frchito

Posts Tagged ‘Pag-asa’

HANGGANG KAILAN, PANGINOON?

In Catholic Homily, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Habbakuk, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 28, 2010 at 09:24

Ika-27 Linggo ng Taon(K)
Oktubre 3, 2010

Mga Pagbasa: Habbakuk 1:2-3, 2:2-4 / 2Tim 1:6-8, 13-14 / Lucas 17:5-10

Agguanta ang salitang kastila na sumasagi sa aking isipan sa pagninilay sa mga pagbasa sa linggong ito. Hindi lamang ito katumbas ng pagtitiis. May kinalaman ito sa pagtitiis na may kahalong paghihintay. Parang may kaugnay ito sa kristiyanong pag-asa, ang paghihintay na may bahid ng pagtitiwalang ang hinihintay ay may kahihinatnan.

Panalangin ito ng mga taong, bagama’t may panimdim na pasan sa balikat at laman ng puso, ay nakukuha pang tumaghoy at makiusap sa Diyos: “hanggang kailan, Panginoon?” Ito ang panaghoy na malaon na nating natutunang sambitin. Ito ang panalanging laman na ng puso at isipan sa mula’t mula pa … noong nakatikim ang bayan natin ng paulit-ulit na pagyurak sa ating dangal, sa ating kalayaan, at sa ating katalinuhan.

Ito rin ang malaon na nating kahilingan sa Diyos … Naghihintay pa rin tayo na maibsan ang talamak na kahirapan sa maraming dako ng bayan natin. Naghihintay pa rin tayo na makihalubilo ang bayan natin sa hanay ng mga bansang tinitingala ng buong mundo, dahil sa propesyonalismo, sa kaalaman, sa kapahaman, at sa kakayahan sa lahat ng larangan ng pakikipagtalastasan, komersyo, at produksyon.

Hanggang kailan pa kaya, Panginoon, kami magtitiis sa patuloy na pagbulusok ng tiwala ng buong mundo sa ating bayan? Hanggang kailan pa kaya tayo magtitiis sa patuloy na panlilibak ng ibang bansa sa dami ng kapalpakan ng mga namumuno sa atin? Hanggang kailan pa kaya titikisin ng buong mundo pati ang nakahihiyang kawalan ng pagtitiwala sa ating mga paliparan at ang seguridad sa nasabing paliparang internasyonal?

Mahaba ang listahan natin ng mga dahilan upang mag-agguanta.

Sa araw na ito, tinutumbok ng Panginoon ang dagdag at wastong dahilan upang tayo ay matutong mag-agguanta.

Una sa lahat, isang halimbawa ni Habakuk ang ipinamamalas sa atin. Sa kabila ng kanyang panaghoy, lumutang ang isang kabatirang siyang batayang matatag ng pagtitiis – ang katotohanang may Diyos na nagkakaloob ng gantimpala sa mga matuwid na nagtitiis: “Masdan mo, ang hambog ay mabibigo sa kaniyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kaniyang katapatan.”

Pangako ng Diyos ang siyang batayan at dahilan ng pagtitiis ng taong sumasampalataya.

Ikalawa, isang paalaala ang pahatid ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Pablo. Nguni’t hindi lamang ito paalaala, kundi isa pang malinaw na halimbawa. Si Pablo, na siyang larawan ng pagtitiis, pag-asa, at sa malalim na paniniwalang ang lahat ay may kahulugan, at ang lahat ay may hangganan at katuturan … “Maging masigasig sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos.” “Manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus.”

Katigan at muog ng pagtitiis ang katotohanang may Diyos at sa katotohanang ang Diyos na ito ay Diyos ng pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay pinatunayan mismo ni Hesus na kanyang Anak.

Alam natin lahat ito. Alam natin kung gaano kamahal tayo ng Diyos. Subali’t sa mga sandali ng pighati at panaghoy ay kay dalin natin lumimot. Kay dali natin matangay ng kawalang pag-asa, at ng tampo o sama ng loob sa Diyos. May masamang nangyayari sa mga taong nagpapakabuti. Dahil sa kasalanan ng tao, nababalot ng hiwaga ng paghihirap ang buhay natin lahat. Ang kasakiman at katiwalian ay naghahatid ng matinding paghihirap sa buhay ng mga walang kinalaman sa masasamang nagaganap sa mundo. Limampu at pitong kataong walang kamalay-malay ang pinaslang para lamang mahawi ang oposisyon sa dinastia ng isang pamilya ng mga politicong ganid at halang ang kaluluwa.

