Ika-19 na Linggo – Taon K
Agosto 12, 2007
Mga Pagbasa: Karunungan 18:6-9 / Heb 11:1-2, 8-19 / Lucas 12:32-48
Linaw ng paningin ang paksa natin noong nakaraang Linggo. Kung ano ang tingin, siyang turing. Kung pinahahalagahan natin ang mga bagay na di nagtatagal at kagya’t naglalaho, ito ay isang halimbawa ng binabanggit ni Kohelet: “Walang kabuluhan … walang kakabu-kabuluhan!” Hindi yaman, at lalong hindi ang kasakiman, ang dapat na ituring na hantungan ng buhay ng mga taga-sunod ni Kristo.
Ang mga pagbasa natin ngayong araw na ito ay tila karugtong ng paksang ito noong isang Linggo. Kung noong nakaraang Linggo ay pinaalalahanan tayo na ang pinakamahalaga ay di yamang materyal, o anu mang bagay na makamundo, sa araw na ito, tinutuunan ng mga pagbasa kung ano ang dapat ituring na hantungan at hangganan ng buong buhay ng tao.
Ano nga ba ang siyang dapat pagtuunan ng pansin ng tao nang higit sa lahat? Ano nga ba ang siyang dapat at wastong mithiin ng bawa’t nilalang sa mundong ito?
Ang aklat ng Karunungan ay tumutugon sa ating katanungan. Walang iba kundi ang Diyos ang maituturing na nasa likod ng lahat ng kababalaghang naganap sa pagtawid ng mga Israelita sa dagat, habang tinutugis ng mga Egipcio (Unang Pagbasa). Wala ring iba maliban sa Diyos ang siyang sinunod ni Abraham, at siyang naging tampulan ng kanyang dakilang pananampalataya, magpasahanggang ialay niya ang tangi niyang anak na si Isaac (Ikalawang Pagbasa).
Maliwanag na hindi lamang linaw ng paningin ang pinag-uusapan dito. Maliwanag na hindi lamang mithiin ang pinapaksa natin ngayon.
Ito ang binigyang-liwanag ng ebanghelyo ayon kay Lucas. Hindi sapat aniya ang hindi mabulagan ng bagay na makamundo. Hindi sapat na hindi mabulagan ng pag-aasam ng yaman. May higit pang dapat tayong pagtuunan ng pansin. Hindi maaaring ang tao ay manatili sa ilalim ng balag ng alanganin. Kung hindi makamundong bagay ang mithiin natin, dapat ay mayroon tayong higit sa lahat ay pinahahalagahan. Ang tao ay nilikha ng Diyos na dapat mayroong pinanghahawakang pagpapahalaga.
Ito ang paanyaya sa atin ng ebanghelyo ni Lucas. Ang linaw ng mata ay dapat matuon sa malinaw ring mithiin. At ang mithiing ito, na higit sa lahat ng makamundong mithiin, ay walang iba kundi ang parehong Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob. Siya ang Diyos ng pangako at pagtupad ng pangako.
Kung minsan, mahirap mag-anyaya ng tao kung hindi niya alam ang kaniyang gusto. Hindi sapat na tanungin ang isang tao kung ano ang ayaw niyang pagkain. Matapos mong matanong siya kung ano ang ayaw, darating ang punto na dapat mo siyang tanungin kung ano ang gusto niya. Mahirap umorder sa restoran ng menu na ang pangalan ay “kahit ano.”
Noong isang Linggo, tiniyak natin na hindi yaman at pagkakamal ng salapi ang ating hantungan. Ngunit tiniyak din natin na hindi kasalatan at paghihikahos ang gusto ng Diyos para sa atin. Bagama’t dineklara ni Kristong “mapalad” ang mga dukha, hindi niya sinasabing ang pagiging dukha ang siyang dapat na maging mithiin ng lahat ng tao. Hindi “kahit ano” ang paanyaya at kalooban ng Diyos para sa kanyang bayan.
Kung hindi “kahit ano” o “maski ano,” ano bang mithiin ang dapat mayroon ang tao? Tama lang bang paningin at wastong pagturing? Tama lang bang pagkilatis at wastong hangarin?
Hindi. Hindi lamang ang mga iyon. Ang hangarin na bunga ng wastong pagkilatis ay dapat na hindi manatiling mithiin. Ang paalaala ni Kristo ay malinaw: “Manatiling gising at handa. Sapagka’t hindi ninyo alam ang araw kung kailan darating ang Panginoon” (Bersikulo ng Aleluya). Ang siyang dapat mithiin ay walang iba kundi ang Panginoon mismo … hindi yaman, hindi kasalatan, bagkus ang Diyos na higit sa lahat.
Subali’t ang hangaring ito ay may kaakibat na tungkulin. Una, “magpaanyo kayo ng lukbutang hindi nananakaw o nasisira, isang yamang makalangit, sapagka’t kung saan naroon ang yaman ay nanduon rin ang inyong puso.” Ikalawa, “maging tulad ng mga utusang naghihintay sa pagbabalik ng kanilang amo mula sa kasalan na handang magbukas ng pinto sa oras ng pagkatok. Mapalad ang mga utusang matatagpuang nagbabantay sa pagbabalik ng amo.”
Ang mithiin natin ay walang iba kundi ang Diyos. Siya ang tampulan ng lahat nating hangarin. Siyang ating mithiin ay siya ring ating tuntunin. “Mapalad ang utusang madadatnang gumagawa ng kanyang tungkulin.” Hindi sapat ang mangarap. Ito ay dapat lakipan ng pagsisikap. Kung anong mithiin, siya ring tuntunin.
Fr. Chito Dimaranan, SDB
Sacred Heart Novitiate
Lawaan, Talisay City, Cebu
Philippines