frchito

Posts Tagged ‘Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating’

DAHONG LAGAS, SIMPLENG LUWAD, DAKILANG NILIKHA!

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon B on Nobyembre 23, 2011 at 07:47

Unang Linggo ng Adbiyento(B)
Nobyembre 27, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 63:16-17.19; 64:2-7 / 1 Cor 1:3-9 / Marco 13:33-37


Sapat nang tingnan ang mga nagaganap sa paligid natin. Sapat nang dinggin ang mga komento ng mga taong nagbababad sa kompyuter at internet, at walang ginawa kundi ang magbigay komento sa mga nagaganap sa lipunan natin. Sapat na ring bigyang sulyap ang nagaganap sa Europa, sa Italia at sa Grecia, at ang kakulangan ng trabaho para sa mga tao sa Amerika … Ang lahat ay masamang balita… ang lahat ay parang larawan ng ngayon ay nangyayari sa kanluran – taglagas, tagtuyo ng mga dahon, at ang pagsapit ng madilim, malamig, at malungkot na taglamig!

Bagama’t mainit sa kung saan tayo naroroon, taglagas ang dating ng mga pangyayari. Ilang beses na natanghal ang bansa natin bilang kulelat sa maraming bagay … kulelat sa airport, kulelat sa pagtatayo ng negosyo, kulelat sa iba pang bagay. Napag-iiwanan kumbaga, nilalait ng ibang bansa, at hindi iginagalang ang pasaporte natin.

Mga dahong lagas ng lumipas na karangyaan at kadakilaan ang ating nababakas … mga dahong lagas ng kawalang pag-asa, at kawalang direksyon ang tila natin hinaharap.

Huwag kayong magalit sa akin … Sinasalamin ko lamang ang kung ano ang nakikita ko at nahihinuha sa mga nagaganap. Taglagas sa maraming bagay at aspeto ng pamumuhay natin.

Nguni’t ibig ba sabihin nito ay walang pag-asa? Maghunos-dili ka kapatid, at patuloy na magbasa.

Ang isang tumpok na luwad ay marumi, walang halaga, at tila walang silbi. Ito ang naranasan ng mga Israelita noong sila ay itapon sa Babilonia. Ito rin ang damdamin nila nang mapagtanto nila ang karumihan ng kanilang kasalanan sa Diyos, dahil sa sila ay nakisalamuha sa mga hentil at mga paganong walang dini-diyos.

Nguni’t sa kabila ng karumihang ito, alam natin ang naganap … Diyos mismo ang nagkusa. Diyos mismo ang gumawa at gumanap sa pagiging pastol at tagapag-kalinga. Diyos mismo ang magpapalayok na humulma, nagsa-ayos, at naglapat ng kanyang mga kamay upang makagawa ng isang magandang bagay – ang palayok!

Dahong lagas … ito ang lagay natin ngayon. Parang walang patutunguhan. Pareho pa ring bangayan at gamitan sa gobyerno. Bagama’t hindi ako kampi sa mga katiwaliang naganap sa dating administrasyon, hindi rin ako kampi sa mga taong ngayon ay nagmamalinis at gumagawa ng parehong sistemang palpak na kanila ran isinasaayos. Hindi ako kampi sa mga tiwaling hukom at mga kawani ng gobyerno, na dati rati ay nakinabang, at ngayon ay parang mga kampon ng kabutihang naghuhusga, sumasama, at nakikilahok na parang mga hayok na manonood sa laban ng mga gladiator noong panahon ng mga Romano, naghihintay na dumanak ang dugo at gumulong ang ulo ng mga dati nilang amo na ngayon ay nasusukol at wala nang mga kaibigang nagtulak sa kanila upang gumawa ng mga nakaririmarim na kasibaan at katakawan.

Dahong lagas ang nakikita natin sa kapaligiran.

Ito ba ay diwa ng Adbiyento o hindi?

