frchito

Posts Tagged ‘Pagpapakumbaba’

MAY “K” KA BA?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon on Agosto 30, 2013 at 16:14

images

Ika-22 Linggo Taon K
Setyembre 1, 2013

MAY “K” KA BA?

May kaibahan raw, ayon kay Lisa Fullam, ang peregrino at ang turista. Ang turista ay naglalakbay para makakita ng bagong lugar. Pero ang peregrino ay naglalakbay upang maging bagong tao, magpanibago sa sarili, upang mabuhay ayon sa tuntunin ng pagpapanibago.

Noong ako ay batang pari at isang estudyante sa Roma, ako man ay naging isang peregrino. Galing ako noon sa Madrid patungong Fatima sa Portugal. Apat kami sa compartimento ng tren: isang taga US, isang Kastika, isang Argentino at ako. Nang malapit na ang hangganan ng Espanya at Portugal, pumasok ang inspector at tinanong kaming apat kung taga saan kami. Nang sumagot ang tatlo, hindi sila pinansin. Nang ako ay nagsabing Filipino, agad hiningi ang aking pasaporto, kinilatis, sinalat, binuklat ang lahat ng pahina, na parang may hinahanap at parang ako ay pinagdududahan.

Sa mga sandaling yaon, may dalawa akong naramdaman: ang maging mapagpakumbaba o ang hayaan ang sarili kong mapahiya. Pero sabi nga sa Ingles, “the humble are never humiliated; they are humbled even more.” Hindi maibababa ninuman ang iyong dignidad, hangga’t hindi mo siya pinahihintulutan.

Ang mga pagbasa ngayon ay may kinalaman sa kababaan. Ayaw ni Nietzche ang birtud na ito. Hindi raw ito nagbubunga ng anumang mabuti. Bilang isang walang pananampalataya sa Diyos, wala raw maitutulong ang maging mapagpakumbaba yayamang ang ating pagiging tao ay wala nang anumang karangalan at katuturan.

Ang tingin ni Nietzche sa kababaang loob ay isang kahinaan. Walang panalo ang mahina. Walang mararating ang mapagparangya. Walang tagumpay ang taong mapagpasensya, ang sinumang nagpapalampas ng lahat ng bagay. Dapat raw, ayon sa pilosopiyang makamundo, na unahan ang lahat, sapawan ang lahat, at lamangan ang lahat hangga’t maaari.

Hindi nauunawaan ng mundo ngayon ang mababa at ang nagpapakababa sa sarili. May tawag tayo dito: mahina, walang abilidad, walang “k.”

Pero hindi ito ang sinasaad ng panulat ni Sirak. Hindi ito ang sinasabi ng ebanghelyo. Mapalad raw ang mga aba. Mapalad ang mga tumatangis. Mapalad ang hindi nag-aasam ng hindi niya kaya, sapagka’t hindi siya mapapahiya. Mahirap ang demasyadong matayog ang lipad … mas malagas, diumano, ang lagapak.

Laman ito ang lahat ng balita natin – kung paano lubhang napahiya ang dating sinasamba ng mga mambabatas, na tumatawag sa kaniya bilang “Ma’am.” Marami siyang nilagyang bulsa ng mga kawatan. Marami siyang pinayaman, at siempre, ang kanila ring sarili, kung kaya’t mahigit diumano sa 400 ang kanyang mga accounts sa bangko. Maraming nabayarang boto. Maraming pina-andar na kampanya sa eleksyon. Maraming pinapanalo.

Di ba’t ang lahat ng ito ay kapangyarihan, katatagan, at karangalan? Sinong may sabi na ang masasamang bisyo ay hindi nagbubunga ng pera? Ng dangal at pitagan ng mga nakikinabang, habang nakikinabang?

Pero, sa tinaas taas ng lipad, ay gayun ding kalakas ang lagapak. Walang nananatiling matatag sa mundong ibabaw. Walang hindi naaagnas na anumang kayamanan.

Ngunit sa araw na ito, may isang uri ng “k” ang siyang dapat natin pagsikapan at pagyamanin. Hindi ito kayamanan. Hindi ito karangalang makamundo. Hindi ito kakapalan ng mukha upang manatiling nasa taluktok ng yaman at impluwensya sa lipunan, lalu na sa politika.

Ito ay siyang binanggit sa ebanghelyo ngayon – ang gawain ng isang taong hindi naghahanap ng mataas na upuan, hindi nag-aasam ng hindi para sa kanya at lampas sa kanyang kakahayahan.

Ito ay ang kababaang-loob na siyang nag-udyok sa hefe na magsabi: “Halina at umakyat sa higit na mataas na lugar.”

May “K” ka ba?

HABANG DUMADAKILA, PAGPAPAKUMBABA!

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Agosto 28, 2010 at 18:12

Ika-22 Linggo ng Taon (K)
Agosto 29, 2010

Mga Pagbasa: Eccl 3:17-18, 20, 28-29 / Heb 12:18-19, 22-24a / Lucas 14:1, 7-14

Sa biglang-wari tila magkasalungat ang tinutumbok ng mga pagbasa. Idinidiin ni Sirac ang pangangailangang magpakumbaba, habang dumadakila. May payo pa siya na sadyang tumitiim sa kaibuturan ng damdamin: “Huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman.”

Sa kabilang banda, iginigiit ng ikalawang pagbasa ang dapat sana’y binibigyang pansin ng tao – bago natin pagsikapang umangat sa paningin ng kapwa – ang paglapit “kay Jesus, na tagapamagitan ng bagong tipan.” Ang kababaang-loob ay naghahatid sa pagkilala – higit sa lahat sa pagkilala sa dapat kilalanin at pagpugayan bilang tagapamagitan sa Diyos at tao.

Di miminsang sumagi sa ating isipan ang katotohanang ang mga dati ay simpleng tao, sa sandaling umangat sa lipunan ay biglang nagbabago. Marami tayong nakilalang mga taong dati ay napaka payak at mababa ang loob, nguni’t oras na umasenso sa posisyon at pamemera, kaalaman, at kayamanan, ay hindi na natin makilala na. Kasabihan ng mga Romano … “quam mutatus est ab illo!” Ibang-iba na siya ngayon kaysa dati! Nakatuntong lang sa lapag ng kapangyarihan o karangyaan ay hindi na nakakakilala.

Totoo ito sa lahat ng antas ng lipunan. Ang dating ordinaryong tao na naging kongresman ay biglang napakagaling magtalumpati … ang dating simpleng pari sa parokya na naging obispo, ay biglang nagbubuhay prinsipe na nakatira sa “palasyo” at tila laging naghihintay ng pagpupugay ng mga tao. Ang dating simpleng madreng guro lamang noong kabataan, nang makatuntong sa Roma o sa Alemanya, ay umuwing may tatlong dagdag na letra sa pangalan, ay hindi na marating, hindi na makalipon nang wasto, at tila biglang napakahirap nang kausapin! Kay rami kong mga dating simpleng katekista na noong naging madre o pari – at lalu na yaong mga nakapag-aral sa Roma – pagdating ay hindi na marunong magsalita ng Tagalog, at hindi na puedeng magmisa sa mga tuklong o maliliit na bisita o kapilya sa baryo.

Sa halip na mapalapit dahil sa dagdag na kaalaman, ay lalung napalayo dahil sa dagdag na kayabangan! Ilan sa kilala ninyong dati ay simpleng tao ang nag-asal bilang mga prinsipe at prinsesa mapasa paaralan, sa gobyerno, o sa simbahan man?

May mahalagang pahatid sa ating lahat ang mga pagbasa ngayon. Sa ebanghelyo, turo ng Panginoon na huwag iangat ang sarili at hayaang ang Diyos ang siyang mag-angat sa atin. Ascende superius! Humayo ka sa higit na mataas na upuan, kapatid. Hindi na para sa atin ang hanapin ang kataasan. Ang para sa atin ay ang maghintay pagkalooban … bagay na mahirap gawin.

Matindi ang kalungkutan ko – at – inaamin ko – galit sa mga naganap noong Lunes sa Luneta. Galit at lungkot ang nadama ko dahil sa maraming dahilan, na hindi ko na tutuntunin pa. Napag-ukulan na ito ng napakaraming mga komentaryo sa nakaraang linggo. Ang aking lungkot at galit ay may kinalaman sa kawalan ng kakayahang dumama ng dapat para sa kapwa. Bagama’t hindi ako sang-ayon sa ginawa ni Kapitan Mendoza, may kurot sa puso kong kinikilala na siya ay isa ring biktima ng kawalang pandama ng mga taong nagdesisyon sa kaniyang kinabukasan. Simple lamang ang kanyang hiling … nguni’t ang tugon ng kinauukulan ay nagpamalas ng kawalang kakayahang damhin ang tunay na dinadama ng tao – ang kakayahang mag-empatiya sa nagdurugong puso ng isang taong ang tingin sa lahat ng bagay ay tila wala nang solusyon. Hindi rin ako masaya at nagalit rin ako nang makita ko ang pinuno natin na nakangisi sa harap ng kamera habang tinatanong ng mga media. Nagalit ako sapagka’t tila ito ay isang pagmamaliit sa damdamin ng mga nagdadalamhati!

Matindi ang naging bunga ng kawalang pansing ito, ang kawalang kakayahang mag-empatiya sa isang taong nag-aalboroto. Kahiya-hiya ang naging bunga … malagim at nakaririmarim!

Malinaw ang liksyon sa akin nito … habang tumataas sa posisyon ay dapat mas higit na nagsisikap magpakumbaba, at matutong magbasa ng tunay na dinaramdam ng mga taong pinaglilingkuran. Simple lang ito … sa haba ng panunungkulan ng maraming tao, sa dami ng mga pinagdadaanang mga pagsubok, at mga problema, madali na mawala ang hibla ng tunay na pagkatao at pagmamakatao … maaring tumigas ang puso at damdamin, at ituring ang lahat ng mga tao bilang isa lamang numero, isa lamang sa napakaraming suliraning dapat idispatsa nang mabilisan. Hindi nila nabasa ang hinaing ni Kapitan Mendoza … Hindi naiangkop ng pinuno natin ang wastong emosyon na kaakibat ng kalagim-lagim at malungkot na pangyayari.

Nakatatakot matay nating isipin ang umangat at tumaas sa posisyon. Maraming paghamon, maraming pagsubok, at maraming pananagutan. Isa sa mga pangunahing batas na dapat sundin ng mga nais maglingkod ang siyang binibigyang-diin sa mga pagbasa ngayon … habang dumadakila, pagpapakumbaba … Ipagpasa Diyos na lamang natin ang napakagandang pangungusap na ito … “Amice, ascende superius!” “Kaibigan, umakyat ka pa sa itaas.”