Ika-14 na Linggo ng Taon (B)
Julio 5, 2009
Malabo ang maraming bagay sa mundong ibabaw. Magulo … Masalimuot … Tila walang patutunguhan … Di ba’t ito ang hindi lamang pahapyaw na sinasaad sa unang pagbasa? … kung paano isinugo si propeta Exequiel sa isang bayang mapag-alsa, palasuway at pasaway? Angkop na angkop ang katagang ginamit … kapal ng mukha at tigas ng puso ang mga salitang patungkol sa bayan ng Israel na hindi marunong tumanaw ng utang na loob!
Hindi lamang kalabuan ang sinasaad sa liturhiya natin ngayon. Hindi lamang malabo ang maraming bagay … tila wala ring kahulugan ang lahat. Sa harap ng isang pasakit sa katawan na dumating sa buhay ni Pablo apostol, napapailing tayong lahat. Ito ay sapagka’t tayo rin ay nagtataka at naguguluhan sa kadahilanang, ang isang taong matuwid tulad ni Pablo ay sinagian din ng isang pasakit na matindi. Tatlong beses daw niya hiniling na ito ay tanggalin ng Panginoon. Ngunit sa tatlong kahilingang ito, na nagmumula sa kaibuturan ng kanyang damdamin at puso, ang tugon ng Diyos ay iisa … “sapat na ang biyaya ko para sa iyo.”
Ang buhay natin ay tila ganito sa maraming pagkakataon … hindi lang may kalabuan …. Wala ring kabuluhan! Ito ang matindi at taimtim nating panalangin na nagmumula rin sa kaibuturan ng ating puso: “Nakatuon ang mga mata namin sa Panginoon, nagsusumamo sa kanyang dakilang habag.” (Salmong Tugunan)
Layunin tuwina ng ating pagtitipon bilang Iglesya, bilang mananampalataya, na maghanap ng kakaibang pagtingin sa mga bagay-bagay sa daigdig. Sa isang banda, alam natin ang nagaganap … masasalimuot na mga bagay na maaaring walang solusyon kailanman. Patuloy ang susun-suong mga suliraning bumabagabag sa balana. Palasak ang katiwalian sa lipunan, sa anumang samahan na binubuo ng mga taong malaya at matalino. Kasama tayong lahat sa kulturang ito na pinamumugaran ng lahat ng uri ng kadayaan at pagkakanya-kanya.
Ilang beses tayo naging suwail at pasaway? Ilang pagkakataon natin itinatwa ang mabuti at sinalubong ang masama? Makailang ulit nating tinalikuran at siniphayo ang tawag ng kabutihan at kagandahang-loob sa buhay natin, ma-personal man o pangkalahatan?
Sa Misang ito, ang tungkulin natin ay tingnan ang kabilang dako ng kasaysayan, at buklatin ang naiibang pahina ng buhay natin bilang Kristiyano. At dito nangunguna si Pablo na siyang unang-unang nakaranas ng mapapait na pasakit na hindi kailanman niya hinanap kahit sa guni-guni lamang. Dumating ang mga pasakit na iyon sa kanyang buhay. At nang pinag-igting at pinag-ibayo niya ang kanyang pagpapagal sa ngalan ng ebanghelyo, lalu namang nagmasigla ang lahat niyang mga suliranin sa buhay: mga kahinaan, insulto mula sa kapwa, kahirapan, pang-uusig mula sa ibang tao, mga balakid na walang kapara, atbp …
Subali’t sa kabila ng lahat, ang pangaral ngayon ni Pablo ay malinaw pa sa araw sa tanghaling tapat … sa sandali ng kahinaan ay lalong lumutang ang kanyang kalakasan!
Sa punto de vista ng Panginoon, sa paningin ng tulad niyang naparito upang maghatid ng buhay na walang hanggan, isa pang higit na malinaw na larawan ang tumatambad sa paningin natin. Ito ang kahulugan sa gitna ng kalabuan at kawalang kabuluhan.
Ito ang mabuting balita ng kaligtasan! Ito ang paningin ng Diyos na tulad natin, ay naging tao sa katauhan ni Kristo, Anak ng Diyos. Ito ang pinagyayaman natin sa bawa’t Misa, sa bawa’t pagtitipong banal sa simbahan, kung kailang tayo ay gumaganap sa gawaing banal ng Diyos, ang liturhiya!
Ito ang dahilan kung bakit dapat tayo magtipon sa tuwi-tuwina. Mahina tayong lahat. Sabi nga ni Rico Puno, ang tao ay marupok … kay daling matepok … kay daling lumimot. Nalilimutan natin kagya’t ang pasakit na pinagdaanan ng Poong Nazareno. Nalilimutan natin tuwina na ang buhay natin ay hiram lamang. Nahihirati tayo sa masama … sa hindi tama … sa mga bagay na ang kahulugan ay pang-sumandali lamang, ngayon at dito sa lupang ibabaw.
Ang mga pagbasa ngayon ay isang paalaala. At ang pinupuntirya ng mga ito ay ang buod ng mabuting balita para sa ating panahon na binabagabag tuwina ng maraming kalabuan, ng tila kawang kabuluhan ng lahat ng kabutihang ating ginagampanan. Sa kabila ng lahat ng kawalang katiyakan at kabuluhan, ang buhay at pangaral ni Kristo, na siya ring pangaral ng simbahan ay walang iba kundi ito: may bukas pa … ayon sa awit ni Rico Puno. Kung may bukas pa, mayroong dahilan ang lahat. Mahirap man makita ang nagkukubli sa likod ng lahat ng kawalang kabuluhan at kalabuan ng maraming bagay, ang mga pagbasa ngayon ay nagsasabi sa atin nang buong linaw at lakas … may kahulugan ang lahat ng ito. At ang kahulugang ito ang siyang nilalaman ng ating panalanging binigyang-diin sa tugon sa unang pagbasa: “nakatuon ang paningin naming sa Panginoon, nagsusumamo sa kanyang awa at habag.”