Malinaw ang aking sagot … Hindi! Ang Adbiyento ay panibagong buhay, panibagong pagkilos, panibagong pagsisikap. Ang Adbiyento ay paghihintay, at ang paghihintay ay hindi lamang isang pag-ungkot sa sulok, pagtingala sa itaas, at paghihintay, tulad ni Juan Tamad, na bumagsak ang bayabas. Ang Adbiyento ay aktibo, gising, at mulat sa katotohanang bagama’t taglagas, o panahon ng mga dahong lagas, ay nakasindi ang mga ilawan natin, ang ating mga sulo, at naghihintay, nagbabantay sa pagdating ng Mananakop.

Adbiyento dapat sa buhay natin ngayon. Gising at mulat dapat tayo ngayon sa pagdatal ng panibagong buhay, panibagong simula, at panibagong sulong.

At bakit? Sapagka’t ang simple at payak at maruming luwad, ay hindi na lamang putik sa kamay ng magpapalayok. Ito ay nagiging malikhaing bunga ng kagandahan at kabutihan, hindi tulad ng mga dahong lagas ng kawalang pag-asa at panimdim sa kaibuturan ng puso ng mananampalataya.

Oo, parang dahong lagas ang nararanasan natin sa bayan natin ngayon. Nguni’t nasa ating mga kamay ang hinaharap, sapagka’t sa kamay ng Diyos na naghuhulma sa atin, walang simpleng luwad at maruming putik. Walang anumang walang halaga at silbi. Ang lahat sa kanya ay nagaganap, nababago, at nahuhubog ayon sa kanyang wangis.

Magpahulma na tayo. Magpahubog na tayong lahat sa dakilang magpapalayok. Sa pagdatal ng panibagong taong ito ng Simbahan, ating dasalin nang wagas at tunay: “Panginoon, aming nalalamang Ika’y aming Ama, kami’y parang luwad at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang lumikha sa amin, Panginoon, at walang nang iba.”

“Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami at tanglawan!”

Advertisement

PANAHON NA UPANG GUMISING SA PAGKAKATULOG!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Taon A on Nobyembre 24, 2010 at 12:37

Unang Linggo ng Pagdating(A)
Nobyembre 28, 2010

Mga Pagbasa: Is 2:1-5 / Roma 13:11-14 / Mateo 24:37-44

Pumanaw na muli ang lumang taon. Isang bagong taon ng pagsamba ang pinasisinayaan natin sa araw na ito … sinisimulan, kinamumulatan! Isa na namang tila pagbangon mula sa pagkakatulog ng matagal na panahong di miminsang pinanawan ng pag-asa, dahil sa napakaraming bagay.

Marami ang dahilan upang panawan ng pag-asa ang puso ng tao. Sa Indonesia, dose-dosena ang pinanawan ng buhay dahil sa pagkagising na muli ng bulkan ng Merapi. Sa Sorsogon, ang bulkan ng Bulusan ay tila nagulantang rin at handa na muling mag-alboroto. Sa Korea, ginulantang ang buong mundo nang magpaputok sa isang isla ang mga taga hilaga bilang isang babala o pananakot. Muli na namang niyanig ng mass media ang usapin tungkol sa reproductive health nang ang isang panayam ng Santo Papa ay binaligtad ng mga manunulat o mananalathala at ginamit upang tukuran ang kanilang mga plataporma, o poot at galit sa Inang Simbahan.

Sa mga sandaling ito, kay hirap gumising, kay hirap bumangon. Sa panahong ang simbahan at ang kaparian at paboritong tampulan ng hindi lamang paninisi, kundi panlilibak ng balana, kay hirap tumayo o tumindig ng tuwid. Mas madali ang magpadala sa agos. Mas madali ang sumang-ayon sa takbo ng karamihan, at magpadala sa palasak na kaisipan ng madla.

Sa mga sandaling ito, higit na madali ang matulog na lamang. Mas madali ang magtulog-tulogan at magpanggap na ang mga suliraning hinaharap natin ay maglalaho rin balang araw. Mas madali ang magkibit-balikat na lamang, lumingon sa kabilang dako, at mag-isip na ang problemang hinaharap ay isa lamang masamang panaginip.

