frchito

KAILANMAN, SAANMAN, AT PALAGIAN

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 18, 2007 at 05:41

Ika-29 na Linggo ng Taon (K)
Oktubre 21, 2007

Mga Pagbasa: Exodo 7:8-13 / 2 Tim 3:14 – 4:2 / Lucas 18:1-8

Palagiang pananalangin ang isang malinaw na paksa ng mga pagbasa sa araw na ito. Natunghayan natin kung paano nagtiyaga si Moises na panatiliing nakataas ang kanyang mga kamay noong nakikipagbakbakan ang mga Israelita laban sa mga Amalekita. Isang malinaw na pagsasagisag ng taimtim na panalangin, ang kanyang kamay na naka-angat ang isinasalarawang naging dahilan ng kanilang pagwawagi (Unang Pagbasa).

Ito rin ang malinaw na paksa ng ebanghelyo ayon kay San Lucas. Isang balo ang inilalarawang nangungulit sa tiwaling hukom, na dahil sa kakulitang ito ay napilitang ipagkaloob ang hinihingi ng balo. Palagiang panalangin ang siyang tinutumbok ng talinghagang ito.

Palagian … pagtitiis … pagpupunyagi … ang lahat ng katagang ito ay may kinalaman sa isang saloobing maalam makibaka sa isang daigdig na nababalot ng lahat ng uri ng panghihinawa at panghihina ng loob. Nanghihinawa na ang marami sa sitwasyon ng gobyerno at lipunang Pilipino. Habang sinusulat ko ito, laman ng mga balita sa radyo ang namumuong sama ng loob at galit ng balana sa patuloy at sunod-sunod na balita tungkol sa mga bagay na hindi na bago at alam na ng lahat – ang katiwalian at kasinungalingan ng mga namumuno sa ating gobyerno. Nangangamba ang marami na muling babalikwas ang mga sundalo upang magsagawa muli ng isang bagay na hindi gusto ng higit na nakararami – isang kudeta. Panghihinawa rin ang nababasa natin sa kawalang interes ng marami sa organisadong relihiyon, pati na rin ang kawalang interes sa pananalangin. Ayon sa mga pagsasaliksik na ginawa tungkol sa mga kabataan ng mga nakaraang taon, ang mga kabataang lumalaki ngayon ay hindi na magiging tulad ng kanilang mga magulang at mga lolo at lola na malakas ang pagkatig sa relihiyon at lahat ng bagay na kaakibat nito.

Sa ating panahon, marami at susun-suson ang mga katumbas na kaaway na Amalekita ng mga taong masidhi ang pagkatig sa pananampalataya. Subali’t ang ating pinag-aawayan ay higit pa sa isang balon ng tubig lamang sa ilang. Ang mga pinag-aawayan natin ay hindi lamang pangunahing mga pangangailangan, kundi mga bagay na may kinalaman sa kasakiman, katakawan, at kagustuhang magpasasa sa karangyaan. Ang katiwalian na patuloy na bumabalot sa buong lipunang Pilipino ay walang puno at dulo liban sa walang kabubusugang pagnanasa sa higit pa, sa mas marami, sa mas magaling. Tila wala nang mapipiling pinuno sa bayan man o saan man na hindi nababahiran ng kamandag ng pagnanasa ng higit pa.

Malimit natin isipin na ang panalangin ay ginagawa natin para lamang sa Diyos. Ito ay tama. Ang Diyos ay karapat-dapat sa ating pagsamba, pagpupuri, at pasasalamat. Subali’t bukod rito ay may isang mahalagang papel ang panalangin. Sa pagdarasal, bukod sa kinikila natin ang Diyos bilang Diyos, kinikilala rin natin ang kalikasang makatao na sa kailaliman, ay walang kaya, walang dapat ipagyabang, walang dapat ipag-imbot. Bilang isang nilalang, bagaman at may angking dignidad na hindi mapapawi ninuman, ang taong marunong ay siyang maalam ilagay ang sarili sa tamang lugar. Ang taong banal, samakatuwid ay hindi naghahanap ng bagay na bumabagtas sa kanyang angking dignidad at kakayahan.

Ito ang isa sa mga ipinahihiwatig ng palagiang panalangin – ang pagtanggap sa limitasyong makatao, ang pagkilala sa Diyos na siyang pinaka makapangyarihan sa lahat, at ang pagkilala sa kanyang banal na kalooban.

Ang taong palalo ay hindi marunong magdasal. Hindi niya kailangan ang Diyos. Ang taong mapag-imbot at mapaghanap ng higit pa sa kanyang kakayahan ay hindi maalam tumawag sa Diyos. Wala siyang kailangan liban sa kanyang sarili. Bakit pa siya magdadasal?

At narito ang sitwasyong kinapapalooban ng marami. Sa tinatawag ng sitwasyong postmodern, napalipat sa isipan ng balana ang sentro, simulain, at sukdulan ng tunay na kapangyarihan. Napalipat sa tao ang maraming bagay na noong una ay batid natin na nagmumula lamang sa kalooban ng Diyos. Marami nang bagay ang pinang himasukan ng tao. Kaya ng taong gumawa ng bata sa test tube. Kaya ng taong kumitil ng buhay bago pa man ito mag-mistulang may buhay. Kaya nating palitan ang takbo ng kalikasan. Pati yelong milyon-milyon nang taong at maraming siglong matigas na yelo ay nalulusaw nang unti-unti dahil sa ating kapabayaan, at kasakiman. Ang global warming ay gawa ng tao, hindi ng Diyos. Ang taong ito, tulad ng bawa’t isa sa atin, ay siyang naging napaka talino at napaka pangahas, kung kaya’t nabale wala at natapakan ang paghahari ng Diyos sa lupa at sa langit.

Oo, tumpak na sabihing ang panalangin ay patungkol sa Diyos. Subali’t tumpak rin na sabihing ang panalangin ay para din sa tao, upang kilalanin ng tao kung sino ang tunay na may angking kapangyarihan sa buong daigdig as sa lahat ng nasa daigdig. Ang panalangin ay hindi kailangan ng Diyos, subali’t ito ay lubhang kinakailangan ng tao.

Sa unang pagbasa, nakita natin ang pagtanggap ni Moises ng kanyang kawalang kakayahan. Napagod siya sa katataas ng kamay, sa pananalangin para sa kanyang bayan. Tinanggap niya ang dalawang katotohanan: una, kailangan niya ng tulong ng iba, kailangan niya na ang kanyang kamay ay patuloy na panatiliing nakataas sa Diyos sa panalangin. Ikalawa, kinilala niya na tanging ang Diyos lamang ay may hawak sa takbo ng kasaysayan. At ang pagkilalang ito ang siyang nagbubunsod sa taong may pananampalataya, na patuloy at palagiang ipatungkol sa Diyos ang tunay na pag-asa, matimyas na pag-aasam, at masugid na paghiling sa tulong ng Maykapal. Ito rin ang buong pananampalatayang pagkilala ng balo sa kanyang kawalang kaya kung kaya’t naghinuhod siya sa masamang hukom upang maganap ang kanyang hinihiling at pinahahalagahan.

Iisang liksiyon ang malinaw na tinutumbok nito – ang palagiang pananalangin, saan man at kailan man.

Humuhulagpos ang buong lipunan saan man sa kabatirang ang Diyos ang siyang tunay na Hari at Panginoon ng lahat. Sa paglalahong ito ng kabatirang nabanggit, naglalaho rin ang pagkilala rito. At kapag ang pagkilala sa Diyos bilang Diyos ay nanlabo, nanlalabo rin ang wasto at akmang pagkilala sa kakayahan ng tao. Sa pagkakait natin sa pagkilalang ito kung sino ang Diyos at ano ang kanyang papel sa larangan ng makamundong buhay natin, ipinagkakait rin natin sa ating sarili ang isa sa mga malinaw na palatandaan ng dignidad pantao – ang kakayahang tumawag sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Hindi kailangan ng Diyos ang ating panalangin, kung tutuusin. Kailangan natin ang panalangin bilang pagtanggap sa ating tunay na kakayahan at dignidad, at pagtanggap sa tunay na hanay ng pagpapahalaga at hanay ng katotohanan. Isa sa pangunahing katotohanang ito ay ang Diyos ay Diyos at Panginoon ng lahat. Tanging Siya lamang ang karapat-dapat tumanggap ng ating pagpupuri at pagpupugay, pagsamba at pananalangin … saanman, kailanman, at palagian. Purihin natin ang Diyos!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: