frchito

Posts Tagged ‘Simbang Gabi Homilies’

SINO, MULA SAAN, ANO, PAANO, & PASAAN?

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 22, 2012 at 15:23

5_31_champaigne_visitationIka-8 Araw ng Simbang Gabi (K)

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento

Disyembre 23, 2012

Mga Pagbasa: Miqueas 5:1-4a / Heb 10:5-10 / Lucas 1:39-45

SINO, MULA SAAN, ANO, PAANO, & PASAAN?

Lilima at lilima ang mga katanungang pinagsikapang tanungin ng mga tao mula’t sapul … wala nang iba. Lahat ng ibang tanong ay karugtong lamang ng limang ito:

Sino ba ako?

Mula saan ako? O Saan ba ako nagmula?

Ano bang dahilan at naririto ako?

Paano ko makakamit iyon?

Saan ba ako patungo?

Isang magandang kwento ang Mahogany, isang lumang-lumang sine kung saan tinanong ni Diana Ross sa bandang huli ang tanong natin: ‘DO YOU KNOW WHERE YOU’RE GOING TO?’ Medyo malungkot ang kwento. Nagsimula siya na parang Cinderella … walang-wala hanggang naging tanyag na modelo, yumaman, nakilala, nagwala, ika nga, at napariwara ang buhay. At sapagka’t nasa huli ang pagsisisi, duon nya napagtanto na may kulang pala sa kanyang buhay. Hindi lamang pala pera, katanyagan, karangyaan at kagalingang pangkatawan ang buhay.

Napipinto na ang Pasko. Isa na lamang gising o puyat at paskong-pasko na. Sa bandang wakas ng ating pagninilay sa paghahanda sa Kapaskuhan, nais nating bigya lagom ang nilalaman ng pananampalataya na pinagsikapan nating ipaliwanag sa buong siyam na umaga o gabi.

Ang limang katanungan sa itaas ang siyang pinagsikapang ipaliwanag ng lahat ng relihiyon sa mundo. Ito rin ang sinagot nina Confucious, Lao-Tzu, Homer, Euripides, Sophocles, Shakespeare, Plato, Aristotle, Dostoyevsky, Huxley, Ernest Hemingway, C.S. Lewis, Henry David Thoreau, atbp. Ito ang katanungan ng lahat ng pusong gutom at uhaw sa katotohanan.

Pero hindi lamang sina Confucius ang sumagot nito. Ang sagot ng lahat ng mga pantas ng daigdig ay lahat ay makahulugan … lahat ay may butil ng katotohanan. Subali’t wala ni isa man sa kanila ang nakapagbigay tuldok o kaganapan sa malalim, malawak, at masalimuot na katanungan.

Una, wala ni isa man sa kanila ang nakapagbigay paliwanag sa ating tunay na pinagmulan. Ito ay hindi isang katanungang pilosopikal, o katanungang pampanitikan o sosyolohikal. Sina Aristotle at Plato ay nakapagbigay paliwanag sa diwa ng isang kahuli-hulihang hantungan o ultimate end, at para sa kanila ang huling hantungan ng tao ay tinawag ni Aristotle na eudaemonia, o kaligayahang pandaigdig, o panlupa. Bukod sa pagkakamit ng makamundong kaligayahan o kaganapan, wala nang iba silang maisagot, pagkatapos ng kamatayan ng tao.

Ang mga katanungang ito ay bumihag sa isipan ng mga pilosopo, mga paham, mga pinuno ng mga relihiyon, nguni’t tanging Diyos at Diyos lamang, sa kanyang unti-unting pagpapakilala ang nag-alay ng tugon na lubos, wagas, at tagos sa buto at sa kasu-kasuan ng tao.

Ang mga tanong na ito ay hindi mga tanong ng agham, hindi mga tanong ng panitikan, at hindi lamang tanong ng mga survey sa Pilipinas, na alam nating nakapagbibigay ng kamangha-mangha at kataka-taka, o di kapani-paniwalang mga resulta.

Ito ang mga tanong na masasagot nang lubusan lamang ng pananampalataya. Hindi ito kaya ng survey. Hindi ito kaya ng botohang nababayaran. Hindi ito kaya ng grupong nagkakampi-kampi depende kung merong pabuya o paalagwa kapag pasko o pista. Hindi ito masasagot ng mga naghahanap lamang ng boto, at naghahanap ng paraaan para mapagsamantalahan ang utang na loob ng mga mangmang at dukha.

Ito ay mga tanong na ang sagot ay galing sa dakilang pagpapahayag o pagpapakilala ng Diyos sa kanyang bayan.

Saan ba natin makikita ang mga sagot sa mga ito?

Sa Diyos mismo, na nagwiwika sa pamamagitan ng kasaysayan ng kaligtasan at ng Kanyang Salitang nasulat at naipasa sa sali’t saling lahi sa loob ng kasaysayan. Ito ang naging malinaw na pangaral ng Katesismo.

Ang unang tanong SINO AKO  ay may kinalaman sa kung sino tayo sa mata ng Diyos. Ito ang tinatawag nating Christian Anthropology, ang ating kalikasan, kaakuhan, at mga katangian bilang tao. Ito ay sinasagot sa PART ONE ng Katesismo – The Profession of Faith. Dito natin nakikita ang katotohanang tayo ay galing sa Diyos, nilikha ng Diyos mula sa kawalan. Hindi lamang nilikha kundi tinawag ng Diyos sa isang pakikipagniig sa Kanya. Sa Unang Bahagi rin natutunghayan natin ang layunin ng buhay ng tao, ang tugon sa ikatlong tanong, na ANO BANG DAHILAN AT NARIRITO AKO?

Ito ang dahilan kung bakit ang Chapter One ay nagtuturo tungkol sa MAN’S CAPACITY FOR GOD. Dito binabalangkas ang likas na pagnanasa ng tao sa Diyos at kung paano natin nakikilala ang Diyos sa kalikasan, sa kasaysayan, at sa kanyang personal na pagpapakilala o pagpapahayag. Sa Chapter Two naman ng Unang Bahagi ay dito natin matutunan kung paano natin makikilala ang Diyos, at paano natin makakamit at mararating ang pangakong binitiwan ng Diyos.

Pero ang pinakamahalaga siguro ay ang makita nating ang buong Katesismo ay hinati sa tatlong malalaking bahagi: Part One: CREED – the profession of the faith. Part Two: CULT – The Celebration of the Christian Mystery. Part Three: CODE – Life in Christ, o pamumuhay kapiling kasama, at kaagapay si Kristo.

Nguni’t ang matindi ay ito. Balot na balot tayo sa kasinungalingan. Ang mundo ngayon ay nahirati sa paniniwalang ito: Ang ginagawa mo at kung ano ang meron ka ang pinakamahalaga sa mundo. Ito ay isang malaking kasinungalingan. Sa panahon natin, hindi ka bigatin kung hindi rin bigatin ang bahay mo, ang kotse mo, at ang pangalan mo. Sa halip na human being ang dapat tawag sa atin, naging human doing at human having. 30 anyos ka na wala ka pang bahay? Mahina ka. 40 anyos ka na hindi ka pa milyonaryo? Wala kang abilidad, tsong!

Pero alam nating lahat ito. Hindi kailanman nagdudulot ng wagas na kaligayahan ang gamit gaano man kaganda. Matapos mo magamit ang Galaxy SIII mo ng ilang buwan, meron nang bago. Meron nang mas maganda. Talo ka na. Laos ka na. Luma ka na.

Kelangan natin ang kakayahang makakita ng kabuuan, hindi ng pira-pirasong pangarap na mabababaw. At ito ay hindi kayang ibigay ng agham, ng siyensiya, ng komersyo, at ng gamit o yaman. Tanging Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng lubos, ng taos at ganap.

Tanungin natin muli ang ating sarili, gamit ang tanong ni Diana Ross … Do you know where you’re going to?

PUSPOS NG GALAK AT PASASALAMAT

In Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 21, 2011 at 14:22

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 22, 2011

Mga Pagbasa: 1 Sam 1:24-28 / Lu 1:46-56

PUSPOS NG GALAK AT PASASALAMAT

Mahirap mapuno ng galak sa mga araw na ito … Sa bawa’t sandaling natutunghayan ko ang mga video at mga larawang makabagbag-damdamin sa trahedyang naganap sa Iligan at sa Cagayan de Oro, mahirap isiping ang hinihintay nating Kapaskuhan ay may tunay at wagas na kahulugan, para sa mga, sa biyaya at awa ng Diyos, ay may pagkakataong magsama-sama, mag-salu-salo at magkaniig pa bilang isang buong pamilya ngayong Pasko.

Hindi ko maubos maisip ang pait at hapdi ng damdaming nararamdaman ng mga namatayan, na bukod pa rito ay nawalan ng buong kabuhayan, ng lahat ng kanilang ipinundar sa mahaba at maraming taon nilang pagsisikhay. Bagama’t naranasan ko rin ang maraming paskong kami, bilang isang malaking pamilya, ay nagdiwang sa magkakahiwalay na lugar sa maraming taon, hindi ko maubos maisip ang mga batang mga pamilyang, sa pagkamusmos ng mga anak, at kawalang malay ng mga batang paslit, ay bigla na lamang nagising sa isang katotohanang wala nang masasayang paskong maaring makita sa hinaharap, para sa marami sa kanila.

Sa mga sandaling ito, bilang Pari, wala akong malamang sabihin. Wala akong makitang angkop na pananalitang makapagpapalubag ng kaloobang namimighati, nagdadalamhati, at yinuyurakan ng matinding pasakit na mas matalim pa sa balaraw na tumitimo sa kalamnan.

Isa sa mga dahilan kung bakit ako ay nag-aral ng counseling/therapy ay ito. Maaga akong nakadanas ng pagdadalamhati ng isang Ina na nawalan ng isang anak noong panahon ng mga Hapon. Noong ako ay bata, malimit kong makita ang Nanay Ipay (Lola ko sa Ina) na sa pagdating ng takipsilim ay laging tumatangis mag-isa. Nakatingin sa lumulubog na araw ay habang ang mga labi ay nagdadasal ng orasyon, ay panay naman tulo ang luha ng pagtangis sa kanyang anak na lalaking pinaslang ng mga sundalong Hapon (o Koreano).

Hindi ko makakalimutan nang kami bilang mga bata ay naglalaro ng baril-barilan. Sapagka’t iniidolo namin noon si Fernando Poe, Jr. kaming lahat ay nagiging sundalong Pinoy (o Americano) at sundalong mga Hapon. Nagpapanggap kaming mga Hapon o Kano, at panay ang gaya namin sa salitang Hapon na natututunan namin sa mga sine ni Fernando Poe. Isang araw, nakita namin ang Lola namin na bigla na lamang natigilan, nanginginig ang buong katawan, nang makita niya at marinig na nagpapanggap bilang mga Hapon. Ngayon sa aking katandaan, ay alam kong ito ay isang halimbawa ng tinatawag naming Post-traumatic stress disorder, isang sikolohikal na kondisyon ng isang taong hindi pa lubusang nakalalampas sa pagtangis sa isang biglaan at malupit na pagkapatay sa kanyang anak.

Ang puso ko ay patuloy na nagsisikap yumakap sa lahat ng tulad ng Lola namin, na aming binigyang-pasakit nang kami ay nag-asal Hapones, na ngayon ay nagdadaan sa hindi natin lubos na mauunawaang kahirapang pangloob.

Nguni’t bilang Pari ay tungkulin ko rin na ikonekta ito sa magandang balita ng Panginoon.

