frchito

Posts Tagged ‘Pag-asa’

MGA LUMANG PLAKA; MGA BAGONG AWITIN

In Homily in Tagalog, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon K on Marso 15, 2013 at 18:06

imagesIkalimang Linggo ng Kwaresma (K)

Marso 17, 2013

Mga Pagbasa: Is 43:16-21 / Phil 3:8-14 / Jn 8:1-11

MGA LUMANG PLAKA; MGA BAGONG AWITIN

 

Hindi na alam ng mga bata ang plaka. Hindi na rin nila nainintindihan ang kasabihang sirang plaka. Kasama ng mga casette tapes, at ng mga Walkwan, nabibilang na ito sa mga lumang dapat nang ibaon, ika nga, sa pagkalimot. Pero, ayon sa ating karanasan, maraming mga mapait na bagay ang hindi natin nalilimot agad-agad.

Ang mga pagbasa ngayong araw na ito ay pawang may kinalaman sa pagbabago, sa pagwawaksi ng luma, at sa pagharap sa bago. Sa unang pagbasa, nakatuon ang ating pansin sa bagong daan sa disyerto at sa mga ilog sa ilang. Pangako ng Diyos sa kanyang bayan na siya ay gagawa ng paraan, at maglalaan ng daan, at gagawa ng mga bagong bagay para sa kanyang bayan.

Pati si San Pablo sa ikalawang pagbasa ay nakatuon ang isipan hindi sa mga lumang karanasan, kundi sa mga darating pang mga dakilang bagay. Ito ang kaligtasan na dulot sa ngalan ni Kristo.

Subali’t sa ebanghelyo natin nakita ang tunay na bago – ang isang bagong pamamaraan upang harapin ang isang suliraning dulot ng mga tampalasang ang hanap ay ihulog sa patibong ang Panginoon.

Sa buhay natin, malimit tayong manatili sa mga lumang pamamaraan. Marami sa atin ang hindi kayang magtapon ng lumang bagay, mga lumang larawan, o lumang gamit sa bahay, kahit hindi na napapakinabangan. Pati ako ay nakikinig pa rin sa mga lumang awit, lumang tugtugin, o retro ang tawag – oldies but goodies! Merong mga taong hindi kayang limutin ang mga masamang nagawa ng iba sa kanila. Dala-dala nila habang buhay ang mga pasakit, ang mga mapapait na karanasan, mga lumang plaka, ika nga.

Sa araw na ito pawang bago ang dapat nating bigyang-pansin, ayon sa mga pagbasa. Ang mga lumang plaka ay dapat maging mga bagong awitin ng puso – puno ng pag-asa at paghahangad sa kung ano ang dapat bigyang-halaga.

Sa panahon natin, madali sa atin ang humusga at manggamit ng tao para sa ating sariling layunin. Tulad ng ginawa ng mga Pariseo na kinaladkad pa ang babae sa harapan ni Jesus, para lamang masubukan siya at lansihin. Hindi nila pakay ang gawan ng hustisya ang sino mang naapi, kundi upang hulihin ang Panginoon sa kanyang sasabihin, at ihabla o ideklarang isang ereje.

Kung minsan, pati tayo ay nalalansi ng makaluma, ng mga bagay na wala nang silbi. Kung minsan, tayo ay patuloy na nakakulong sa mga nagdaang karanasan, at hindi tayo makabangon sa isang panibagong umaga. Kung minsan rin, ang ating pag-asa ay tila nalulukuban ng isang kalungkutang may kinalaman sa mga lumang plaka at lumang tugtugin – mga kagawian at kaugaliang hindi na natin mabago at naglulubog sa atin sa isang kawalan ng tiwala o paniniwala na magbabago pa rin ang lahat.

Ito ang malinaw na turo ng liturhiya sa araw na ito. Huwag mahirati sa luma. Huwag masanay sa lumang bagay at ituon ang mata sa mga bagong dumarating at darating pa. Ano ba ang bagong ito?

Si Pablo ang may malinaw na larawan kung ano ang bagong ito. At ito ay walang iba kundi ang lisanin ang lumang plaka ng ating buhay, ang mga kagawiang makasalanan at malayo sa kalooban ng Diyos at harapin ang bagong hangarin – ang dakilang adhikain na tumugon at tumalima sa panawagan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.

