frchito

Posts Tagged ‘Pananatili ng Diyos sa Piling ng Tao’

UMAKYAT, HINDI UMALIS; NILUWALHATI UPANG MANATILI

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 31, 2014 at 05:30

Ascension_ofthe_lord_dragan_jovanovic_large

PAG-AKYAT SA LANGIT (A)
Junio 1, 2014

UMAKYAT, HINDI UMALIS; NILUWALHATI UPANG MANATILI

Marami sa ating mga kababayang ina at ama ng mga batang paslit ang lumilisan sa bayan, nangingibang-bayan, at naglalakbay sa malayo. Marami sa mga batang mga magulang na umaalis araw-araw para mag-trabaho ay sadyang iniiwan ang mga anak, sa mga yaya, o sa kanilang sariling mga magulang, sa Lolo o Lola.

Si Jesus man ay lumisan … umakyat sa kalangitan. Ito ang ipinagdiriwang natin ngayon.

Nguni’t batid nating lahat na ang paglisan ng mga magulang na Pinoy ay hindi pag-alis upang mawalay, upang mahiwalay, o upang malayo. Ito ay isang paglisan na ang pakay ay upang lalong mapalapit, upang mapaghandaan ang darating na kinabukasan ng kanilang mga anak. Itong paglisang ito ay hindi pamamaalam, kundi pagsisikap, pagtitiyaga, upang higit na mapamahal sa mga anak.

Noong hindi pa uso ang Skype at facetime, telepono ang koneksyon ng magulang sa abroad at anak sa sariling bayan. Nang mauso na ang texting, panay text naman araw-araw. At ngayong palasak na ang mga tablet, Android man o iOS, ang paglisan sa malayo ay napalitan ng pakikipagniig sa pamamagitan ng videochat.

Si Jesus ay umakyat sa langit. Nakapagtatakang hindi man lamang ito binanggit ni Mateo sa ebanghelyo. Tama siya. Hindi umakyat ang Panginoon upang lumisan, kundi upang luwalhatiin ng Ama. Umakyat siya hindi upang mawala sa ating piling, bagkus upang manatili sa ibang paraan, sa mas mataas na antas sa pamamagitan ng biyaya, o misterio ng kanyang pananatili at pakikisalamuha sa atin.

Ang pag-akyat ng Panginoon ay hindi pamamaalam, kundi pananatili. Ang pag-akyat niya ay hindi paglisan kundi pagiging kapiling natin sa biyaya, sa tuluyang gawang pagliligtas, at sa pakikipagniig sa pamamagitan ng kanyang katawang mistiko, ang Santa Iglesya.

Pero, tingnan nating muli ang ebanghelyo … may karugtong pa. Hindi siya lumisan. Hindi siya namaalam. Patuloy siyang nananatili, pero may iniutos siya sa atin: “Humayo kayo at gawing disipulo ko ang buong daigdig.”

Sa huling pagtutuos, ang pag-akyat ay pananatili sa piling natin. Ang pag-akyat niya ay isang paghamon, upang tayo ay gumanap sa kanyang ginanap, ang katotohanan tungkol sa kung sino siya … EMMANUEL, ang Diyos na sumasaatin!

Hali! Huwag lumisan! Manatili! Mangaral at gumawa nang ayon sa kanyang ipinag-utos. At ito ang ating panalangin tuwina: MANE NOBISCUM, DOMINE, SEMPER ET PRO SEMPER! Manatili ka sa aming piling Panginoon, sa tuwina at saanman!

INIAKYAT, UMAKYAT, MAGPASALAMAT!

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Taon K on Mayo 11, 2013 at 10:55

886+May+24+Ascension+olf+the+LordPAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON (K)

Mayo 12, 2013

INIAKYAT, UMAKYAT, MAGPASALAMAT!

Sa biglang wari, sa makataong pananaw, talunan ang Panginoon sa kanyang pagkamatay sa krus. Talo ang mapatay sa huli, at panalo ang mga nagpakana ng kanyang paghihirap at pagkapako sa krus … Ito ay sa makataong pananaw natin.

Subali’t sa maka-Diyos na pananaw, ay hindi ito ang huling kabanata ng kasaysayan ng kaligtasan. Sa araw na ito, makaraan ng 40 araw, ang Panginoon ay umakyat, iniakyat sa Langit, upang lumuklok sa kanan ng Diyos Ama sa kanyang kaharian.

Una sa lahat, tiyakin natin … iniakyat ba siya o umakyat? Karaniwan nating sabihin sa simbahan na ang Panginoon ay umakyat sa langit sa araw na ito. At kasabihan at turo naman natin na ang Mahal na Birhen ay iniakyat sa langit (assumption). Alin ba ang tama?

Pareho. Si Jesus ay umakyat sa langit, sa ganang kanyang kapangyarihan bilang Diyos. Si Jesus ay iniakyat rin sa langit sa ganang kanyang kalikasan bilang taong totoo, at Diyos na totoo. Si Jesus, bilang Diyos at tao ay may kaloobang maka-Diyos at kaloobang maka-tao, bagama’t iisa, at tanging iisa lamang ang kanyang persona, ang ikalawang persona ng Diyos.

Magulo ba? Wag mo nang kultahin ang utak sa malalim na Cristolohiyang ito. Sapat nang paniwalaan natin na ang Diyos ay nagwagi laban sa kamatayan … na ang Diyos ay panalo laban sa kasalanan, at sa lahat  ng anumang dulot ng kasalanan – ang lahat ng uri ng kadiliman at kawalang-katiyakan sa mundo.

Magulo ang mundo natin … magulo rin ang ating halalan. Wala akong kaliwanagang nakikita kung patuloy pa rin na sila at sila rin lamang ang mga namumuno sa atin – mga buo-buong pamilya, mga angkan, na waring sila lamang ang may kakayahang “maglingkod” sa bayan. Magulo ang estado ng katotohanan, na laging nababaligtad depende kung sino ang may malaking bayad sa naghahawak ng micropono.

Subali’t kung mayroong mahalagang pangaral sa atin ang pag-aakyat o pag-akyat ng Panginoon sa langit at ito … hindi kailanman naglalaho ang pag-asa. Ang kanyang paglisan sa mundo ay di pag-iiwan sa ating nabubuhay pa sa daigdig. Ang kanyang pagtaas sa kalangitan ay pagtaas rin ng ating pag-asa.

Pero, gusto ko sanang bigyang-pansin ang pagtaas. Hindi ito pagtaas sa karangalan at kayabangan. Sa halip, ang pagtaas ni Kristo sa kaluwalhatian ay dapat magbunga ng pagbaba natin sa tunay na kasimplehan o kapayakan bilang tao. Ang kanyang pag-angat sa luwalhati ay pagbaba natin sa paghahanap ng karangalang makamundo.

Totoo na “habang umaakyat ang Panginoon, ang tambuli ay tumutunog,” tulad ng sinagot natin matapos ang unang pagbasa. Pero para sa atin, ang kanyang pag-akyat at naghatid naman sa atin sa pagpanaog – sa kababaang-loob. Tulad ng sinabi ni Pablo, “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin.”

Ang ating inaasahan … ang buhay na walang hanggan, na hindi para sa lupang ibabaw.

Marami ang nag-aasam umangat, umakyat, at makarating sa matataas na posisyon sa lipunan. Marami ang gustong mahalal at manatili sa pwesto, kahit buong pamilya na nila ay nasa pwesto na nang matagal.

Ang paglisan ni Jesus sa mundong ibabaw ay tanda ng kababaang loob. Sa kanya ay karapat-dapat lamang na maluklok sa kanan ng Ama. Ika nga, kung di ukol, ay di bubukol.

Iniakyat, umakyat? Alin ang tama? Pareho. Pero hindi ito ang mahalaga … Ang mahalaga ay ito … Sa kanyang pag-akyat, tayo naman ay dapat bumaba, magpakumbaba, lumuhod at magpasalamat. Tayo rin, balang araw, sa tamang panahong itinakda ng Diyos, ay may karapatang mapasama sa mga umaawit ng papuri sa Diyos sa langit na tunay nating bayan. Amen.