frchito

Posts Tagged ‘Oktaba ng Pasko ng Pagsilang’

PASKONG MAKULAY O PASKONG WAGAS AT TUNAY?

In Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 24, 2013 at 14:16

454351339_640

Araw ng Pasko ng Pagsilang (A)
Disyembre 25, 2013

Tuwing magpapasko, ilang beses rin binabasa ang listahan ng mga angkan na pinagmulan ni Jesus. Kung bulol o utal ang nagbabasa, o hindi pinaghandaan, masakit sa tainga ang makinig sa tatlong tig-lalabing-apat na salinlahi bago makarating kay Jesus na Mananakop.

Mahirap rin maunawaan kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito. Mas madaling maunawaan ang larawan ng sabsaban, ang kweba kung saan naroon ang sabsaban, ang mga hayop na katabi niya sa sabsaban. Ito ang madaling gawing nababalot ng ginto at palara, na makikinang at makukulay na papel.

Ang diwa ng Pasko ay madaling mapagkamalian sa ginto at palara at magaganda at makukulay na palamuti. Pero hindi ito ang pinakamahalagang diwa ng Pasko. Hindi ito ang tunay na buod at batayan ng ating pagdiriwang. Maganda mang isiping si Jesus ay isinilang na walang bahay, mahirap, at wala ni matuluyan, ay hindi ito ang pinakamahalagang batayan ng hiwaga ng Pasko.

Ang Pasko ay hindi nababatay sa kahirapang pinaganda, ginawang sagisag at pinagkalooban ng isang matulaing kahulugan. Ang Pasko ay hindi pagdarahop na dinamitan ng ginto at makikintab na palara.

Mayroon kayang kahulugan ang mapupulot sa salinlahi ng Panginoon na narinig natin sa Misa ng Vigilia kagabi at isang araw ng Simbang Gabi? Ano bang aral ang ipinahihiwatig ng mga listahan ng mga angkan ng Panginoon na tiglalabing-apat na makaitlong beses inulit?

Tingnan man ninyo at muling titigan … may mga taong hindi magaganda ang ugaling ipinakita sa mga angkan ng Panginoon. Dalawa sa apat na babaeng binanggit ay mga babaeng mababa ang lipad, ika nga. Si David ay isang mangangagaw ng asawa, at nagbalak pang isabak si Urias sa giyera para masarili niya si Batsheba. Pero sila ay pawang mga kasama sa listahan ng mga angkan ni Jesus.

Dito ngayon natin matatanong kung ano ba talaga ang pakay ng pagsasalansan ng mga salinlahi ng Panginoon!

At dito rin natin mapapagtanto ang tunay na batayan ng kadakilaan ng Pasko. At ito ay hindi nababatay sa kanyang pagsilang sa isang mahirap na sabsaban, hindi nababatay sa kanyang pagiging anak ng mga salat na taong wala ni matuluyan noong gabing siya ay isilang.

Ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay hindi nakatuon sa tao bagkus nakatuon sa kung anong uri ng Diyos ang ating Diyos. Ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay hindi ang kasalatan o kahirapan ni Jesus at ng kanyang ama’t ina, kundi sa kayamanan, kabukasang-palad at pagiging mapagbigay ng Diyos at mahabagin para sa kanyang bayan.

Ito ang diwa ng Pasko … ang pagkakaloob ng Diyos ng biyaya – biyaya ng kaligtasan. Ang biyaya ng kaligtasan ay yaman mula sa Diyos, nag-uumapaw na grasya na hindi bagay na nararapat o karapatan ng tao, kundi isang wagas na tanda ng pag-ibig ng Diyos.

Generasyon … grasya … ito ang dapat natin pakatandaan. Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos kung kaya’t ipinagkaloob Niya ang sarili sa katauhan ni Kristong Panginoon, ang kanyang bugtong na Anak.

Salin-lahi … biyaya … Hindi tayo karapat-dapat pero ipinagkaloob sa atin ang kaligtasan. At ang dakilang biyayang ito ay ipinadaan niya sa mga taong siya ring naghatid sa atin ng buhay, sa pamamagitan ng kasaysayan, sa pamamagitan ng mga taong tulad natin ay nagkulang rin sa kadakilaan, ngunit pinadakila mismo ng Diyos.

Ito ang Pasko. Maganda mang isipin na ito ay batay sa kahirapan o karukhaan, ang tunay na kadakilaan ng Pasko ay batay hindi sa kasalatan, kundi sa kayamanan ng pag-ibig ng Diyos para sa kanyang bayan, para sa bawa’t isa sa ating lahat.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

TANGING INA, HINDI ITO ANG “LAST”

In Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon A on Enero 1, 2011 at 00:02

KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS
Enero 1, 2011

Hindi ko napanood pa ang “Tanging Ina, Last na Ito.” Pati nga yung una, at ang mga sumunod, hindi ko rin nakita. Pero sa mga narinig ko ay isang malaking tagumpay ang sineng ito, at ang huling ito ay hindi kakaiba.

Kapag ang pinag-uusapan ay ang ina, bumebenta, tumatawag ng pansin, humihila ng mga tagapanood. Ang ina ay tampulan ng maraming atensyon sa drama, sa panitikan, sa larangan ng sining. Libo libong mga pintor ang nagpinta sa figura ng ina, at ang Inang Birheng Maria ay naging inspirasyon ng libo-libo ring mga pintor na tanyag at di tanyag.

Nguni’t hindi lamang mga pintor, manunulat, at mga nagsusulong ng sining ang nabighani sa Mahal na Birhen. Pati ang simbahan, bilang pagtalima sa sinasaad ng Banal na Kasulatan, ay patuloy na nagsusulong ng debosyon sa figura ng Mahal na Birheng Maria, bilang Ina ng Diyos.

Ayon sa mga lumikha ng kwento at screenplay ng “Tanging Ina,” ito na ang pinakahuli. Hindi na sila muli gagawa ng kasunod pa nito. Naubos na kumbaga ang kanilang mga hinahabing mga kwento tungkol dito.

Mahigit nang dalawang libong taon na ang kwentong ito tungkol sa isang tanging babaeng hinirang, at pinutungan ng natatangin ring tungkulin at misyon ay ipinagdiriwang at patuloy na inilalahad.

Sa bagong taong ito, 2011, hindi ito ang “last.” Nagpapatuloy ito. Patuloy na naghahabi ng isang salaysay na may kinalaman sa ating lahat.

Isang librong hindi ko makalimutan magpahangga ngayon ay pinamagatang “The Man who Got Even with God.” Kwento ito tungkol sa isang monghe na nagdaan sa sari-saring pagsubok hanggang sa makaganti siya, kumbaga, sa Diyos. Isa sa mga linyang hindi ko malimot ay ito: ang bata sa ating lahat ay naghahanap ng isang ina. Ang lalaki sa ating lahat ay naghahanap ng isang babae, at ang conde sa ating lahat ay naghahanap ng isang condesa. Lahat tayo, bata, matanda, lalaki, babae, mayaman, mahirap, malakas, mahina, ay nangangailangan ng isang ina.

Tanging ina ang siyang ipinagdiriwang natin ngayon. Natatangi siya, una sa lahat, sapagkat hindi siya napadala sa agos ng kultura. Hindi niya kinitil ang kanyang anak, bagama’t hindi niya lubos na maunawaan kung ano ang nangyayari sa kanya. Hindi niya iwinaksi ang batang nabubuo sa sinapupunan dahil lamang na hindi niya lubos na maarok ang milagrong nagaganap sa kanyang pagkatao.

Siya ay tanging ina sapagkat tumalima, sumunod, nakibagay, nakipagtulungan, at nakisama sa balak at kalooban ng Diyos. Sa panahong ito kung kailan saksakan ng dami ng mga pasaway sa bayan natin, kung saan kay raming mga katiwalian, at kawalang pagsunod sa batas, kailangan natin ng modelo ng tanging inang na si Maria.

Nagulumihanan? Sumunod pa rin siya. Natakot? Tumalima pa rin siya. Nangamba? Sumagot pa rin siya ng “Oo” sa Diyos.

Ito ang kwento ng ating Ina, ng Ina ni Kristo, Diyos at tao. Ang pistang ito ay hindi tungkol sa kanya, kundi tungkol, una sa lahat, kay Kristo ng kanyang Anak. Kung si Kristo ay Diyos, ang nagluwal sa kanya ay Ina ng Diyos. Ito ang kwentong inilalahad at ipinagdiriwang pa rin natin ngayon.

Tanging Ina natin si Maria, sapagka’t kapatid natin si Kristong kanyang anak. At ang kwentong ito ay hindi ang last. Patuloy itong nagaganap, patuloy na pinagyayaman, at patuloy nating ipinagdiriwang. Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!