frchito

Posts Tagged ‘Panahon ng Pagkabuhay’

TUNAY NA PUNO; TAPAT NA BUNGA!

In Uncategorized on Mayo 4, 2012 at 16:41

Image

Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay (B)

Mayo 5, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 9:26-31 / 1 Jn 3:18-24 / Jn 15:4a-5b

Isa sa mga natutunan ko sa paghahalaman ay ang tinatawag namin sa Mendez, Cavite na “pagsusuloy.” Noong araw na maganda pa, ika nga, ang kita sa kape, walang sinumang makaaasang mag-ani nang maraming kape kung hindi sinusuluyan ang mga puno. Walang iba ito kundi ang pagpuputol sa mga suloy na kumakain lamang ng tubig at sustansiya ng lupa na hindi naman namumunga sa huli. Para makapamunga nang marami ang puno, dapat tanggalin ang mga suloy sa tagiliran ng puno at panatiliin lamang ang mga matatandang sanga upang sila ang mamulaklak at mamunga.

 

Isang kabaligtaran mang palaisipan ito, nguni’t ito ang totoo. Ang tunay na sanga lamang ang siyang nagbibigay ng tapat na bunga. Ang lahat ng mga palsong mga sanga, na sumisipsip lamang ng tubig at pataba, ay panay dahon lamang ang alay … walang bunga!

 

Mahaba-haba na rin ang nilakbay natin sa panahon ng Pagkabuhay. Sa Linggo ng Pagkabuhay, ang pinagnilayan natin ay walang iba kundi ang katotohanan ng kanyang muling pagbangon mula sa kamatayan. Sa ikalawang Linggo, pinagnilayan natin ang pananatili sa piling natin ng Panginoong muling nabuhay. Sa ikatlong Linggo, ay ginunita naman natin kung paano ang pahayag na pagkabuhay ay naiparinig at naipa-alam sa balana. Noon namang isang Linggo ay napagtanto natin kung ano ang bunga ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesus – walang iba kundi ang kaligtasan ng sangkatauhan!

 

Sa araw na ito, ikalimang Linggo, ang atin namang hinaharap ay kung ano ang ibinunga ng kaligtasang ito, at kung paano nagsimula at nagkatotoo ang kaligtasan – ang bunga ng isang pamayanang nagkakaisa, nagkakahugpong, at namumunga dahil mismo sa kaisahang ito sa Panginoong muling nabuhay.

 

Napakadaling makita ang katotohanang ito sa kalikasan. Walang kaduda-duda, liban lamang kung ang sinuman sa aking tagabasa ay hindi nakapagtanim sa tanang buhay nila. Kahit sa simpleng kamote lamang o kangkong ay madaling mapatunayan ang sinasabi ng Panginoon. Putulin mo ang isang sanga, at kapagdaka’y malalanta, mamamatay. Tagpasin mo ang isang bahagi ng gumagapang na kamote o kalabasa ay ito ay hindi magtatagal, di maglalaon ay matutuyot at malalanta.

 

Hindi rin mahirap ilipat ang larawang ito sa ating pakikibahagi sa isang samahan. Kapag ang isang kasapi ay humiwalay o tumiwalag, mahirap ang panatiliing nakatayo ang anumang ginagawa natin. Nakita natin ito nang paulit-ulit sa buhay natin. Kay raming mga samahan ang nagsimula nang maganda at maayos, hanggang sa sagian o dapuan ng inggit o galit. Pag ito ay hindi nasawata, nanganganak ang mga samahan, nagkakawatak-watak, at ang nangyayari ay matira ang matibay. Ang dating iisang samahan na iisa ang pakay at layunin ay nagiging dalawang pareho ang layunin. Ang dating nagkakaisa sa iisang mithiin ay nagiging magkaribal sa parehong naisin, at nagiging magkalaban sa iisang larangan o balakin. Di maglalaon ang dalawang samahan ay namamatay nang dahan-dahan, o parehong naglalaho sa sirkulasyon.

 

Marami  nang liksyon o aral ang kasaysayan tungkol dito. Pati ang simbahang itinatag ni Kristo ay naging biktima ng parehong pagkakawatak-watak, at ang lahat ng tumiwalag mula sa iisang Iglesyang itinatag ng Diyos ay nagkawatak-watak pa rin, at nahati-hati sa marami pang ibang pulutong o pangkat-pangkat.

 

Para sa akin, napakalinaw ang aral ng ebanghelyo sa araw na ito. Kinakailangan nating manatiling nakakabit o nakahugpong sa iisang puno, kung tayo ay mamumunga nang marami. Hindi tayo puedeng mag-asal na tulad ni Lone Ranger, na may kanyang sariling mithiin at pakay sa buhay.

 

Subali’t hind lamang pananatili ang dapat natin gawin. Dapat din ay makatotohanan ang ating pananatili. Dapat rin na tayo ay naka-hugpong sa tunay na puno, upang ang bunga natin ay marami at tapat, kaaya-aya at kapaki-pakinabang.

 

Madali rin ito makita sa pagtatanim o pag-aalaga ng halaman. Kung minsan, ang tanim na kamote ay nahahaluan ng ibang binhi. Ang bunga na galing sa tunay na puno at tunay na binhi ay magaganda, mayayabong at kaaya-aya. Nguni’t ang galing sa hindi tunay na puno ay lumalabas na bukbukin, maraming pecas ang bunga, at hindi matamis, o kung minsan ay may halong pait. Ang kamoteng bukbukin ay hindi nabibili, at walang silbi kundi pakain sa baboy.

 

Kung minsan, ang tunay na puno ay dapat rin linisin. Dapat tanggalin ang mga suloy na hindi bahagi ng tunay na puno, at lalong hindi nagbubunga nang tapat at kaaya-aya. Ito ang dapat suluyin, dapat tabasin, at dapat putulin. Ayon mismo kay Kristo, “pinuputol niya ang mga sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga.”

 

Sa panahon natin, hirap ang hindi bahagi ng isang malaking kompanya. Hirap ang anumang komersyo na hindi kaugat ng malalaki o dambuhalang mga multinationals. Sa buhay natin bilang kristiyano, hindi tayo maaring nag-sosolo, nag-iisa at walang koneksyon kaninuman. Higit sa lahat, kailangan nating manatili kay Kristo, siyang tunay na puno, kung gusto nating gumawa ng tapat na bunga.

BUTIHING PASTOL; PINUNONG MAPAGKALINGA

In Uncategorized on Abril 28, 2012 at 20:02

Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay (B)

Abril 29, 2012

Image

Ang mga pagbasa ngayon ay tila lahat tumutuon sa diwa ng kapangyarihan. Sa unang pagbasa, binanggit ni Pedro kung paano napagaling ang lumpo. Hindi siya nag-atubiling sabihin na ito ay galing sa kapangyarihan ng ngalan ni Jesus … na tinagurian niyang batong itinakwil na naging batong panulukan, saligan ng haliging matatag ng pananampalataya.

Ang ikalawang pagbasa ay hindi rin nagpalamang. Nakasalig naman, sabi ni Juan Evangelista, ang kapangyarihang ito sa pag-ibig, na nagpabagong-anyo sa mga sumasampalataya at sila’y naging higit pa sa rito – dahil sa pag-ibig, sila ay naging mga anak ng Diyos. Pero ang ebanghelyo ay parang naligaw ng landas, kumbaga. Ang kapangyarihan ay napasa larawan ng isang pastol – maamo, maalaga, masinop, mapagmatyag, at mapagpaanyo sa kapakanan ng kawan! Parang malayo ito sa diwa ng kapangyarihan!

Una sa lahat, hayaan ninyong aminin ko sa inyo na sa panahong ito ay tila ako ay walang lakas at walang kapangyarihan. Sobra init … sa init na ito ay ayaw mo nang kumilos, ayaw mong gumalaw. Gusto mo na lamang ay nakatapat sa bentilador maghapon o nakababad sa kung saan may aircon. Pero bukod rito, may iba pa ring sumisipsip ika nga ng aking kapangyarihan, kung meron man … ang tila kawalang kakayahan ng pananampalatayang katoliko na puknatin at wasakin ang kampon ng kadiliman, ang lalim at lawak ng korupsyon sa lipunan, at ang tila walang puknat na pagyurak sa karapatan ng mga mangmang at hindi aral, na patuloy na pinaiikot ng mass media.

Sa panahong ito, aminin man natin o hindi, ay nagsimula na ang kampanya para sa eleksyon sa 2016, nang nagpalabas na ng hanay ng mga kandidato sa pagka senador. Di maglalaon ay makikita na naman natin ang paglipat ng partido ng mga taong walang paninindigan, walang pinanghahawakan, at walang isinusulong liban sa kanilang sariling bulsa at kapakanan.

Pawang tila walang kaya tayong lahat sa harap ng kadilimang ito. Dahilan ito upang ako ay malungkot, manghinawa, at mawalan kung minsan ng pag-asa. Bagama’t nagpaliwanag na ang pitong Obispo tungkol sa mga sasakyang ipinagkaloob ng Pagcor, para sa kapakanan ng mga mahihirap, marami pa rin ang nadala sa mapanlinlang na balita tungkol sa diumano ay mga ganid na obispong naging korap din sa paghahangad ng magagarang sasakyan. Palso man ang balita, ay parang lintang dumikit na sa kamalayan ng marami.

Anong uri baga ng kapangyarihan ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon? Una sa lahat, ito ay hindi galing sa atin. Hindi ito galing sa ibaba, sa lupang ibabaw. Ang kapangyarihang makamundo ay mababaw, pahapyaw, at walang patutunguhan. Ang kapangyarihang ito ay nakasalalay sa banal na ngalan ni Jesus. Sa ngalang ito nagkamit ng kagalingan ang lumpo, sa pamamagitan ni Pedro.

Ikalawa, ang kapangyarihang ito, ayon kay San Juan, ay nakasalig sa pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay siyang naging dahilan kung paano nagbagong-anyo ang mga sumampalataya at nagkamit ng bagong kakanyahan. Bukod sa pagiging mananampalataya, sila ang naging mga anak ng Diyos. Nabago ang kanilang pagkatao, nadagdagan ng isang karangalang hindi taal sa kanilang pagkatao, bagkus kaloob mula sa Diyos.

Pero hindi ito ang pinakamahalaga sa lahat. Ang lubhang mahalaga ay walang iba kundi ang larawang ikinikintal sa atin ng pahayag ng Panginoon – na siya ay isang Pastol, isang lingkod, isang mababa ang loob, at tila walang kayang tao. Ito ang nagbibigay sa akin ngayon ng kaunting tapang, kaunting lakas, at kaunti pang pagpupunyagi.

Mahaba-haba na rin ang mga taong nangaral ako, nagturo, nag-Misa at naging tagahubog ng mga kabataan.Marami na rin akong napagdaanan. Marami na akong nakita at naranasan. At alam kong sa takbo ng mga pangyayari, ang mga bagay-bagay ay mas lalala pa, bago ito maging mas mabuti, malungkot man aminin. Sa pagdaan ng mga taon, nalulukuban ako ng maraming pangamba, takot, at pag-aalinlangan. May bunga pa kaya ang pagsisikap ng Inang Simbahan na mangaral, yamang ang lahat ay nababaligtad ng mga pahayagan at mga estasyon ng TV at radio? May katuturan pa ba ang mangaral, kung ang mga sasabihin ko ay mapagbibintangang pamumulitika, na tila baga ang pulitika ay hindi napapasa ilalim ng batas moral ng ebanghelyo? May dahilan pa ba upang magsikap at magpunyagi para sa katarungan at katotohanan?

Ang liksyong malinaw ng mga pagbasa ngayon, ay isang matunog na “oo” … may pag-asa pa … may katuturan ang lahat, at ang dahilan nito ay walang iba kundi siyang nagturo na ang kapangyarihan ay makikita sa pagmamahal, sa paglilingkod, sa kababaang-loob, sa pang-aalipusta ng balana, sa pagkamuhi ng mga napopoot sa kanya, at sa kasukdulan, ay sa kanyang paghihirap at pagkamatay sa krus. Ito ang Panginoong butihing Pastol … maamo, mababa ang loob, nguni’t mapagkalinga at mapagpaanyo sa kapwa, sa mga tila mga tupang walang patutunguhan. May pastol tayong naggagabay, subali’t ang tanong ay ito: may kawan ba tayong nakikinig at tumatalima?