frchito

KUNG MANGARAP KA’T MAGISING, ANO ANG GAGAWIN MO?

In Adviento, Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily on Disyembre 20, 2007 at 15:53

Ika-apat na Linggo ng Adviento – Taon A

Unang Pagbasa (Isaias 7:10-14)

Noong mga araw na iyón, ipinasabi ng Panginoón kay Acaz:
“Humingi ka sa akin ng palátandaan,
maging sa kalaliman ng kinaroroonan ng mga yumao
o sa kaitaasan ng langit.”
Sumagot si Acaz:
“Hindi po akó hihingi.
Hindi ko susubukin ang Panginoón.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
na pati ang aking Diyós ay inyóng niyayamot?
Kaya nga’t, ang Panginoón na rin ang magbibigay ng palátandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
at manganganak ng lalaki
at itó’y tatawaging Emmanuel.”

Salmong Tugunan
Ang Panginoo’y darating, s’ya’y dakilang Hari natin!

Ang buong daigdig, lahat ng naroón,
may-ari’y ang Diyós, ating Panginoón.
Ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.

Sino ang marapat umahon sa burol,
sa buról ng Poon, sino nga’ng aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
sino’ng tutulutang pumasok na tao?

Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-Diyósan;
tapat sa pangako na binitawan.

Ang Diyós na Panginoón, pagpapalain siyá,
ililigtas siyá’t pawawalang- sala.
Gayon ang sinumang lumalapit sa Diyós,
siláng lumalapit sa Diyós ni Jacob

Ikalawang Pagbasa (Taga-Roma 1:1-7)

Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesús,
tinawag upang maging apostol at hinirang
upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyós.
Sa inyóng lahat na minamahal ng Diyós na nangariyan sa Roma,
na tinawag upang maging mga banal:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan
mula sa Diyós na ating Ama at sa Panginoóng Hesukristo.
Ang Mabuting Balitang itó, na ipinangako niya
noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta
at nasasaad sa mga banal na kasulatan,
ay tungkol sa kaniyáng Anak, ang ating Panginoóng Hesukristo.
Sa kaniyáng pagiging tao,
siyá’y ipinanganak mula sa lipi ni David,
at sa likas na kabanalan ng kaniyáng espiritu,
ipinahayag siyáng Anak ng Diyós
sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa –
ang kaniyáng muling pagkabuhay.
Sa pamamagitan niya,
tinanggap namin sa Diyós ang kaloob na maging apostol
upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya
at pagsunod sa kaniyá.
Kabilang din kayó sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.

Ebanghelyo (Mateo 1:18-24)

Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo.
Si Maria na kaniyáng ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal.
Ngunit bago silá nakasal,
si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao.
Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Isang taong matuwid itóng si Jose na kaniyáng magiging asawa,
ngunit ayaw niyáng mapahiya si Maria,
kaya ipinasiya niyáng hiwalayan itó nang lihim.
Samantalang iniisip ni Jose itó,
napakita sa kaniyá sa panaginip ang isang anghel ng Panginoón.
Sabi nitó sa kaniyá,
“Jose, anak ni David,
huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria
sapagkat siyá’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Manganganak siyá ng isang lalaki
at itó’y panganganlan mong Hesús,
sapagkat siyá ang magliligtas sa kaniyáng bayan sa kaniláng mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng itó
upang matupad ang sinabi ng Panginoón sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
at tatawagin itóng Emmanuel”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyós.”
Nang magising si Jose,
sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoón;
pinakasalan niya si Maria.

Pagninilay sa Pagbasa o Homiliya

Malapit nang matapos ang ating paglalakbay. Sa maikling panahon ng Adviento, tinunton natin ang daan ng paghihintay, daan ng pag-aasam, daan ng pag-asa. Sa ating mga Pilipino, ang ating paghihintay nang buong pananampalataya ay nilakipan pa natin ng mapagmatyag na paghihintay. Siyam na araw tayong gising nang maaga (o gising nang matagal) sa ating pagsisimbang-gabi na isang matingkad na palatandaan ng mapagmatyag na paghihintay.

Sa isang daigdig na nababalot ng iba-ibang uri ng palatandaan, hindi tayo hirap unawain ang diwa na binabanggit sa unang pagbasa. Si Acaz, bagama’t tumutol, ay pinagkalooban ng Diyos ng isang palatandaan mula sa itaas. Ano ba ang palatandaang ito? Ang tanda ng isang dalagitang maglilihi at manganganak ng isang lalaking tatawaging Emmanuel, na ang ibig sabihi’y “sumasaatin ang Diyos.”

Tumanggi si Acaz na humingi ng isang tanda. Sa ating modernong pananalita ngayon, isa siyang “pasaway,” matigas ang ulo, mayabang o palalo. Siya ay isang mapag-imbot, mapagmataas … isang taong hindi kagya’t nagpapadala sa bulong, maging bulong na galing sa itaas.

Subali’t naparito tayo sa simbahan sa araw na ito sapagka’t ang mga takbo ng mga pangyayari ay nagpakita sa mata ng ating pananampalataya, na ang palatandaang iwinaksi ni Acaz, ay nagkaroon ng kaganapan sa buhay ni Maria at ni Jose. Ang sanghaya at mithiin ng mahabang panahon ay naganap sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ni Jose at ni Maria.

Ito ang ipinagmakaingay natin sa salmong tugunan: “Ang Panginoo’y darating; siya’y dakilang hari natin.”

