Kapistahan ni San Pedro at San Pablo
Junio 29, 2008
Mga Pagbasa: Gawa 12:1-11 / 2 Timoteo 4:6-8, 17-18 / Mt 16:13-19
Mahalaga ang araw na ito para sa lahat ng kristiyano. Bukod sa ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng dalawang matatag na haligi ng iglesya katolika, at ng pananampalatayang kristiyano, bibigyang pasinaya ng Santo Papa ang taon ni San Pablo. Ayon sa tradisyon at sa kasaysayan, isinilang si Pablo sa pagitan ng 7 – 10 BC. Samakatuwid, ika-2000 libong taon ng kanyang pagsilang sa Tarsus, Asia Minor, na ngayon ay bahagi ng Turkey.
Hindi natin mabibigkas ang ating pananampalataya sa iisang banal na iglesia, apostolika, catolica at romana kung hindi natin ipapasok sa usapin ang pangalan ng kambal na dakilang santo na si Pedro at Pablo. Sa mula’t mula pa, ay naisadiwa na ng mga kristiyano ang tambalang Pedro at Pablo.
Ngunit ito ay isang tambalang hindi batay sa pagka-pareho kundi pagkakaiba – pagkakaibang nagdulot ng yaman at tibay sa simbahan mula pa sa simula. Si Pedro ay sagisag at muog ng katatagan at pagpapatuloy. Si Pablo naman ay sagisag ng pagpapayaman at pagpapalaganap.
Katatagan … Ito ay higit na kinakailangan ng ating lipunan ngayon sa panahong ito. Kay daling mabago ang simoy ng hangin … kay daling mapalitan ang katayuan ng isang tao sa harap ng balanang nagbabago ang isipan ayon sa direksyon ng hangin. Kay daling maglaho ang pinaghihirapan ng tao sa maraming taon. Sa isang iglap, sa isang daluyong ng malakas na bagyo, tulad ni Frank, ay lubusang napuksa ang pangarap ng napakaraming naging biktima ng masamang panahon. Ang puso ko ay nakatuon sa daan-daang taong ang buhay ay kagya’t napuksa ng kalikasan at ng kapalpakan ng Sulpicio lines. Kay daling maglaho ang anu mang ating pinahahalagahan at pinagmamalasakitan.
Katatagan … ito ang bagay na hindi natin makita sa lipunang umiikot sa isang uri ng politikang pinamumugaran ng mga sinungaling at tampalasang mga politikong sanga-sanga ang dila. Katatagan … ito ang pinaka-aasam-asam ng lahat ng taong umaasa pang ang buhay nila ay masisilayan pa ng isang bagong umaga ng pag-asa.
Katatagan … ito ang dulot ni Pedro na sa loob ng maraming dantaon, sa kabila ng napakaraming pagsubok na pinagdaanan ng barkong kanyang ginabayan … sa kabila ng personal niyang paghihirap, pagpapakasakit, at pagkapako sa krus tulad ng kanyang Panginoong si Jesucristo, ay siyang naghari at patuloy na namamayagpag sa buhay ng Inang Santa Iglesia magpahangga ngayon.
Paglaganap … ito naman ang yamang dulot ni Pablo. Noong isang buwan, nagkapalad akong makapunta sa ilang lugar na tinahak ni San Pablo. Nakita ko sa Rodos, Grecia ang isa sa mga pantalang dinaungan ni Pablo noong taong 58 AD. Naging sagisag ito para sa akin ng diwa ng kanyang pagpupunyagi upang lumaganap ang Santa Iglesia. Totoong si Pablo ay dapat itanghal bilang haligi ng pagpapayaman at pagpapalaganap ng pananampalataya.
Paglaganap … Lubha rin natin kailangan ito. Kay raming lumalaganap ngayon na kakaibang mga pangaral. Nandiyan ang New Age … Nandiyan ang mga iba-ibang uri ng science of the mind … nandiyan din ang mga palsong propetang nagsasamantala sa kawalang katig ng marami nating paniniwala dahilan sa dami ng mga salu-salungat na mga pangaral sa ating kapaligiran.
Paglaganap … Ito ang isang suliraning tila bumabalot sa buong daigdig – ang paglaganap ng globalisasyon at ang lahat ng negatibong aspetong dulot nito. Laganap sa daigdig ang pagkamuhi. Ang terorismo ay walang iba kundi malalim na pagkagalit at pagkamuhi.
Paglaganap … kay raming mga bagong sakit ang lumalaganap sa lahat ng dako ng daigdig. Laganap rin ang mga iba-ibang uri ng droga at mga bawal na gamut. Laganap rin ang kahirapan, at kamangmangan, at kawalang kakayahan sa harap ng mga makapangyarihang tao at gobyernong nagtataglay ng malaking tipak ng kapangyarihan sa mundo.
Ang dalawang katagang ito ang kumakatawan sa kapistahan natin ngayon. Si Pedro at Pablo ang haligi ng katatagan at paglaganap. Subalit kakaibang katatagan at paglaganap ang kinakatawan nilang dalawa.
Ito ang magandang balita para sa atin ngayon. Ngunit ang magandang balita ay hindi lamang mga katagang nakapagpapagaan ng puso at damdamin. Ang magandang balitang dulot ng kambal na banal na sina Pedro at Pablo ay mga katagang paghamon – mga katagang kumakatawan sa tungkuling naka-atang ngayon sa ating balikat bilang kanilang tagasunod.
Noon pang 1989 ay binigyang-diin na ni Papa Juan Pablo II ang tungkulin nating magdulot ng katatagan at paglaganap sa ating pananampalataya. Tinawagan ng Santo Papa, Juan Pablo II ang lahat na magpagal sa ngalan ng isang bagong ebanghelisasyon. Hindi ito nangangahulugang bagong mensahe, kundi bagong pamamaraan, bagong pag-iibayo, at bagong pagsisikap upang maipamahagi ang magandang balita ng kaligtasan.
Ito ang pamana sa atin ni Pedro at Pablo. Ito ang kanilang magandang halimbawa, at ito ang dahilan kung bakit tayo ay nagdiriwang sa araw na ito. Iisa lamang ang nananatiling dapat nating isagawa – ang magpagal, ang magsikap, ang ipagpatuloy ang kanilang sinimulan – ang maging sanhi rin ng katatagan, pagyaman, at paglaganap ng pananampalataya.
[…] KATATAGAN, PAGPAPAYAMAN, AT PAGLAGANAP June 2008 […]