Nguni’t alam nyo at alam ko rin na ang mga ito ay tunay … ang lahat ng ito ay hindi mabuburang parang isang pagkakamaling puedeng palitan at patungan ng panibagong salita o kataga. Alam natin na ang mga pumatay sa 57 katao sa Maguindanao ay hindi makakagawa ng ganoong karumal-dumal na pamamaslang kung walang koneksyon, walang tulong, at walang suporta ng marami, kasama rito ang mga namumuno sa itaas ng gobyerno. Alam natin na ang nauubos na isda sa dagat, mga puno sa gubat, at mga hayop na napipintong maglalaho sa loob ng 12 o 15 taon sa balat ng lupa, ay kagagawan hindi lamang ng kaunting tao ngayon, kundi maraming generasyon na nagdaan. Alam natin na ang mga baha ngayon sa lahat ng dako ng daigdig, ay hindi lamang sa tindi ng ulan, bagkus dahil din sa pagkamakasarili at pagkasakin ng tao.

Harapin natin ang totoo … Tulog tayo sa maraming bagay. Tulog na ang konsiyensiya ng tao na hindi na nagugulantang at nangangamba kahit pumapatay sila ng mga batang nasa sinapupunan sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Tulog na ang pagnanasa ng tao sa mabuti at ganap na maganda, sapagkat kinitil na sa puso ng bawa’t tao ang likas na pagkilala sa masama at mabuti.

Tulog, hindi lamang ang konsiyensiya ng tao, kundi pati na rin ang kanilang pananampalataya. Marami ang higit na naniniwala sa pungsoy kaysa sa maniwala sa sinasaad ng Biblia, o pangaral ng Simbahan. Pati sa facebook ay laganap ang daily horoscope, na parang salita ng Diyos kung bigyan pansin ng marami.

Sa bagong taong ito ng pagsamba, unang sa tatlong taong siklo ng mga pagbasa sa Misa, nais kong isipin na iisa, at tanging iisa ang buod na dapat natin maunawaan. At ito ay ang konsepto o pangaral sa pananatiling gising.

Isang panggising ang mga larawang ipinipinta ni Isaias – mga pangitaing umiikot sa isang himala … Isang himala itong nangangako ng isang panibagong takbo ng panahon at takbo ng pamumuhay … mga pangitain tungkol sa mga tabak na magiging sudsod, mga sibat na magiging karit – na ang lahat ay may kinalaman sa kapayapaan!

Parang isang masamang pangarap ang nakalantad sa harapan natin. Sa katotohanang ito, ayaw na natin magising at makita at maranasan ang lahat. Pagod na tayo. Pagod na ang lahat sa pagtutungayaw. Pagod na ang isipan ng lahat sa pangamba. Kami rito sa Guam ay takot at nangangamba na kung lumala ang tension sa Korea ay kami ang unang babanatan ng mga bomba mula sa kabilang panig.
Sa Pilipinas, pagod na tayo sa puro simula, na sa bawa’t pagluklok sa kapangyarihan ng mga bagong pinuno, ay nag-rereset kumbaga ang lahat, ang nagsisimula muli sa zero. Pagod na ang bayan sa mga imbestigasyon, at mga drama ng mga lukarit sa Congreso at Senado na walang inuuwian. Pagod na ang madla sa walang kabuluhang mga bangayan sa lahat ng antas ng lipunan.

Para ba akong pinapanawan na ng pag-asa?

Hindi! Isang madiing hindi! At dito ngayon sa unang linggong ito ng panahon ng pagdating pumapasok ang bagong silay ng isang panibagong umaga at panibagong panahon. Bilang tugon sa paanyaya ni Isaias, “halina at umahon sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Diyos ni Jacob,” nagtitipon tayo sa dambanang ito upang mangako, upang umako sa tungkulin natin, sapagka’t kung kailan madilim at puno ng kawalang katiyakan, ay nararapat na gunitain na “panahon na upang gumising sa pagkakatulog.”

Noong araw, kung kailan wala masyadong mga gamit tulad ngayon, kung kailan walang karangyaan sa buhay ang marami, maaga ang gising ng lahat. Madaling araw pa ay nag-aararo na, nagpapakain ng mga hayop na alaga, at nagsasaka na. Kung kailan salat, lalu tayong nagbabanat. Sa panahong ito na puno ng lahat ng uri ng paghamon, hindi lamang kasalatan ang dapat pagbanatan ng buto. Kailangan natin magising. Kailangan natin bumangon. “Panahon na upang gumising sa pagkakatulog!”