frchito

IBANG KLASE ANG ATING DIYOS!

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Mayo 8, 2007 at 11:39

Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay
Mayo 13, 2007

PAANYAYA, PANGAKO, PAG-IBIG, PAG-ASA

Puede nating bigyang-buod ang mga pagbasa sa araw na ito sa apat na salita: paanyaya, pangako, pag-ibig, at pag-asa. Sa unang pagbasa, narinig natin kung paano ipinagtanggol nina Pablo at Barnabas ang mga hentil (pagano) na sumampalataya kay Kristo. Bagama’t pinangunahan ito ng isang matinding diskusyon (o alitan) sa pagitan ni Pedro at ni Pablo, ang pangakong pangkalahatang kaligtasan ng tanan ang siyang naghari sa wakes. Ang mahalaga ay ang pagkilala at pagsampalataya kay Jesus. Ang mga kagawiang kultural ng mga Judio ay hindi siyang pangunahing pagpapahalaga ng isang kristiyano. Tanging mga pinakamahalagang gawain lamang ang ipinataw ni Pablo sa mga bagong sapi kay Kristo.

Ang ikalawang pagbasa ay isang matulaing paglalarawan ng isa pang pangako ng Diyos: ang bagong langit at bagong lupa na binanggit na noong nakaraang Linggo. Ang banal na siyudad ng Jerusalem ay isinalarawang bumababa mula sa kalangitan, na nababalot ng mga mahalaga at mararangyang mga bato at kristal. Iisa ang pinupuntirya ng mga sagisag na ito … Ang Diyos ay ipinapakitang tumutupad at tutupad pa ng kanyang pangako. At ang buod ng kanyang pangako ay may kinalaman sa ganap na pagpapanibago na dulot ng kanyang gawang pagliligtas. Ang pangakong hantungan ng bayan ng Diyos ay may kinalaman sa isang panibagong takbo ng panahon at buhay ng mga nabubuhay nang tapat sa Diyos. Ganap na kaliwanagan ang babalot sa lungsod na nabanggit. Masasabi nating ang ikalawang pagbasa ay pangakong tigib ng pag-asa.

Ang ebanghelyo naman ay umiikot sa isang paanyaya at isang pangako. Anyaya ng Diyos na tayo ay mabuhay sa pag-ibig: “sinomang nagmamahal sa akin at sa aking salita ay mamahalin rin ng aking Ama.” Ngunit ang paanyaya at pangako ay tumutuon sa dalawa pang mahalagang pangako: pag-ibig ng Ama at ng Anak, at ang pagpapadala at pagdating ng Espiritu Santo.

Iisang kataga ang iniiwan sa aking guniguni ng mga pagbasang ito … pananahan. Ibang klase ang ating Diyos. Hindi lamang siya manlilikha. Hindi lamang siya mapagmahal. Siya ay lahat ng ito, at higit pa. Siya ay puno ng pangako. At ang pangako niya ay tunay at buhay. Hindi siya isang Diyos na nananatili sa alapaap. Siya ay Diyos na nakikipamayan. Siya ay Diiyos na nakikipanahan sa piling natin. At bago pa man siya lumisan at umakyat sa langit, nagbitaw siya ng pangako ng pag-asa. “Ang parakleto, ang Banal na Espiritu, na isinugo ng Ama sa aking ngalan, ay magtuturo sa inyo ng lahat at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.”

Ibang klase ang ating Diyos. Naghatid siya ng paanyaya sa atin. Pinagkalooban tayo ng pangako. Tinupad niya ang kanyang pangako sa pagkakaloob ng pag-ibig. Bagma’t lumisan, nagiwan siya ng dahilan upang manatili ang pag-asa.

At higit sa lahat, pinatunayan niya na ang ating pag-asa ay hindi mauuwi sa kawalan. Nakipamayan siyang lubusan sa atin. Nakipanahan siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ibang klase ang ating Diyos. Purihin Siya magpakailanman.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: