frchito

Posts Tagged ‘Pagkahari ni Kristong Panginoon’

ANG PINUNO, PASIMUNO, AT ANG TUNAY NA PASTOL

In Karaniwang Panahon, Kristong Hari, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 21, 2014 at 21:25

orthodox-holy-saturday-aus

Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
Nobyembre 23, 2014

PINUNO, PASIMUNO, PASTOL

Isang masakit na katotohanan ang makitang ang mga namumuno sa atin ay tulad ng mga mababangis na hayop na mapagsamamtala sa mga tupa. Lalong masakit tanggapin ang kabatirang ang pinakamasahol na sindikato ay ang mismong inaasahan nating magtatanggol sa kapakanan ng mga mahihirap at maliliit na tao, na siyang kinabibilangan ng karamihang mga Pilipino.

Sa halip na pinuno, pasimuno sa katiwalian ang naririnig at nakikita natin halos araw-araw. Sa sobrang limit at dami ng mga imbestigasyon, wala nang naniniwala sa mga usaping wala namang pakay kundi ang isulong ang kani-kanilang mga adhikain. Wala silang iniwan sa palayok na galit sa kaldero sapagka’t madumi raw at maitim ang kanilang puwitan.

Nguni’t sa kabila ng ating pagka dismaya sa namumuno at mga pasimuno, ang kapistahan natin ngayon ay may kinalaman sa isang pinuno … sa isang hari … sa isang pastol …

Pero, sagli’t lang … hindi siya tulad ng ating mga pinuno at pasimunong ngayon ay ating kinamumuhian.

Una, hindi siya galing sa isang dinastiya. Ang kanyang angkan, bagama’t angkan ni David, ay mga pinunong ang inuna ay ang kapakanan ng kanilang kawan. Ang kanyang makamundong Ama ay hindi isang marangyang tao, kundi isang maliit na tao – isang karpintero tulad rin niya. Ang kanyang Ina ay isang dalagitang walang kapangyarihan na nagpuri sa Panginoon “sapagka’t iniangat niya ang mga mabababa at ibinagsak ang mga palalo.”

Ikalawa, ang kanyang pangangalaga at kapangyarihan ay hindi galing sa partido pulitikal, kundi galing mismo sa Diyos na siyang may akda ng gawang pang kaligtasan. Mula sa bibig ni Exequiel ay ating narinig: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa.”

Ikatlo, at ito ang pinakamahalaga, walang makamundong layunin at adhikain ang naghari sa kanyang puso at isipan, liban sa pagwawagi laban sa pinakamatinding kalaban ng sangkatauhan – ang kasalanan at kamatayang dulot ng kasalanan! “”Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao.”

Medyo nakababahala ang mga nagaganap sa ating lipunan. Nakawawala rin ang lahat ng ito ng pag-asa at nakapagpapapanaw ng katiwasayan.

Pero ang pista natin ngayon ni Kristong Hari ay isang patibay ng ating pag-asa. “Darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagka’t si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway.”

Hindi mga pasimuno ang nagtatangan ng ating kinabukasan. Hindi mga pulpolitiko ang may angkin ng ating hinaharap. Nasa Diyos at tanging nasa Diyos ang tagumpay. Hindi man ngayon, kung kailan tayo ay tila nalulukuban ng kasamaan at kadiliman, ay sa panghinaharap, sa araw ng Kanyang muling pagbabalik.

At kung ito man ay makatutulong sa ating pag-asa at pananabik, dapat nating banggitin na siya ay darating hindi lamang bilang pinuno at pastol. Siya ay darating rin upang maghatid ng katarungan, at paghihiwalayin niya ang mga tupa at mga kambing.

Siya ay pastol, pinuno at gatpuno: gabay at patnubay. Ipokus natin ang ating pag-asa sa kanya, at hindi sa mga kawatang nagpapanggap na mga pinuno at tagapaglingkod. “Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop!” Mabuhay si Kristong Hari!

Advertisement

KUNG BAKIT AKO IPINANGANAK AT NAPARITO!

In Karaniwang Panahon, Kristong Hari, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Nobyembre 23, 2012 at 20:14

PAGKAHARI NG PANGINOONG JESUCRISTO

Nobyembre 25, 2012

Mga Pagbasa: Dan 7:13-14 / Pahayag 1:5-8 / Jn 18:33-37

KUNG BAKIT AKO IPINANGANAK AT NAPARITO!

 

Wala tayong karanasan sa pagkakaroon ng hari sa bayan natin. Sa simula’t sapul, pinamugaran ang bayan natin ng maraming mga maliliit na pinuno, na singdami ng kung ilan ang tribo o balangay, na nagkalat sa buong kapuluan. Bawa’t isang pulutong ay may datu o rajah, at ang bawa’t isa ay sinusunod ng kanya-kanyang maliliit na pangkat ng mga nasasakupan.

