frchito

Posts Tagged ‘Pagpapatawad’

TINGNAN AT TIKMAN!

In Catholic Homily, Eukaristiya, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon K on Marso 7, 2013 at 20:46

images-1Ika-apat na Linggo ng Kwaresma Taon K

Marso 10, 2013

Mga Pagbasa: Josue 5:9a, 10-12 / 2 Cor 5:17-21 /Lucas 15:1-3, 11-32

TINGNAN AT TIKMAN!

Malaki ang nagagawa ng presentasyon sa pagkain. Kapag may kulay, may kaayusan, at nakalagay sa magandang bandeha o bulusan, sumasarap ang pagkain. Bago natin tikman, tama lang na tingnan muna, diba? Sa mga Pinoy tulad natin, may ikatlo pa … hindi natin kakainin ang mangga o tsiko hanggang hindi natin muna inaamoy. Ang langka, ang atis, ang mabolo, at pati litson galing Cebu o Iloilo o Cagayan de Oro … inaamoy natin, tinitingnan natin, saka tinitikman!

Ang unang pagbasa ay may kinalaman sa kasayahang dulot ng pagkain, at ang pagsasalo ng pagkain bunsod ng kasayahan. Bakit nga ba? Tingnan natin: “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Sino nga ba ang hindi matutuwa nito? Hinango sila sa kahihiyan! At sino sa inyo, vamos a ver, ang hindi maghahanda dahil sa naahon kayo sa kahihiyan?

Ngayong malapit na naman ang mga gradwesyon, a ver, sino sa inyo ang hindi maghahanda man lamang ng litsong manok, o Chooks-to-go? Pag masaya, may kainan; pag may kainan (at inuman) ay masaya!

Pero higit pa rito sa sa mababaw na kainan ang dahilan ayon kay San Pablo. Aniya, ang sinumang naging bago ay dapat lamang magsaya: “Ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala ang ang dating pagkatao; siya’y bago na.” O di ba? Pag may bago kayong celfon, di ba masaya? Pag may bago kahit man lang Bench T-shirt, sino ang hindi masaya? Eh, iyon pa kayang pinagbago tayo ng Diyos nang kabuuan, sa kaibuturan, sa kaluob-looban ng ating pagkatao?

Pwes, simple lang ang kwento natin ngayon. Pag bago, masaya. Pag masaya, may kainan, may katuwaan, at lahat ay nakangiti!

Teka … pero sa kwento sa ebanghelyo, may iba-ibang asal ang nakita natin. Nanduon ang batang kapatid, hindi makahintay mag-good time … Buhay pa ang tatay ay kinubra na ang kanyang mana. Sadya yatang may mabait na tatay sa mundo … walang dalawang salita … walang dalawang isip … kapagdaka’y binunot ang pinakatago-tagong special deposit sa bangko (wala na ngayong time deposit … hindi na uso … walang kita!). Kagya’t lumayas … nagliwaliw at inubos ang datung!

Ayon, nang mauntog sa ulo ay natauhan … nahabag sa sarili nang darak na lamang ang kanyang kinakain. Nagbalik-loob, at lumuhod sa ulirang ama. Aba! At nag painom pa mandin ang tatay na mapagpatawad … naghanda ng litsong baka at lahat.

At dito pumasok ang kwento ng tampo, ng inggit, ng nagkukubling galit … mula sa nakatatandang kapatid. Masasaya ang lahat; pero ang may sakit sa puso at ulo, ay may sakit rin sa puson, sa tiyan … hindi matunaw ang kanyang galit at tampo … akala nyo ba matutunawan rin siya sa kanyang kakainin?

Napakayaman ng pagbasa sa Linggong ito … at napakahirap bigyang lagom sa sampung minutong paliwanag. Sapat na sigurong tanungin natin ang sarili natin … may balakid ba sa puso natin upang magsaya? May balakid ba sa pangkatao natin upang, dahil sa pagsasaya ay matuto tayong makibahagi sa kainan, at makiisa sa mga nagpapasalamat din at nagsasaya?

Nakita ng mga Israelita ang biyayang dakila na sinapit nila. Naiahon sila sa kahihiyan. At sila’y nagkainan, hindi ng mana, kundi ng tunay na pagkain, mga bunga ng kalupaan! Tiningnan rin ni Pablo ang dakilang kaloob ng pagbabago mula sa Diyos. At ang tiningnan ay nagbunsod sa kanya upang matikman ang kagandahang loob ng Diyos.

Tingnan … Alin? Ang mga biyayang nasa atin na ngayon. Huwag hayaang ang tampo o galit ay maging balakid sa ating wastong pagtingin, wastong pagkakita.

Sa Misang ito, wag lang tingnan, wag lang dinggin … tikman ang kagandahang loob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristong nag-alay ng kanyang katawan at dugo. Buksan ang mga mata … palitan ang lente ng camera … alisin ang macro at palitan ng wide angle, upang makita ang lawak ng panorama, ang lawak at lalim ng pag-ibig ng Ama, na siyang tunay na alibugha sa pagpapatawad at pagmamahal sa ating kanyang mga anak na makasalanan!

Hali! Wag nang patumpik-tumpik pa … Tingnan at tikman ang pag-ibig ng Diyos!

POOT AT PAGNGINGITNGIT O HABAG AT KAPATAWARAN?

