frchito

Posts Tagged ‘Pagiging Disipulo’

IWAN, IWANAN, AT SUNDIN!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Enero 23, 2014 at 20:50

fishermen

Ikatlong Linggo Taon A
Enero 26, 2014

IWAN, IWANAN, AT SUNDIN!

Balik na naman tayo kay Isaias … propeta ng liwanag sa karimlan … Hula niyang ang mga lugar tulad ng Zabulun at Neftali, na dati’y nalugmok sa kahihiyan at kadiliman, ay mabubunyag bilang tampulan ng liwanag. Hindi lang isang beses natin ito narinig bago mag-pasko at sa buong panahon ng pasko.

Natupad ang kanyang hula nang si Jesus ay lumisan sa Nazaret, at nagpunta sa Capernaum, malapit sa teritoryo ng Zabulun at Neftali. Iniwan ni Jesus and Nazaret. Nilisan niya ang lugar ng kanyang pagkabata, dahil sa isang misyong hindi niya maiwanan, yaman at atang sa kanyang balikat ng Kanyang Amang makalangit.

Nang panahong iyon, mga estudyante ang naghahanap ng susundan, naghahanap ng guro na palilibutan. Sa pagkakataong ito, hindi estudyante and naghanap. Ang Panginoon mismo ang siyang naghanap at tumawag.

Madali ang pagsunod ng tinawag. Hindi katulad ng mga batang pag ayaw sumunod sa magulang ay nagbibingi-bingihan. Mahirap sa mga bata ang iwan ang laro, ang pinakagustong gawin lagi ng bata. Mahirap rin sa mga bata ang iwanan sa iba ang mga laruang pinakamamahal. Mahirap lisanin kaninuman ang mga bagay na pinahahalagahan. At lalung mahirap sundin ang isang naghihimok na iwan ang nakagawian at iwanan ang lahat para sa kanya.

Araw ng disipulo ngayon. Dumating si Jesus, na ang hanap ay tagasunod. Nakita si Pedro at Andres. Tinawag at kagyat tumalima. Walang pasubali. Walang “teka muna.” Walang “mamaya na.” Walang atubili.

Nakita sina Santiago at Juan. Tinawag rin. Hinikayat iwan at iwanan ang lahat. Kagya’t ring sumunod. Walang tanong-tanong. Walang “puede bang sa ibang araw na lamang?”

Marami tayong dahilan. Kapag ayaw maraming dahilan; kapag gusto maraming paraan. Kapag kapartido, walang masama at labag sa batas; kapag kalaban, lahat ay illegal at labag sa batas ng bayan.

Mahirap iwan ang komportableng pamumuhay. Mahirap iwanan ang gamit na kinahumalingan, ang mga taong nagpapataba ng puso natin.

Pero malinaw pa sa sikat ng araw, na ang mga disipulo nang tinawagan, ay kagya’t kumilos ay lumisan. Iniwan ang lahat; iniwanan ang mga kagamitan at lahat. Dalawang paglisan ang tinupad ng mga disipulo: iniwan ang pamilya, at iniwanan ang trabaho, ang makapagbibigay sa kanila ng seguridad o katiyakan sa hinaharap.

Pahiya na naman kaming mga pari dito. Hirap kaming iwan ang kinagawian. Hirap rin kaming iwanan ang mga kinasanayan. Hirap kaming lumisan upang humayo at mangaral ng mabuting balita kung saan kami kinakailangan.

Pero ito ang turo ng Linggong ito – ang diwa ng tunay na pagiging disipulo …
Ang iwan ang lahat … ang iwanan ang mga kinasanayan, at ang paglisan, tulad nang paglisan ng Panginoon sa Nazaret, upang maghatid ng liwanag sa Zabulun at Neftali, at hanggang sa dulo ng daigdig.

Handa ba tayong iwan, iwanan, at lisanin ang lahat? Hindi lang kaming mga pari ang tinatawagan dito, kundi pati mga layko … sapagka’t lahat tayo ay tinatawagan upang maghatid ng mabuting balita hanggang sa dulo ng daigdig … hanggang saw akas ng panahon.

Sacred Heart Novitiate
Lawaan, Talisay City, Cebu
January 23, 2014

BIDA O BALIW?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Eliseo, Taon K on Hunyo 28, 2013 at 20:38

The-foxes-have-holesIka-13 Linggo ng Taon K

Hunyo 30, 2013

SINO ANG BALIW?

Sino kaya sa kanila ang baliw? Andyan si Eliseo, na may angking yaman at kakayahan …. Hindi biro ang magkaroon ng 12 pares na toro bilang pang-araro. Wala akong kilalang magsasaka sa ating bayan na nagpapasasa sa hayop na alagain at hayop na tagapag-araro. Pero si Eliseo, na may pag-aaring ganitong karaming toro ay tila nakulam at biglang naisipang katayin ang lahat ipanggatong ang mga pang-araro. Hindi lang yan … naghanda pa siya at ipinaluto ang mga toro para sa handaan.

Eto pa ang isa … Si Saulo antemano ay isang tagapag-usig ng simbahan. Naglalakbay siya noon patungong Damasco nang biglang may nakitang pangitain. At ito ang matindi … para siyang natikbalang … nabulagan subali’t may pangitaing natunghayan, kung kaya’t para siyang buwang na biglang nagbago ang tugtugin at biglang nabago ang simoy ng hangin.

Sino kaya sa kanilang dalawa ang baliw?

Ito naman ang mga pinahahalagahan ng mundo …mga macho … mga taong hindi nagpapalamang at hindi papayag na sila ay inaapi. Si Santiago at si Juan ay hindi handang magbigay ng “inch” sa mga taong walang pagtanggap sa kanilang guro. Sa kanyang huling paglalakbay patungo sa Jerusalem, nagdaan ang Panginoon at ang mga alagad sa Samaria. Dito sa lugar na ito ay hindi mataas ang survey ratings ng Panginoon. Hindi siya tinanggap ng mga tao, at walang mga balabal na inilatag sa kanyang daraanan.

Dalawang macho ang hindi nasiyahan … dalawang taong hinahangaan ng ating lipunan ngayon … mga taong handang makipagbasag-ulo at maghiganti. Sa pagkabatid nilang walang mga sumalubong at tumanggap, tinanong nila ang Panginoon: “Payag ba kayong magpababa kami ng apoy mula sa langit upang pugnawin sila?”

Sino kaya sa kanilang apat ang baliw?

Sa mundong kilala natin ngayon, baliw ang tumalikod sa sarili. Baliw ang magpalamang. Baliw ang mahina at mahinahon. Baliw ang may sinusunod na guro at walang sariling palakad ng isipan at kalooban. Baliw si Saulo na naging Pablo nang tinalikuran niya ang pagiging tagapag-usig ng mga kristiyano.

Bida ang mga matatapang at walang awa, ang mga taong walang habas na nagpapahirap sa buhay ng kapwa, ang mga nilalang na handang isaisang-tabi ang karapatan ng mahihina, mga walang malay, mga sanggol sa sinapupunang walang kakayahan sumigaw ng “bakit?” at “huwag po!”

Subali’t sa araw na ito, si Eliseo ang bida, hindi baliw. Si Pablo ang itinatampok, hindi bilang isang buwang, kundi isang bayani ng paghahanap ng tunay at wagas na katotohanang lamang sa katotohanan ng mundo.

Sa halip na batas ng mundo ang dapat sundin, ang turo ni Pablo ay ang batas ng kalayaan, ang batas ng Espiritu, sa halip na pita ng laman. Sa halip na pahalagahan ni Eliseo ang kanyang mamahaling mga toro, dinispatsa niya ang lahat nang makita niya ang landas na itinuro sa kanya ni Elias na kanyang guro. Sa halip na sang-ayunan ni Jesus ang dalawang mainitin ang ulo, ay tinuruan niyang sumunod patungo sa Jerusalem, patungo sa kamatayan sa krus. “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo, sapagka’t naparito ang Anak ng Tao, hindi upang ipahamak ang mga tao kundi upang iligtas sila.”

Bida ba tayo o baliw? Tulad ba tayo ni Eliseo, ni Pablo o ng dalawang disipulong sa simula ay nag-asal macho at nag-asal mapaghiganti?

Isang paghamon ang hatid sa atin ngayon ng Panginoon: “Sumunod ka sa akin.” Tulad ng taong nagsabing handa siyang sumunod, tayo man ay nadadala minsan sa magarbong pananalita. Ngunit kaya mo bang magpakabaliw tulad ng Panginoon? “May lungga ang asong gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matuluyan o mapagpahingahan.”

Baliw ang umurong. Bida ang magpatuloy. Baliw ang tumanggi sa biyayang tiyak at sa kaligtasang walang kaduda-duda. Bida ang sumunod sa kabila ng ganitong mga pananalita: “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”

Panahon na upang maging bida at baliw … tulad ni Eliseo, Pablo, Santiago, Juan, at ang Panginoon. Kanino ka pa?