frchito

POOT AT PAGNGINGITNGIT O HABAG AT KAPATAWARAN?

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Agosto 31, 2011 at 22:39

Ika-24 na Linggo (A)
Setyembre 11, 2011

Mga Pagbasa: Ecc 27:30 – 28:7 / Roma 14:7-9 / Juan 13:34

N.B. Ipinapaskil ko na ito ngayon, sapagka’t hindi ako siguradong makapagpapaskil dahil sa isang mahabang lakbayin sa sunod na tatlong linggong darating.

Nagkatuig na ang paksain natin sa araw na ito ay akmang-akma at tugmang-tugma sa araw na ito, ika-sampung taon matapos maraming namatay sa World Trade twin towers, dahil sa poot at pagngingitngit. Sampung taon na ang lumipas nguni’t hindi pa rin maunawaan ng buong daigdig kung bakit ang dalawang saloobing ito ay patuloy na nagpupuyos sa damdamin at isipan ng marami.

Ang masahol pa sa bagay na ito ay ang mahirap tanggaping katotohanang ang batayan ng ganitong karumal-dumal na gawain ay walang iba kundi ang Diyos diumano. Para sa Diyos, ang tao ay pumapatay. Sa ngalan ng Diyos, ang ilang tao ay nagpapadala sa tawag ng karahasan. Sa ngalan ng Diyos, mayroong handang magpahirap, pumaslang, at kumitil ng buhay ng mga walang kamalay-malay, marating lamang ang kanilang minimithing diumano ay kagustuhan ng Diyos.

Di kaila sa marami sa atin na hindi ito ang turo ng banal na aklat. Bagama’t nakita natin sa Lumang Tipan kung paano ang pakikidigma ay bahagi ng buhay ng mga Israelita, hindi natin maikakaila na, sa paglawig ng unti-unting pagpapahayag ng Diyos, unti-unti ring luminaw sa kabatiran ng mga sumasampalataya, na hindi digmaan, kundi kapayapaan ang sanghaya at pithaya ng Diyos.

Sa unang pagbasa, ayon kay Sirac, ang poot at pagngingitngit ay siyang niyayakap ng mga makasalanan, subali’t ang kagustuhan ng Diyos ay ang habag at kapatawaran.

Kay rami na nating nasayang na panahon. Tuwing may bagong administrasyon sa pamahalaan, parang laging dapat magsimula uli sa zero. Kalimitan, ang sinimulan ng nakaraang administrasyon ay binabaligtad, o hinahadlangan ng sumunod. Ang mga posteng nagkalat sa mga lansangan, o ilaw na may mga pangalan ng lumang pinuno, ay sinisira, pinapalitan, at binabago ng sumusunod. Laksa-laksang pera ang nasasayang sa pagtatanggal lamang ng pamana o palatandaan ng naunang administrasyon. Poot at pagngingitngit ang siyang namamayagpag sa lipunan nating lubog sa kultura ng kasalanan at pagkamakasarili.

Nais kong isipin na isa ito sa mga tinutumbok ng magandang balita sa araw na ito. Tagubilin ni Pablo ang kaisipang “walang sinuman ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang.” Lahat tayo ay kabilang, kasapi, at kasama sa iisa lamang angkan, na dapat ay pinagbubuklod, hindi ng poot, kundi ng pagpapatawad at kahabagan.
Madali ang mapadala sa poot. Mahirap ang magpatawad ng nagpapahirap sa iyo. Hindi nadadala na lamang ang lahat sa pagpaparangya, o pagpapasensya, lalu na kung may halong malisya at poot rin ang ginagawang panunuligsa ng taong tila walang magawang magaling sa buhay. Hindi ako magsasabi ng totoo kung hindi ko aaminin na sinagian na rin ako nang di miminsan ng kagustuhang maghiganti, kumilos ayon sa takbo ng isipan ng mundo, at suklian rin ng masama ang gumawa sa akin ng masama.

Subali’t ito ang kadakilaan ng Diyos. Sa ebanghelyo, ayon sa talinghagang ipinahayag ng Panginoon, may isang katiwalang pinagparangyaan ng hari, pinagbigyan, at pinatawad sa pagkakasala. Nguni’t siyang tumanggap ng awa at habag, at hindi nagsukli ng parehong awa at habag. Ang kanyang poot at pagngingitngit ay ibinuhos niya sa kapwang tulad niya, ay may pagkakautang rin at kakulangan. Hindi niya nakuhang pagbigyan rin ang kapwa, tulad nang siya ay napagbigyan ng hari.

Malinaw ang turong sa atin ay nakatuon. Hindi tayo tinatawagan upang pagharian ang puso natin ng poot. Tayo ay tinatawagan upang tulad ng Diyos, ay magpamalas tayo sa isa’t isa ng awa at kahabagan.
Sadyang mahirap itong gawin. Hindi madali. Hindi isang iglap na maisasagawa ninuman. Pero ngayon pa man, ay dapat na tayong magpasya at mamili: ang daan ng poot at pagngingitngit, o daan ng awa at kahabagan.

Hindi mahirap isipin ang kahihinatnan ng unang dalawa. Hindi maglalaon at kaya nating wasakin ang buo nating mundo at ang lahat ng naririto. Nguni’t hindi rin mahirap makita ang hatid ng dalawang kasunod na salita … Ang poot ay naghahatid sa kamatayan, at ang awa ay nauuwi sa kapayapaan at katiwasayan.

Magpasya tayo ngayon din, yamang “ang ating mahabaging Diyos ay nagmamagandang-loob”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: