frchito

Posts Tagged ‘Unang Araw sa Simbang Gabi’

PEKSMAN!

In Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 15, 2010 at 13:45

N.B. PAGSISIKAPAN KONG GUMAWA NG MGA PAGNINILAY SA BAWAT ARAW NG SIMBANG GABI. KAYA NARITO ANG PARA SA UNANG ARAW.

Unang Araw ng Simbang Gabi
Disyembre 16, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 54:1-10 / Lucas 7:24-30

PEKSMAN!

Peksman! … Walang biro … Mamatay na ang nagsisinungaling! … Alam nating lahat kung ano ito. Parang laro ng bata, pero totoo … malimit tayo sumusumpa, nagsasalita nang patambis, at nagwiwika ng kalalabisan. Peksman! … cross my heart!

Ginagawa natin ito kung may inaakala tayong mahalagang bagay na gusto natin bigyang-diin. Gusto natin maniwala ang nakikinig sa atin. Ginagarantiyahan natin, kumbaga, at sa pagbibigay-diing ito, ay nadidiin rin ang ating kawalang kakayanan na makapagpatotoo sa sinasabi natin.

Kung kaya’t kinakailangan natin sumumpa kung minsan, sa maling pag-aakalang ang sinumpaan natin ay nagiging totoo.

Ito ang malaki nating problema ngayon bilang bayan. Kay rami ang panunumpa na nakikita natin tuwing matatapos ang eleksyon. Kay raming paglalapat ng kamay sa Biblia, upang sumpaan ang walang kamatayan at walang pag-iimbot na paglilingkod sa bayan. Susun-suson ang mga larawan ng mga kriminal na sumusumpa sa korte, nguni’t alam ng lahat na wala nang ibang pumatay sa 57 katao sa Maguindanao, liban sa mga nagmamaang-maangan, tulad ng alam rin ng lahat na may nabusog at napuno ang bulsa matapos mapirmahan ang maraming mga proyekto ng gobyerno.

Sa unang araw na ito ng Simbang Gabi, likas na sa atin ang mangakong tapusin ang siyam na araw. Sa buong Pilipinas, puno ang lahat ng simbahan ngayon. Gising na gising ang lahat, patungo sa simbang gabi, at sa unang araw, ay tila nagkakaroon ng isang panibagong buhay at talatakdaan ang buong bansa. Bukod sa trapikong buhol-buhol kahit saang dako ng bansa, ang bilang ng nagsisimba tuwing Simbang Gabi, ang isa sa mga malinaw na palatandaan na ang Pasko ay sadyang malapit na.

Pero alam rin natin na sa bandang gitna, matapos ang una at ikalawang araw, ang naturaleza ay bumabalik. Inaantok tayo at tinatamad. At ang mga Christmas Party na patong-patong, ang pagiging abala sa paghahanda ng mga regalo at handa sa araw ng Pasko, ay nangangahulugang paunti nang paunti ang bilang ng nagsisimba, liban sa araw ng Sabado at Linggo!

Kailangan natin mag-asal tila Isaias na sumusumpa rin. Maglaho man, aniya, ang mga kabundukan! Nguni’t bagama’t sa biglang wari ay tila sumpa ito ni Isaias, ang diwa ng kabuuan ng unang pagbasa ay walang kinalaman sa pagsumpa, kundi si pagpapatunay tungkol sa katotohanang namamaulo sa diwa ng Kapaskuhan.

At ano ito?

Simple lamang ang turo ni Isaias … maglaho man ang bundok, matipak man ang mga burol, “ang pag-ibig ng Diyos ay hindi kailanman kukupas.”

Walang kupas! Parang PCSO ang pag-ibig ng Diyos… walang kupas! Walang puknat! Walang duda, at walang hanggan.

Sa dinami-dami ng mga sumpang narinig natin, sa dinami-rami ng mga pangakong binitiwan ng mga sanga-sanga ang dilang mga politico; sa dinami-rami ng mga pagtanggi ng mga alam naman ng lahat ay mga mandarambong at mamamatay-tao; sa dinami-rami ng mga kababalaghang nagaganap sa customs, sa BIR, sa immigration, at pati sa Barangay, at sa Sangguniang Pangkabataan, may dapat pa kayang paniwalaan sa mga sumpang ito at mga pangakong napako sa dahon ng Bibliang malimit natin ginagamit?

Ito ang magandang balitang nais sana iwanan ko sa inyo mga kapatid … ang magandang balita ni Juan Bautista.

Siya ay nagpatotoo. Nagpatotoo siya nguni’t hindi sumumpa. Nagpatotoo siya sa pamamagitan ng kanyang buhay at kamatayan. Peksman! … Hindi niya sinabing “mamatay man ako, hindi ako ang Mesiyas.” Wala siyang sinabi kundi ang totoo at walang ka-peksman-peksman o panunumpang pinatotohanan niya ang pangaral sa pagtupad nito, hanggang sa kamatayan, hanggang sa siya ay pugutan ng ulo. Mismong si Jesus ang nagpatotoo sa kanya … “Siya ay propeta at higit pa sa isang propeta.”

Walang peksman. Walang panunumpa. Puro at panay na katotohanan, na pinagbayaran niya ng buhay. Ito ang dapat matutunan ng mga mahilig sumumpa sa tapat ng camera sa dinami-daming mga imbestigasyon sa Senado, na walang nangyayari at nakakamit.

Kasama tayong lahat sa kulturang ito. Unti-unti tayong nagumon sa takbo ng isipang ito. Ito ang dahilan kung bakit sinimulan natin ang Misa na ito sa isang pagtanggap, sa isang pagkukumpisal, sa isang pag-amin. Bahagi tayo ng lipunang mapagbalatkayo, mapagbulaan, at palasinungaling.

Panahon na upang gumising, hindi lamang para magsimbang-gabi, kundi gumising sa katotohanan. Tayo ang mga bulubundukin na dapat pantayin, ang mga burol na dapat patagin, at mga lubak na dapat punuin. Yan ang totoo … Peksman!

Advertisement