frchito

Posts Tagged ‘Pananagutan’

PANUNTUNAN AYON SA KAHALAGAHAN

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon A on Setyembre 27, 2011 at 09:18

Ika-27 Linggo ng Taon(A)
Oktubre 2, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 5:1-7 / Fil 4:6-9 / Mt 21:33-43

Nakatutuwang tingnan ang mga sinasakang tunay na pinahahalagahan ng nagsasaka. Nakikita natin ito sa sarili nating bayan – mga palayang pinaghati-hati at pinaghanay-hanay, na pinagbubukud-bukod ng mga pilapil, mga tanimang sa biglang-tingin ay tila mga naggagandahang mga hanay ng mga pananim na parang isang kathang guhit na kumikinang sa pagsikat ng araw; mga taniman ng kape sa Cavite na sinusuyod araw-araw, at mga puno ng kapeng sinusuluyan rin at pinananatiling malinis tuwina.

Nakita ko ito sa ubasan sa Chateauneuf du Pape noong nakaraang dalawang Linggo, sa timog silangang Francia, sa rehiyon ng Rhone. Nakita ko rin ito sa Japon, sa Pampanga, sa rice terraces sa Ifugao, at sa maraming pang ibang lugar.

Kapag mahal mo ang iyong taniman, ito ay pinangangalagaan, pinagkakaabalahan. Di ba’t ito rin ang sinasaad sa pagbasa mula kay Isaias at sa ebanghelyo sa araw na ito? Para kay Isaias, ang ubasan ng Diyos ay itinuturing na kasintahan na lubhang sinisinta at inaaruga. Para sa ebanghelyo, ang ubasan ng Diyos ay lubha ring pinaggugugulan ng panahon, binakuran, ginawaan ng pisaan ng ubas, at pinagtayuan ng isang tore …

Malinaw pa sa araw ang katotohanang tinutumbok nito … ang minamahal mo ay inaaruga, inaalagaan, at pinag-uukulan ng lahat ng makakaya.

Gusto kong isipin na isa sa mga aral ng mga pagbasa ngayon ay walang iba kundi ito … mahal tayo bilang ubasan ng Panginoon, at sapagka’t tayo ay kanyang sinisinta, tayo ay kanyang inaaruga ang pinagmamalasakitan.

Kasama sa aming pagbisita sa Chateauneuf du Pape ang pagtikim sa kanilang alak mula sa ubas. Mula sa mga ubasang pinagmalasakitan, ipinatikim nila sa amin ang alak na kanila ring ipinagmamakaingay at pinahahalagahan. Ang bunga ng pag-aaruga ay kagandahan at kainaman. Ang alak na pinagpagalan ay alak na nagdudulot ng kagalakan. Bagaman at hindi ako eksperto sa alak (vino), masasabi kong ang aming natikman ay hindi basta-basta lamang, hindi katulad ng nabibili sa mga pangkaraniwang tindahan lamang.

Iba talaga kapag ang isang bagay ay pinaggugulan ng panahon, at pinag-ukulan ng kaukulang pagmamalasakit.

Masasabi nating ang pinagkaabalahan ay siyang nagdulot ng karampatang bunga ng kagalakan.

Karapat-dapat lamang, ika nga, na ang nagpagal at nagmalasakit ay tumanggap ng angkop na konsuelo o bunga mula sa kanyang pinagpaguran.

Malaki ang kinalaman ng aral na ito sa ating buhay. Marami tayong pinagkakaabalahan sa panahon natin. Nauubos ang oras natin maghapon sa social networking sites, sa facebook, (ngayon, sa Google Plus), sa Twitter, at marami pang iba. Kay rami nating pinaggugugulan ng panahon at lakas. Punong-puno ang buong araw natin sa susun-suson at patung-patong na mga bagay, na pagdating ng gabi, ay wala tayong maipakikitang bunga o kinahinatnan. Sa dami ng iba-ibang bagay na pinagpagalan, wala tayong masasabing isang mahalagang bagay na nagbunga ng karapat-dapat, sapagkat ang bawa’t minuto ay nasayang sa napakaraming mga maliliit na bagay na walang kapararakan.

Minsan na naman tayong pinaaalalahanan. Sa dinami-dami ng mga bagay at katotohanan sa paligid natin, kailangan natin na tukuyin kung alin ang tunay na mahalaga, alin ang ubasan na dapat paggugulan ng panahon at lakas, alin ang taniman na dapat nating pag-ukulan ng lahat at buo nating makakaya.

May mungkahi ang mga pagbasa sa araw na ito … ang ubasan na dapat nating pagpagalan at pagdulutan ng buo nating makakaya – ang ubasan ng Diyos, ang ubasan ng bahay ng Israel, ang pananampalatay natin, ang pagkabilang natin sa Inang Santa Iglesya, ang pagiging Katoliko natin.