Sa mga sandaling ito, malaking habag sa sarili ang sumasagi sa atin lahat. Walang sinuman ang dapat magdusa o karapat-dapat sa anumang paghihirap. Wala dapat sinumang tatangis dahilan sa katakawan ng ibang tao.

Subali’t dahilan sa misteryo ng kasalanan na bumalot sa kalikasang makatao, ang paghihirap ay naging bahagi ng buhay natin sa lupang bayang kahapis-hapis.

Ang ikatlong aral na lumulutang sa mga pagbasa ngayon ay ang tama o wastong tugon sa lahat ng uri ng pagdurusang sumasagi sa atin. At ito ay ang kababaang-loob – ang kakayahang tumanggap anumang hindi katanggap-tanggap, ang pagtitiwalang anuman ang mangyari sa atin ay may katuturan, may kahihinatnan, may kahulugan. Sa sandaling ito, ang sumasagi sa aking isipan ay ang katotohanang ang payak at mababa ang loob, ay hindi kailanman maibabagsak pa sa lusak ng kawalang-dangal. Ang taong payak at mababa ang loob ay hindi napapahiya, hindi napapariwara. Nanatili sa kanyang puso at isipan ang katotohanang hindi makakatkat ninuman, at ng anuman sa kanyang pagkatao – ang angking dangal na kaloob ng Diyos sa lahat ng tao.

Ito ang dahilan kung bakit hindi suliranin ang paglilingkod, ang pagtupad sa tungkuling naka-atang sa balikat. Alam niya ang katotohanang muog at batayan ng kanyang dangal: “Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.”

Kung ito ang saloobing ito, matapang at matatag natin mapaninindigan ang panalanging bagama’t puno ng panimdim at pagtangis ay puno rin ng mapagpalayang pag-asa: “Hanggang kailan, Panginoon, kami daraing sa iyo, at di mo diringgin?”

Ito ang maka-kristiyanong pagtitiis, pag-aaguanta … paghihintay at katiyakang pasasaan ba’t at lilipas rin ang lahat?

KUNG NAGTITIWALA TAYONG MAY MANGYAYARI!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Agosto 4, 2010 at 12:45

Ika-19 na Linggo ng Taon(K)
Agosto 8, 2010

Mga Pagbasa: Karunungan 18:6-9 / Heb 11:1-2, 8-19 / Lucas 12:32-48

Matindi ang mga pagsubok na hinaharap natin. Mahirap ang mga sagabal na nakahambalang sa daang tinatahak ng marami. Nandyan ang kahirapang umuukilkil sa buhay ng napakarami. Nandyan rin ang katiwaliang, siyang dahilang ng karamihan sa kahirapang ito. Nandyan rin ang kamangmangan, na bunga naman ng kahirapang ito. At nandyan ang kawalan ng magandang kinabukasan na kaakibat ng batayang suliraning ito.

Mahaba ang listahan natin … susun-suson … patong-patong … sala-salabat …

Di miminsan natin narinig ang unang pangungusap sa liham sa mga Hebreo sa ika-2 pagbasa: “Tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita.”

Alam natin na walang katiyakan sa maraming bagay sa mundo. Hindi tiyak na ang mga ulan at unos na darating ay magpupuno lamang ng ating mga dam at imbakan ng tubig. Maaring umapaw na naman ang mga ito tulad noong isang taon at maging sanhi ng mga baha. Sa panahong ito ng global warming na tinatawag, kung kailan ang takbo ng panahon ay nagbabago sa buong mundo, wala tayong katiyakan … walang kasiguraduhan.

Nguni’t gusto ko sanang baguhin nang kaunti sa araw na ito ang diskusyon … palitan natin sumandali ang kalakaran ng isipan natin. Sa kabila ng kawalang katiyakan ay ito ang malinaw na pangaral ng unang pagbasa: “Alam ng iyong bayan na ililigtas mo ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway.” Ito ang malinaw pa sa tanghaling tapat na katiyakang pinanghahawakan ng banal na kasulatan.

