frchito

Archive for the ‘Mahal na Birheng Maria’ Category

PAGPALAIN NAWA TAYO NG DIYOS ALANG-ALANG SA KANYANG HABAG!

In Mahal na Birheng Maria, Panahon ng Pasko, Taon K on Disyembre 31, 2012 at 20:22

yhst-37939424361191_2027_161446281MARIA, INA NG DIYOS

Enero 1, 2013

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lk 2:16-21

PAGPALAIN NAWA TAYO NG DIYOS ALANG-ALANG SA KANYANG HABAG!

Puro pagpapala ang naririnig natin tuwing dumarating ang Bagong Taon. Sa paghahati ng taon, at paghihiwalay ng luma at ng bago, paniguradong barado ang texting, ang mga cellphone at kompanyang namamahala nito ay masayang-masayang magbibilang bukas sa dami ng mga text messages at gamit ng telepono. Ang facebook ay panigurado ring buhay na buhay at nag-iinit sa maiinit ring mga pagbati at pagpapala.

Halos lahat ay nagpapala… Halos lahat ay mananagana sa pagbabasbas. At halos lahat ay may inangking kakayahan sa araw na ito upang maggawad ng pagbabasbas at pagpapala sa isa’t isa.

Dapat lang … sapagka’t ang mga pagbasa ay pawang may kinalaman sa pagbabasbas.

Sa unang pagbasa, narinig natin ang maka-itlong pagpapalang iginawad ni Moises sa mga Israelita. Ang tugon natin sa unang pagbasa ay isa ring pagpapala para sa ating lahat: Pagpalain nawa tayo ng Diyos alang-alang sa kanyang dakilang habag!

Ang ikalawang pagbasa naman ay nagwiwika sa dakilang pagpapala na naging batayan ng ating pagbabasbas sa isa’t isa: “Nang dumating ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na isinilang ng isang babae, isinilang sa ilalim ng batas, upang tubusin ang mga nasa ilalim ng batas.”

Pagtubos … ito ang dakilang pagpapalang batayan ng lahat ng ating pagpapala. Walang anumang pagpapala ang maituturing na tunay na bendisyon kung hindi naganap ang dakilang pakikipamayan ng Diyos sa piling ng kanyang bayan.

Tapatin natin agad ang ating sarili. Kailangan natin ng lahat ng pagpapalang maaari  nating makamit. Magulo ang mundo … masalimuot … maraming bagay ay tila walang solusyon. Magpahanggang ngayon, wala pang linaw ang pagpaslang sa mahigit na 50 katao sa Mindanao, dahil sa politica. Hati-hati ang mga Pinoy ngayon sa isang isyu na sadyang walang linaw, walang tiyak na kaliwanagan. Dahil sa mapanlinlang na mass media, na panig lagi sa kung sino man ang inaakala nilang may hawak ng poder, marami ang lubusan natatangay, nadadala, at ang tama ay nagiging mali, at ang mali ay siyang nagiging tama.

Nguni’t ang pagbabasbas na ipinagkakaloob natin sa isa’t isa ay hindi dapat manatiling hungkag na mga pananalita lamang. Dapat ito ay magkatawang-tao tulad nang si Kristo ay nagkatawang-tao – nagkadiwa, nagka-buto at balat, ika nga. Hindi isang parang palarang makinang lamang na kumukuti-kutitap lamang kapag nilagyan ng ilaw.

Di ba’t ito ang ipinakita ng mga tao sa ebanghelyong narinig natin? Ang mga pastol, na dali-daling nagpunta sa Belen at doon nakita sa sabsaban ng hayop ang sanggol. Nagkatotoo, ika nga, ang balita ng anghel – nagkadiwa, at talagang nagdilang-anghel ang arkanghel na si Gabriel!

Pari si Maria, bagama’t hindi niya lubos naunawaan ang kanyang narinig ay sumampalataya – naniwala – tumalima – kahit mahirap ang sumunod sa hindi mo nauunawaan nang lubos.

