frchito

Posts Tagged ‘Oktaba ng Paskuwa’

SA TOTOO LANG!

In Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Abril 26, 2014 at 05:55

ThomasBelieving

Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay (A)
Abril 27, 2014

SA TOTOO LANG!

Malimit natin marinig ang mga katagang ito sa mga “tell-all” ng mga showbiz personalities. Aminin! … Huwag kang tatanggi! Bilang tugon, malimit itong ipinapalaman sa mga salita ring ito: “Sa totoo lang!”

Pati ang mga senador at lahat ng nabuking o nasangkot sa pork barrel scam ay walang ibang malamang isagot kundi, “sa totoo lang!”

Ito naman ang sagot ko … “Wish ko lang” … Wish ko lang na lahat ay matuto at tumulad kay Tomas. Maraming nagsabi noong nakaraang panahon na si Tomas diumano ay isang mapagdudang tao. Hindi raw siya naniwala agad sa balita ng mga disipulong nakakita kay Jesus na muling nabuhay. Hangga’t hindi raw niya nakita ang mga sugat at nahipo ang tagiliran ng Panginoon ay hindi raw siya maniniwala.

Medyo palpak ang dating ni Tomas. Pero sa aking wari, wala namang masama ang hindi agad maniwala. Sa katunayan, para sa akin, may isang ginintuang bahagi ng pagkatao ni Tomas na gusto ko sanang ipamulat sa aking mga tagabasa ngayon.

Oo nga’t si Tomas ay nagduda. Oo nga’t hindi niya sinang-ayunan agad ang narinig na mga kwento. Pero si Tomas, higit sa lahat, ay tapat. Sinabi niya kung ano ang nilalaman ng kanyang isipan. Hindi niya hinilot ang totoo. Hindi niya kinulayan. Hindi niya binalutan ng kung ano-anong mga pabalat-bunga o palusot. Sa totoo lang … hindi ako maniniwala hangga’t hindi ko nahihipo ang sugat niya. Tapos ang usapan! Walang paligoy-ligoy. Walang patumpik-tumpik. Walang paikot-ikot. Walang pambobola!

Ewan ko kung ano ang inyong posisyon sa mga pambobolang nakikita natin ngayon sa ating lipunan. Hindi na natin alam kung sino ang dapat paniwalaan. Lahat sila ay ito ang linya … Sa totoo lang … Pero kung paniniwalaan natin silang lahat, walang nawalang pera. Walang lumustay ng pera. Walang nakinabang sa pera ng bayan. Walang nagnakaw. Subali’t ang nagsusumigaw na katotohanan ay ito … Walang nakinabang na dapat makinabang. Mahirap pa rin ang mga magsasaka. Wala silang tinanggap na mga abono. At sa anik-anik na mga foundations, wala sa milyon milyong mahihirap ang nakinabang sa perang naglaho na lamang na parang bula. At wala isa man sa kanila ang umaamin. Mabuti pa si Cristy Per Minute noong araw, at si John Lapus … napapa-amin niya ang mga artistang walang sawang sinusubaybayan ng mga tagahanga … Masaya na silang lahat sa kapirasong katotohanan … kaunting silip sa kanilang pribadong pamumuhay, kahit na sila ay lantarang niloloko ng mga congressmen at mga senador, na tinatawag pa rin nilang honorable.

Kung tutuusin wala akong pakialam ano man ang inyong posisyon sa mga nagaganap na ito. Pero may malasakit ako sa inyong posisyon sa harap ng Panginoong totoong nagdusa, totoong namatay, at totoo ring muling nabuhay.

Si Tomas ay aking modelo para sa ating lahat. Hindi siya nanatili sa duda. Hindi siya nagmatigas sa hindi paniniwala. Nang dumating si Jesus muli pagkatapos ng isang Linggo, inanyayahan niya si Tomas: “Tingnan ang aking mga daliri at tagiliran … Huwag magduda kundi maniwala.”

Hindi nagdobleng isip si Tomas. Kagyat siyang tumugon: “Panginoon ko at Diyos ko!”

Wala na ako roon kung ano man ang inyong saloobin at isipin sa kung sino ang nagsisinungaling at nagsasabi ng totoo sa ating mga honorable. Hindi natin pag-aawayan ang bagay na iyan.

Pero bilang kapwa mananampalataya at tagasunod ni Kristo, may malasakit ako sa inyong tugon dito: “Si Kristo ba ay tunay ninyong Diyos at tunay ninyong Panginoon?”

At hindi puede ang sagot na ito … “Wish ko lang!” Gawin mo. Lumapit kay Jesus at sabihin: “Panginoon ko at Diyos ko!”

KAGALAKAN, KASULATAN, KAPAYAPAAN!

In Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Abril 5, 2013 at 14:39

imagesIkalawang Linggo  ng Pagkabuhay (K)

Abril 7, 2013

KAGALAKAN, KASULATAN, KAPAYAPAAN!

Ikawalong araw ngayon mula sa Linggo ng Pagkabuhay. Oktaba ng paskuwa kung tawagin. Sa nakaraang Linggo ang bawa’t araw ay parang Linggo ng Pagkabuhay. Iyan ay sapagkat ang Paskuwa ang pinakarurok ng taon ng Simbahan, o taong liturhiko – ang sukdulan ng pananampalatayang Kristiyano na nakabatay sa muling pagkabuhay ng Panginoon.

Sa tatlong pagbasa ngayon, marami ang tinutumbok, pero may ilan na lumulutang kumbaga … malinaw at madaling makita, kumbaga.

Ang una ay ito: ang pagkabuhay ng Panginoon ay nagdulot ng matinding pagbabago sa mga disipulo. Ano-ano ang ating nakikita? Una sa lahat, ay “maraming kababalaghan ang ginawa ng mga apostol.” Pati si Pedro ay naging tulad ng Panginoong nagpagaling ng mga maysakit. Ang hiling ng marami ay ito … na kahit man lamang sana kanyang anino ay tumama sa kanila.

Sa ikalawang pagbasa, ito naman ang bunga para kay Juan … Nang makita niya ang pangitain ng Panginoong muling nabuhay, narinig niya ang utos na “isulat ang lahat ng kanyang nakita.”

Nguni’t sa ebanghelyo, bago nila makita ang Panginoong muling nabuhay, sila ay binalot ng takot at pangamba kung kaya’t nagtago sila sa taas ng bahay. Malinaw na ayon sa ebanghelyo ni Juan, nang bigyan sila ng kapayapaan ni Kristo at ipakita niya ang kanyang mga sugat sa kanila, ang lahat ay napuno ng kagalakan. Ang takot an napalitan ng tuwa, at sila ay pinagkalooban ng kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.

Iba talaga kapag naging saksi sa isang dakilang bagay!

Mayroong mga karanasang hindi lamang dapat gunitain at balik-balikan. May mga karanasang nagbibigay ng matinding pagbabago sa ating pagkatao. Ito ang pinagdaanan ng mga disipulo. Nang makita nila si Kristong muling nabuhay, ang takot ay naging kagalakan. Ang simpleng pangaral ay naging panawagan upang gumawa ng kasulatan, tulad ni Juan, at ang pangamba ay napalitan ng kapayapaan!

Subalit lahat tayo ay parang si Tomas na hindi kagya’t naniwala. Medyo makunat nang kaunti si Tomas, na ginusto pa niyang makita ang mga sugat, at mahipo ang kanyang tagiliran, tulad natin kung minsan na hindi agad nagtitiwala, hindi agad naniniwala, at pati mga pangako ng Diyos ay pinagdududahan.

Pero may magandang ginawa si Tomas na dapat nating tularan. Kahit absent siya noong unang nagpakita ang Panginoon, pinilit niyang makarating sa sunod na pagkakataon. Patuloy siyang naghanap ng totoo, at hindi nanatili sa kadiliman ng pagdududa. Nakinig siya sa mga kwento ng mga kasamahan at hindi tumalikod sa kanyang pagiging kabilang sa mga disipulo ng Panginoon.

At ito pa ang matindi … Kahit na medyo nagmatigas siya noong una at sinabing hangga’t hindi niya nakikita o nahihipo ang mga sugat ng Panginoon ay hindi siya maniniwala, nang dumating ang Panginoon at nagpakita sa kanila, hindi na niya hinanap ang mga sugat. Hindi na siya nagpumilit na hipuin pa at masdan ang mga iyon.

Nang makita na niya ang Panginoon, isang panalanging puno ng pag-ibig at pananampalataya ang namutawi sa kanyang mga labi: “Panginoon ko at Diyos ko!”

Anong pagbabago ba ang naging bunga ng muling pagkabuhay sa buhay natin? Anong panalangin ba ang puede nating bigkasin bilang saksi ng kanyang muling pagkabuhay?

Tatlo ang naging bunga sa mga disipulo: Kagalakan, kasulatan, at kapayapaan!