frchito

PAGTANGGI O PAGTANGGAP

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hunyo 11, 2007 at 22:58

Ika-11 Linggo ng Karaniwang Panahon
Hunyo 17, 2007

Mga Pagbasa: 2 Samuel 12:7 – 10,13 / Galatas 2:16,19-21 / Lc 7:36 – 8:3

Dadalawang letra ang kaibahan ng una sa ikalawang salita. Iisang maliit na kilos ang maari nating gamitin sa pagtanggi – ang pag-iling. Gayundin, iisang kibo ang napapaloob sa pagtanggap – ang pagtango. Subali’t malaki ang kahihinatnan kung alin ang ating pipiliin sa anumang pagkakataon.

Pagtanggap ang buod ng mensahe ng ating mga pagbasa sa araw na ito, hindi pagtanggi. Sa unang pagbasa, matutunghayan natin kung paanong ang pag-uusig ni Natan kay David ay nauwi sa maluwag na pagtanggap. Tinanggap ni David ang kanyang malaking pagkakasala: “Nagkasala ako laban sa Panginoon.”

Sa ikalawang pagbasa, ipinahahayag ni San Pablo na hindi ang pagtanggap lamang sa batas ang naghatid sa kaniya sa katarungan, kundi ang maluwag na pagtanggap sa Panginoong Jesucristo. Ang pagtanggap na ito ay nangangahulugang hindi na si Pablo ang nabubuhay, kundi si Kristo mismo ang Siyang nabubuhay sa kaniya.

Sa Ebanghelyo, mayroong isang taong bihasa sa pagtanggi. Ito ay walang iba kundi ang Pariseo, na nag-anyaya kay Kristo sa hapag-kainan. Pinatuloy niya si Kristo sa kaniyang bahay. Subali’t ang puso niya ay tigib ng pagtatangi at pagtanggi. Hindi niya matanggap na may isang “babaeng makasalanan” diumano na pumasok sa kanyang bahay at naghugas ng mga paa ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang mga luha.

Dalawang magkasalungat na larawan ang ipinipinta ng Ebanghelyo – ang Pariseong cerrado ang puso at panay ang iling noong pumasok ang babae, at ang babaeng panay ang tango sa pagtangis sa kaniyang mga kasalanan. Kasama sa larawang ito ang maluwag na pagtanggap ng Panginoong Jesucristo sa isang nilalang na walang bahid ng pagtanggi bagkus lubos na pagtanggap sa kapangyarihan at awa ng Diyos sa katauhan ni Kristo.

Sa biglang wari, tila kakaunti ang kaibahan ng pagtanggi sa pagtanggap. Bukod sa iilang letra, ay ang kakapiranggot na kaibahan sa pagitan ng isang iling at isang tango. Subali’t nais nating ipaliwanag sa araw na ito na malaki ang kaibahan at malalim ang kinahihinatnan kung paghahambingin ang isang iling at isang tango sa pagdatal ng Panginoon sa ating buhay.

Ang isang iling ay pagpapahindi sa Diyos, sa kanyang biyaya, sa kanyang dulot na buhay. Marami ang halimbawa nito sa Banal na Kasulatan – tulad ng binatang nagtanong kay Kristo kung paano makarating sa buhay na walang hanggan. Nang sinagot siya ni Jesus na dapat niyang iwan ang lahat at sumunod sa Kaniya, siya ay napailing, at umalis nang walang iba pang sinabi. Tumalikod siya at lumisan nang malungkot.

Ang isang iling ay pagsiphayo sa Diyos ng buhay. Ang pagtangis ni Judas na walang kaakibat na pagtanggap sa habag ng Diyos ay nauwi sa mapait na pagpanaw.

Subali’t ang pagtango sa kalooban ng Diyos ay pagtanggap sa biyaya ng buhay. Ang pagtangis ni Pedro matapos itatwa si Kristo ay ang kanyang pagtanggap sa kanyang pagkakamali. Ang kaniyang tango sa awa at habag ng Diyos ay naghatid sa kanya sa pagkakamit at pagtanggap ng buhay na walang hanggan.

Iisa ang tinutumbok ng ating mga pagbasa sa ating Misa ngayon. Tinatawagan tayo hindi sa pagtanggi at mapait na pagtangis na walang karampatang lunas. Ang panawagan sa ating lahat ay malinaw – ang pagtanggap sa Diyos at sa kanyang awa. Ang pagtanggap na ito ay nagmumula sa pagtanggap rin ng ating kasalanan. Ito ang ginawa ni David. Ito rin ang ipinakita ng babaeng nagdala ng pabango at tumangis sa harapan ng Panginoong tinanggap niya nang maluwag sa kalooban.

Sa ating panahon, sa ating buhay, panay ang tanggi natin sa maraming bagay. Tinatanggihan natin na mabilis nating sinasalanta ang daigdig ng kalikasan. Tinatanggihan natin na ang maraming bagay na ginagamit natin ay mabilis na naglalaho at patuloy na nauubos. Panay ang ating iling sa pagtanggi na tayo ang pinaka-tiwaling bansa sa buong Asia.

Ang patuloy nating pagtanggi at kawalang kakayahang tumanggap sa katotohanan ay isa sa mga ugat ng ating susun-susong problema. Mahirap gisingin ang taong nagtutulog-tulogan. Mahirap gamutin ang taong hindi tumatanggap sa kanyang karamdaman. At lalong mahirap patawarin ang taong panay ang iling at tanggi sa kanyang kasalanan.

Nagsimula tayo sa Misang ito sa pagtanggap, hindi pagtanggi: “Panginoon, kaawaan mo kami.” Makaitlo nating beses ito sinabi. Ito rin ang sinabi natin matapos ang unang pagbasa: “Panginoon, patawarin mo ang aking kasalanan.”

Panahon na upang tumango. Panahon na upang tumanggap … una sa Diyos, ikalawa sa ating kasalanan, at ikatlo, sa kanyang dakilang awa at habag. Pagtango at pagtanggap ang lubha nating kailangan upang maging kaaya-aya sa Diyos. Ang hindi pagtango at hindi pagtanggap ay mauuwi lamang sa pagtangis na walang karampatang lunas.

Panginoon, maawa ka sa aming makasalanan!

June 11, 2007 – Paranaque City

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: