frchito

Posts Tagged ‘Pasko ng Pagsilang’

PAGKAKALOOB O PANLOLOOB?

In Epipaniya, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Enero 2, 2009 at 09:19

midc49mbecketti

magifredi1

KAPISTAHAN NG EPIPANIYA
(PAGPAPAHAYAG NG PANGINOON)
Enero 4, 2009

Marami ang mga balak at gawaing panloloob tuwing nalalapit ang Pasko. Lagi nilang sinasabi na mahirap ang buhay, kung kaya’t ang ilan ay nanloloob na lamang ng hindi nila bahay, ng hindi nila gamit, upang mabuhay. Nakapagtataka, pero kung mahirap ang buhay, bakit nila mas pinahihirap ito sa ibang tao sa kanilang maiitim na balak at gawain?

Bago mag Pasko, isang kahindik-hindik na barilan ang naganap sa Paranaque, malapit kung saan ako malimit mag-Misa. Mahigit 15 ang namatay, kasama na ang masasamang-loob na nagbalak manloob at maglimas ng hindi nila pinaghirapan. Kapag nakaririnig tayo ng ganitong balita, nagpupuyos ang damdamin natin … nagtatanong … Bakit may mga taong ang pakay lamang ay mamitas at umani ng hindi nila itinanim? Bakit mayroong mga taong ang gusto lamang ay dumulog sa hapag na puno ng pagkaing hindi sila ang nagbayo, ni hindi nagluto?

Ang higit na nakararami ay hindi ayon sa ganitong saloobin at gawain – ang panloloob at pagnanakaw.

Mahalaga sa ating Pinoy ang “loob.” Ang “loob” ng Pinoy ay kumakatawan sa kabuuan at yaman ng ating pagkatao. Ang “loobin” natin ang buod ng kung sino tayo, ang lagom ng ating tinatawag na “kakanyahan” (identity). Ang mabuting loob, ang mababa ang loob, ang maganda ang kalooban ay pawang mga konseptong may kinalaman sa isang mabuting tao, sa isang taong ang kabuuan ay pawang kaaya-aya, pawang kaiga-igaya. Ang loob ang tanda ng lahat ng mabuti at maganda sa isang tao.

Nguni’t dahil dito, ang yurakan ang “loob” na ito ay siya ring sukdulan ng kasamaan para sa mga Pinoy. Ang magbigay ng dahilan para sa “sama ng loob” ay ang tapakan ang batayan ng pagkatao natin. Ang “looban” ang bahay o pag-aari ng isang Pinoy ay pagyurak sa kakanyahan ng tao, ang bale-walain ang kaganapan ng pagkatao natin bilang Pinoy.

Ito ang dahilan kung bakit nagpupuyos ang damdamin natin kapag “nilooban” tayo, kapag ang bahay natin ay pinasok at hinalughog. Ito ay paglabag sa kaibuturan ng ating kalooban.

Sa araw na ito, ang liturhiya ay may kinalaman sa konsepto ng “loob” pero sa isang natatanging paraan. Ang mga mago ay hindi nanloob, bagkus nagkaloob. Ito ang tahasang kabaligtaran ng lahat ng masamang kaakibat ng panloloob. Sila ay naparoon sa kinalalagyan ng bagong silang na sanggol, hindi upang manloob, kundi magkaloob. Hindi sila naparoon upang kumabig, kundi ang magbigay ng pag-ibig, ng pag-aalay na tanda ng pag-ibig at pagmamagandang-loob.

Malaki ang kinalaman nito sa ating pananampalataya. Marami ngayong kabataan ang laging naghahanap ng kung ano ang kanilang mahihita sa anumang gawain. Marami ang nagsasabing, wala sila, ika ngang, napapala sa Misa. Diumano’y wala silang nakukuha, wala silang natatanggap o naiuuwi.

Ang saloobing ito ay saloobing pakabig, hindi pagkakaloob. Ito ang saloobin na walang iniwan sa mga nanloloob.

Ang Misa ay hindi panloloob … Ito ay pagkakaloob … Ito ay pakikisama sa mga taong “may magandang kalooban” na silang nararapat magbigay-puri at luwalhati sa Diyos, na una at higit sa lahat ay nagkaloob ng sarili sa ikaluluwalhati ng lahat.

Mahalaga na ang diwang ito ng pagkakaloob ay tumiim sa ating bagang at kaisipan, at kalooban. Sapagka’t ito ang diwa ng Kapaskuhan – ang magkaloob, ang magbigay, at hindi ang kumabig. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig, hindi pagkabig.

Mayroong kabaligtaran sa mga mago ang nababasa natin sa ebanghelyo. Nariyan si Herodes, na nagulumihanan sa pagsilang ng sanggol na si Jesus. Pakabig siya, hindi isang taong tigib ng pag-ibig. Pati bata ay pinatulan niya para lamang matiyak ang kanyang kapangyarihan. Ang kanyang niloloob ay masasabi nating kaakibat ng “sama ng loob.” Ang kanyang hiling sa mga mago na ituro rin sa kanya ang kinalalagyan ng bata ay malayo sa diwa ng pagkakaloob, kundi ang panloloob, ang pagsasamantala sa kaalaman ng iba, para sa pansariling kapakanan. Hindi na tayo dapat magtaka na nakilatis ng mga mago ang tunay niyang niloloob, kung kaya’t hindi nila sinabi kung saan matatagpuan ang sanggol.

At alam natin lahat kung ano ang kanyang ginawa – ang kasukdulan ng panloloob nang kinitil niya ang buong “kalooban” ng mga batang paslit na walang kamalay-malay.

Isa sa magandang kagawian ng mga Pinoy sa maraming lugar, lalu na sa panahon ng Pasko, ay ang malayang pagkakaloob ng alay sa Misa. Bagama’t hindi ang material na bagay ang mahalaga, ang pag-aalay ay tanda ng malayang pagkakaloob sa Diyos.

Ito ang isa sa mga malinaw na liksiyon ng kapistahan natin ngayon. Ang Misa ay isang sakripisyo. Bilang sakripisyo, ang buod ay nakasalalay sa kaloob, sa alay, sa puhunang malaya nating ibinibigay sa Diyos. Naparito tayo sa Misa, hindi upang kumabig, kundi upang magkaloob ng buo nating sarili, lahat ng ating balakin, pangarap, kakayahan, at bunga ng ating gawain.

Sa madaling salita, ang Misa ay hindi upang mayroon tayong mahita at mapala, kundi, ang pagkakaloob higit sa lahat, ng lahat ng ating niloloob sa Diyos. Sa ganitong paraan, tunay ngang tayo ay karapat-dapat makibahagi sa kaloob niyang kapayapaan – para sa mga taong may mabubuting kalooban!

Nanguna ang mga mago sa Belen. Naiwan ang masasama ang kalooban tulad ni Herodes. At tayo ay inaanyayahang makisama at makilakbay sa mga mago. Ang hantungan ng lakbaying ito ay walang iba kundi Siyang dakilang kaloob ng Diyos para sa atin lahat.

Dapat pa bang itanong kung mayroon tayong mahihita sa lahat ng ito?

BANAT SA PAGHIHIRAP; UNAT SA PAG-ASA

In Homily in Tagalog, Mahal na Birheng Maria, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon B on Disyembre 30, 2008 at 16:16

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Enero 1, 2009

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lucas 2:16-21

philip15

Magandang tingnan ang mga Belen sa panahon ng Kapaskuhan; kumukuti-kutitap, bumubusi-busilak … ang mumunting mga ilawan ay nakabibighani, nakaaakit, nakatatawag-pansin. Pati mga pastol ay kay sarap amuy-amuyin, ang mga munting tupa ay kay sarap pisil-pisilin. Ang lahat ay pinilakan o ginintuan at nababalot ng kagalakan.

Pero ganito nga ba ang nangyari sa unang Pasko? Tingnan natin muli … Hindi biro ang pinagdaanan ng mahal na Birhen sa pagsilang kay Jesus. Una sa lahat, pinagdudahan siya ng marami. Alam ng lahat na ang isang dalagang hindi pa nakakasal o nakakasama ng kanyang kasintahan ay hindi dapat magdalang-tao. Hindi lamang na siya ay nagdusa. Pati si Jose, na isang marangal na tao, ay nagdaan sa pagdurusa.

Nguni’t ang telenobelang ito ay hindi lamang natapos sa ganuong pagdurusa. Mayroon pang higit na paghihirap na pinagdaanan ang banal na mag-anak. Kasisilang pa lamang ng sanggol ay kinailangan nilang magbalot at maglakbay sa malayo. Sa balita ng anghel ay nagkawindang-windang kumbaga, ang buhay ni Maria – at ni Jose! Ni hindi pa nakabubutaw sa pagsuso ang bata, ay napatapon sila sa Egipto, upang umiwas sa isang hibang na hari na pumatol sa isang sanggol, at nagpakanang patayin ang mga walang kamuang-muang na mga batang paslit.

