frchito

Posts Tagged ‘Oktaba ng Paskuwa’

KAYAMANANG DI MASISIRA, DI KUKUPAS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Abril 29, 2011 at 13:38

Ika-2 Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 1, 2011

Ang gaganda ng mga sapatos ngayon, lalu na ang mga noong araw ay tinatawag na “sapatos de goma.” Magaang, maganda ang hugis, makulay, iba-iba ang anyo at hugis, at lalung higit, pinatutunayan ng mga pinakatanyag na manlalaro sa buong mundo. Pati si Manny Pacquiao ay mayroong sariling linya ng sapatos sa Nike, tulad ni Jordan, na may sariling tatak na “Air Jordan.”

Napakagaganda rin ang mga iPods at mp3 players. Lahat ng produkto ng Apple ay hindi nagtatagal. Hindi mo pa man nagagamit nang lubos ang iyong nabiling iBook, Mac Book, o iPad, mayroon nang bagong labas na umaakit kaninuman upang iwaksi na ang luma, at kunin ang mas bago.

Ayaw natin ng luma … lumang pagkain, lumang damit, kupas na mga kasuotan, gasgas na mga sapin sa paa, at anuman. Ayaw natin ng datihan; at ang gusto natin ay lahat baguhan at hindi pa nagagamit ninuman. Sa Amerika, kung saan naroon ako sa panahong ito, tuwing “Black Friday” sa araw matapos ang Thanksgiving Day, libo-libo sa buong Amerika ang nagpupuyat, nag-aabang, at nag-uunahan makabili lamang ng pinakabagong abubot na elektronika, pinakabagong Sony Play station, o pinakabagong plasma TV, at marami pang iba.

Pagbabago … panibagong buhay … bagong sibol at bagong simula ang hanap ng lahat.

Subali’t alam natin ang kalalagayan at katatayuan ng anumang nilikha ng tao … naluluma, nalalaos, kumukupas, at lumilipas!

Hindi ko malimutan ang una kong mamahaling pares ng sapatos de goma, maraming taon na ang nakararaan. Bigay at padala ng kapatid ko mula Amerika. Alagang-alaga ko ang sapatos na yaon. Minsan-minsan ko lang ginamit upang mapatagal, upang hindi madumihan, at hindi maluma agad. Sa aking pagsisinop, mas matagal ang panahong nakatabi sa kabinet ang pares. Isang araw, ginamit ko iyon, at habang naglalakad, napansin kong may kakaibang pakiramdam sa paa ko … Parang hindi pantay ang aking lakad. At nang makita ko ang pinakamamahal kong sapatos, nalagas palang parang pulbos ang swelas ng sapatos sa kanang paa. Nalusaw ang swelas at naglaho na lamang at sukat! Sa gitna ng isang nakahihiyang pangyayari, isang palaisipan ang nanatili sa akin … May hangganan at wakas ang lahat, at kapag nawala na ito, wala akong angking kapangyarihan upang pagpanibaguhin ang isang sapatos na biglang naging luma, naging walang silbi, walang halaga.

Ganito ang naganap nang tayo ay magkasala … Naglaho ang buhay maka-Diyos natin, naglaho ang buhay ng grasya at namatay ang kaluluwa sa kasalanan. Nawala ang karapatan natin upang makapiling ang Diyos. Nawala tayo sa hanay ng mga banal. Nasadlak tayo sa kadiliman. Nawala ang buhay maka-Diyos na sa mula’t mula pa ay nakalaan para sa atin.

Subali’t ang daang tinahak ng Panginoon ay naging simula ng isang bagong liwanag, isang bagong pangako, isang muling panimula, at isang panibagong buhay. Naganap ito nang Siya na sumuong sa kamatayan para sa atin ay muling nabuhay. Sa kanyang pagtatagumpay, nabago nang ganap ang takbo ng buhay ng tao. Sa kanyang pagbangon mula sa kamatayan, nagkamit tayo ng isang pangakong hindi kailanman magagapi ng anumang kapangyarihan sa daigdig. Sabi ni San Pedro, “tayo’y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesukristo.”

Sa pagiging taga-sunod ni Kristo, mabubulok at mabubulok pa rin ang sapatos natin, ang gamit natin. Kukupas, maluluma, at mawawala ang lahat ng mga ginawa nating material. Pati ang katawang-lupa natin ay maglalaho at mamamatay. Kahit bumili tayo ng bagong iPod, sa susunod na anim na buwan ay luma na rin, sapagka’t may bago na namang lalabas paglaon.

Nguni’t ang pagkaluma ng lahat ng ito ay isang pahiwatig, isang paalaala sa atin na may higit na pagbabago na dapat nating asamin at pagsikapang kamtin … ang dakilang pagbabagong dulot ng muling pagkabuhay ng Panginoon.

May bagong darating … May dakilang pagbabagong naghihintay sa atin … isang panibagong buhay na kaakibat ng bagong buhay ni Kristo … Si Pedro na ang nagsasabi sa atin: “Ang bagong buhay na iyan ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na kakamtan natin ang isang kayamanang walang kapintasan, di masisira, at di-kukupas. Ang kayamanang iya’y nakalaan sa inyo doon sa langit.”

Ano pa ang hahanapin natin? Masisiyahan na lang ba tayo sa bagong bagay na makamundo, na bukas at makalawa ay luma na rin? Masisiyahan ba tayo sa isang bagay na pinakamahalaga ngayon, nguni’t bukas at makalawa ay luma na, kupas na, at lipas na?

Iisa lamang ang tunay na pagbabagong minimithi ng lahat – ang bagong buhay natin kay Kristong ating Panginoon!

ARAW NA GINAWA NG PANGINOON!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon K on Abril 8, 2010 at 07:26

Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay(K)
Abril 11, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 5:12-16 / pahayag 1:9-11a, 12-13, 17-19 / Juan 20:19-31

Tinatapos natin ngayon ang oktaba ng Pascua, ang ikawalong araw matapos ang dakilang kapistahan ng pagkabuhay. Ang tatlong pagbasa ay pawang may kinalaman sa isang hanay ng mga pagbabago at pagpapanibagong dulot ng muling pagkabuhay ni Kristo.

Sa unang pagbasa mula sa Gawa, sinasaad ang mga kababalaghang naganap sa pamamagitan ng mga apostol … “at dumating din ang maraming taong buhat sa mga bayang kanugnog ng Jerusalem, dala ang kanilang maysakit at mga pinahihirapan ng masasamang espiritu; at silang lahat ay pinagaling.”

Sa ikalawang pagbasa mula sa Pahayag, malinaw namang ipinahahayag ang batayan ng lahat ng bagong katotohanang ito – ang katotohanang si Kristong muling nabuhay ay “ang simula at ang wakas, at ang nabubuhay!”

Subali’t hindi lahat ay nakapansin sa mga bagong bagay na naganap. Mayroong naiwan kumbaga. Mayroong medyo nadehado at hindi nakakuha nang ganap sa mga kababalaghang nangyari.

Isa na rito si Tomas. Wala siya nang unang nagpakita ang Panginoong muling nabuhay. Hindi siya lubos na nagtiwala sa mga balitang dumating sa kanya. Gusto niyang magsigurado. Gusto niyang makatiyak.

Si Tomas ay puedeng maging larawan ng kung ano tayo ngayon … mga taong sinasagian ng lahat ng uri ng pagdududa at sari-saring pagtatanong. Marami tayong tanong kung may malasakit pa ba kaya ang Diyos sa kanyang nilikha. Sunod-sunod ang mga trahedya sa iba-ibang bahagi ng mundo. Sa ating bayan, ang pinakamasahol na trahedya ng politika ay patuloy na namamayagpag sa bayan, ang mga nagpapakilalang mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga mahihirap ay silang unang-unang pinagdududahan ng balana.

Iisa ang namumuong diwa sa ating isipan … buhay ba kaya ang Diyos at may malasakit pa ba kaya siya sa atin?

Ito ang lambong na tinanggal sa ating mga mata sa araw na ito. Ito ang dahilan kung bakit sa tradisyon ng banal na kasulatan, ang araw na ito ay tinatawag na araw ng Panginoon, araw na nilikha ng Diyos.

Nguni’t mula sa parehong Kasulatan natin matutunghayan ang kasagutan sa mga katanungan natin. At ang malinaw na tugon ay walang iba kundi ito … Darating ang araw ng Panginoon, ang araw na itinakda niya, araw na hindi nagdidipende sa tao at hindi natin maitatakda.

Matagal na panahon ang hinintay ng bayan ng Diyos. Matagal silang umasa at naghintay. Sa panahon natin, ito pa rin ang ating pinagdadaanan. Marami nang taon ang nagdaan magmula nang tayo ay umasa sa pagbabago sa lipunan natin. Noong kami ay mga bata pa, umasa kami sa “bagong lipunan” at “bagong bukas” ni Marcos. Makaraan ang 20 taon, umasa pa rin tayo sa malaking pagbabagong dulot ng People Power laban kay Marcos. Umasa pa rin tayo sa mga sumunod na pinuno, na pawang naging isang malaking dagok sa ating inaasam at hinahanap.

Ngayon, nalalapit na naman ang eleksyon. Puno na naman ng palsong pag-asa ang mga mangmang, ang mga madaling madala ng pangako, at pa-cute ng mga artista at mga payaso sa gobyerno. Panay ang pangako at paninirap sa isa’t isa.

Ito ba ang araw na ginawa ng Panginoon?

Panahon na upang matuto tayong lahat sa tunay na kahulugan ng pagkabuhay. Wala sa sinumang tao ang ating kaligtasan. Hindi nakasalalay sa kaninuman ang ating kinabukasan. At ang liksyon ng araw na ito ay malinaw. Siya na lumikha sa araw na ito ang tangi nating muog, haligi, at kaligtasan. Si Kristo lamang ang tanging makapagpapanibago ng buhay natin, hindi batay sa panlabas na anyo, kundi sa kaibuturan ng pagkatao natin.

Malinaw ito sa mga mahal na araw na ipinagdiwang natin. Malinaw na ang bagong buhay ay dapat magdaan sa pagkamatay sa sarili. Malinaw na walang muling pagkabuhay kung walang Biernes Santo. Walang aanihin kung walang itinanim. Walang ginhawa kung hindi dadaan sa hirap at dusa. Walang koronang maluwalhati kung walang krus na papasanin ang tanan, bilang pagtulad sa landas na tinahak ni Kristo.

Dito ngayon papasok ang magandang balita ng kaligtasan. Si Kristo ay nagdusa. Si Kristo ay namatay para sa atin, at si Kristo ay muling nabuhay.

Dapat ring ito ang maganap sa ating lipunan, sa ating sarili, sa buhay at sa bahay ng bawa’t isa. “Hanggang hindi nahuhulog ang isang butil ng trigo at namamatay, hindi ito magbubunga ng anuman.”

Madali ang mag-ingay at magpuputak sa mga liwasan sa Maynila. Madali ang magsira ng mga upuan at gamit sa pampublikong mga paaralan kung ayaw natin ang anumang balakin ng mga nasa itaas. Madali ang tumulad sa mga Ampatuan na ang problema ay sinosolusyunan lamang ng pagpaslang at pagkitil ng buhay na inosente.

Ngunit hindi ito ang liksyon ng Banal na Kasulatan. Hindi rin ito ang aral ng Mahal na Araw at ng Linggo ng muling pagkabuhay. Bagama’t mahabang lakbayin ito, ito ang araw na ginawa ng Panginoon, at hindi tayo. Ang kaligtasan ay kanyang gawain, hindi atin. At ang unang unang dapat gawin ng mga taong naghihintay at umaasa, ay ang tumalima at sumunod sa kanyang halimbawa.

Kailangan natin magdusa at mamatay tulad ng butil ng trigo, upang mabuhay at magbigay buhay sa kapwa. At kailan tayo dapat magsimula?

Sa araw na ito … “tingnan ang mga daliri ni Kristo … haplusin ang kanyang tagiliran … damahin ang kanyang pinagdaanan” … Naganap ang araw na ito sapagka’t hinarap niya ang hinihingi ng araw ng pagdurusa at pag-aalay ng sarili. At ito ay nagbunga sa dakilang araw ng tagumpay … Ito ang araw na ginawa ng Panginoon!