frchito

Posts Tagged ‘Panahon ng Pagkabuhay’

PUNO, PUNA, PUNO’

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Taon B on Mayo 8, 2009 at 20:32

vine_branches1
Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay(B)
Mayo 10, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 9:26-31 / 1 Juan 3:18-24 / Juan 15:1-8

Sa araw na ito, tatlong kataga ang lumulutang sa aking guniguni bilang simulain ng isang pagninilay sa ikalimang linggo ng pagkabuhay. Ang una ay katagang ginamit mismo ng Panginoon – puno … “Ako ang puno ng ubas; kayo ang mga sanga.” Ang puno ay may kinalaman sa katatagan, katibayan, kalakasan, siyang dinadaluyan ng buhay ng isang halaman, ang pinaka-haligi alalaumbaga, ng isang matayog na halaman. Kung walang puno ay walang sanga, walang dahon, at walang buhay, sapagka’t walang dinadaluyan ng sustansiya at lakas na kailangan ng buong halaman.

Hindi namumunga ang puno (ang haligi). Walang prutas na napipitas sa puno, kundi sa sanga. Subali’t walang sanga ang maaaring mamunga kung hindi nakakabit sa puno. Walang sanga ang maaring makapag-sarili liban sa pagiging kadugtong ng puno. Ang sanga na humiwalay sa puno ay kagya’t nalalanta, natutuyot, at namamatay.

Malinaw ang turo sa atin sa araw na ito. Bilang mga sanga lamang, hindi kailanman tayo makaaasang maging hitik ng bunga kung hindi kaakibat ng puno.

Ito ang pangunahing puna na dapat nating isapuso at isaisip sa araw na ito. Noong isang Linggo, ginunita natin ang katotohanang tanging is Kristo lamang ang nakapagsabi at nakapagpatunay sa kanyang buhay at kamatayan at muling pagkabuhay sa kanyang pagiging isang butihing pastol. Isa sa kanyang pagiging butihing pastol ay ang katotohanang ang buhay niya ay laging kaakibat ng kanyang kawan. Ang kawan ay nakikinig sa kanyang tinig at kilala rin naman ng pastol ang kanyang kawan. Mayroong isang maigting at matibay na koneksyon ang namamagitan sa pastol at kawan.

Sa Linggong ito, koneksyon pa rin ang ating unang puna sa mga pagbasa …. Koneksyon ng puno at ng sanga, ng haligi at ng bunga, tulad sa koneksyon na naghahari sa pagitan ng pastol at ng kawan.

Malalim at malinaw ang pang-unawa ng tao ngayon sa koneksyon. Una sa lahat, hirap tayo kung walang koneksyon ang selfon, kung walang signal. Hindi tayo makapamumuhay nang matagal ng walang load, walang signal, at walang selfon. Pakiramdam ng isang taong walang selfon ay parang hubad, o parang sundalong walang armas. Hindi tayo makaalis ng bahay ng walang selfon, walang signal, at para tayong yagit na yagit kung walang load. Koneksyon ang usapan natin dito. Koneksyong pisikal at elektronika, sa pamamagitan ng iba-ibang “bands” na tinatawag. Sa dalawang linggong nakaraan, sira ang internet koneksyon namin. Dalawang Linggo rin akong pilay. Hindi ako nakapagpaskil ng homiliya ko sa blogsite. Parang hindi ako makapamunga sapagka’t ang puno ay walang sanga, o ang sanga ay hindi kaakibat ng puno.

Ito ang malinaw na turo sa atin ni San Pablo. Noong siya ay sumampalataya kay Jesucristo, kinailangan niyang makisama at maki-ugnay sa puno ng Simbahang nagsisimula pa lamang. Kinailangan niyang maging kaugnay at kadugtong ng katawang mistiko ni Kristo. Kung kaya’t sa kabila ng mga puna at duda ng mga tao sa kanya, na hindi kaagad naniwala sa kanyang pagbabalik-loob, ay nanatili siyang nakakabit sa katawang mistiko ni Kristo, kahit noong siya ay isugo sa Cesaria at sa Tarso, kung saan siya isinilang.

Ang kaugnayang ito ni Pablo kay Kristo ang siyang naging muog ng katatagan ng kanyang pangangaral sa mga pagano, sa mga Helenista, na kung tawagin ay hentil.

Naging puno ng bunga ang buhay at ministerio ni Pablo. Siya ay naging tagapaghatid ng magandang balita sa mga hentil, sa mga hindi orihinal na Judio ang paniniwala. Dinala niya sa malalayong lugar ang magandang balita ng kaligtasan. Isa siyang mahaba ay mayabong na sanga na, bagama’t sanga, ay nanatiling kaakibat ng puno na walang iba kundi si Jesus. “Ako ang puno ng ubas; kayo ang mga sanga.”

Mayabong na rin ang mga sanga ng orihinal na puno ng simbahan. Malago at malawak na rin ang narating at naabot. At dito papasok ang pangunahing puna na pinag-usapan natin. Walang punong namumunga liban sa pamamagitan ng sanga, at walang sangang namumunga liban kung kadugtong ng puno. Wala tayong kayang gawin sa ganang sarili natin at limitadong kakayahan. Kung hindi ang Diyos ang nagpasya, ay walang kabuluhan ang paggising natin nang maaga, walang kabuluhan ang ating pagpupuyat at pagsusunog ng kilay.

Walang kapunuan kung walang pananatili sa puno, at pagbabata ng puna na may kinalaman sa paglago natin sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Sine me, nihil potestis facere. Liban sa akin, ay wala kayong anumang magagawa.

Isang puna lamang para sa ating lahat sa araw na ito. Hindi tayo mapupuno, kung malayo sa puno na siyang maydulot ng kaganapan at tunay na kapunuan. Tayo ay mga hamak na mga sanga lamang, hindi haligi, hindi puno. At ang kapunuan natin ay galing sa pakikpagniig at pagkadugtong lamang sa pinagmumulan at dinadaluyan ng tunay na buhay – ang buhay na walang hanggan.

HANGGANG SUMAPIT ANG WALANG HANGGAN!

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Abril 25, 2009 at 11:30

jesusoneastersunday

IKA-3 LINGGO NG PAGKABUHAY(B)
Abril 26, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 3:13-15, 17-19 / 1 Juan 2:1-5a / Lucas 24:35-48

Sa unang dakilang panalangin ng Misa sa araw na ito, na ang tawag ay “kolekta,” tila nagsasalpukang diwa at larawan ang binibigyang-diin: kadiliman, liwanag, libingan, pagkabuhay, liwanag ng isang bagong araw, at ang diwa ng kawalang hanggan. Ating dinasal sa ikalawang panalangin sa kolekta:

“Ama namin sa langit, may-akda ng lahat ng katotohanan, ang iyong bayan na dati ay nababalot ng kadiliman ay nakapakinig sa iyong Salita at sumunod sa iyong Anak na bumangon mula sa libingan. Dinggin ang panalangin ng bagong silang mong bayan, at patatagin ang Simbahan upang tumugon sa iyong panawagan. Nawa’y kami ay bumangon sa liwanag ng isang panibagong araw, upang kami ay manatiling nakatayo sa iyong harapan hanggang sa pagsapit ng kawalang hanggan. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.”

Hanggang sumapit ang kawalang hanggan … Di ba’t ito ang tinutumbok ng lahat ng pagbasa sa araw na ito? Di ba’t itong pag-asa sa darating na luwalhati ang siyang dahilan kung bakit si Pedro ay tumayo at naghayag ng magandang balita sa kabila ng kamatayang dinanas ng Panginoon? Hindi ba’t ito ang binibigyang-diin niya sa kanyang pahayag? “Ipinapatay ninyo ang may-akda ng buhay, subali’t siya ay muling binuhay ng Diyos; kami ay mga saksi sa pangyayaring ito.” Nguni’t ayon sa diwa ng pag-asang ito ay ipinagtagubilin ni Pedro: “Magsisi, kung gayon, at magbalik-loob, upang ang inyong pagkakasala ay mapawi nang lubusan.”

Hanggang sumapit ang kawalang hanggan … Hindi ba’t ito rin ang siyang ipinagtatagubilin ni Juan sa kanyang unang liham? Ayon rin sa diwa ng pag-asang ito sa pagdatal ng kawalang hanggan, ay buong pagmamalasakit niyang isinulat: “Sumulat ako sa inyo upang hindi na kayo magkasala … Ang patunay na kilala natin Siya ay ang pagtupad ng kanyang mga kautusan.”

Hanggang sumapit ang kawalang hanggan … Hindi ba’t ito ang panalangin nating mataimtim bilang tugon sa unang pagbasa? “Panginoon, matungyahayan nawa namin ang iyong mukha.”

Hanggang sumapit ang kawalang hanggan … Ito rin ang diwang lumulutang sa salaysay ni San Lucas, karugtong sa kanyang salaysay tungkol sa dalawang disipulong papunta sana sa Emmaus, nguni’t nakasaksi sa Panginoong muling nabuhay. Dapat nating tandaan na hindi na sila nagtuloy sa kanilang paglalakbay, palayo sa Jerusalem, bagkus nagsipagbalikan upang ipamalita ang kanilang karanasan. At para saan ang lahat ng ito? Walang iba kundi bunsod ng malalim na pag-asa at masugid na paghihintay “hanggang sumapit ang kawalang hanggan.”

Walang kahulugan ang lahat … walang kakahu-kahulugan ang lahat ng ating pag-asa kung si Kristo ay hindi muling nabuhay. Walang dapat hintayin pa … walang dapat asahan pa … at lalung walang dapat ipagmakaingay pa – kung walang dakilang himala na gawa ng Diyos – ang muling pagkabuhay ng Kanyang bugtong na Anak, na nagbata ng hirap, nagpakasakit, namatay sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw.

Ito ang dakilang pag-asa ng bayan ng Diyos. Ito ang patuloy na salaysay ng Inang Simbahan, at patuloy na daloy ng kamalayan ng pananampalataya ng mga Kristiyano. Itong pag-asang ito ang siya nating ipinagdiriwang at ginugunita. Ito rin ang parehong pag-asang patuloy na isinasa- katuparan ng bayan ng Diyos. Ito ang ginugunita at ginaganap. Ito rin ang patuloy na pangako at patuloy na katuparan. Ito ang lex orandi at lex credendi – ang pamamaraan ng pananalangin ay siya ring pamamaraan ng pananampalataya. Ang paniniwala ay nauuwi sa pagsisiwalat sa buhay, sa kilos, at sa asal. Nguni’t ito rin ang lex vivendi – ang pamamaraan ng pamumuhay.

Malayo pang landas ang dapat tahakin ng mga Pinoy tulad natin. Tulad ng dalawang disipulo na patungo sa Emmaus, tayong lahat at naglalakbay tungo sa pangako ng kawalang hanggan at lahat ng kaakibat nito. Nguni’t ang pananampalataya natin ay malayo sa pagsisiwalat ng parehong sampalataya sa buhay, pansarili man o panlipunan. Kay dali natin magtampo … Sa pagkamatay ni Kristo, ang dalawang disipulo ay akmang palayo sa Jerusalem, malungkot na nag-uusap habang naglalakbay. Wala nang pagtataya ng sarili sa kanilang sampalataya. Tulad ng isang kawan na nawalan ng pastol, ay nagkalat ang mga tupa, kanya-kanyang balikan sa kani-kanilang kinasanayang gawi sa buhay.

Si Pedro ay bumalik sa Capernaum – sa kanyang pangingisda. Nagsambulat ang mga disipulo at natakot sa mga Judio. Pati si Marco ay nagsiwalat ng kanyang pagtakbo sa takot, kahit walang saplot ang katawan, nang si Kristo ay dinakip matapos ang huling hapunan. Ang dalawang disipulo ay palayo sa sentro ng lahat, sa pinangyarihan ng lahat.

Nguni’t sa pagtakas at paglayo lalung nag-ibayo ang pagsasakatuparan ng balak ng Diyos. Ang panalanging dasal natin matapos sa unang pagbasa ay naganap at patuloy na nagaganap sa buhay natin: “Matunghayan nawa namin ang iyong mukha, O Panginoon.” Sumikat nawa ang liwanag ng Iyong mukha sa amin … magliwanag nawa sa amin ang iyong mukha, O Panginoon.

Ito rin ang ating pag-asa at hanap sa panahon natin. Ito rin ang ating panalangin, ang atin ring pagsusumamo. Ito ang katuparan ng pangakong sa tuwing Linggo ay ating ipinagmamakaingay at isinasalaysay sa buong sandaigdigan: “Kami ay mga saksi sa pangyayaring ito.” “Vidimus Dominum … Nakita namin ang Panginoon.”
Ito ang pag-asang hindi lamang laman ng isipan at puso natin. Ito ang simulain at pundasyon ng lahat ng ginagawa natin sa loob at labas ng Simbahan. Ito ang ating lex orandi, lex credendi, at lex vivendi… Sa Misang ito, dasal natin, pag-asa natin, at pinagsisikapan natin … bumangon nawa kami sa liwanag ng isang panibagong araw, upang kami ay manatiling nakatayo sa iyong harapan, hanggang sa pagsapit ng kawalang hanggan. Amen.