Hindi na uubra ang mga lumang plaka. Dapat dito ay mga bagong awitin ng pag-asa at panibagong buhay.

Kaya ba natin ito? Oo. Ayon mismo sa ating sinagot matapos ng unang pagbasa: “Gumawa ang Diyos ng mga dakilang bagay para sa atin; puno tayo ng kagalagan”

MAGALAK! MAGSAYA! PAKI-ULIT NGA?

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 15, 2012 at 11:59

170px-ZephaniahIka-3 Linggo ng Adbiyento (K)

Disyembre 16, 2012

Mga Pagbasa:  Sofonias 3:14-18a / Filipos 4:4-7 / Lc 3:10-18

Panay tema ng kagalakan ang tinutumbok ng tatlong pagbasa. Payo ito sa atin ni Sofonias. Payo rin ito ni San Pablo sa mga taga-Filipos. At bagama’t hindi tinutukoy ni Juan Bautista ang kagalakan, ay itinuturo niya kung paano makamit ang kagalakang ito.

Ano raw? Kagalakan?

Oo, sagot nating lahat na ngayon ay nagsisimba (simbang gabi man o hindi).

Teka, tama ba kaya ang narinig nyo? Magdiwang! Magalak! Tama ba iyon na ito yata ang ikatlong pasko na may trahedyang nagaganap sa bayan natin? Tama ba ito na sa huling bilang (at tumataas pa) ay 955 na ang namatay at libo pa rin ang nawawala matapos ang bagyong Pablo?

Madiin ang payo sa atin ng Simbahan. Nguni’t hindi rin maipagkakaila ang kapaitan na naganap sa ating mga kababayan. Mahirap magkunwari, nguni’t mahirap rin magbulag-bulagan sa turo ng Diyos.

Tingnan natin sumandali nang mabuti … Si Sofonias ang nagwika tungkol sa darating na huling paghuhukom, ang araw na kahindik-hindik (dies irae sa Latin). Siya ang nagwika tungkol sa darating na wakas ng panahon na mababalot ng kalagim-lagim na mga pangitain sa lupa at sa kalawakan. Subali’t sa kabila ng lahat ng ito, iisa at tanging iisa ang puno at dulo ng lahat ng mga sagisag na ito – ang kagalakang dulot ng pagbabalik ng Mesiyas, ang pagdatal ng Mananakop.

Isa pa … Si Pablo ay hindi nagsulat sa mga Filipos mula sa isang masayang katayuan. Siya ay lumiham sa mga Filipos mula sa kulungan. A ver … masaya ba iyon?

Tingnan natin naman si Juan Bautista … May natuwa sa kanyang pangaral … mayroon namang hindi. At pinagbayaran niya nang malaki ang hindi pagkatuwa ng mga tinamaan, una na si Herodes, si Herodias, at si Salome.

Pero ang kanyang pakay, ang kanyang aral, ay pawang nakatuon sa tunay na kaligayahan.

Maraming pagsubok ang patuloy na sumasagi sa buhay natin. Hati-hati pa rin ang bayan natin, nagbabanggaan sa isyu ng RH bill, at sa marami pang isyu. Marami pa rin ang mahirap, at marami pa rin ang namamatay dahil sa kasakiman ng iba, tulad ng naganap sa Compostela Valley as sa marami pang lugar.

Hindi tayo masaya dahil sa mga bagay at pangyayaring ito. Subali’t hindi makalupang kasayahan ang pangaral sa atin ng mga pagbasa ngayon. Bagama’t hindi masama ang maging masaya ayon sa dikta ng mundo, ayon sa pagka-unawa ng mundo, hindi ito ang tunay na batayan ng hinihingi ni Pablo, ni Sofonias, at ni Juan Bautista.

Mayroon higit pa. Mayroong mas mahalaga pa kaysa makalupang kasiyahan. Ito ang ating pinag-aasam. Ito ang ating hinihintay. Ito ang ating pag-asa at kahilingan, kahit na mukhang wala nang solusyon ang marami sa ating mga suliranin sa daigdig.

At ano ang batayan ng lahat ng ito? Heto … wala nang iba … “nasa kalagitnaan Mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon!”

Paki-ulit nga? Magalak at masaya! Darating na ang ating Panginoon!