frchito

Posts Tagged ‘Kagalakan’

MAGALAK! MAGSAYA! PAKI-ULIT NGA?

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 15, 2012 at 11:59

170px-ZephaniahIka-3 Linggo ng Adbiyento (K)

Disyembre 16, 2012

Mga Pagbasa:  Sofonias 3:14-18a / Filipos 4:4-7 / Lc 3:10-18

Panay tema ng kagalakan ang tinutumbok ng tatlong pagbasa. Payo ito sa atin ni Sofonias. Payo rin ito ni San Pablo sa mga taga-Filipos. At bagama’t hindi tinutukoy ni Juan Bautista ang kagalakan, ay itinuturo niya kung paano makamit ang kagalakang ito.

Ano raw? Kagalakan?

Oo, sagot nating lahat na ngayon ay nagsisimba (simbang gabi man o hindi).

Teka, tama ba kaya ang narinig nyo? Magdiwang! Magalak! Tama ba iyon na ito yata ang ikatlong pasko na may trahedyang nagaganap sa bayan natin? Tama ba ito na sa huling bilang (at tumataas pa) ay 955 na ang namatay at libo pa rin ang nawawala matapos ang bagyong Pablo?

Madiin ang payo sa atin ng Simbahan. Nguni’t hindi rin maipagkakaila ang kapaitan na naganap sa ating mga kababayan. Mahirap magkunwari, nguni’t mahirap rin magbulag-bulagan sa turo ng Diyos.

Tingnan natin sumandali nang mabuti … Si Sofonias ang nagwika tungkol sa darating na huling paghuhukom, ang araw na kahindik-hindik (dies irae sa Latin). Siya ang nagwika tungkol sa darating na wakas ng panahon na mababalot ng kalagim-lagim na mga pangitain sa lupa at sa kalawakan. Subali’t sa kabila ng lahat ng ito, iisa at tanging iisa ang puno at dulo ng lahat ng mga sagisag na ito – ang kagalakang dulot ng pagbabalik ng Mesiyas, ang pagdatal ng Mananakop.

Isa pa … Si Pablo ay hindi nagsulat sa mga Filipos mula sa isang masayang katayuan. Siya ay lumiham sa mga Filipos mula sa kulungan. A ver … masaya ba iyon?

Tingnan natin naman si Juan Bautista … May natuwa sa kanyang pangaral … mayroon namang hindi. At pinagbayaran niya nang malaki ang hindi pagkatuwa ng mga tinamaan, una na si Herodes, si Herodias, at si Salome.

Pero ang kanyang pakay, ang kanyang aral, ay pawang nakatuon sa tunay na kaligayahan.

Maraming pagsubok ang patuloy na sumasagi sa buhay natin. Hati-hati pa rin ang bayan natin, nagbabanggaan sa isyu ng RH bill, at sa marami pang isyu. Marami pa rin ang mahirap, at marami pa rin ang namamatay dahil sa kasakiman ng iba, tulad ng naganap sa Compostela Valley as sa marami pang lugar.

Hindi tayo masaya dahil sa mga bagay at pangyayaring ito. Subali’t hindi makalupang kasayahan ang pangaral sa atin ng mga pagbasa ngayon. Bagama’t hindi masama ang maging masaya ayon sa dikta ng mundo, ayon sa pagka-unawa ng mundo, hindi ito ang tunay na batayan ng hinihingi ni Pablo, ni Sofonias, at ni Juan Bautista.

Mayroon higit pa. Mayroong mas mahalaga pa kaysa makalupang kasiyahan. Ito ang ating pinag-aasam. Ito ang ating hinihintay. Ito ang ating pag-asa at kahilingan, kahit na mukhang wala nang solusyon ang marami sa ating mga suliranin sa daigdig.

At ano ang batayan ng lahat ng ito? Heto … wala nang iba … “nasa kalagitnaan Mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon!”

