frchito

Posts Tagged ‘Simbang Gabi’

PANGAKONG UMUSBONG AT YUMABONG

In Adviento, Homily in Tagalog, Propeta Isaias, Taon B on Disyembre 17, 2008 at 12:04

rubus_fruticosus_4Ika-tatlong Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 18, 2008

Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25

Sa ikatlong araw ng nobena natin, katapatan pa rin ng Diyos ang ating usapin. Ngayon naman ay halaw kay Jeremias ang hulang nagpapadama sa atin sa pag-ibig at katapatan ng Panginoon. Kahapon, sapin-sapin ang pinag-usapan natin. Sapin-sapin at salin-salin ang mga angkan na pinagmulan ni Jesus. Nguni’t bagama’t sapin-sapin at salin-salin, hindi ito bitin sa kadahilanang ang mga pangakong binanggit sa Lumang Tipan ay pawang nagkatotoo sa pagsilang ng Mananakop na sinasaad sa Bagong Tipan.

Kapag nagmahal ang Diyos, ito ay walang patid, walang lagot … susun-suson, dugtong-dugtong, tuluy-tuloy – tulad ng mga salinlahing inilista ni Mateo kahapon. Tatlong patong na tig lalabing-apat na salinlahi ang pinagtiyagaang ilista ni Mateo, matunton lamang natin na ang angkan ni Jesus ay nag-uugat sa mula’t mula pa na pinaboran at kinasihan – at pinangakuan ng Diyos.

Sa araw na ito, hindi na tayo maglalaway sa sapin-sapin, kumbaga. Araw naman ito ng labong – ng usbong na magiging simulain ng katuparan ng pangako ng Diyos. “Darating ang araw na ako ay gagawa ng isang makatarungang usbong para sa angkan ni David.”

Sa ating mga Pinoy, lalu na para sa mga nakatatanda, ang labong ay masarap gulayin. Ang labong ay usbong ng kawayan na malambot pa, malasa, at sa pagkamura ay kinakain na. Ang labong ay magandang larawan ng isang pangako. Ang katuparan ay napapaloob na sa pangako. Ang labong ay tumuturo sa matipunong kawayan paglaki. Pero ang labong bagama’t larawan ng matayog na kawayan, ay hindi lang basta larawan. Ito ay katuparan na ng kanyang inilalarawan. Pahimakas ang labong na hindi lang pahimakas sapagkat maari nang pakinabangan. Kung kaya’t ito ay kinakain na sa kanyang pagkamura.

Larawan ito samakatuwid ng pag-asa – pag-asang nakatuon sa hinaharap subali’t pag-asang inaani at pinakikinabangan na ngayon, hindi lang bukas.

Ito ang katotohanan tungkol sa ating pananampalataya. Ito ay parang usbong na yumayabong, nguni’t isang usbong na ang itinuturong katotohanan ay isa nang katotohanang pinakikinabangan. Parang labong … pangako at katuparan … baligtaran. “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, at kaganapan ng kapayapaan magpakailanman.” Ito ang tugon natin sa unang pagbasa. Ito ay nakatuon sa panghinaharap ngunit nakalaan para sa atin dito at ngayon din.

Mura pa ang ating pananampalataya. Kahit mahigit na apat na daang taon tayo napasa ilalim sa mga Kastila at sa pagtuturong Kristiyano, mura at bata pa ang kakayahan nating isabuhay ang pananampalataya. Parang usbong … parang labong na madaling bunutin, madaling puksain.

Pero nakakita na ba kayo ng labong? Bunutin mo ang isa, at bukas at makalawa ay parang walang nangyari. May uusbong muli at may darating na bagong pangako ng panibagong buhay. Tulad natin bilang Pinoy. Sa pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, ay sa simbahan pa rin ang tuloy.

Libo-libo ang nagsisimba sa Simbang Gabi. Marami ay mga OFW na nagbabakasyon. Marami ay mga kabataang medyo nanlamig sa Diyos, at matagal nawala sa Simbahan. Marami ay sabihin na natin na hindi tapat sa Lingguhang pagsisimba. Pero sa Simbang Gabi, apaw at awas ang mga simbahan saanman. Para silang mga labong na binunot, pinuksa, o tinanggal, subali’t ngayon ay patuloy pa ring umuusbong.

May pag-asa pa tayo mga kapatid!

Nakatutuwang marinig na maraming komentarista sa radyo na hindi mo inaakalang nagsisimba at ay nagkukuwento kung minsan tungkol sa kanilang pagsisimbang-gabi. Nakatutuwang makita ang mga kabataang matamang nakikinig sa homiliya sa mga araw na ito, bagama’t mayroon ding mga ganap na kawayan na mahirap nang mahutok … sanay na sa kanilang kawalang pansin sa Diyos at sa mga bagay na banal.

Ang pag-asa natin ay hindi lamang isang guni-guni. Si Jesus na bunga at usbong na galing sa angkan ni David, ayon sa salaysay ngayon ni Mateo, ay tunay na yumabong at lumago at nakisalamuha sa atin. Naging tao siya tulad natin, isinilang ng Birheng Maria. Ito ay bahagi ng kasaysayan ng sangkatauhan. Hindi lamang nobela ang ebanghelyo. Ito ay kasaysayan at kahulugan ng kasaysayan.

Sa ikatlong araw na ito, tinunton ng mga pagbasa ang pangako at katuparan. Mula kay Jeremias na nagwika tungkol sa angkan ni Juda, na siyang narinig nating pinangakuan ni Jacob sa unang pagbasa kahapon, ay umusbong ang Mesiyas. Ang katuparan ay naganap sa pagsilang ni Jesus, sa pamamagitan ni Joseng anak rin ni David.

Mura man at bata man ang pananampalataya ng marami, hindi ito tanda ng kawalang pag-asa. Ito ay larawan ng maka-kristiyanong pag-asa. Ang pag-asa natin ay may pangalan, may kasaysayan, may laman at buto noong isilang. Ang pangalan niya ay Jesus, na tinawag na Principe ng kapayapaan, at Panginoong makatarungan.

Hindi ako nagsasawang ulitin ito. Suson-suson at sapin-sapin ang mga suliranin natin. Marami tayong hinaharap na pagsubok. Nguni’t ang tumutunghay sa kasaysayang puno ng pangako at katuparan, ang kasaysayan natin bilang tagasunod ni Kristo, na siyang puno at dulo ng kasaysayan, ay parang labong. Pangako at katuparan. Ang pag-asa natin ay parang labong. Bagama’t usbong lamang ay larawan na ng pagyabong. Ang kanyang pangako ay katuparan na. Mura at bata pa, pero pinakikinabangan na … tulad ng ating pananampalataya kay Kristo.

Darating siya … Dumarating pa siya … at muli siyang darating. May hihigit pa kaya dito? Siya ang tanging ipinangako na uusbong pa at yayabong pa tungo sa kaganapang ating lahat inaasam at hinihintay.

SALIN-SALIN … OO, PERO HINDI BITIN, PARANG SAPIN-SAPIN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 16, 2008 at 16:26

simbang-gabi2

Ikalawang Araw ng Simbang Gabi

Diciembre 17, 2008

Mga Pagbasa: Gen 49:2.8-10 /Mt 1:1-17

Salin-salin ang lahing binabanggit sa ebanghelyo ngayon ni Mateo. Parang walang katuturan, walang kahulugan … Ano ba ang kinalaman ng angkan ni Jesus sa ating buhay ngayon? Ano ba ang mahihita natin sa kaalamang pasalin-salin ang lahi na siyang pinagmulan ni Kristong Panginoon?

Isa itong palaisipan sa atin sa tuwing darating ang Pasko. Nguni’t kung ang Salita ng Diyos ay kinasihan ng Espiritu Santo, at walang nalimbag liban kung ito ay mula sa Diyos, may malaking kahulugan ito sa atin magpahangga ngayon.

Ito ang paghamon ng kahulugang naghihintay sa atin. Ito ang nararapat nating siyasatin ngayon upang kumbaga’y mabuksan ang susi ng kapalinawagan.

Kung ating pagtatabihin ang dalawang pagbasa, ang diwang malinaw na lumilitaw ay may kinalaman sa malasakit. Malaki ang malasakit ni Jacob (Israel) sa kanyang anak na si Juda. Kung kaya’t habang may lakas pa siya ay pinagtagubilinan na niya si Juda kung kanino niya binitiwan ang isang pangako at hula ng isang matingkad na kinabukasan … “Ikaw Juda ay pupurihin ng iyong mga kapatid.” Alam natin sa ebanghelyo ni Mateo na binasa rin natin na si Juda ay ang angkang pinagmulan ni Haring David, na siya ring pinagmulan ni Jesus.

Ito ay natupad ng isilang si Jesus na mula sa angkan ni David. Si Jesus ang siyang itinanghal na “anak ni David,” tulad ng sinabi ng bulag na nagwika sa kanya, “Jesus, anak ni David, maawa ka sa akin.”