Pero sanay tayong lahat sa pakikisalamuha sa naglipanang mga hari-harian. Ito ang mga kung kumilos at umasta ay masahol pa sa haring may tunay na nasasakupan. Ang daming hari sa mga daan natin, halimbawa. King of the road, bi da? Alin? Depende kung nasaan ka. Sa maliliit na daan, ang mga trisikad ang hari … keep left pa nga sila, at laging pasalubong sa regular na daloy ng trapiko. Sa mga dinadaanan ng dyipni, sila ang hari ng daan … tigil dito, hintay doon; para dito, himpil doon. Sa mga expressway, ang hari ng daan ay siempre yung may magagarang sasakyan, lalu na yung may mga patay-sinding ilaw … wala ngang wangwang ay mayroon namang nakasisindak na umiikot na ilaw para patabihin ang lahat ng iba.

Naglipana ang hari sa ating lipunan. May hari-harian sa paaralan. May hari-harian sa LRT, kung saan kung minsan ay sumosobra ang kabastusan ng mga guardia, o ng mga mananakay. May hari-harian rin sa mga parokya, pati mga paring kadarating pa lamang ay binabago ang lahat, at binabale-wala ang ginawa ng nauna sa kanya. May mga hari-hariang mga laiko sa maraming parokya. Kaya nilang magpatalsik ng pari na ayaw nila, sa pamamagitan ng santong dasalan, o santong paspasan. Sa isang parokyang alam ko, ang tawag sa mga hari at reynang ito ay “alis-pari brigade.”

Nakakita na ba kayo ng ganitong hari-harian? Pumunta kayo sa anumang opisina ng gobyerno … marami doon. Pero wag kang pupunta kung malapit na ang tanghalian o malapit nang magsilabasan. Walang aasikaso sa iyo.

Pero isa lamang mungkahi. Wag tayo masyado lumayo. Tumingin tayo sa sarili natin, at kung tayo ay tapat, ay makikita natin ang sarili natin bilang isang potensyal na hari-harian din.

Pista ngayon, hindi ng Hari, kundi ng pagkahari ni Kristo. Medyo may kaibahan ito. Pag sinabi nating Kristong Hari, nasa kanya ang lahat ng katangian ng isang makamundong hari. Pero pag sinabi nating pista ng kanyang pagkahari, mayroon lamang ilan sa pagiging hari ang makikita natin sa kanya.

Hayaan nating mangusap ang mga pagbasa …

Sabi ni Daniel, na hindi niya nakuha ang kanyang karangalan sa pang-aagaw nito. Hindi ito galing sa dinayang eleksyon, o galing sa palakasan o popularidad. “Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian.” Ikalawa, hindi ito ipinagkaloob na parang nakahain sa bandehang pilak mula sa itaas. Sabi sa aklat ng Pahayag, ay “inibig niya tayo at sa kanyang pagkamatay ay pinalaya niya tayo mula sa ating mga kasalanan.” Ikatlo, ito ay hindi isang paghaharing palamuti o pang seremonya lamang, tulad ng ginagawa ng mga makamundong haring walang ginawa kundi ang magpa-litrato at gumupit ng ribbon sa mga pasinaya ng mga bagay na hindi naman nila ginawa.

Sa simpleng mga kataga, may pakay at katuturan ang kanyang paghahari: “Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa akin ang sinumang nasa katotohanan.”

Sa pistang ito ng paghahari ni Kristong Panginoon, mayroon marahil tayong dapat gawin una sa lahat. Sabi nga nila, mahirap mamuno sa isang bayang ang bawa’t isa ay pinuno. Mahirap maglingkod sa isang pamayanang ang sarili lamang ang hanap ng bawa’t isa. Kung mayroon tayong itinuturing na hari, dapat bawasan ng bawa’t isa ang pag-uugali bilang mga munting hari-harian sa pamayanan.

Kailangan nating matulad sa kanya … naglingkod … nag-alay ng sarili … nagpakasakit para sa ating lahat. Siya ang “tunay na saksi, ang unang nabuhay sa mga patay, at Hari ng mga hari sa lupa.” (Ika-2 pagbasa).

Narito ang tunay at wagas na debosyon … hindi sa palamuti at pagsigaw ng “mabuhay si Kristong Hari!” kundi sa paggawa ng nararapat upang, una: mawala tayo sa kanyang daraanan at hayaan siyang maghari nang tunay; ikalawa, ang tumalima o sumunod sa kanyang bawa’t nasa at nais para sa kanyang mahal na bayan.

Hali! Tanggalin ang lahat ng wangwang sa buhay natin: ang wangwang ng kayabangan, ang wangwang ng pagkamakasarili, ang wangwang ng kabuktutan, at ang wangwang ng pagiging sutil at matigas ang puso at kalooban kung ang pag-uusapan ay ang paggawa ng mabuti at ng wasto.

Tulad ng kay Jesus, Hari, Pari at Propeta, ito ang dahilan kung bakit tayo isinilang at naririto sa lupang bayang kahapis-hapis!