Ika-15 Linggo ng Taon (B)
Julio 12, 2009
Mga Pagbasa: Amos 7:12-15 / Efeso 1:3-14 / Mk 6:7-13
“Honor, onus” … Sa kawikaang Latin, ang isang posisyong marangal ay may kaakibat na pasanin. Si Amos, na hinirang na propeta, ay isang halimbawa ng kung ano ang naghihintay sa isang taong may angking tungkuling iniatang sa balikat. Dahil sa inggit, si Amos ay ipinagtabuyan sa lupain ng Juda. Hindi lang iyon, pinagbawalan rin siyang magwika sa ngalan ng Diyos.
Tila isang sumpa ang saad ng unang pagbasa.
Subali’t sa ikalawang pagbasa, hindi sumpa kundi biyaya ang nilalaman ng liham ni Pablo. Matimyas na papuri ang kanyang awit sa harap ng lahat ng uri ng pagpapalang espiritwal na tinanggap natin sa pamamagitan ni Kristo. Mahaba ang listahan ni Pablo. Di malirip. Di mabilang. Nag-uumapaw ang puso ni Pablo sa pagkilala sa dakilang habag at awa ng Poong Maykapal sa pamamagitan ni Kristong Kanyang Anak. Ang buod ng lahat ng pagpapalang ito ay ang pagkahirang sa kanila … ang pagkapili upang maging tagapagmana ng luwalhating dulot Niya sa atin.
Dakilang pagpapala ang awit ni Pablo.
Subali’t sa ebanghelyo, tila urong-sulong ang nangyari. Mula sa sumpa na tinanggap ni Amos, at sa susun-susong pagpapalang kinilala ni Pablo, ang ikatlong pagbasa ay nagbalik sa mga pasakit, sa mga pagsubok sa mga tagasunod at disipulo ni Kristo. Ang disipulo ay pinagtagubilinang huwag magdala ng anu-ano sa kanilang paglalakbay … wala anuman maliban sa tungkod … wala ni pagkain, o lukbutan, o salapi sa kanilang sinturon …
Alin ba sa dalawa ang naghihintay sa isang tagasunod ng Panginoon? Sumpa o pagpapala?
Hindi na madali ang makatagpo ng “pagpapala” sa misyon ng isang tagasunod ng Panginoon. Marami sa kabataan ngayon ay halos wala nang pansin sa mga bagay na banal, at sa bagay na may kinalaman sa nakatataas na antas ng pamumuhay espiritwal. Noong ako ay bata pang pari, para bagang mas madali ang magturo ng relihiyon, o teolohiya sa kolehiyo. Noong panahong yaon, wala pang mga call center … wala pang mga programa sa telebisyon na nakapagpapababa ng antas ng pagkatao natin. Halos lahat ng mga panoorin ay kapupulutan ng magandang aral. At wala ang mga kabataang nakikitang mga palasak na halimbawang nagliligaw ng landas.
Pagpapala, hindi sumpa, ang magturo ng relihiyon noong araw. Subali’t sa panahon natin ngayon, kay hirap magturo ng mga bagay espiritwal. Tila isang sumpa ang magwika tungkol sa pagpapahalagang espiritwal. Mahirap ang mangaral tungkol sa katapatan, yayamang halos lahat ng tao ay tila hindi na nagpapahalaga dito. Kay hirap ang mangaral tungkol sa pagwiwika ng totoo, yayamang halos lahat ng mga namumuno natin ay malinaw na masamang halimbawa ng kasinungalingan.
Sumpa, hindi pagpapala, ang naghihintay sa mga propeta ng panahon natin. Pagtanggi, hindi pagtanggap, ang siyang katotohanang naghihintay sa isang tapat na tagasunod ng Panginoon.
Kung sa gayon, anu baga ang magandang balita para sa ating lahat sa araw na ito? Ano ba ang pinanghahawakan nating mahalagang bagay ang maidudulot natin sa sinumang nagbabalak sumunod sa yapak ng Panginoon at ng kanyang mga disipulo?
O ang pagsunod ba sa Kanya ay talagang isang karanasan ng pagtanggi tulad ng naranasan ni Amos? Ang pagiging propeta ba kaya ay walang ilalayo sa kung ano ang sinapit ni Amos?
Ang tugon ng Banal na Kasulatan ay iisa … pagpapala, hindi sumpa, ang hatid sa atin ng Panginoong Mapagligtas. At ang lahat ay nakasalalay sa kung ano ang pagkaunawa natin sa “pagpapala.”
Para sa taong materialista, ang pagpapala ay bagay na nakikita, nahihipo, nabibilang, at naiipon. Sa larangang ito, ang ebanghelyo ay malinaw … wala ni lukbutan, ni pagkain, ni salapi ang dapat pagukulan ng pansin ng isang disipulo. Hindi ito ang pagpapalang binibigyang diin ng Kasulatan.
Mahalaga na maunawaan natin ngayon ang kahulugan ng pagpapala … Ito ang pagpapalang hindi nabibilang, hindi naiimpok, at lalung hindi natin kailanman, mahahawakan tulad ng pagkapit ng isang tuko sa dingding. Ang pagpapalang binabanggit dito ay walang kinalaman sa material na bagay.
Ito ay may kinalaman sa kakayahang bumabagtas sa makamundong kakayahan – ang kapangyarihang dulot ng Panginoon mismo. At ang kapangyarihang ito ay hindi katulad ng kapangyarihang makamundo na hawak ng mga matataas na tao sa daigdig. Hindi ito “honor” o dangal na pang-kasalukuyan lamang. Bagkus, ito ay isang “onus” – isang pasanin ng disipulo ng Panginoon.
At ang batayan ng lahat ng ito ay walang iba kundi ang katotohanang ang nakikita ng isang taong may pananampalataya ay bumabagtas sa bagay-bagay ngayon at dito sa lugar na ito … Ang nakikita ng isang tagasunod na gumagamit ng mata ng pananampalataya ay isang hanay ng pagpapahalagang angat sa makamundong hanay ng pagpapahalaga.
Ito ang mabuting balitang tangan natin … Sa kabila ng tila susun-susong sumpa, nakatuon ang mata ng pananampalataya natin sa hanay ng mga pagpapalang di malirip … di mabilang … na kahit hindi man makita ngayon, ay alam natin na, bilang pangako ng Diyos, ay matutupad … pagdating ng panahon.
Korek ka jan, Father. Tumpak! Well said! Keep it up… Sana marami ang maka alam ng mga sinulat mo…