Maraming halimbawa ang sinasaad sa liham sa mga Hebreo. Ang lahat ng ito ay halimbawa tungkol sa pananalig … ni Abraham, ni Isaac, ni Jacob, ni Sara at iba pa. Mahaba itong salaysay tungkol sa katapatan ng Diyos, sa isang banda; at sa pananalig ng tao, sa kabila.

Hirap na magtiwala ngayon ang Pinoy. Winaldas ng pamahalaang nagdaan, at ng marami pang ngayon ay namumuno na muli (mga recycled na mga liders ng bayan) ang tiwala ng bayan. Napaso na tayo sa lahat ng uri ng kasinungalingan, kadayaan, katakawan, at kasakiman ng maraming mga kung tawagin natin ay mga “honorable.” Di miminsang nakatikim tayo ng pait at ng galit na hindi natin makimkim dahil sa mga tampalasang ang mga bahay, rancho, at ari-arian ay hindi kailanman mabibili ng kanilang maliliit din namang sweldo bilang mga “naglilingkod” sa bayan.

Hirap na hirap tayo ngayon magtiwala. Ang ating pananalig ay di miminsang niyurakan ng mapait na katotohanang hindi lahat ng mababango ang pananalita ay nagsasabi ng tapat, at gumagawa ng wasto at marangal.

Mayroon pa kaya tayong pag-asa?

Naparito kayo sa simbahan sa araw na ito ng Linggo upang makarinig ng katagang naghahatid ng buhay … mga pananalitang nagbubunsod sa atin upang magtiwala pa kahit hindi na karapat-dapat na magtiwala pa.

Ito ang magandang balitang nais kong bigyang diin ngayon. “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” “Tumulad kayo sa mga taong naghihintay ng pag-uwi ng kanilang Panginoon mula sa kasalan …”

Noong ako ay batang paslit pa na nagkakamulat sa Cavite, isang pangungusap ang lagi kong naririnig noon sa matatanda … “pasasaan ba’t giginhawa rin tayo?” “pasasaan ba’t magbabago rin naman ang takbo ng panahon, ang kalakaran sa pangangalakal” … at marami pang iba! Pasasaan ba?

Pasasaan? Ito ang sagot ng Diyos sa aking mga kababayang pinanawan na ng pag-asa. Ito ang sagot ng Panginoon sa mga kapwa kong tila ang kanilang pakiramdam ay pinagsawaan na sila ng Diyos. Ito ang magandang balitang namamaulo sa mga pagbasa natin ngayon … ililigtas ng Diyos ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway … May bukas pa … at may hustisyang naghihintay para sa lahat. Pasasaan ba at darating din ang wakas para sa mga naniniil, nandarambong, nandaraya, at nanlalamang sa kapwa!

Pero dapat natin ngayong patunayan na tayo man ay handang mamuhunan. Dapat natin ipamalas na kahit ngayon, tayo rin ay nakahanda upang magbuwis ng nararapat, magbayad nang malaki upang makamit ang siyang inaasahan natin.
Kailangan natin na mag-asal Abraham; mag mistulang Isaac at Jacob, Sara, at marami pang iba. Kailangan natin muling magtiwala. Kailangan nating isugal pati ang ating pighati at pagkabigo makamit lamang natin ang inaasam.

Kung gusto natin ang kaayusan, dapat natin iwaksi ang wangwang, ang paniningit sa kalye, ang pagwawalang bahala sa batas. Kailangan natin na tulungan ang namumuno upang mapuksa ang lahat ng uri ng katiwalian sa lipunan. At ito ay nagmumula sa bawa’t isa sa atin … ang pagbabayad ng buwis, ang pagbabayad sa homeowners’ association, ang pagsunod sa batas trapiko, ang pag-aalis ng mga hambalang sa mga bangketa, at marami pang iba.

Kung gusto natin ng kaayusan, gagawin natin ang kaayusan … tulad nina Abraham, tulad ng lahat na mga halimbawang binanggit sa ikalawang pagbasa. Ito ang gawa ng mga taong may pananalig, at “tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin.”