frchito

Posts Tagged ‘Pag-asa’

DAHONG LAGAS, SIMPLENG LUWAD, DAKILANG NILIKHA!

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon B on Nobyembre 23, 2011 at 07:47

Unang Linggo ng Adbiyento(B)
Nobyembre 27, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 63:16-17.19; 64:2-7 / 1 Cor 1:3-9 / Marco 13:33-37


Sapat nang tingnan ang mga nagaganap sa paligid natin. Sapat nang dinggin ang mga komento ng mga taong nagbababad sa kompyuter at internet, at walang ginawa kundi ang magbigay komento sa mga nagaganap sa lipunan natin. Sapat na ring bigyang sulyap ang nagaganap sa Europa, sa Italia at sa Grecia, at ang kakulangan ng trabaho para sa mga tao sa Amerika … Ang lahat ay masamang balita… ang lahat ay parang larawan ng ngayon ay nangyayari sa kanluran – taglagas, tagtuyo ng mga dahon, at ang pagsapit ng madilim, malamig, at malungkot na taglamig!

Bagama’t mainit sa kung saan tayo naroroon, taglagas ang dating ng mga pangyayari. Ilang beses na natanghal ang bansa natin bilang kulelat sa maraming bagay … kulelat sa airport, kulelat sa pagtatayo ng negosyo, kulelat sa iba pang bagay. Napag-iiwanan kumbaga, nilalait ng ibang bansa, at hindi iginagalang ang pasaporte natin.

Mga dahong lagas ng lumipas na karangyaan at kadakilaan ang ating nababakas … mga dahong lagas ng kawalang pag-asa, at kawalang direksyon ang tila natin hinaharap.

Huwag kayong magalit sa akin … Sinasalamin ko lamang ang kung ano ang nakikita ko at nahihinuha sa mga nagaganap. Taglagas sa maraming bagay at aspeto ng pamumuhay natin.

Nguni’t ibig ba sabihin nito ay walang pag-asa? Maghunos-dili ka kapatid, at patuloy na magbasa.

Ang isang tumpok na luwad ay marumi, walang halaga, at tila walang silbi. Ito ang naranasan ng mga Israelita noong sila ay itapon sa Babilonia. Ito rin ang damdamin nila nang mapagtanto nila ang karumihan ng kanilang kasalanan sa Diyos, dahil sa sila ay nakisalamuha sa mga hentil at mga paganong walang dini-diyos.

Nguni’t sa kabila ng karumihang ito, alam natin ang naganap … Diyos mismo ang nagkusa. Diyos mismo ang gumawa at gumanap sa pagiging pastol at tagapag-kalinga. Diyos mismo ang magpapalayok na humulma, nagsa-ayos, at naglapat ng kanyang mga kamay upang makagawa ng isang magandang bagay – ang palayok!

Dahong lagas … ito ang lagay natin ngayon. Parang walang patutunguhan. Pareho pa ring bangayan at gamitan sa gobyerno. Bagama’t hindi ako kampi sa mga katiwaliang naganap sa dating administrasyon, hindi rin ako kampi sa mga taong ngayon ay nagmamalinis at gumagawa ng parehong sistemang palpak na kanila ran isinasaayos. Hindi ako kampi sa mga tiwaling hukom at mga kawani ng gobyerno, na dati rati ay nakinabang, at ngayon ay parang mga kampon ng kabutihang naghuhusga, sumasama, at nakikilahok na parang mga hayok na manonood sa laban ng mga gladiator noong panahon ng mga Romano, naghihintay na dumanak ang dugo at gumulong ang ulo ng mga dati nilang amo na ngayon ay nasusukol at wala nang mga kaibigang nagtulak sa kanila upang gumawa ng mga nakaririmarim na kasibaan at katakawan.

Dahong lagas ang nakikita natin sa kapaligiran.

Ito ba ay diwa ng Adbiyento o hindi?

Malinaw ang aking sagot … Hindi! Ang Adbiyento ay panibagong buhay, panibagong pagkilos, panibagong pagsisikap. Ang Adbiyento ay paghihintay, at ang paghihintay ay hindi lamang isang pag-ungkot sa sulok, pagtingala sa itaas, at paghihintay, tulad ni Juan Tamad, na bumagsak ang bayabas. Ang Adbiyento ay aktibo, gising, at mulat sa katotohanang bagama’t taglagas, o panahon ng mga dahong lagas, ay nakasindi ang mga ilawan natin, ang ating mga sulo, at naghihintay, nagbabantay sa pagdating ng Mananakop.

Adbiyento dapat sa buhay natin ngayon. Gising at mulat dapat tayo ngayon sa pagdatal ng panibagong buhay, panibagong simula, at panibagong sulong.

At bakit? Sapagka’t ang simple at payak at maruming luwad, ay hindi na lamang putik sa kamay ng magpapalayok. Ito ay nagiging malikhaing bunga ng kagandahan at kabutihan, hindi tulad ng mga dahong lagas ng kawalang pag-asa at panimdim sa kaibuturan ng puso ng mananampalataya.

Oo, parang dahong lagas ang nararanasan natin sa bayan natin ngayon. Nguni’t nasa ating mga kamay ang hinaharap, sapagka’t sa kamay ng Diyos na naghuhulma sa atin, walang simpleng luwad at maruming putik. Walang anumang walang halaga at silbi. Ang lahat sa kanya ay nagaganap, nababago, at nahuhubog ayon sa kanyang wangis.

Magpahulma na tayo. Magpahubog na tayong lahat sa dakilang magpapalayok. Sa pagdatal ng panibagong taong ito ng Simbahan, ating dasalin nang wagas at tunay: “Panginoon, aming nalalamang Ika’y aming Ama, kami’y parang luwad at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang lumikha sa amin, Panginoon, at walang nang iba.”

“Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami at tanglawan!”

PAGHIHIKAHOS O PANANAGANA?

In Uncategorized on Oktubre 7, 2011 at 09:25

Ika-28 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 9, 2011

Mga Pagbasa: Isa 25:6-10 / Fil 4:12-14. 19-20 / Mt 22:1-14

Malapit sa puso nating lahat ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Ang mga larawang ginamit ni propeta Isaias, ang mga maramdaming pananalita ni San Pablo at ang tigib ng sagisag na laman ng talinghaga sa ebanghelyo – ang lahat ay tumutuon sa isang tadhanang naghihintay para sa ating lahat.

Nagulantang ang buong mundo sa pagpanaw ni Steve Jobs. Ang isa sa mga pinakamayamang nilalang sa buong mundo na nakarating sa rurok ng tagumpay at sa kailaliman ng pagkabigo ay walang nagawa sa harap ng sakit na walang sinasamba at walang makahahadlang.

Tulad ni San Pablo, batid niya kung paano ang maghikahos at paano ang managana. Isinilang siyang hindi kinilala ng sariling magulang. Ipina-ampon at hindi kailanman inangkin ng sariling ama.

Nguni’t bagaman at siya ay hindi isang kristiyano, mayroong mga ginintuang aral siya para sa atin lahat. At ang pinakamahalaga rito ay ang malugod at maluwag na pagtanggap pati sa mga bagay na hindi katanggap-tanggap, tulad ng kamatayan. Sa kanyang talumpati sa Stanford noong 2005, hindi siya nangiming aminin na ang kabatirang siya ay mamamatay balang araw, ang siyang nagtulak sa kanya upang gumawa ng bagay na dakila, na ang ibig sabihin ay mahalin kung ano man ang kanyang ginagawa.

Sa kabila nito, hindi siya nag-atubiling gawin ang sininta ng kanyang puso, at pagsikapan ang kanyang minimithi.

Ayon kay Ronald Rolheiser, lahat ng tao ay may pangarap, may nasa, may panagimpan. Lahat tayo ay nag-aasam … ng ginhawa, ng karampatang yaman, ng isang magandang buhay, ng isang magandang kinabukasan. Ngunit sa likod ng lahat ng ating pag-aasam, ay ang dakilang nating pagnanasa at paghahanap para sa Diyos. Sa likod ng lahat ng ating naisin ay ang marubdob na pag-aasam natin sa Diyos.

Nguni’t kung ang pinakaaasam at ang pinakahinahanap natin ay ang Diyos, iisa ang ibig sabihin nito … na ang lahat ng bagay ay pumapangalawa lamang sa Kaniya! … na ang lahat ng anumang bagay ay hindi makapapantay sa Kaniya, at walang hihigit pa sa Diyos bilang katuparan ng lahat ng ating pangarap!

Dito pumamapasok ang halimbawa ni San Pablo. Matalino, maraming alam gawin, isang Romano, isang Judio, na kayang buhayin ang sarili … ito si San Pablo. Nakaranas siya ng kasaganaan. Nakaranas siya ng matinding kahirapan. Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito ay namaulo at naghari ang pinakamahalaga niyang pangarap. Ito ang isinasagisag ng mga larawang dulot sa panulat ni Propeta Isaias – “isang piging para sa lahat na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.”

Ito ang larawan ng kung ano ang inaasam natin. Ang kasukdulan ng lahat ng ito ay ang pananatili sa piling ng Diyos, na siyang buong katiyakan nating inilahad matapos ang unang pagbasa: “Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong Mahal.”

Naunawaan ni Steve Jobs ito kahit hindi siya kristiano. Naunawaan niya na sa kabila ng kanyang yaman ay may hangganan ang lahat, may katapusan. Ito rin ang naunawaan nang lubos ni San Pablo – ang kakayahang pahalagahan ang dalawang bagay – ang paghihikahos at ang pananagana.

Sa huling hantong, hindi mahalaga kung ikaw ay hikahos sa makamundong bagay o nananagana sa material na yaman. Ang mahalaga ay mayroon tayong pinaninindigang pangarap, pangarap na bumabagtas sa makamundong karangyaan o yamang material.

Ang piging ay nakahanda na. Ang langit na buod at dulo at rurok ng panagimpan natin bilang kristiyano ay naghihintay para sa atin. Inaanyayahan ang lahat. Kumbidado ang tanan.

Subali’t kung ito ang ating pangarap at asam, ay mayroon tayong dapat gawin. Libre ang mangarap pero hindi libre ang bunga ng pangarap. May halaga ang lahat. May kabayaran ang lahat. At ang kabayaran nito ang siya natin dapat pag-ukulan ng pansin, ayon sa talinghaga sa ebanghelyo ni Mateo.

Naghanda ang Ama ng dakilang piging. Handa ba tayong magbayad ng angkop na halaga para makapasok at mapabilang? Dito makikita ang tunay … Dito mamamalas ang kaibahan at pagitan sa dalawang bagay: paghihikahos o pananagana!

Nasa atin ang pagpapasya. Nasa atin ang pamimili. At hindi Niya tayo bibiguin …
“Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal!”