frchito

Posts Tagged ‘Pasko ng Pagkabuhay’

BAGONG BUHAY SA KABILA NG PAGKABUWAY!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Mahal na Araw, Panahon ng Pagkabuhay, Taon K on Abril 2, 2010 at 11:19

Pasko ng Pagkabuhay
Abril 4, 2010

Muli na naman nagdadaan ang buong simbahan sa isang mahaba, mahirap, at masalimuot ng kalbaryo. Sa mga araw na ito, pilit na ipinagdidiinan ng liberal na mga kawani ng mass media ang diumano’y pagkakasangkot ng Santo Papa sa mga pagtatakip at pagwawalang bahala sa mga krimen ng ilang pari at taong simbahan sa larangan ng sekswalidad at pang-aabuso ng mga kabataan.

Bagama’t walang anumang dahilan o palusot ang puedeng magpatama sa isang malaking pagkakamali at kasalanan sa harapan ng Diyos at ng tao, isa ring isang pagkakamali at kawalan ng katarungan ang bahiran ang luklukan ni Pedro nang sapilitan na tila baga ang Simbahan at ang namumuno sa kanya ay ang pinaka masama nang tao sa mundo sa kapabayaan.

Nagdadaan ang Inang simbahan sa isang mahirap na antas at proseso. Muli na namang ipinapako si Kristo sa krus ng opinion popular, at walang habas na panghuhusga ng mga taong may masugid na pagnanasang gapiin at lupigin ang buong simbahang, sa kabila ng kasamaan at kasalanan ng ilan sa amin, ay nananatiling banal at naghahatid sa kabanalan.

Sa mga pagkakataong ito, mahalaga na alam ng bawa’t isa sa atin ang dapat natin katatayuan. Madali ang mabuway sa pananalasa ng sigwa at unos, hangin at daluyong ng pang-aakit ng prinsipe ng kasinungalingan. Madali rin ang mapadala sa galit at tampo sa mga taong dapat sana ay huwaran ng katapatan, nguni’t sa kanilang pagkamakasarili at kasalanan ay naging masahol pa sa mababangis na hayop sa gubat ng masalimuot na buhay. Madali ang manghinawa, at magsawa sa pakikinig sa pangaral na humihingi ng pinakamataas na uri ng pananagutan sa bawa’t isa sa atin.

Nabubuhay tayo sa isa sa pinakamasahol na panahon ng Inang Simbahan. Naguguluhan ang mga taong may simpleng pananampalataya, at nabubuway ang mga haligi ng kanilang nagsisimula pa lamang na pananampalataya.

Noong Lunes, sa biyaya ng Diyos, nagkaroon ako ng pagkakataon na bigyang-pansin kahit pahapyaw ang suliraning ito sa pagbibigay ko ng isang recollection para sa kaparian sa Arkidiosesis ng Agana, Guam. Naging isang pagkakataon ito upang harapin naming mga kaparian ang ilan sa mga paghamong nasa harapan ng aming mga mata.

Ano ba ang paghamong ito?

Walang kaibahan ito sa paghamong pinagdaanan ni Kristong Panginoon. Walang iniwan ito sa kung anong pagsubok ang kanyang hinarap at pinagsikapang lampas an. Walang kaibahan ito sa tawag ng Panginoon upang mabuhay sa kabila ng pagkabuway sa kasalanan.

Tayong lahat ay nahulog sa kasalanan. Turong maliwanag ng Banal na Kasulatan na lahat ay di nakapantay sa hinihingi ng kaluwalhatian ng Diyos. Lahat tayo ay nalisya, nadapa, at naligaw ng landas. Oo … kung mayroong nadapa dahil sa larangan ng pita ng laman, mayroon namang patuloy na napadadala sa kademonyohan ng labis na paghahanap ng pera, ng kabayaran, na ang nakikinabang ay hindi ang mga biktima kundi ang mga paham na sumasakay sa malaking pagkakamaling ito.

Ang mundo nating ito ay nahirati nang labis sa kultura ng kasalanan. Bagama’t hindi puedeng gawing tama ang pang-aabuso ng kabataan, hindi rin tama na isinasara ng mundo ang isang mata sa pang-aabuso ng mass media at ng mga sakim sa salapi, at ang pakay lamang ay kumita sa lahat ng ito, o ibuwag ang tanging institusyong tunay na nagmamalasakit sa ganap na kapakanan ng tao … opo … sa kabila ng kasalanan ni Pedro, ni Juan, ng mga disipulo, naming mga kaparian, at lahat ng taong mga anak ni Eba.