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Agosto 31, 2011 at 22:39

Ika-24 na Linggo (A)
Setyembre 11, 2011

Mga Pagbasa: Ecc 27:30 – 28:7 / Roma 14:7-9 / Juan 13:34

N.B. Ipinapaskil ko na ito ngayon, sapagka’t hindi ako siguradong makapagpapaskil dahil sa isang mahabang lakbayin sa sunod na tatlong linggong darating.

Nagkatuig na ang paksain natin sa araw na ito ay akmang-akma at tugmang-tugma sa araw na ito, ika-sampung taon matapos maraming namatay sa World Trade twin towers, dahil sa poot at pagngingitngit. Sampung taon na ang lumipas nguni’t hindi pa rin maunawaan ng buong daigdig kung bakit ang dalawang saloobing ito ay patuloy na nagpupuyos sa damdamin at isipan ng marami.

Ang masahol pa sa bagay na ito ay ang mahirap tanggaping katotohanang ang batayan ng ganitong karumal-dumal na gawain ay walang iba kundi ang Diyos diumano. Para sa Diyos, ang tao ay pumapatay. Sa ngalan ng Diyos, ang ilang tao ay nagpapadala sa tawag ng karahasan. Sa ngalan ng Diyos, mayroong handang magpahirap, pumaslang, at kumitil ng buhay ng mga walang kamalay-malay, marating lamang ang kanilang minimithing diumano ay kagustuhan ng Diyos.

Di kaila sa marami sa atin na hindi ito ang turo ng banal na aklat. Bagama’t nakita natin sa Lumang Tipan kung paano ang pakikidigma ay bahagi ng buhay ng mga Israelita, hindi natin maikakaila na, sa paglawig ng unti-unting pagpapahayag ng Diyos, unti-unti ring luminaw sa kabatiran ng mga sumasampalataya, na hindi digmaan, kundi kapayapaan ang sanghaya at pithaya ng Diyos.

Sa unang pagbasa, ayon kay Sirac, ang poot at pagngingitngit ay siyang niyayakap ng mga makasalanan, subali’t ang kagustuhan ng Diyos ay ang habag at kapatawaran.

Kay rami na nating nasayang na panahon. Tuwing may bagong administrasyon sa pamahalaan, parang laging dapat magsimula uli sa zero. Kalimitan, ang sinimulan ng nakaraang administrasyon ay binabaligtad, o hinahadlangan ng sumunod. Ang mga posteng nagkalat sa mga lansangan, o ilaw na may mga pangalan ng lumang pinuno, ay sinisira, pinapalitan, at binabago ng sumusunod. Laksa-laksang pera ang nasasayang sa pagtatanggal lamang ng pamana o palatandaan ng naunang administrasyon. Poot at pagngingitngit ang siyang namamayagpag sa lipunan nating lubog sa kultura ng kasalanan at pagkamakasarili.

Nais kong isipin na isa ito sa mga tinutumbok ng magandang balita sa araw na ito. Tagubilin ni Pablo ang kaisipang “walang sinuman ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang.” Lahat tayo ay kabilang, kasapi, at kasama sa iisa lamang angkan, na dapat ay pinagbubuklod, hindi ng poot, kundi ng pagpapatawad at kahabagan.
Madali ang mapadala sa poot. Mahirap ang magpatawad ng nagpapahirap sa iyo. Hindi nadadala na lamang ang lahat sa pagpaparangya, o pagpapasensya, lalu na kung may halong malisya at poot rin ang ginagawang panunuligsa ng taong tila walang magawang magaling sa buhay. Hindi ako magsasabi ng totoo kung hindi ko aaminin na sinagian na rin ako nang di miminsan ng kagustuhang maghiganti, kumilos ayon sa takbo ng isipan ng mundo, at suklian rin ng masama ang gumawa sa akin ng masama.

Subali’t ito ang kadakilaan ng Diyos. Sa ebanghelyo, ayon sa talinghagang ipinahayag ng Panginoon, may isang katiwalang pinagparangyaan ng hari, pinagbigyan, at pinatawad sa pagkakasala. Nguni’t siyang tumanggap ng awa at habag, at hindi nagsukli ng parehong awa at habag. Ang kanyang poot at pagngingitngit ay ibinuhos niya sa kapwang tulad niya, ay may pagkakautang rin at kakulangan. Hindi niya nakuhang pagbigyan rin ang kapwa, tulad nang siya ay napagbigyan ng hari.

Malinaw ang turong sa atin ay nakatuon. Hindi tayo tinatawagan upang pagharian ang puso natin ng poot. Tayo ay tinatawagan upang tulad ng Diyos, ay magpamalas tayo sa isa’t isa ng awa at kahabagan.
Sadyang mahirap itong gawin. Hindi madali. Hindi isang iglap na maisasagawa ninuman. Pero ngayon pa man, ay dapat na tayong magpasya at mamili: ang daan ng poot at pagngingitngit, o daan ng awa at kahabagan.

Hindi mahirap isipin ang kahihinatnan ng unang dalawa. Hindi maglalaon at kaya nating wasakin ang buo nating mundo at ang lahat ng naririto. Nguni’t hindi rin mahirap makita ang hatid ng dalawang kasunod na salita … Ang poot ay naghahatid sa kamatayan, at ang awa ay nauuwi sa kapayapaan at katiwasayan.

Magpasya tayo ngayon din, yamang “ang ating mahabaging Diyos ay nagmamagandang-loob”