frchito

KARUNUNGAN AT TUNAY NA PAGKILALA

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Hunyo 1, 2011 at 11:55

Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon(A)
Hunyo 5, 2011

Marami ang marunong sa ating panahon ngayon. Lalung marami ang nagmamarunong. Marami ang nagsasabing sila raw ay katoliko. Nag-aral at nagpakadalubhasa sa mga katoliko raw na mga paaralan, nagkamit ng maraming gantimpala at parangal. Maalam at matalino, marunong at paham … marami ang narating, at ang iba ay nahalal pa sa mga matataas na posisyon sa lipunan at pamahalaan.

Kung karunungan lang ang pag-uusapan, tunay na marami ang maalam.

Kay dami kong naging ka-iskwela at kalaro na masasabing matalino at paham. Mahusay sa lahat ng larangan ng pagsusunog ng kilay … matataas ang lahat ng grado. Noong kami ay mga bata pa, kasabihan nang ang mga ito ay may magandang kinabukasang naghihintay!

Ngunit sa paglawig ng panahon, nagkaroon ng kaibahan ang mahusay lamang sa aral, at ang tunay na magaling. Nagkaroon ng kaibahan ang paham lamang at ang tunay na marunong.

Sa pistang ito ng pag-akyat ng Panginoon sa langit, dito natin makikita ang kahulugan ng karunungang tunay ayon sa kagustuhan ng Diyos. At ang karunungang ito ay may kinalaman sa katotohanang ang buhay ng tao ay hindi lamang para rito sa lupang ibabaw at para ngayon.

May kinalaman ito sa panawagang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa kanyang pagkakatawang-tao. Ito ang binabanggit ni San Pablo sa liham niya sa mga taga Efeso – ang pangangailangang mabatid natin ang pag-asang kaakibat ng kanyang “pagkatawag sa atin.”

Nakalulungkot na dumarami ang mga “cafeteria catholics” na namimili ng kung ano ang gustong paniwalaan. Katoliko daw sila, ngunit sinisiphayo ang mahahalagang pangaral ng Simbahan na hindi akma sa kanilang “kaalaman.” Nakalimutan nila na ang buhay ng tao ay hindi lamang para sa mundong ito, at lalung hindi lamang para sa progreso ng bansa, na walang pakundangan sa kalooban ng Diyos.

Maraming mga pagsasaliksik ayon sa agham na magkakasalungat. Maraming mga pag-aaral ang hindi nagtutugma. Maraming sala-salabat ng mga datos ang nagtuturo sa gawaing ito. Kung kaalaman lamang ang paiiralin, hindi malayong maging tama ang mali, at ang mali ay gawing tama. Madali makakita ng pagbabatayan. Madali makakita ng anumang maaring sumoporta kahit sa palsong mga pananaw. Kaalaman lamang ang kailangan.

Nguni’t ang pagiging tao natin, na nakatuon, hindi lamang sa mundong ibabaw, ay hindi lamang nababatay sa kung ano ang sinasabi ng mga pagsasaliksik. Mayroong higit na batayang dapat tayong pansinin at paka-ingatan.

Ito ang ipinahihiwatig ng kapistahan natin sa araw na ito – ang pag-akyat ng Panginoon sa langit. Naging tao siya tulad natin. Nagpakasakit. Namatay at muling nabuhay. Nguni’t tulad nga ng sinabi ni San Agustin, naging tao siya, upang ang tao ay maging tulad ng Diyos, maging katulad niya. Ang kanyang pag-akyat sa langit ay isang pahimakas ng luwalhating naghihintay sa atin, kapiling ng Ama sa langit.

Kung ganito ang hantungan natin, malinaw na ang batayan ng pamumuhay natin ay nasa itaas, nasa larangan ng buhay pang espiritwal, pang-kaluluwa, at malinaw rin na ang mga pagpapahalagang dapat natin sundan at pagyamanin, ay hindi lamang ang pang-ngayon at pang-dito sa lupang ibabaw.

Kailangan natin tumingala sa langit. At kailangan natin matapos tumingala sa langit, na bumalik sa lupa, sa buhay natin pang-araw-araw, upang ihatid ang magandang balitang naghihintay sa atin – ang buhay na walang hanggan, kasama ang Diyos.

Malaking problema ang kahirapan. Ngunit’ mas malaking problema ang mawalan ng pagpapahalagang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan. Malaking problema ang kawalang kaalaman, ngunit lalung malaking problema ang mawalan ng tunay na karunungan. At ayon sa Biblia, ang tunay na karunungan ay nagmumula sa banal na pagkatakot sa Diyos – ang pagkilala sa Kaniya, ang pamumuhay, ayon sa kanyang balak at disenyo para sa tao. Nawa’y magkatotoo sa buhay natin ang panalangin ni San Pablo: “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: