frchito

Posts Tagged ‘Taon B’

PAGDATING NG PANAHON

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B, Uncategorized on Hulyo 10, 2009 at 21:56

amos1-1
Ika-15 Linggo ng Taon (B)
Julio 12, 2009

Mga Pagbasa: Amos 7:12-15 / Efeso 1:3-14 / Mk 6:7-13

“Honor, onus” … Sa kawikaang Latin, ang isang posisyong marangal ay may kaakibat na pasanin. Si Amos, na hinirang na propeta, ay isang halimbawa ng kung ano ang naghihintay sa isang taong may angking tungkuling iniatang sa balikat. Dahil sa inggit, si Amos ay ipinagtabuyan sa lupain ng Juda. Hindi lang iyon, pinagbawalan rin siyang magwika sa ngalan ng Diyos.

Tila isang sumpa ang saad ng unang pagbasa.

Subali’t sa ikalawang pagbasa, hindi sumpa kundi biyaya ang nilalaman ng liham ni Pablo. Matimyas na papuri ang kanyang awit sa harap ng lahat ng uri ng pagpapalang espiritwal na tinanggap natin sa pamamagitan ni Kristo. Mahaba ang listahan ni Pablo. Di malirip. Di mabilang. Nag-uumapaw ang puso ni Pablo sa pagkilala sa dakilang habag at awa ng Poong Maykapal sa pamamagitan ni Kristong Kanyang Anak. Ang buod ng lahat ng pagpapalang ito ay ang pagkahirang sa kanila … ang pagkapili upang maging tagapagmana ng luwalhating dulot Niya sa atin.

Dakilang pagpapala ang awit ni Pablo.

Subali’t sa ebanghelyo, tila urong-sulong ang nangyari. Mula sa sumpa na tinanggap ni Amos, at sa susun-susong pagpapalang kinilala ni Pablo, ang ikatlong pagbasa ay nagbalik sa mga pasakit, sa mga pagsubok sa mga tagasunod at disipulo ni Kristo. Ang disipulo ay pinagtagubilinang huwag magdala ng anu-ano sa kanilang paglalakbay … wala anuman maliban sa tungkod … wala ni pagkain, o lukbutan, o salapi sa kanilang sinturon …

Alin ba sa dalawa ang naghihintay sa isang tagasunod ng Panginoon? Sumpa o pagpapala?

Hindi na madali ang makatagpo ng “pagpapala” sa misyon ng isang tagasunod ng Panginoon. Marami sa kabataan ngayon ay halos wala nang pansin sa mga bagay na banal, at sa bagay na may kinalaman sa nakatataas na antas ng pamumuhay espiritwal. Noong ako ay bata pang pari, para bagang mas madali ang magturo ng relihiyon, o teolohiya sa kolehiyo. Noong panahong yaon, wala pang mga call center … wala pang mga programa sa telebisyon na nakapagpapababa ng antas ng pagkatao natin. Halos lahat ng mga panoorin ay kapupulutan ng magandang aral. At wala ang mga kabataang nakikitang mga palasak na halimbawang nagliligaw ng landas.

Pagpapala, hindi sumpa, ang magturo ng relihiyon noong araw. Subali’t sa panahon natin ngayon, kay hirap magturo ng mga bagay espiritwal. Tila isang sumpa ang magwika tungkol sa pagpapahalagang espiritwal. Mahirap ang mangaral tungkol sa katapatan, yayamang halos lahat ng tao ay tila hindi na nagpapahalaga dito. Kay hirap ang mangaral tungkol sa pagwiwika ng totoo, yayamang halos lahat ng mga namumuno natin ay malinaw na masamang halimbawa ng kasinungalingan.

Sumpa, hindi pagpapala, ang naghihintay sa mga propeta ng panahon natin. Pagtanggi, hindi pagtanggap, ang siyang katotohanang naghihintay sa isang tapat na tagasunod ng Panginoon.

Kung sa gayon, anu baga ang magandang balita para sa ating lahat sa araw na ito? Ano ba ang pinanghahawakan nating mahalagang bagay ang maidudulot natin sa sinumang nagbabalak sumunod sa yapak ng Panginoon at ng kanyang mga disipulo?

O ang pagsunod ba sa Kanya ay talagang isang karanasan ng pagtanggi tulad ng naranasan ni Amos? Ang pagiging propeta ba kaya ay walang ilalayo sa kung ano ang sinapit ni Amos?

Ang tugon ng Banal na Kasulatan ay iisa … pagpapala, hindi sumpa, ang hatid sa atin ng Panginoong Mapagligtas. At ang lahat ay nakasalalay sa kung ano ang pagkaunawa natin sa “pagpapala.”

Para sa taong materialista, ang pagpapala ay bagay na nakikita, nahihipo, nabibilang, at naiipon. Sa larangang ito, ang ebanghelyo ay malinaw … wala ni lukbutan, ni pagkain, ni salapi ang dapat pagukulan ng pansin ng isang disipulo. Hindi ito ang pagpapalang binibigyang diin ng Kasulatan.

Mahalaga na maunawaan natin ngayon ang kahulugan ng pagpapala … Ito ang pagpapalang hindi nabibilang, hindi naiimpok, at lalung hindi natin kailanman, mahahawakan tulad ng pagkapit ng isang tuko sa dingding. Ang pagpapalang binabanggit dito ay walang kinalaman sa material na bagay.

Ito ay may kinalaman sa kakayahang bumabagtas sa makamundong kakayahan – ang kapangyarihang dulot ng Panginoon mismo. At ang kapangyarihang ito ay hindi katulad ng kapangyarihang makamundo na hawak ng mga matataas na tao sa daigdig. Hindi ito “honor” o dangal na pang-kasalukuyan lamang. Bagkus, ito ay isang “onus” – isang pasanin ng disipulo ng Panginoon.

At ang batayan ng lahat ng ito ay walang iba kundi ang katotohanang ang nakikita ng isang taong may pananampalataya ay bumabagtas sa bagay-bagay ngayon at dito sa lugar na ito … Ang nakikita ng isang tagasunod na gumagamit ng mata ng pananampalataya ay isang hanay ng pagpapahalagang angat sa makamundong hanay ng pagpapahalaga.

Ito ang mabuting balitang tangan natin … Sa kabila ng tila susun-susong sumpa, nakatuon ang mata ng pananampalataya natin sa hanay ng mga pagpapalang di malirip … di mabilang … na kahit hindi man makita ngayon, ay alam natin na, bilang pangako ng Diyos, ay matutupad … pagdating ng panahon.

KALABUAN, KABULUHAN, KAHULUGAN!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Hulyo 3, 2009 at 17:18

prophets_4
Ika-14 na Linggo ng Taon (B)

Julio 5, 2009

Malabo ang maraming bagay sa mundong ibabaw. Magulo … Masalimuot … Tila walang patutunguhan … Di ba’t ito ang hindi lamang pahapyaw na sinasaad sa unang pagbasa? … kung paano isinugo si propeta Exequiel sa isang bayang mapag-alsa, palasuway at pasaway? Angkop na angkop ang katagang ginamit … kapal ng mukha at tigas ng puso ang mga salitang patungkol sa bayan ng Israel na hindi marunong tumanaw ng utang na loob!

Hindi lamang kalabuan ang sinasaad sa liturhiya natin ngayon. Hindi lamang malabo ang maraming bagay … tila wala ring kahulugan ang lahat. Sa harap ng isang pasakit sa katawan na dumating sa buhay ni Pablo apostol, napapailing tayong lahat. Ito ay sapagka’t tayo rin ay nagtataka at naguguluhan sa kadahilanang, ang isang taong matuwid tulad ni Pablo ay sinagian din ng isang pasakit na matindi. Tatlong beses daw niya hiniling na ito ay tanggalin ng Panginoon. Ngunit sa tatlong kahilingang ito, na nagmumula sa kaibuturan ng kanyang damdamin at puso, ang tugon ng Diyos ay iisa … “sapat na ang biyaya ko para sa iyo.”

Ang buhay natin ay tila ganito sa maraming pagkakataon … hindi lang may kalabuan …. Wala ring kabuluhan! Ito ang matindi at taimtim nating panalangin na nagmumula rin sa kaibuturan ng ating puso: “Nakatuon ang mga mata namin sa Panginoon, nagsusumamo sa kanyang dakilang habag.” (Salmong Tugunan)

Layunin tuwina ng ating pagtitipon bilang Iglesya, bilang mananampalataya, na maghanap ng kakaibang pagtingin sa mga bagay-bagay sa daigdig. Sa isang banda, alam natin ang nagaganap … masasalimuot na mga bagay na maaaring walang solusyon kailanman. Patuloy ang susun-suong mga suliraning bumabagabag sa balana. Palasak ang katiwalian sa lipunan, sa anumang samahan na binubuo ng mga taong malaya at matalino. Kasama tayong lahat sa kulturang ito na pinamumugaran ng lahat ng uri ng kadayaan at pagkakanya-kanya.

Ilang beses tayo naging suwail at pasaway? Ilang pagkakataon natin itinatwa ang mabuti at sinalubong ang masama? Makailang ulit nating tinalikuran at siniphayo ang tawag ng kabutihan at kagandahang-loob sa buhay natin, ma-personal man o pangkalahatan?

Sa Misang ito, ang tungkulin natin ay tingnan ang kabilang dako ng kasaysayan, at buklatin ang naiibang pahina ng buhay natin bilang Kristiyano. At dito nangunguna si Pablo na siyang unang-unang nakaranas ng mapapait na pasakit na hindi kailanman niya hinanap kahit sa guni-guni lamang. Dumating ang mga pasakit na iyon sa kanyang buhay. At nang pinag-igting at pinag-ibayo niya ang kanyang pagpapagal sa ngalan ng ebanghelyo, lalu namang nagmasigla ang lahat niyang mga suliranin sa buhay: mga kahinaan, insulto mula sa kapwa, kahirapan, pang-uusig mula sa ibang tao, mga balakid na walang kapara, atbp …

Subali’t sa kabila ng lahat, ang pangaral ngayon ni Pablo ay malinaw pa sa araw sa tanghaling tapat … sa sandali ng kahinaan ay lalong lumutang ang kanyang kalakasan!

Sa punto de vista ng Panginoon, sa paningin ng tulad niyang naparito upang maghatid ng buhay na walang hanggan, isa pang higit na malinaw na larawan ang tumatambad sa paningin natin. Ito ang kahulugan sa gitna ng kalabuan at kawalang kabuluhan.

Ito ang mabuting balita ng kaligtasan! Ito ang paningin ng Diyos na tulad natin, ay naging tao sa katauhan ni Kristo, Anak ng Diyos. Ito ang pinagyayaman natin sa bawa’t Misa, sa bawa’t pagtitipong banal sa simbahan, kung kailang tayo ay gumaganap sa gawaing banal ng Diyos, ang liturhiya!

Ito ang dahilan kung bakit dapat tayo magtipon sa tuwi-tuwina. Mahina tayong lahat. Sabi nga ni Rico Puno, ang tao ay marupok … kay daling matepok … kay daling lumimot. Nalilimutan natin kagya’t ang pasakit na pinagdaanan ng Poong Nazareno. Nalilimutan natin tuwina na ang buhay natin ay hiram lamang. Nahihirati tayo sa masama … sa hindi tama … sa mga bagay na ang kahulugan ay pang-sumandali lamang, ngayon at dito sa lupang ibabaw.

Ang mga pagbasa ngayon ay isang paalaala. At ang pinupuntirya ng mga ito ay ang buod ng mabuting balita para sa ating panahon na binabagabag tuwina ng maraming kalabuan, ng tila kawang kabuluhan ng lahat ng kabutihang ating ginagampanan. Sa kabila ng lahat ng kawalang katiyakan at kabuluhan, ang buhay at pangaral ni Kristo, na siya ring pangaral ng simbahan ay walang iba kundi ito: may bukas pa … ayon sa awit ni Rico Puno. Kung may bukas pa, mayroong dahilan ang lahat. Mahirap man makita ang nagkukubli sa likod ng lahat ng kawalang kabuluhan at kalabuan ng maraming bagay, ang mga pagbasa ngayon ay nagsasabi sa atin nang buong linaw at lakas … may kahulugan ang lahat ng ito. At ang kahulugang ito ang siyang nilalaman ng ating panalanging binigyang-diin sa tugon sa unang pagbasa: “nakatuon ang paningin naming sa Panginoon, nagsusumamo sa kanyang awa at habag.”