Marami at sari-sari ang nagsisikap maglihis ng ating paningin at humila sa hanay ng ating pagpapahalaga. Nandyan ang computer, ang internet, ang mga teleseryes sa TV, ang facebook at twitter. Nakabibiglang mabatid na may mga kabataang halos maghapon at magdamag ay nauubos ang lahat ng oras sa internet o sa walang katapusang entertainment. Wala nang nagbabasa, at wala nang nag-aaral tulad noong araw na wala pang internet.

May mungkahing malinaw si San Pablo para sa atin … ano ba ang dapat nating bigyang-pansin? Ano ba ang dapat nating pag-ukulan ng atensyon? “dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig at kagalang-galang.”

Ito ang mga panuntunan na naaayon sa kahalagahan … mga tuntuning kaakibat ng kung ano ang ating pinagmamalasakitan!

Advertisements

TUMALIKOD, UPANG TUMALIMA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Setyembre 17, 2011 at 21:34

Ika-25 Linggo ng Taon (A)
Setyembre 18, 2011

Mga Pagbasa: Is 55:6-9 / Filipos 1:20-24.27 / Mt 20:1-16

Busog na busog ang aking mga mata at puso sa sari-saring alaala sa nakaraang dalawang Linggong paglalakbay. Tinahak naming magkakapatid ang mga lugar kung saan sa mga dantaong nakalipas ay namayani ang pananampalataya at kulturang Kristiano … Sa Paris, Francia, na tinaguriang “primogenita ecclesiae,” (first-born daughter of the Church), sa Chartres, sa Lyons, sa Nice, sa Barcelona, Roma, atbp.
Hindi kailang ang mga lugar na ito ay dati-rating mga tapat sa Inang Simbahan, kung saan ang pananampalataya ay siyang umugit sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao.
Masakit man aminin, marami sa kanila ay tumalikood na sa daang matuwid, at malayo na ang puso sa pananampalataya.
Hindi malayong mangyari din ito sa ating lipunan. Ngayon pa man, may mga palatandaan nang ang kultura ay humuhulagpos na sa pananampalataya. Ang kulturang pabor sa RH bill ay isa sa mga pantandaang ito, at marami pang iba.
Nais kong isipin na ang unang pagbasa ay isang paala-ala sa ating lahat. “Hanapin ang Diyos habang may panahon pa; tawagan Siya yayamang Siya ay malapit sa atin.” “Tumalikod ang mga tampalasan sa nakagawiang daan, at ang mga palalo sa Kanyang mga balakin at isipin.”
Tumalikod ang mga bansa na dati ay tapat sa pananampalataya. Sa araw na ito, itinagubilin ni Isaias na tayo man ay dapat tumalikod, upang tumalima. Ito ang pagbabalik-loob ayon sa Banal na Kasulatan, ang pagtalikod sa kasalanan, at pagharap sa pananagutan.
Marahil ay ito ang isa sa mga natatagong aral sa ebanghelyo sa araw na ito. Maraming naghihintay upang maka trabaho. Hindi lahat ay nagsimula sa parehong oras sa umaga. Ngunit ayon sa talinghaga, lahat ay binayaran ng nararapat, pati ang mga nagsimula sa mga huling oras na ng hapon.
Ang mahalaga, samakatuwid, ay hindi lamang ang pagtalikod. Ang mahalaga ay ang kasunod at dahilan ng pagtalikod – ang pagharap at pagtalima sa Diyos.
Ang mga naghintay upang makapagtrabaho ay maaari nating makita bilang larawan ng mga taong handing tumalima, handing maglingkod sa anu mang paraan, sa kailanmang pagkakataon, maaga man o mahuli.
Ang may ari ng lupain na tumanggap sa lahat, at naglingkod ay puede natin makita bilang larawan ng Diyos, at ng Kanyang namamaulong pagnanasa na tanggapin ang lahat, at bigyan ng pagkakataon ang lahat. Larawan ito ng dakilang kabukasang-palad (generosity) ng Diyos, at dakilang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng tao.
Kumpara sa mga tao sa lumang mundo sa Europa, mga bagong salta tayo sa Simbahan at pananampalataya. Nguni’t hindi ito hadlang upang tayo ay makapaglingkod sa Diyos.
Iisa lamang ang kondisyon — Iisa lamang ang dapat nating gawin. At ito ang binigyang-diin ni Isaias – ang tumalikod sa dating gawi, at ang tumalima sa Diyos, at humarap sa pananagutan!

Opera Salesiana Testaccio
Via N. Zabaglia, 2
Roma 00139 Italia
Il 17 settembre 2011