frchito

PAGYAYABANG, HINDI PANANABANG!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 23, 2007 at 22:21

Ika-30 Linggo ng Taon (K)
Oktubre 28, 2007

Mga Pagbasa:  Sirac 35:12-14, 16-18 / 2 Timoteo 4: 6-8, 16-18 / Lucas 18: 9-14

Madulas ang dila ng mga taong nakatikim ng kaunting kapangyarihan … Mabilis ang kanilang salita … matulin pa sa kanilang kamay at paa kapag ang mga taong ito ay lubhang bilib sa sarili. Ito ang tila pahiwatig ng talinghaga ng Panginoon sa araw na ito, tungkol sa isang pariseong mapag-imbot, mapagyabang, at mapagmataas. “Salamat, O Diyos, at hindi ako katulad ng ibang tao” – ito ang panalangin niyang punong-puno ng katiyakan at kapalaluan.

Kayabangang wala sa lugar… ito ang matinding pagkakamali ng Pariseo. Ito ang kayabangan ng marami sa ating lipunan na nakatikim ng kaunting yaman o posisyon sa lipunan, na sapagka’t sila ay naturingang senador o barangay captain, ay tila nahaluan na ng toyo ang utak at kung magsalita ay parang siguradong-sigurado sila sa kanilang sinasabi.

Habag at pagka-awa ang dulot sa atin ng pariseong nakatikim ng kadakilaang hungkag. Sa kanyang palsong pasasalamat, kinutya pa niya nang pasaring ang isang kobrador ng buwis, na sa kanyang kahihiyan ay hindi nakuhang lumapit sa dambana, at iangat man lamang ang kaniyang mata sa Diyos. Subali’t kung gaano kayabang ang Pariseo ay ganoon naman kababa ang loob ng isang taong may kabatiran sa kanyang pagkakamali.

Noong isang Linggo, binanggit ko kung paano tunay na paghamon sa lipunang Pinoy ngayon ang manatiling mapagtiwala sa isa’t isa. Nanghihinawa ang bayang Pilipino sa patuloy na pagtitiwala sa pamahalaan. Tulad ni Moises, na napagod sa katataas ng kaniyang kamay, lubhang kinakailangan natin ang magtulungan upang ang buong sambayanang Pilipino ay patuloy na magtiwala at umasa sa kakayahan ng Diyos na pagpanibaguhin pa ang ating tiwaling lipunan. Tulad ni Moises, umaasa tayo sa bayang sumasampalataya na magkaroon pa ng pagpupunyagi upang ibangon muli ang lipunang nasadlak sa lahat ng uri ng kasalanan at katiwalian. Pananabang ang laman ng damdamin ng marami sa ating panahon sa gitna ng napakaraming pagsubok.

Muling sinindak ang ating bayan ng isang malaking pagsabog sa Glorietta 2 noong isang Linggo. Bawa’t grupo at indibidwal na may kani-kaniyang agenda ay nangagsipagdakdakan agad. Madudulas ang dila ng mga taong nakatuntong sa kapirasong alpombra ng katanyagan, tulad ng isang senador na nakakulong. Madulas din ang dila ng mga pulutong na may nagkukubling pagnanasa na lalung magkagulo ang lipunan, upang maisulong ang kani-kanilang mga maiitim na balak. Hindi pa man natutuyo ang dugo ng mga taong sinawing-palad na mamatay sa pagsabog, ay ginagamit na ng mga tampalasang sanga-sanga ang dila ang pangyayari upang siraan ang gusto nilang siraan. Hindi pa nga naililibing ang mga nasawi ay pinagpipiyestahan na ng mga maruruming politiko ang pangyayari upang magtapunan ng bintang at paratang na wala pang sapat na batayan.

May pag-asa pa kayang manatiling nakadipa ang mga kamay nating mga payak at ng mga tunay na “Moises” sa ating bayan? May pag-asa pa kaya ang mga maliliit at mahihirap na patuloy na nakatungo at hiyang-hiyang nakikibahagi sa takbo ng lipunang Pilipinong pinamumugaran ng mga palalong madudulas ang dila at mapaglaro ang mga maduduming isipan? Sa isang sitwasyong lahat na lamang ata ng nangyayari ay nauuwi sa bakbakang political ng mga maalam at mapagsamantala, tila nanghihinawa ang balana … nananabang.

Ito ang masamang balita ng ating pagka-Pilipino sa ating panahon.

Nguni’t naparito tayo sa simbahan (o sa prayer meeting) upang pag-usapan ang magandang balita. Hindi tayo pinagkakaitan ng Diyos ng magandang balitang ito. Malinaw pa sa bukang liwayway ang turo ng ating mga pagbasa: “Ang panalangin ng mga dukha ay nanunuot sa alapaap; hindi ito tumitigil hanggang sa marating ang kanyang pakay”  (Unang pagbasa).  Sumagot tayo sa magandang balitang ito nang buong taginting: “Dinidinig ng Panginoon ang pagtangis ng mga dukha” (Salmong Tugunan).

Nguni’t may isang uri ng kadulasan ng dila na wasto at hindi dapat natin makaligtaan – ang matimyas na pagtanggap ni Pablo sa katotohanang hindi maipagkakaila. Ito ay may kinalaman sa kanyang pagpupuri sa Diyos na siyang tunay na nag-aangat sa taong mabababa, at nagbibigay luwalhati sa mga taong walang angking kakayahan. Ito ang kadakilaang hindi inangkin bagkus ipinagkaloob … Ito ang katanyagang hindi ipinangangalandakan at ipinagmamakaingay. Ito ang katotohanang kaloob ng Diyos, at hindi ginawa ng tao lamang – ang pagtanggap ni Pablo sa luwalhating bunga ng kanyang pagiging masunurin at katapatan sa paglilingkod: “Pinakaingatan ko ang aking pananampalataya. Mula ngayon ay naghihintay na lamang ako ng korona ng kabanalan na ipuputong sa akin ng Panginoon, bilang makatarungang hukom” (Ika-2 pagbasa).

Ito rin ang isang uri ng pagyayabang na sagot natin sa ating pananabang.

Ito ang magandang balita tungkol sa kadakilaan ng pagiging mababa ang loob, at hindi mapaghanap sa kung ano ang makapag-aangat at makapagsusulong sa kani-kaniyang makasariling balakin. Ito ang kadakilaan ng isang kobrador ng buwis na walang atubiling tinanggap ang totoo tungkol sa kaniyang sarili: “O Diyos, maawa ka sa akin, isang makasalanan” (Ebanghelyo).

Lubhang nahirati at namihasa ang lipunan natin sa kapalaluan. Lahat ng nagaganap ay nagiging isang bunong braso ng mga matataas at makapangyarihan. Sa kanilang kayabangan at kasiguraduhan, napapasa isang-tabi ang tanging may-akda ng lahat ng uri ng kadakilaan at kaluwalhatian – ang Diyos na Siyang karapat-dapat sa lahat ng luwalhati at kadakilaan.

Dito dapat magsipagdulasan ang ating mga dila. Dito dapat sa larangang ito lumutang ang hindi lamang madudulas, bagkus matitingkad, na mga katagang karapat-dapat ipatungkol sa Diyos. Dito dapat lumutang ang wasto at karapat-dapat na pagyayabang na patungkol sa Panginoon. “Ang Panginoon ay magliligtas sa akin sa lahat ng masasamang banta at maghahatid sa akin nang matiwasay sa kanyang makalangit na kaharian. Sa kanya nawa ay mapunta ang luwalhati magpasawalang hanggan. Amen.”

Palso na ang Pariseo, palalo pa. Ang kobrador ng buwis ay payak na, mapitagan pa, makatotohanan, at mababa ang loob. Madulas ang dila ng pariseo sa kaniyang pagpuri sa sarili. Madulas din ang dila ng payak, tapat, at puno ng pitagang taga-kolekta ng buwis sa pagbibigay-luwalhati sa Diyos. Ang una ay palso at palalo. Ang ikalawa ay payak at nag-uumapaw sa kaluwalhatiang hindi para sa kaniya, kundi patungkol tanging sa Diyos. Siya lamang ang karapat-dapat sa inaangkin ng palalo. Siya lamang ang tanging nakikinig sa panaghoy ng mga dukha. Dahil sa Kaniya, hindi tayo nananabang bagkus nagyayabang. Purihin Siya at pasalamatan.

Fr. Chito Dimaranan, SDB
Paranaque City, Philippines

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: