Ika-21 Linggo ng Taon (K)
Agosto 26, 2007
Pagninilay sa Ebanghelyo (Lucas 13:22-30)
Bilang isang guro, batid ko na kung minsan, ang tanong ng mga estudyante ay walang kinalaman sa bagay na tunay na mahahalaga. Kung minsan, ang tanong ay lihis sa usapan, lisya, malayo sa tunay na pinapaksa ng leksiyon. Kung minsan din, sa halip na bigyang-pansin ang kabuuan, ay pinapatulan ang mga detalye na hindi naman tunay na makatutulong sa buhay ng tao.
Ito ang isa sa mga lumulitaw na pangaral ng ebanghelyo sa araw na ito. May nagtanong kay Jesus: “Panginoon, kakaunti lamang ba ang maliligtas?” Parang napakahalaga ng tanong na ito. Sa biglang wari, tila ito ay isang tanong na may kinalaman sa pinakamahalagang bagay na dapat bigyang-pansin sa buhay natin – ang paksa tungkol sa kaligtasan.
Nguni’t tingnan natin muli … Ito nga ba ay isang mahalagang katanungan?
Kung susuriin natin ang sagot ni Jesus, tila hindi niya pinansin ang tanong ng taong ito. Sumagot si Jesus, nguni’t hindi niya sinagot ang tanong ng tao. Sumagot siya subali’t ang kanyang tugon ay may kinalaman sa higit na mahalaga. Ang tanong ng tao ay “gaano?” Ang sagot ni Jesus ay may kinalaman sa “paano?”
Mahalaga na tayo ay dapat magtanong nang tama. Ang tanong na tama ay maghahatid sa atin sa sagot na nakatutulong, nakapag-aangat, nakabubuti sa kapakanang pangkalahatan, at sa kapakanan ng ating buong pagkatao.
Sa sandaling ito, ang aking kaisipan ay natutuon sa mga tanong na pinag-aaksayahan ng panahon ng mga politico sa Pilipinas. Muli na namang itinatanong ang tungkol sa pagsisinungaling ng isang namumuno sa bayan. Muli na namang inuungkat ang may kinalaman sa isang serye ng mga tawag sa telepono ng isang politico na tila baga’y iyong “katotohanang” iyon lamang ang higit na mahalaga kaysa sa ibang mga dapat pag-isipan.
Ako ay naniniwala na ang pagsasabi nang tapat ay pagsasama nang maluwat, tulad ng sinabi ko noong isang Linggo. Subali’t sa hanay ng ating pagpapahalaga, sa hanay ng napakaraming bagay na dapat natin pagtulung-tulungan para maka-angat ang ating lipunan sa palasak na kahirapan at kawalan ng ipagtatawid-buhay ng maraming mga Pilipino, mayroong mga suliraning dapat unahin at dapat bigyang-pansin higit sa iba na hindi naman makatutulong sa kapakanang pangkalahatan.
Tanggapin natin ang totoo … sinong politico … sino sa kanilang nanggagalaiti at nagpupuyos ang damdamin at nagmamadali upang pukulin ng bato ang nagkasala ang hindi nabahiran ng kadayaan sa ating maruming politica? Sino sa kanila ang makapagsasabing ang kamay nila at budhi ay malinis at hindi sila kailanman napadala sa isang sistemang bulok at naaagnas?
Ang tanong ng tao kay Jesus ay may koneksyon sa ating usapin sa araw na ito. Hindi natin dapat makalimutan ang gubat dahilan lamang na may nakita tayong ilang puno. Ang gubat ay mas malawak kaysa isang dosenang punong-kahoy. Ang tanong niya ay “gaano karami ba ang maliligtas?”
Hindi pinansin ni Jesus ang kanyang tanong, bagkus sinagot niya ang dapat niyang tunay na katanungan. At ang higit na mahalagang katanungan ay ito: “Paano ba maligtas?” At dito ay sinabi niya ang mahalagang katotohanan: “Magsikap na dumaan sa makipot na pintuan, sapagka’t marami ang magtatangka nguni’t wala silang kakayahan.”
Katotohanan ba kaya ang tunay na pakay ng mga umuusig at nanggugulo na naman sa ating lipunan? Ito ba kayang “katotohanang” ito ang siyang lubhang mahalagang suliranin na bumabagabag sa puso at kaisipan ng balana? Katotohanan kaya o kapakanang pangkalahatan ang dapat nating bigyang pansin sa lahat ng antas ng ating lipunan?
Makatutulong kaya sa atin kung malaman natin, tulad ng sinasabi ng mga Jehova’s Witnesses, na 144,000 lamang ang maliligtas? Magbubunga kaya ito ng pag-asa at pagmamahal sa ating Panginoon at Diyos? Ito ba ang mahalagang tanong o ito ba ay isang tanong na lihis sa tunay na mahalagang bagay?
Ano ba ang mahalagang dapat natin pagtuunan ng atensyon? Sinabi ni Jesus ang mahalaga: “pagsikapang pumasok sa makipot na pinto.”
Ito ang mahalaga, hindi ang katotohanang tayo ay nakisalo at nakihalubilo sa malalaking tao sa handaang en grande sa lipunan. Ang mahalaga ay ang pagiging disipulo, at ang disipulo ay isang taong nag-aaral, nakikinig, sumusunod. Ito ang kahulugan ng “mathetes” sa salitang Griego – na isinalin sa salitang disipulo. Subali’t ang disipulo ay siyang nakikinig, at sapagka’t nakikinig, ay sumusunod. Siya ay may disiplina.
Sa bayan natin sa panahong ito, disiplina ang kailangan, hindi hungkag na katotohanang wala namang idinudulot na kapakanang pangkalahatan para sa balana. Kung malaman kaya natin ang isang bagay na alam na ng lahat – na madadaya silang lahat sa maruming sistema political ng bayan – makapag-aangat kaya ito n gating ekonomiya? Magkapagdudulot kaya ito ng dagdag na respeto ng buong mundo sa atin? Mapapalapit kaya ang bayan sa Diyos, o lalung manghihinawa at mawawalan ng pag-asa?
Tingnan natin ang kabuuan … ang gubat, hindi kaunting maliliit na puno. Pakinggan natin ang tugon ni Jesus sa isang tanong na hungkag at walang katuturan … Hindi gaano, kundi paano. Iyan ang tunay na mahalaga.
Pagpalain nawa tayong lahat ng Poong Maykapal!
Agosto 26, 2007