ISANG BAGONG KAUTUSAN
(Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay)
N.B. Ito ay halaw sa ebanghelyo sa Mayo 6, 2007 –
Jn 13:31-33a, 34-35
“Isang bagong utos ang bigay ko sa inyo: magmahalan kayo sa isa’t isa, tulad ng pagmamahal ko sa inyo”
Kahit luma na, bago pa rin ang utos na ito ni Jesus. Bago sapagka’t hindi pa lubos na naisasagawa at naisasakatuparan.
Puno ng kataga ng pag-ibig ang ating lipunan, ang ating mga pahayagan, ang himpapawid sa pamamagitan ng TV, ang internet … Subali’t sa kabila nito, ay nababalot pa rin ang daigdig ng kilabot, ng pagkamuhi, alitan, iba’t ibang uri at antas ng galit at poot.
Tunay na bago ang kauutusang ito … hindi pa lubos na nasusubukan … hindi pa lubos na napatutunayan.
Mahirap ang magmahal … lalu na sa mga taong naging dahilan ng iyong paghihirap, mga taong naging sanhi ng iyong pagbagsak sa pagtingin ng kapwa. Mahirap ang magpatawad sa taong ni hindi man lamang tumatanggap sa kanilang pagkakamali. Ito ang laman ng lahat ng teleserye sa ating panahon, paksa ng lahat ng balita sa ating mga pahayagan. Ang mga patayan habang lumalapit ang eleksyon … ang mga paghihiganti sa mga kaaway … ang walang saysay na pagpaslang sa mga taong kasalungat natin sa lahat ng larangan ng ating buhay.
Ito ang lumang balita. Ito ang lumang paksa kung saan umiikot ang lahat ng kwentong pang teleserye, o telenobela. Ito ang dahilan kung bakit walang pagkaubos ang intriga, at siyang dahilan din kung bakit hindi mauubos ang paksa sa ating mga telenobela kung saan tayo makakakita ng sampalang walang katapusan, at iyakang walang patumangga.
Ngunit ito ay lumang tugtugin, lumang paksain, at lumang kwento. Nahirati na tayo sa pag-inog ng ganitong uri ng salaysay.
Ito kung bakit tama si Kristong Panginoon. Nagbibigay siya sa atin ng isang bagong kautusan … bago, hindi luma.
Isa sa mga dalang balita na kaakibat ng imahen ng Mesiyas ay ang pagpapanibago … ang pagdadala niya ng ganap na pagbabago. Sa Griyeo, kainos ang ginamit na salita, hindi neos. Ito ay may kinalaman sa isang uri ng pagpapanibagong taos at lubos, hindi lamang pang-ibabaw at panglabas.
Panawagan ito sa ating mga tagasunod ni Kristo sa isang ganap na pagbabago ng pananaw. Kung ay buhay natin ay parang teleserye, tigib ng poot at nagpupuyos na damdamin, nabubuhay tayo sa lumang balita. Kung ang puso natin ay nababalot pa rin ng kagustuhang maghiganti, umiiral pa rin sa atin ang lumang kaayusan. Wala pa tayo sa bagong tipan. Malayo pa tayo sa pagpapanibagong dulot ng Mesiyas, na nagdusa, namatay, at muling nabuhay.
Marami nang poot ang umiiral sa daigdig. Hindi na natin siguro dapat dagdagan pa. Marami nang patayan at siraan sa mundo nating ito. Hindi na tayo dapat makilahok pa. Simulan natin sa mga simpleng paraan. Baguhin natin ang takbo ng inaakalang “normal” ng lipunan. Kung normal ang makipag-gitgitan sa trapiko, baguhin natin ang ating taktika. Huwag tayong padala sa unahan at lamangan. Kung normal sa mundo ang siraan ang kapwa upang tayo ay umangat at umasenso, huwag tayong padala sa agos. Baguhin natin ang ating pamamaraan. Kung ang lahat ay nagbibili ng boto, ibahin natin ang takbo ng ating isip. Gawin natin ang hindi ginagawa ng karamihan. Kung ang lahat ay nandadaya, ibahin din natin ang kilos natin.
Maging bago tayo sa mata ng Panginoon. Tanging ito lamang ang paraan para maisakatupan natin ang kanyang utos: “Isang bagong kautusan ang kaloob ko sa inyo: magmahalan kayo sa isa’t isa, tulad ng pagmamahal ko sa inyo.”