Mismong ang tagapagligtas ay nabuway, dahil sa kanyang dakilang pagmamahal. Hindi kabayaran ang kanyang hanap. Siya mismo ang nagbayad nang malaki para sa ating kasalanan. Hindi siya nag-astang abogado ng mga biktima, kundi isang manliligtas. Ang mga biktima ay hindi nangangailangan ng manliligtas kundi abogado. Nguni’t ang makasalanan ay nangangailangan ng manliligtas at kapatawarang hatid ng ganap na manliligtas.

Sa mata ng Diyos at ng tao, kailangan ng hustisya ang mga biktima. Nguni’t sa ating paghahanap ng katarungan, hindi tama na gumawa ng isa pang kawalang katarungan sa paghahangad na pagbayarin at ganap na ibuway ang buong institusyong hindi kailanman mababago ng ating mga kasalanan. Patuloy na Diyos ang Diyos na hindi nagbabago sa kanyang pangaral. Patuloy na nananawagan Siya sa lahat — pari at layko — na magpakatapat sa kanilang pangako sa binyag.

Hiling ko sa bawa’t nakakatunghay dito na panatiliing matatag ang sarili sa kabila ng tila matunog na pagkabuway ng mga inaasahang dapat ay matatag sa moralidad at sa pananampalataya. Masipag ang demonyo sa pang-aakit ng siyang nakagagawa ng mabuti. Hindi natutulog ang kampon ng kadiliman…

At ang naganap sa Biyernes Santo – ang pagkabuway ng mananakop sa kalbaryo ng pagpapakasakit para sa ating lahat, ay nagbunga ng isang maluwalhating muling pagkabuhay.

Ito ang pinanghahawakan nating pangako at pag-asa. Ito ang balita nating ipinagmamakaingay sa kabila ng tila walang patid na kadiliman.

Maligayang pasko ng pagkabuhay sa inyong lahat.

ARAL, ASAL, DASAL

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Abril 17, 2009 at 10:39

doubting_thomas
Ika-2 Linggo ng Pagkabuhay (B)
Abril 19, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 4:32-35 / 1 Juan 5:1-6 / Juan 20:19-31

Mayroong mga pangyayari sa buhay ng tao na hindi maaring hindi magpabago sa atin. May mga pagtatagpo sa buhay na hindi maaaring bale walain, at mga karanasang hindi lamang makabagbag-damdamin, kundi lubos na nakapagpapabago sa takbo ng buhay ng isang tao o ng maraming tao sa daigdig.

Lahat ng nagaganap sa buhay natin ay may butil ng aral … may binhi ng pagbabago, at may dalang tulak tungo sa kaibahan. Ang pagsilang ng isang sanggol, lalu na’t panganay, sa isang pamilyang nagsisimula pa lamang, ay isa sa mga mapagbagong pangyayaring ito. Lahat ng may kinalaman sa isang bagong buhay, o isang panibagong buhay ay mapagbago, nakapagpapanibago, at nakapagbabago sa daloy ng buhay ng sinumang nagkapalad na makaranas nito, sampu ng mga taong nakatutunghay lamang nito.

Nguni’t hindi lamang dahilan sa isang bagong silang na sanggol ito nagaganap. Sapat nang malamang ang isang tamad na mag-aaral ay naging masipag, naging mapagsikhay, at lahat ng may pananagutan sa kaniya ay natutuwa, nagagalak, at napupuno ng pag-asa. Sapat na ring mabatid na isang talubatang nalulon sa droga at sa bisyo ay magbangon sa pagkadapa sa masasamang ugali at ang lahat ay nababalot ng bagong pag-asa at pagtitiwala sa kakayahan ng taong umahon sa lusak na kinabuliran, o sa sapot na kinapuluputan.

Anumang pagbabago, pagpapanibago, at pagsisikap magbago ay isang malaking aral. At ang bawa’t aral ay may kaakibat na bagong asal sa nakakatunghay at nakikibahagi dito.

Malinaw ito sa unang pagbasa. Ang komunidad ng mga sumasampalataya, ayon kay Lucas, ay nabuhay na parang iisa ang puso at kaisipan. Hindi lamang ito … wala ni isa man sa kanila ang umangkin sa kanilang sariling pag-aari bilang kanila lamang. Hindi lamang ito … Sila ay naging saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Ito rin ang tinutumbok ng ikalawang pagbasa, na nagsasabing ang tanda ng tunay na pagmamahal sa Diyos ay ang pagtalima sa Kanyang utos at kalooban. Ayon sa salaysay sa aklat ng mga Gawa, isang malakas na daloy ng pagbabago ang rumagasa at tumabon sa buhay ng mga mananampalataya.

Ang bagong aral na dulot ng muling pagkabuhay ni Kristo ay nauwi sa isang panibagong asal!

Subali’t may higit pa sa lahat ng ito ang naganap. Ang kanilang dasal, na dati-rati ay puno ng pahingi niyon, at pahingi nito, parang bilmoko no’n, bilmoko n’yan, ay naging dalisay at wagas at nabatay sa pinakamatayog na dahilan kung baki’t ang tao ay dapat magdasal – ang magbigay-puri sa Diyos: “Magpasalamat sa Panginoon; Siya ay mabuti at ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan” (Tugon sa Salmo).

Ayon sa mga dalubhasa, isa sa mga dahilan kung bakit hindi agad nakilala ng mga disipulo ang Panginoong muling nabuhay, ay ito … nangagsipagbalikan sila sa dati nilang asal pansamantala. Si Pedro ay bumalik sa pangingisda, sa dalampasigan ng Capernaum, kung saan ginawa ni Jesus ang isa sa mga una niyang himala. Pagod at puyat noon si Pedro at ang kanyang mga kasama, at wala sila ni isa mang huling isda. Dumating ang Panginoon ay nagsabi sa kanila na ilagak ang lambat sa kabilang bahagi ng bangka. At nakahuli sila ng marami. Duon sa parehong lugar, nagpakita kay Pedro ang Panginoong muling nabuhay. Doon sa parehong lugar kung saan siya pinagtagubilinang maghasik ng lambat sa tamang bahagi ng bangka … duon rin siya pinagtagubilinan ng Panginoong muling nabuhay ng isang bagong gawain … isang bagong pananagutan … “gagawin ko kayong mamamalakaya ng tao.”

Parang isang “back-to-back” na plaka o CD ang naganap kay Pedro! Isang bagong asal ang isinukli sa isang bagong aral.

Subali’t mayroong iba pa … Naruon din si Tomas, na medyo parang isang estudyanteng laging “cutting classes” o laging huli. Nang magpakita ang Panginoong muling nabuhay, wala si Tomas. Lumang aral at lumang asal ang kanyang taglay: “Hindi ako maniniwala hangga’t hindi ko nahipo ang kanyang mga kamay, at ang kanyang tagiliran.” Medyo makunat si Tomas. Hindi siya nakuha sa sabi-sabi at mga text messages lamang, kumbaga. Hindi siya agad napadala sa isang “press release” ng kanyang mga kasamahan.

Nguni’t nang tumambad sa kanyang paningin ang katotohanan, hindi na siya umasa sa eksperimento at mga survey … Kagya’t nagbago ang kanyang kanyang asal na nagbunga sa isang bagong dasal ng pananampalataya, pag-asa, at wagas na pag-ibig: “Panginoon ko at Diyos ko!”

Luma ang mga balita sa ating paligid. Walang bago sa mga madadayang tao sa mundo. Maging si Levi, si Zaqueo at iba pa, na naging disipulo ni Kristo, ay nagdaan din sa lumang asal, batay sa lumang aral ng Lumang Tipan. Lumang tugtugin na rin ang salaysay ng kapalaluan at pagkamakasarili sa lipunan, saan man at kailan man. Subali’t laging bago ang Diyos … laging bago ang kanyang aral … Siya ang Alpha at Omega … ang simula at katapusan. Ang Kanyang hininga ang siyang nagpabago sa kaguluhan sa kalawakan ayon sa Genesis … At ang buhay ay naganap … Ang lahat ay nalikha … At ang Kanyang Espiritu ang siyang umihip at nagbigay pagpapanibago sa lahat ng sangnilikha.

Umiinog ang buhay natin sa tila magkasalungat na luma at bago. Luma ang kasalanan. Bago ang biyaya ng Diyos tuwina. Luma ang pagsuway sa kalooban ng Diyos. Bago ang balitang maging ang makasalanan tulad ni Pedro, ni Zaqueo, ni Levi (Mateo) at iba pa, ay may kakayahang magbagong-asal, ayon at batay sa bagong aral, lalu na ng bagong aral ng Panginoong muling nabuhay … “tingni, pinagpapanibago ko ang lahat … ako ang Alpha at Omega, ang simula at katapusan!”
Umiikot ang mundo, at sa bawa’t pag-inog ay pagdatal sa buhay natin ng panibagong aral. Sa bawa’t pagsikat ng araw sa buhay natin ay may paalaalang taglay: “pinagpapanibago ko ang lahat…”

Sa oktabang ito ng Pasko ng Pagkabuhay, malinaw ang luma at bago at ang kaibahan sa dalawang ito. At malinaw rin ang dapat nating tuntunin: isang bagong asal, batay sa isang bagong aral, na siyang nag-uudyok sa atin sa isang bagong dasal: “Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, magalak at matuwa, Aleluya!”