Nguni’t ano ba ang naging dahilan at ang palatandaan ay nagkaroon ng kaganapan? Ito ang dapat natin maunawaan sapagka’t dito nasasalalay ang katotohanan ng magandang balita ng kaligtasan. Ang balita ay hindi balita hangga’t hindi naibubulalas at naisisiwalat. Ang balita ay hindi magandang balita hangga’t hindi nagbubunga ng isang kaganapan na may kakayahang pagpanibaguhin ang takbo ng ating buhay. Ang ebanghelyo ay magandang balita sapagka’t may kakayahan itong hindi lamang magsiwalat ng isang magandang kinabukasan, kundi may kakayahang maghatid ng isang “bagong langit at bagong lupa.” Ang ebanghelyo ay magandang balita kung may nakikinig at may sumusunod rito.

Si Acaz ay hindi bukas sa magandang balita. Tumanggi siyang humingi ng isang tanda. Nagmatigas siya … nagmataas, at nagsarado ng kanyang isipan. Ang Diyos na mismo ang siyang gumawa ng isang malaking palatandaan – ang palatandaan ng isang dalagitang nagkaroon ng kaganapan kay Maria, na nagluwal ng isang sanggol na lalaki, tulad ng ating buong lugod na pinakahihintay.

Sa ebanghelyo, nakita natin ang isang mas dakilang palatandaan at kaganapan. Kung si Acaz ay tumanggi at nagmatigas, si Jose ay nakinig, tumanggap, at nagpakumbaba. Pagtanggap, hindi pagtanggi, ang kanyang ipinamalas.

Ito ang pagtanggap ng pananampalataya. Ito ang pagtanggap ng isang balita na naging magandang balita sa kadahilanang ang tumanggap ay hindi tumanggi, bagkus nakipagtulungan sa kalooban ng Diyos.

Ito rin ang binabanggit sa sulat ni Pablo sa mga taga-Roma. Pagtanggap, hindi pagtanggi ang ipinamalas rin ni Pablo. Tinagurian niya ang sarili bilang isang “doulos,” isang alipin, na hinirang upang maging apostol, at pinagtagubilinang mangaral sa ngalan ni Kristo Jesus. Kung paano nagmataas si Acaz, ganoon naman nagpakababa si Pablo. Ito ang kababaang-loob ng isang taong sumasampalataya – isang taong ang tinatayaan sa buhay ay ang Diyos na makatotohanan at may akda ng katotohanan.

Ang palatandaan ay nagkaroong kaganapan sapagka’t mayroong tulad ni Maria, Jose, Pablo, at marami pang iba, na nakinig, tumanggap, at nakipagtulungan sa Diyos.

Dito na marahil tayo dapat dumako sa ating buhay at karanasan. Napakaraming pasaway sa ating lipunan. Kay raming matatalino. Ang ilan sa atin kung kumilos at magsalita, ay para bagang alam nila lahat ang solusyon sa mga problema ng bayang Pilipinas. Parang alam na alam ng mga nagtangka na namang ibagsak ang gobyerno kamakailan kung ano ang dapat gawin sa isang lipunang nababalot ng maiitim na ulap ng korupsyon, kadayaan, pagkakanya-kanya, at kasakiman. Subali’t ang tinig ng Diyos na tumatawag sa isang malaliman at malawakang pagbabagong moral mula sa puso ng bawa’t isa ay tila hindi naririnig o pinapansin. Sa kanilang mga pamamaraan, wala silang iniwan sa mga teroristang siguradong sigurado na magbabago ang lipunan kung maraming mamamatay ay magdudusa, maging mga walang kinalamang tao.

Ang Pasko ng Pagsilang na ating pinakahihintay at pinaghahandaan ay palapit na nang palapit. Dadalawang tulog na lamang ang nalalabi. Ngunit ang kaganapan ng araw na ating pinakahihintay ay isang katotohanang nasa ating mga kamay at puso ang pagsasabuhay at pagsasadiwa.

Naghihintay tayo, oo. Subali’t ang ating paghihintay ay mapagmatyag at mapagpunyagi. Gising tayo, kumikilos, at nagpapagal, hindi tukatok at walang buhay. Gumagalaw tayo at kagampan sa paggawa ng mabuti. Abala tayo ngunit hindi balisa. Puno ng pag-asa, ngunit puno rin ng pagpupunyagi. Mataas ang pangarap, nguni’t handa ring maging isang alipin, tulad ni Pablo. Matayog ang hangarin, ngunit handang tumanggap at hindi tumanggi, sa paghamon ng Diyos, tulad ni Jose at ni Maria, na “nagulumihanan” ang puso, ngunit nakinig at tumupad sa kalooban ng Diyos. “Nang magising si Jose,
sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoón; pinakasalan niya si Maria.”
Puno ng paghihintay si Juan Tamad … Totoo ito. Subali’t ang kanyang paghihintay ay walang pagpupunyagi. Ngumanga lamang siya sa ilalim ng puno ng bayabas, at naghintay na bumagsak ang bunga sa bunganga. Ang maka-Kristiyanong paghihintay ay mapagmatyag at mapagpunyagi. Ito ang kahulugan ng pag-asa. Hindi sapat ang mangarap. Ang taong nangangarap ay dapat magising at magsikap.

Kung mangarap ka’t magising, tandaan lamang ito: “nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.”

Fr. Chito Dimaranan, SDB

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-Ampon

Paranaque City, Diciembre 20, 2007

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: