frchito

Posts Tagged ‘Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit’

KARUNUNGAN AT TUNAY NA PAGKILALA

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Hunyo 1, 2011 at 11:55

Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon(A)
Hunyo 5, 2011

Marami ang marunong sa ating panahon ngayon. Lalung marami ang nagmamarunong. Marami ang nagsasabing sila raw ay katoliko. Nag-aral at nagpakadalubhasa sa mga katoliko raw na mga paaralan, nagkamit ng maraming gantimpala at parangal. Maalam at matalino, marunong at paham … marami ang narating, at ang iba ay nahalal pa sa mga matataas na posisyon sa lipunan at pamahalaan.

Kung karunungan lang ang pag-uusapan, tunay na marami ang maalam.

Kay dami kong naging ka-iskwela at kalaro na masasabing matalino at paham. Mahusay sa lahat ng larangan ng pagsusunog ng kilay … matataas ang lahat ng grado. Noong kami ay mga bata pa, kasabihan nang ang mga ito ay may magandang kinabukasang naghihintay!

Ngunit sa paglawig ng panahon, nagkaroon ng kaibahan ang mahusay lamang sa aral, at ang tunay na magaling. Nagkaroon ng kaibahan ang paham lamang at ang tunay na marunong.

Sa pistang ito ng pag-akyat ng Panginoon sa langit, dito natin makikita ang kahulugan ng karunungang tunay ayon sa kagustuhan ng Diyos. At ang karunungang ito ay may kinalaman sa katotohanang ang buhay ng tao ay hindi lamang para rito sa lupang ibabaw at para ngayon.

May kinalaman ito sa panawagang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa kanyang pagkakatawang-tao. Ito ang binabanggit ni San Pablo sa liham niya sa mga taga Efeso – ang pangangailangang mabatid natin ang pag-asang kaakibat ng kanyang “pagkatawag sa atin.”

Nakalulungkot na dumarami ang mga “cafeteria catholics” na namimili ng kung ano ang gustong paniwalaan. Katoliko daw sila, ngunit sinisiphayo ang mahahalagang pangaral ng Simbahan na hindi akma sa kanilang “kaalaman.” Nakalimutan nila na ang buhay ng tao ay hindi lamang para sa mundong ito, at lalung hindi lamang para sa progreso ng bansa, na walang pakundangan sa kalooban ng Diyos.

Maraming mga pagsasaliksik ayon sa agham na magkakasalungat. Maraming mga pag-aaral ang hindi nagtutugma. Maraming sala-salabat ng mga datos ang nagtuturo sa gawaing ito. Kung kaalaman lamang ang paiiralin, hindi malayong maging tama ang mali, at ang mali ay gawing tama. Madali makakita ng pagbabatayan. Madali makakita ng anumang maaring sumoporta kahit sa palsong mga pananaw. Kaalaman lamang ang kailangan.

Nguni’t ang pagiging tao natin, na nakatuon, hindi lamang sa mundong ibabaw, ay hindi lamang nababatay sa kung ano ang sinasabi ng mga pagsasaliksik. Mayroong higit na batayang dapat tayong pansinin at paka-ingatan.

Ito ang ipinahihiwatig ng kapistahan natin sa araw na ito – ang pag-akyat ng Panginoon sa langit. Naging tao siya tulad natin. Nagpakasakit. Namatay at muling nabuhay. Nguni’t tulad nga ng sinabi ni San Agustin, naging tao siya, upang ang tao ay maging tulad ng Diyos, maging katulad niya. Ang kanyang pag-akyat sa langit ay isang pahimakas ng luwalhating naghihintay sa atin, kapiling ng Ama sa langit.

Kung ganito ang hantungan natin, malinaw na ang batayan ng pamumuhay natin ay nasa itaas, nasa larangan ng buhay pang espiritwal, pang-kaluluwa, at malinaw rin na ang mga pagpapahalagang dapat natin sundan at pagyamanin, ay hindi lamang ang pang-ngayon at pang-dito sa lupang ibabaw.

Kailangan natin tumingala sa langit. At kailangan natin matapos tumingala sa langit, na bumalik sa lupa, sa buhay natin pang-araw-araw, upang ihatid ang magandang balitang naghihintay sa atin – ang buhay na walang hanggan, kasama ang Diyos.

Malaking problema ang kahirapan. Ngunit’ mas malaking problema ang mawalan ng pagpapahalagang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Malaking problema ang kawalang kaalaman, ngunit lalung malaking problema ang mawalan ng tunay na karunungan. At ayon sa Biblia, ang tunay na karunungan ay nagmumula sa banal na pagkatakot sa Diyos – ang pagkilala sa Kaniya, ang pamumuhay, ayon sa kanyang balak at disenyo para sa tao. Nawa’y magkatotoo sa buhay natin ang panalangin ni San Pablo: “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin.”

KAPANGYARIHAN MULA SA ITAAS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 11, 2010 at 09:02


Pag-akyat sa Langit ng Panginoon(K)
Mayo 16, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Efeso 1:17-23 / Lukas 24:46-53

Nagsalita na ang taong-bayan. Matapos ang pagtutungayaw, pagpapalitan ng mga maaanghang na salita, mga patutsada at mga paratang, nagwakas na ang maingay at masalimuot – at – mahal na halalan. Hindi nanalo ang siyang may pinakamalaking salaping ginastos … hindi rin ang siyang pinakamagaling at pinakamatalino … at lalong hindi ang siyang pinaka-popular at iniidolo ng masa. Hindi man ako sang-ayon sa kung sino ang nagwagi, ang katotohanan ay ito … nagsalita na ang taong-bayan.

Sa mga pagkakataong ito, panghihina ang aking nararamdaman, panlulumo, at panghihinayang. Sa aking makatao at makamundong pagtingin sa mga bagay-bagay, mahirap tanggapin na ang kalooban ng Diyos ay tunay na nagdadaan sa tinig ng mga mamamayan, subali’t sa mata ng pananampalataya, ay wala akong ibang masasabi liban dito. Hindi man ako sang-ayon sa mga nanalo at mamamayagpag sa susunod na 6 na taon, batid kong ang kalooban ng Diyos ang siyang dapat maghari hanggang sa wakas ng mundo.

Dito ngayon papasok ang magandang balitang taglay ng mga pagbasa natin. Ang tatlong pagbasa ay tumutumbok sa iisang paksang komun – ang kapangyarihan. Ito ang katagang hindi makatkat sa aking isipan sa mga araw na ito … kapangyarihan. Kung titingnan natin ang makamundong mga pangyayari, ang kapangyarihang hawak ng marami ay galing sa iba’t ibang uri ng pandaraya, panlalamang, paniniil, at pansisikil. Ito ang kapangyarihang galing sa dahas, sa bunong braso, sa pagsasamantala sa kapwa.

Hindi ito ang magandang balita na pinapaksa sa kapistahan natin ngayon – ang pag-akyat ng Panginoong Jesucristo sa langit. Para sa Banal na Kasulatan, ang kapangyarihan ay galing mula sa itaas. Ayon sa Gawa ng mga apostol, ito ay kaakibat ng “pagbaba ng Espiritu Santo.” Ang kapangyarihang ito ay hindi lamang galing sa itaas. Ito ay kaakibat rin at karugtong at kasama ng “karunungan at ng tunay na pagkakilala sa Kanya,” ayon sa sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso. Ang tunan na pagkakilalang ito ay may kinalaman sa ngalan ng Diyos na hindi lamang isang pangalan … “higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan.”

Sa hanay ng mga kandidato sa pagka-Senador, nagsipagbalikan ang mga pangalang palasak at kilala na noon pang araw … mga pangalan ng kani-kanilang ama o tiyo, o nanay o lolo. Ewan ko ba kung bakit, pero sa Pinas, ang “name recall” ang pinakasiguradong pasaporte sa “paglilingkod sa bayan.” At hindi na natin dapat ilista ang mga ngalang ito …

Sa araw na ito, ang ngalang higit sa lahat ng ngalan ay nagpakita ng patunay na hindi maipagkakaila – ang luwalhating sumakob sa kanya bilang Diyos na nagkatawang-tao, nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay! Siya ay hindi nagapi ng kasamaan, kasalanan, at katiwalian. Hindi lamang siya muling nabuhay, bagkus umakyat sa langit at naluklok sa kanan ng Ama.

Aking mungkahi sa bayang Pilipino na tingnan natin ang liksyong nagtatago sa sa tila isang pagkabigo at pagkatalo ng ilan sa atin, kasama ako. Hindi lumabas ang ngalan ng inaasahan kong mag-aangat sa bayan nang tunay at nararapat. Hindi nanalo ang aking inaasahang dapat manalo at mamuno.

At habang ako ay nakakaramdam ng panlulumo, ang magandang balita ng kaligtasan ay muling sumasagi sa daloy ng aking kamalayan. Hindi tao ang siyang mag-aahon sa atin. Hindi sinumang ngalang makatao ang siyang hahatak sa atin, bagkus ang ngalan na higit sa anumang ngalan sa mundong ibabaw.

Ito ang diwa ng kapistahan ng pag-akyat ni Jesus sa langit … tagumpay at kapangyarihan … kapangyarihang hindi ayon sa pamamaraang makamundo at makatao, kundi kapangyarihan mula sa itaas, na kaakibat ng karunungan.

Marahil ay karunungan ang siyang dapat bigyang-pansin at diin sa ating lipunan. Masyadong malakas ang pokus sa kapangyarihan – mga posisyon ng pamumuno. Subalit hindi posisyon ang pokus ng Panginoon, kundi paglilingkod. Ang kanyang kapangyarihan ay hindi pinangunahan ng anuman liban sa karunungan mula sa itaas.

Sa darating na Junio 30, bago na ang Presidente natin. Hindi man natin gusto o gusto man natin siya, pareho at iisa ang dapat nating pagtuunan ng pansin – ang magkamit ng karunungan mula sa itaas, ang kaalamang may kinalaman sa pagkilala sa tunay at dakilang ngalan ng Panginoon. Siya, tayong lahat ay dapat matuto sa kanya.

At alam natin ang unang liksiyon na dapat nating matutunan. Hindi nagsisimula at natatapos ang korupsyon sa Malakanyang o sa Congreso o Senado o pamahalaang bayan – o barangay! Nagsisimula ito sa puso ng bawa’t isa sa atin. At sinumang mamuno sa bayan, libang kung tanggapin natin at kilalalanin natin lahat ang katotohanang ito, ay hindi tayo paghaharian ng karunungan mula sa itaas.

Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Panginoon! Mabuhay ang mga namumunong pinamumugaran ng karunungang mula sa Diyos!