Paki-ulit nga? Magalak at masaya! Darating na ang ating Panginoon!

PUSPOS NG GALAK AT PASASALAMAT

In Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 21, 2011 at 14:22

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 22, 2011

Mga Pagbasa: 1 Sam 1:24-28 / Lu 1:46-56

PUSPOS NG GALAK AT PASASALAMAT

Mahirap mapuno ng galak sa mga araw na ito … Sa bawa’t sandaling natutunghayan ko ang mga video at mga larawang makabagbag-damdamin sa trahedyang naganap sa Iligan at sa Cagayan de Oro, mahirap isiping ang hinihintay nating Kapaskuhan ay may tunay at wagas na kahulugan, para sa mga, sa biyaya at awa ng Diyos, ay may pagkakataong magsama-sama, mag-salu-salo at magkaniig pa bilang isang buong pamilya ngayong Pasko.

Hindi ko maubos maisip ang pait at hapdi ng damdaming nararamdaman ng mga namatayan, na bukod pa rito ay nawalan ng buong kabuhayan, ng lahat ng kanilang ipinundar sa mahaba at maraming taon nilang pagsisikhay. Bagama’t naranasan ko rin ang maraming paskong kami, bilang isang malaking pamilya, ay nagdiwang sa magkakahiwalay na lugar sa maraming taon, hindi ko maubos maisip ang mga batang mga pamilyang, sa pagkamusmos ng mga anak, at kawalang malay ng mga batang paslit, ay bigla na lamang nagising sa isang katotohanang wala nang masasayang paskong maaring makita sa hinaharap, para sa marami sa kanila.

Sa mga sandaling ito, bilang Pari, wala akong malamang sabihin. Wala akong makitang angkop na pananalitang makapagpapalubag ng kaloobang namimighati, nagdadalamhati, at yinuyurakan ng matinding pasakit na mas matalim pa sa balaraw na tumitimo sa kalamnan.

Isa sa mga dahilan kung bakit ako ay nag-aral ng counseling/therapy ay ito. Maaga akong nakadanas ng pagdadalamhati ng isang Ina na nawalan ng isang anak noong panahon ng mga Hapon. Noong ako ay bata, malimit kong makita ang Nanay Ipay (Lola ko sa Ina) na sa pagdating ng takipsilim ay laging tumatangis mag-isa. Nakatingin sa lumulubog na araw ay habang ang mga labi ay nagdadasal ng orasyon, ay panay naman tulo ang luha ng pagtangis sa kanyang anak na lalaking pinaslang ng mga sundalong Hapon (o Koreano).

Hindi ko makakalimutan nang kami bilang mga bata ay naglalaro ng baril-barilan. Sapagka’t iniidolo namin noon si Fernando Poe, Jr. kaming lahat ay nagiging sundalong Pinoy (o Americano) at sundalong mga Hapon. Nagpapanggap kaming mga Hapon o Kano, at panay ang gaya namin sa salitang Hapon na natututunan namin sa mga sine ni Fernando Poe. Isang araw, nakita namin ang Lola namin na bigla na lamang natigilan, nanginginig ang buong katawan, nang makita niya at marinig na nagpapanggap bilang mga Hapon. Ngayon sa aking katandaan, ay alam kong ito ay isang halimbawa ng tinatawag naming Post-traumatic stress disorder, isang sikolohikal na kondisyon ng isang taong hindi pa lubusang nakalalampas sa pagtangis sa isang biglaan at malupit na pagkapatay sa kanyang anak.

Ang puso ko ay patuloy na nagsisikap yumakap sa lahat ng tulad ng Lola namin, na aming binigyang-pasakit nang kami ay nag-asal Hapones, na ngayon ay nagdadaan sa hindi natin lubos na mauunawaang kahirapang pangloob.

Nguni’t bilang Pari ay tungkulin ko rin na ikonekta ito sa magandang balita ng Panginoon.