Pero tatapatin ko kayo … ang magandang balita ng kaligtasan ay hindi nakamit kailanman liban sa daan ng pighati, daan ng paghihirap, at daan ng pagtalikod sa sarili. Ilang beses na natin binigyang pansin ang dakilang pagkatapon ng bayan ng Diyos, na siyang naging dahilan kung bakit si Isaias at ang iba pang propeta ay nagbigay hula, nagwika, at nangako tungkol sa darating na kaligtasan mula sa Diyos.

Tatapatin ko uli kayo … Ang lahat ng maganda sa araw ng Pasko ay hindi magaganap kung walang tulad ni Ana, na matagal nag-asam, matagal naghintay bago magka-anak. Hindi matutupad ang kaligayahan ng Pasko kung walang Zacarias at Elisabet, Joaquin at Ana, at Maria na, sa kabila ng kagulumihanan, ay nagsuong ng sarili sa matinding pananagutan. Hindi mangyayari ang kasaganaang isinasapuso natin tuwing Pasko, kung walang Jesucristong nag-alay ng buhay, nagdaaan sa lahat ng uri ng pasakit at hilahil, maganap lamang ang pangako ng kanyang Ama.

Sa aking pagbabalik-isip sa buhay ko, hindi kami makararating sa narating namin, at makatapos hanggang sa postgraduate level, kung wala kaming magulang na marunong magsinop, marunong magtiis, at marunong magpaliban ng kanilang sariling kapakanan para lamang kami ay mapag-aral. Sa maraming mga pista sa aming bayan, na wala kaming panghanda, ay hindi kami makakatikim ng masarap-sarap kung wala kaming Nanay Ipay na, lingid sa aming kaalaman, ay may paiwi palang baboy kung kani-kanino, upang paghahati-hatian ng tatlo niyang anak, at napakaraming apo. Siya, na hindi naman nagkakain ng baboy, ay siyang nag-paanyo upang kami ay makatikim rin ng kaunting handa sa Pasko o Pista.

Mga kapatid kong nagdadalamhati … Ito yata ang buod ng magandang balita na dapat nating ikagalak. Walang kaligayahang naghihintay, kung walang kapaitang handang tanggapin nang maluwag sa puso. Walang ginhawa kung walang paggawa, at walang tagumpay kung walang pagsisikhay.

Ito ang telon sa likod ng awit ng pasasalamat ni Ana at ni Maria. At ang telon na ito ay kwento, hindi ng isang maluwag at marangyang pamumuhay, kundi isang salaysay ng pagpapahindi sa sarili, paghihintay, pagsisikhay, at pag-aalay ng kaunting meron sila.

Ang Diyos na nagkakait kumbaga ngayon, ay may nakalaang luwalhati hindi maglalaon. Ang luwalhating pangako niya ay higit pa sa anumang makamundong bagay na atin ngayong inaasam, na ngayon ay ipinagdadalamhati natin at tayo ay nawalan, o naubusan, o hindi napagkalooban.

Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng lahat, ay dapat tayo magpasalamat sa kanya. Sa kabila ng lahat, ay dapat tayong umawit. Sa araw ng Pasko, wala mang anumang rangya o yaman o anumang inaasam ng lahat, magsaya tayo. Sapagka’t ito ang buod ng pasko … Puspos tayo ng galak at pasasalamat, sapagka’t ang dakilang kaloob na si Kristong Panginoon, ay sumasaatin, at hindi na kailanman maanod ng baha, madadala ng mga mandarambong, at maipagkakait ng mga pulitikong pulpol, at masisibang negosyante na ang tanging pakay ay makapanlamang, makapanlait, at makakitil ng buhay ng mga anak-pawis at mga simpleng taong ang tanging hanap, tulad ni Ana, ay ang kaloob ng isang sanggol na lalaki.

Siya si Jesus. Siya ang ating buhay. Siya ang dahilan ng Pasko. At siya ay Emmanuel, sumasaatin!