Iisa ang tinutumbok ng lahat ng ito … ang pagpapalang pinagpapalitan natin ay dapat maging katotohanan at realidad sa buhay natin, at walang gagawa nito kundi tayo rin, sa tulong ng Diyos. Ang ating dasal ngayon ay malinaw na isang pagpapahayag ng pagtitiwala sa Diyos: “Pagpalain nawa tayo ng Diyos, alang-alang sa kanyang dakilang habag!”

Nagmadali si Maria sa pagpunta sa kanyang pinsan na si Elizabet. Nagmadali rin ang mga mago. Nagmadali rin ang mga pastol. Ang lahat ay naging abala. Sinalubong nila ang magandang balita ng anghel ng isang kabukasan ng puso, isipan, at pagkatao at ang kabukasang ito ang siyang naging daan upang magkatotoo ang lahat, at matupad ang balak ng Diyos.

Tayo na magmadali rin. Hindi sa paghahanda sa Valentine’s Day o sa susunod na Pasko, o sa anumang gusto nating gawin agad. Magmadali tayo sa pagtupad sa kaloobag ng Diyos, sa kabila ng maraming hilahil, pagsubok, at balakid.

Pagpapala sa inyo sa ngalan ng Panginoong naging taong tulad natin. Pagpalain nawa tayo ayon sa Kanyang dakilang habag!

Advertisement

KAUGNAYAN, SINAPUPUNAN, KALIGTASAN

In Catholic Homily, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Mahal na Birheng Maria, Pag-aakyat kay Maria sa Langit, Taon K on Agosto 11, 2010 at 11:29

KAPISTAHAN NG PAG-AAKYAT SA LANGIT KAY MARIA
Agosto 15, 2010

Mga Pagbasa: Pahayag 11:19a; 12:1-6a; 10 / 1 Cor 15:20-27 / Lucas 1:39-56

Maraming taon na ang lumipas mula lumabas ang sine na ang pamagat ay “The Hand that Rocks the Cradle” (ang kamay na nag-uugoy ng duyan). Isa itong kahindik-hindik na sine, tungkol sa tagapag-alaga ng bata na ang tunay na pagkatao ay isang mamamatay, isang kriminal.

Kung mayroong malinaw na pahiwatig ang sineng ito, isa marahil na liksiyon ay ito: malaki ang kaugnayan ng tagapag-alaga at ng inaalagaan. Malaki ang puedeng gawin ng tagapag-alaga upang hubugin o pasamain ang kanyang alaga. Puede rin nating sabihin ito: ang siyang nagdala sa sinapupunan, at ang kanyang kaugnayan sa kanyang iniluwal bilang sanggol ay mayroong kaugnayang maaring maghatid sa kaligtasan, o sa kapariwaraan!

Hindi mahirap isipin ang lahat ng ito. Bagama’t hindi ko pakay na husgahan ang sinuman, alam nating lahat kung gaano kalalim at kahalaga ang pamulat ng magulang sa isang bata. Ang batang nagising sa kultura ng kasinungalingan ay lumalaking bulaan o sinungaling din. Ang batang nahubog sa sining ng droga ay kalimitang lumalaking nalululon din sa droga.

Hindi ko na sanang gustong magbanggit ng pangalan, subali’t hindi natin ito maipagkakaila. Ang mga balitang sumambulat tungkol sa mga kabataang nahirati na at nagumon sa pagnanakaw ng mamahaling kotse o sasakyan, ang mga batang nahulihan ng mga bawal na gamot; mga kabataang sa kanilang pagkabata ay nasanay na sa pagkitil ng buhay, makakuha lamang ng laptop computer at mabihag ang mga password ng mga biktima, ay hindi natuto lamang sa ganang kanilang sarili … nakita nila ito, kinagisnan, kinamulatan, at namalas sa kani-kanilang mga pamilya.

Malaki ang kaugnayan ng nagluwal sa sinapupunan at ang hugis ng pagkatao ng nanggaling sa sinapupunan ng isang tao … ang siyang nag-ugoy ng duyan ng bata, ay siya ring nagpunla ng kabutihan o kasamaan sa bata!

Kaugnayan ang isa sa mga paksa ng kapistahan natin ngayon. Ito ay may kinalaman sa kaugnayan ng kaligtasan ng tao at ng sinapupunan ng isang babae, na sa araw na ito ay itinatampok natin bukod sa babaeng lahat. Ano ang kaugnayan na ito? Tinutumbok ito ng unang pagbasa: “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesiyas ang kanyang karapatan!”

Pero paano ba nagkaroon ng kaugnayan ang kaligtasan at ang sinapupunan ng babaeng ito?

Ito naman ang tinutumbok ng ikalawang pagbasa … dahilan sa kaugnayan kay Adan, at kaugnayan kay Kristo. Kung paanong dahil sa kaugnayan kay Adan ay namatay ang lahat; gayon din naman, dahil sa kaugnayan kay Kristo ay mabubuhay din ang lahat.

Si Maria, na siya nating itinatanghal at itinatampok bilang siyang iniakyat sa langit ng Panginoon, at siyang unang tumanggap ng kaganapan ng kaligtasang dulot ng kanyang Anak, ang siya natin ngayong modelo ng kaugnayang ito na may kinalaman sa kaligtasan.

Nais kong isipin na ang pag-aakyat kay Maria sa langit ay binibigyang-diin ng katagang ito – kaugnayan! Kaugnay siya kay Eba at Adan, bilang isang hamak ding nilalang. Nguni’t sa bisa ng pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Jesus na kanyang anak, siya ay kaugnay rin ng Diyos, at tumanggap ng lahat ng bunga ng gawang pagliligtas ni Kristo.

Ang pag-aakyat kay Maria sa langit ay bunga ng kaugnayang ito. Ang kasalanan na kinatawan ni Eva, ay nabaligtad at napawalang bisa ng katagang Ave na siya namang kinatawan ni Maria, Birhen at Ina. Sa kanyang pagsilang, pagtanggap sa paanyaya ng Diyos at sa balita ng anghel, ang kaugnayan ay naganap, at naging tulay ng kaligtasan ng tao.

Sa ating panahon, ang pakikipag-ugnayan at pakikipag-unawaan ay mabilis na naglalaho. Nagkakawatak-watak ang mga bansa, nagkakahiwa-hiwalay ang mga tao dahil sa maraming balakid at hadlang. Pati mga pamilya ay nagkakawatak-watak sa maraming lugar sa buong mundo. Maraming mga uri ng patayan ang nagaganap, tulad halimbawa ng lahat ng uri ng terorismo. Sa halip na magka-ugnay, ang tao ay naghihiwalay. Sa halip na panindigan ang pangako sa kasal, ang mag-asawa ay naghihiwalay sa maraming pagkakataon.

Kailangan natin ng isang tanda at pangako ng kaugnayang ito ng Diyos at ng tao. Sa araw na ito, si Maria ang kumakatawan sa kaugnayang ito na naghahatid sa kaligtasan. Bilang “pinagpala sa babaeng lahat,” at dahil “pinagpala rin ang dinala niya sa sinapupunan,” si Maria ang tandang maliwanag ng kung ano ang dapat natin sapitin, ang dapat nating kamtin – kaligtasan!

Nasa langit na si Maria, katawan at kaluluwa. Tayo ay nagsisikap pa sa lupang bayang kahapis-hapis bago mapunta roon. Napalilibutan pa tayo ng kasalanan, ng kasakiman, ng korupsyon at lahat ng uri ng katiwalian! Sa balat ng mundong ito, na bayang kahapis-hapis, kailangan natin ng isang mag-uugnay, isang maghuhugpong sa atin at sa langit na tunay nating bayan.

Walang iba siya kundi si Maria, Ina, Birhen! Ang kanyang sinapupunan, ang kanyang mga kamay na nag-aruga kay Jesus noong sanggol, noong bata, ay ang parehong sinapupunan at mga kamay na nagluluwal ng panibagong buhay sa atin, tungo sa langit na tunay nating bayan, tungo sa kaligtasan walang hanggan.

TOTA PULCHRA ES, MARIA!