag-ibig sa atin ng Diyos na gumawa ng lahat para sa ating ikapapanuto at ikaliligtas. Sa kanyang dakilang pagpapakasakit, tayong mga katunggali at kalaban, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig ay muling itinuring na kasama at kasangga. Muli natin naririnig ang mga katagang pinagnilayan natin noong isang Linggo: “Wala bang naghuhusga sa iyo? Ako man, hindi kita hinuhusgahan. Humayo ka na at huwag nang magkasala!”

PAGSUONG, PAGSALUBONG, PAGSULONG!

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Mahal na Araw, Taon B on Abril 4, 2009 at 09:55

LINGGO NG PALASPAS(B)
Abril 5, 2009

passionsunday

Mga Pagbasa: Mk 11:1-10 / Is 50:4-7 / Filipos 2:6-11 /Mk 15:1-39

Dumating na ang takdang panahon! Sa hinaba-haba at tagal ng mga taong nagdaan magmula na ang pahimakas ng ebanghelyo ay natunghayan sa aklat ng Genesis – ang tinatawag na “proto evanggelion,” ay dumating na ang itinadhanang panahon ng Diyos upang ang lahat ng hula at pahatid ng mga patriarka, ng mga propeta, at maging si Juan Bautista, ay maganap at magkatotoo.

Sa araw na ito, araw ng pasyon, araw ng palaspas, ay tiniteleskopyo, alalaumbaga, ng Inang Simbahan, ang kaganapan at kabuuan ng hiwaga ng gawang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristong Mananakop.

Noong isang Linggo, pinagnilay natin kung paano ang Diyos ay magpapaganap ng lahat ng inihula ng mga propeta sa tamang panahon. Pinanghawakan natin ang mga kataga ni propeta Jeremias, na nagsabi: “Darating ang mga araw, wika ng Panginoon, na ako ay gagawa ng isang bagong kasunduan sa pagitan ko at ng bayan ng Israel.” Narinig nating kung paano ipinakita naman ni Pablo ang mga naganap nang “dumating ang takdang panahon.” At narinig natin sa ebanghelyo ni Juan kung paanong ang “takdang oras ng pagluluwalhati” ay dumating na – kung kailan itataas at itatanghal ang Anak ng Tao.

Sa araw na ito, ang lahat ng hula magmula sa Lumang Tipan ay nagaganap noon, ngayon, at magpakailanman.

Ito ang ginagampanan natin sa liturhiya ng Simbahang Katoliko … pag-aalaala, paggunita, pagsasakatuparan, at pagsasariwa ng bagay na naganap na, nagaganap pa, at magaganap pang muli.

Ang araw ng palaspas ay isang malinaw na halimbawa nito. Dito tineleskopyo natin ang kabuuan ng gawang pagliligtas ni Kristo: ang makasaysayang panimula ng Kanyang pagsuong sa daan ng krus, ang maluwalhating pagsalubong sa Kanya ng isang bayang nagupiling sa pagka-alipin na naghihintay ng kaligtasan, at ang kanyang pagsulong tungo sa kaganapan ng kanyang gawang pagliligtas, na ang kasukdulan ay narating niya sa rurok ng bundok ng Golgotha sa kalbaryo, kung saan ang “pagtataas at pagtatanghal ng Anak ng Tao” na hula sa Lumang Tipan ay nagkaroon ng kaganapan.

PAGSUONG … Batid ni Jesus kung ano ang naghihintay sa Kanya sa pagpasok sa Jerusalem. Alam niya na bagama’t ang bayang Israel ay naghihintay sa Mananakop, ang mga namumuno at nangangasiwa sa bayang ito ay hindi makatatanggap, hindi makauunawa, at lalung hindi makasusunod sa kaganapan ng kalooban ng Diyos. Ayon nga sa ebanghelyo ni Juan, “dumating Siya upang maghatid ng liwanag, subali’t mas ninais pa nilang mabuhay sa kadiliman” at “ang sarili niyang bayan ay hindi tumanggap sa Kanya.”

Sa araw ng pasyon, ginugunita natin ang pagsuong ni Jesus sa daan ng krus, daan ng kalbaryo, at daan ng kaligtasan – bagaman at batid niyang pumapasok siya sa isang mundong hindi pa lubos na handa upang tumanggap sa kanya.

Sa ating buhay ngayon, hindi lahat ay plantsado, ika nga. Hindi lahat ay patag ang daan, at lalung hindi lahat ay matuwid. Patuloy pa rin ang kadayaan at karahasan sa lipunan. Patuloy pa rin ang katiwalian, at kawalang pagpapahalaga sa buhay, tulad ng ginagawa ng mga teroristang walang maisip gawin kundi ang mandukot, mandakip, at manakot … tulad ng ibang uri ng teroristang walang ibang malaman gawin kundi kumitil ng inosenteng buhay sa sinapupunan.

Subali’t ito ang mundo kung saan tayo isinugo ng Diyos. Sa Diyos na ito dapat rin tayo sumuong at humarap sa iba-ibang mga paghamon at pagsubok. Tulad at kasama ni Jesus sa araw na ito, tayo ay nagpapasyang sumuong at pumasok sa mundong ito na nangangailangan pa rin ng kaligtasan.

PAGSALUBONG … Ang araw ring ito ay araw ng kaluwalhatian … sumandaling nakatikim si Kristo ng admirasyon at adulasyon ng balana sa Kanyang pagpasok sa Jerusalem – isang pahimakas ng adorasyon na nararapat sa Kanya, bilang isang Hari na maluluklok sa krus, di maglalaon. Karapat-dapat siya ng ganuong adorasyon at adulasyon. Siya nga ang hulang Mesiyas, na darating – ang Anak ni David na maghahari magpakailanman, bagama’t di maglalaon ay itatatuwa siya at ipagkakanulo ng maraming sa araw na ito ay sumisigaw ng “hosanna.”

Tayo man ay sumasama sa pagsalubong kay Kristong Mananakop. Subali’t alam din natin, sa kaibuturan ng ating puso, na tayong lahat ay mga salawahan. Tayong lahat ay mga taksil sa Panginoon. Di miminsan isang araw tayo ay tumatalikod sa mga hosanna at papuring ating sinasambit. Di pa nga tayo nakalalabas ng Simbahan ay tayo ay pinamumugaran na kung minsan ng galit at poot sa kalooban … ng tampo o sama ng loob sa Diyos na tila hindi nakikinig sa panalangin at kahilingan natin. Ang buhay natin ay isang pagsalubong at isang pagtalikod; pagtanggap at pagtanggi; paghanga kay Kristo at pagiging hangal kapagdaka. Tayong lahat ay mga makasalanan.

PAGSULONG …. Si Jesus ay sumuong, tinanggap ang pagsalubong na maluwalhati, at gumawa pa nang higit pa rito. Sumulong siya at pinangatawanan ang kalooban ng Ama. Ang mga katagang ginamit ni Pablo dito ay “usque ad mortem” …. Naging masunurin aniya si Jesus, magpahanggang kamatayan – kamatayan sa krus!

At sa kanyang pagsuong, sa gawang pagsalubong sa kanya, ay pinasulong Niya ang balakin ng Ama na iligtas ang buong sangkatauhan. Sa kanyang pagsuong sa kamatayan ay sinasalubong natin ang isang maluwalhating tadhana at kinabukasan. At hindi lamang ito, naisulong Niya ang kaganapan ng lahat ng pangako at katuparan ng hula sa lumang tipan. Sa pagsuong niya sa kamatayan sa krus ay nasulong ang isang panibagong bukas natin … “by his wounds we are healed … sa pamamagitan ng kanyang mga sugat ay napagaling tayong lahat.”

Isang malinaw na halimbawa ang ipinakita ni Kristo sa atin. Sumunod, sumuong, tumanggap ng salubong sa balana, at isinulong ang kaligtasang hatid Niya mula sa Ama.

Isa lamang ang tanong para sa atin sa mahal na araw na ito … Saan ba tayo sumuong? Ano ba at sino ba ang ating sinasalubong? At higit sa lahat, ano ba ang ating isinusulong? Tayo ba ay kasama ni Kristo, o kasangga? May araw pa para tayo magpasya.