Pasko ng Pagkabuhay
Abril 4, 2010
Muli na naman nagdadaan ang buong simbahan sa isang mahaba, mahirap, at masalimuot ng kalbaryo. Sa mga araw na ito, pilit na ipinagdidiinan ng liberal na mga kawani ng mass media ang diumano’y pagkakasangkot ng Santo Papa sa mga pagtatakip at pagwawalang bahala sa mga krimen ng ilang pari at taong simbahan sa larangan ng sekswalidad at pang-aabuso ng mga kabataan.
Bagama’t walang anumang dahilan o palusot ang puedeng magpatama sa isang malaking pagkakamali at kasalanan sa harapan ng Diyos at ng tao, isa ring isang pagkakamali at kawalan ng katarungan ang bahiran ang luklukan ni Pedro nang sapilitan na tila baga ang Simbahan at ang namumuno sa kanya ay ang pinaka masama nang tao sa mundo sa kapabayaan.
Nagdadaan ang Inang simbahan sa isang mahirap na antas at proseso. Muli na namang ipinapako si Kristo sa krus ng opinion popular, at walang habas na panghuhusga ng mga taong may masugid na pagnanasang gapiin at lupigin ang buong simbahang, sa kabila ng kasamaan at kasalanan ng ilan sa amin, ay nananatiling banal at naghahatid sa kabanalan.
Sa mga pagkakataong ito, mahalaga na alam ng bawa’t isa sa atin ang dapat natin katatayuan. Madali ang mabuway sa pananalasa ng sigwa at unos, hangin at daluyong ng pang-aakit ng prinsipe ng kasinungalingan. Madali rin ang mapadala sa galit at tampo sa mga taong dapat sana ay huwaran ng katapatan, nguni’t sa kanilang pagkamakasarili at kasalanan ay naging masahol pa sa mababangis na hayop sa gubat ng masalimuot na buhay. Madali ang manghinawa, at magsawa sa pakikinig sa pangaral na humihingi ng pinakamataas na uri ng pananagutan sa bawa’t isa sa atin.
Nabubuhay tayo sa isa sa pinakamasahol na panahon ng Inang Simbahan. Naguguluhan ang mga taong may simpleng pananampalataya, at nabubuway ang mga haligi ng kanilang nagsisimula pa lamang na pananampalataya.
Noong Lunes, sa biyaya ng Diyos, nagkaroon ako ng pagkakataon na bigyang-pansin kahit pahapyaw ang suliraning ito sa pagbibigay ko ng isang recollection para sa kaparian sa Arkidiosesis ng Agana, Guam. Naging isang pagkakataon ito upang harapin naming mga kaparian ang ilan sa mga paghamong nasa harapan ng aming mga mata.
Ano ba ang paghamong ito?
Walang kaibahan ito sa paghamong pinagdaanan ni Kristong Panginoon. Walang iniwan ito sa kung anong pagsubok ang kanyang hinarap at pinagsikapang lampas an. Walang kaibahan ito sa tawag ng Panginoon upang mabuhay sa kabila ng pagkabuway sa kasalanan.
Tayong lahat ay nahulog sa kasalanan. Turong maliwanag ng Banal na Kasulatan na lahat ay di nakapantay sa hinihingi ng kaluwalhatian ng Diyos. Lahat tayo ay nalisya, nadapa, at naligaw ng landas. Oo … kung mayroong nadapa dahil sa larangan ng pita ng laman, mayroon namang patuloy na napadadala sa kademonyohan ng labis na paghahanap ng pera, ng kabayaran, na ang nakikinabang ay hindi ang mga biktima kundi ang mga paham na sumasakay sa malaking pagkakamaling ito.
Ang mundo nating ito ay nahirati nang labis sa kultura ng kasalanan. Bagama’t hindi puedeng gawing tama ang pang-aabuso ng kabataan, hindi rin tama na isinasara ng mundo ang isang mata sa pang-aabuso ng mass media at ng mga sakim sa salapi, at ang pakay lamang ay kumita sa lahat ng ito, o ibuwag ang tanging institusyong tunay na nagmamalasakit sa ganap na kapakanan ng tao … opo … sa kabila ng kasalanan ni Pedro, ni Juan, ng mga disipulo, naming mga kaparian, at lahat ng taong mga anak ni Eba.
Mismong ang tagapagligtas ay nabuway, dahil sa kanyang dakilang pagmamahal. Hindi kabayaran ang kanyang hanap. Siya mismo ang nagbayad nang malaki para sa ating kasalanan. Hindi siya nag-astang abogado ng mga biktima, kundi isang manliligtas. Ang mga biktima ay hindi nangangailangan ng manliligtas kundi abogado. Nguni’t ang makasalanan ay nangangailangan ng manliligtas at kapatawarang hatid ng ganap na manliligtas.
Sa mata ng Diyos at ng tao, kailangan ng hustisya ang mga biktima. Nguni’t sa ating paghahanap ng katarungan, hindi tama na gumawa ng isa pang kawalang katarungan sa paghahangad na pagbayarin at ganap na ibuway ang buong institusyong hindi kailanman mababago ng ating mga kasalanan. Patuloy na Diyos ang Diyos na hindi nagbabago sa kanyang pangaral. Patuloy na nananawagan Siya sa lahat — pari at layko — na magpakatapat sa kanilang pangako sa binyag.
Hiling ko sa bawa’t nakakatunghay dito na panatiliing matatag ang sarili sa kabila ng tila matunog na pagkabuway ng mga inaasahang dapat ay matatag sa moralidad at sa pananampalataya. Masipag ang demonyo sa pang-aakit ng siyang nakagagawa ng mabuti. Hindi natutulog ang kampon ng kadiliman…
At ang naganap sa Biyernes Santo – ang pagkabuway ng mananakop sa kalbaryo ng pagpapakasakit para sa ating lahat, ay nagbunga ng isang maluwalhating muling pagkabuhay.
Ito ang pinanghahawakan nating pangako at pag-asa. Ito ang balita nating ipinagmamakaingay sa kabila ng tila walang patid na kadiliman.
Maligayang pasko ng pagkabuhay sa inyong lahat.