Pero tatapatin ko kayo … ang magandang balita ng kaligtasan ay hindi nakamit kailanman liban sa daan ng pighati, daan ng paghihirap, at daan ng pagtalikod sa sarili. Ilang beses na natin binigyang pansin ang dakilang pagkatapon ng bayan ng Diyos, na siyang naging dahilan kung bakit si Isaias at ang iba pang propeta ay nagbigay hula, nagwika, at nangako tungkol sa darating na kaligtasan mula sa Diyos.

Tatapatin ko uli kayo … Ang lahat ng maganda sa araw ng Pasko ay hindi magaganap kung walang tulad ni Ana, na matagal nag-asam, matagal naghintay bago magka-anak. Hindi matutupad ang kaligayahan ng Pasko kung walang Zacarias at Elisabet, Joaquin at Ana, at Maria na, sa kabila ng kagulumihanan, ay nagsuong ng sarili sa matinding pananagutan. Hindi mangyayari ang kasaganaang isinasapuso natin tuwing Pasko, kung walang Jesucristong nag-alay ng buhay, nagdaaan sa lahat ng uri ng pasakit at hilahil, maganap lamang ang pangako ng kanyang Ama.

Sa aking pagbabalik-isip sa buhay ko, hindi kami makararating sa narating namin, at makatapos hanggang sa postgraduate level, kung wala kaming magulang na marunong magsinop, marunong magtiis, at marunong magpaliban ng kanilang sariling kapakanan para lamang kami ay mapag-aral. Sa maraming mga pista sa aming bayan, na wala kaming panghanda, ay hindi kami makakatikim ng masarap-sarap kung wala kaming Nanay Ipay na, lingid sa aming kaalaman, ay may paiwi palang baboy kung kani-kanino, upang paghahati-hatian ng tatlo niyang anak, at napakaraming apo. Siya, na hindi naman nagkakain ng baboy, ay siyang nag-paanyo upang kami ay makatikim rin ng kaunting handa sa Pasko o Pista.

Mga kapatid kong nagdadalamhati … Ito yata ang buod ng magandang balita na dapat nating ikagalak. Walang kaligayahang naghihintay, kung walang kapaitang handang tanggapin nang maluwag sa puso. Walang ginhawa kung walang paggawa, at walang tagumpay kung walang pagsisikhay.

Ito ang telon sa likod ng awit ng pasasalamat ni Ana at ni Maria. At ang telon na ito ay kwento, hindi ng isang maluwag at marangyang pamumuhay, kundi isang salaysay ng pagpapahindi sa sarili, paghihintay, pagsisikhay, at pag-aalay ng kaunting meron sila.

Ang Diyos na nagkakait kumbaga ngayon, ay may nakalaang luwalhati hindi maglalaon. Ang luwalhating pangako niya ay higit pa sa anumang makamundong bagay na atin ngayong inaasam, na ngayon ay ipinagdadalamhati natin at tayo ay nawalan, o naubusan, o hindi napagkalooban.

Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng lahat, ay dapat tayo magpasalamat sa kanya. Sa kabila ng lahat, ay dapat tayong umawit. Sa araw ng Pasko, wala mang anumang rangya o yaman o anumang inaasam ng lahat, magsaya tayo. Sapagka’t ito ang buod ng pasko … Puspos tayo ng galak at pasasalamat, sapagka’t ang dakilang kaloob na si Kristong Panginoon, ay sumasaatin, at hindi na kailanman maanod ng baha, madadala ng mga mandarambong, at maipagkakait ng mga pulitikong pulpol, at masisibang negosyante na ang tanging pakay ay makapanlamang, makapanlait, at makakitil ng buhay ng mga anak-pawis at mga simpleng taong ang tanging hanap, tulad ni Ana, ay ang kaloob ng isang sanggol na lalaki.

Siya si Jesus. Siya ang ating buhay. Siya ang dahilan ng Pasko. At siya ay Emmanuel, sumasaatin!