Nakakainip ang listahan ng mga pangalang binasa natin. Salin-salin ang lahi, nguni’t hindi bitin. Hindi singaw si Kristo. May pinagmulan siya … may pinanggalingan. At iisa ang katotohanang tinutumbok ng lahat ng ito. Ang pag-ibig, katapatan, at pangako ng Diyos ay hindi “short-time” lamang, hindi bitin. Ang katapatan ng Diyos ay susun-suson … salin-salin,sapin-sapin, dugtong-dugtong, sunud-sunod … nakahanay … magkakawing-kawing … magkarugtong … walang patid … salin-salin, oo …nguni’t hindi bitin!

Kawing-kawing at sali-salimuot ang ating mga suliranin sa mundo. Walang lagot, walang patid, tila walang katapusan. Ang masamang balita na gumugulantang sa atin ay tila walang hangganan … tulad ng telenobela … iyakang walang patumangga … sampalang walang katapusan. Nguni’t sa kabila ng kawing-kawing na problemang bumabagabag sa atin, tila wala tayong natatanaw na wakas, walang tuldok sa pinapasan ng tao.

Para sa mga may edad na, balik-isipin natin ang nakaraan. Ilang beses tayo nag-people power? Ilang beses tayo nag-rally at naghumiyaw sa Mendiola, sa EDSA, at sa Liwasang Bonifacio? Ilang pagkakataon tayo nagpalahaw sa Luneta upang gulantangin ang konsiyensiya ng bayan o ng pamahalaan upang maganap ang tama at ang makatarungan? Susun-suson ang ating paghahanap ng solusyon sa mga suliraning bumabalot sa atin. Sunud-sunod ang pagpupursigue natin. Parang listahan ng mga angkan ni Jesus, na parang walang katapusan.

Subali’t lahat ng ating pinagsikapan ay laging naging bitin … hindi sapat … kulang … kapos … kalpot … Kulang at kulang pa rin ang lahat ng ating ginawa. Masiba pa rin ang mga namumuno sa atin … Lumayas man si Ali Baba, ay nanatili naman at patuloy na namamayagpag ang 40 mandarambong. Patuloy na yumayaman ang mga heneral at nakapagbabaon ng milyon-milyong piso sa Rusya. Patuloy na nauubos ang pork barrel funds sa mga tarpaulin, mga kalsada at tulay na walang patutunguhan, at sa mga state universities na nagiging mga diploma mills o pagawaan ng sertipikong hindi pinaniniwalaan sa America at sa ibang dako ng daigdig. Parang tinuhog na mga tigbi o sigay na walang simula at walang katapusan.

Ito ang buhay natin sa lupang bayang kahapis-hapis ng mga anak ni Eba at ni Adan. Bitin tayong lahat ng namatay nang napakabata si Marky Cielo. Napukaw ang ating nagdadalamhating puso sa habag sa kanyang Ina at kapatid na nabigla sa kanyang pagpanaw. Bitin ang buhay niya. Bitin ang marami nating karanasan.

Ito ang konteksto kung saan tayo ay napapaloob. Ito ang konteksto ng Misa natin, ngayong ikalawang araw ng Simbang Gabi.

Iisa ang tinutumbok ng listahang tatlong pulutong ng mga salinlahi ang binabanggit. Parang mga tinuhog na sampaguita, ang mga salinlahing ito ay pawang tumuturo sa iisang katotohanan – tulad ng binanggit ni Jacob sa kanyang anak na si Juda … pagmamalasakit at katapatan.

Mahirap ang bayan natin. Patuloy na humihirap dahil sa katiwalian at kasalanan natin lahat. Subali’t ang katapatan ng Diyos ay parang tinuhog na sigay, sampaguita, o tigbi o anumang butil na walang patid … Di magmamaliw at di mapapatid ang pagmamalasakit niya sa atin. Ito ang magandang balitang dulot ng ikalawang araw na ito ng Simbang Gabi.

Parang sapin-sapin ang katapatan ng Diyos … Susun-suson … sunud-sunod … dugtong-dugtong, patong-patong … oo … salin-salin, pero hindi bitin! Hindi bitin ang pag-ibig ng Diyos … walang patid … walang lagot … walang linsad … walang kupas … mula kay Abraham magpahanggang kay Jose, ang asawa ni Maria … tatlong pulutong na tig lalabing apat na salinlahi bawa’t pulutong. Pasalin-salin man ay walang patid at walang duda … Si Jesus ang pinakahihintay na Mananakop at Mangliligtas. Siya ang dahilan kung bakit hindi bitin ang pananampalataya at pag-asa natin.