Malayo sa bumubusi-busilak at kumukuti-kutitap na mga Belen ang naging buhay ni Jesus, Maria, at Jose.

Tulad ng buhay natin, gaya nga ng malimit natin sabihin, “hindi araw-araw ay pasko.” Hindi lahat ay maganda ang takbo. Sa dami ng mga problema, maraming kabataan ang hindi na malaman kung paano haharapin ang mga pagsubok. Dumadami ngayon ang mga sumusuko sa problema, nagpapadala … Ang ilan, hindi lingid sa ating lahat, ay nagpapatiwakal, pati mga artista at mga anak ng mayayaman. Kundi man madaliang pagkitil sa sarili, ay maraming mga paraang pareho rin ang tinutumbok – mas matagal nga lamang – tulad ng droga, alak, at iba pang nakapipinsalang bisyo.

Si Maria ngayon ang pangunahing personahe na itinatanghal ng pagdiriwang natin. Ang titolo na kasukdulan ng kanyang kadakilaan ang siya natin ngayong tinitingala at ipinagmamakapuri – Maria, Ina ng Diyos! At bakit hindi? Si Kristo ay hindi puedeng hatiin, hindi puedeng partihin at isa-isang tabi ang katotohanang siya ay Diyos at tao. Ang kanyang pagka-Diyos at tao ay napapaloob sa iisang persona – ang persona ng Anak ng Diyos. Iisang persona, hindi dalawa, ang isinilang ni Mariang Birhen. At ang isinilang niya ay walang iba kundi si Kristong Diyos at tao. Siya samakatuwid ay Ina ni Kristong Diyos at tao. Si Maria ay Ina ng Diyos!

Pero ang mga titolong ito at marami pang iba ay walang saysay at katuturan kung walang angking kadakilaan ang Mahal na Birhen. Ang kanyang kadakilaan ay parehong kaloob at pinagsikapan ng pinagkalooban. Kinasihan si Maria ng Diyos. Maliwanag ito sa ebanghelyo. Pinagpala siya sa babaeng lahat, unang-una sapagka’t ginusto ito at binalak ng Diyos. Pero walang pinagpala lamang ang nagiging dakila kung hindi siya makikipagtulungan at tutugon sa biyaya.

Kay daming mga mayayamang isinilang nang may pilak sa bunganga, ika nga. Kay raming mga anak ng mga taong tanyag at dakila sa lipunan. Pero hangga’t hindi sila gagawa nang ganang para sa kanila, hangga’t hindi sila magsisikap nang pang kanila, ay hindi kailanman sila dadakilain ng tao. Si Maria ay dakila sapagka’t siya ay dinakila ng Diyos; pero hindi siya magiging tunay na dakila kung hindi siya gumanap at gumawa ayon sa kanyang itinalagang kadakilaan. Kahit ang mga paham tulad ni Einstein, ni Helen Keller, ni Alva-Edison, at marami pang iba, ay hindi magiging tunay na dakila kung hindi sila nagdaan sa hulmahan ng kahirapan at pagpupunyagi.

At dito nasasalalay ang kadakilaang wagas ni Maria, Ina ng Diyos. Dakila siya pagka’t dinakila siya ng Diyos. Dakila siya, bukod sa rito, sapagka’t nakipagtulungan siya sa panawagan ng Diyos na bigyang-buhay at kaganapan ang punla ng kadakilaang ipinagkaloob sa kanya.

Hindi nabigo ang Diyos. Hindi niya siniphayo ang paanyaya ng Diyos. Tulad ng gintong idinadaan sa lantayan upang maalis ang mga dumi, si Maria ay nagdaan sa lantayan ng paghihirap. Kung minsan, para ang isang bagay ay maunat, kailangan itong mabanat muna. Si Maria ay naging banat sa paghihirap. Nagdusa siya nang katakot-takot sa pagluluwal at pagpapalaki ng sanggol na si Jesus. Ngunit ang lahat ng ito ay nagbunga nang masagana para sa Kanya at para sa atin lahat – naging unat, naging tuwid, at naging pantay ang daraanan natin tungo sa kadakilaan at kabanalan.

Binat tayo at banat sa maraming pagsubok. Pero hindi sapat ito. Tinatawagan tayo upang tulad ni Maria ay matuto tayong magbanat pa … matutong umungos pa nang kaunti … matutong umangat pa nang higit at tumingala sa isang pangakong naging katuparan sa katauhan ni Jesucristong kanyang Anak. Banat sa paghihirap, ngunit dahil kay Kristong Panginoon, ang makataong larawan ng Diyos, ay naging unat na unat sa pag-asa!