frchito

TAKOT NGA BA ANG PROBLEMA?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections, Taon A on Agosto 6, 2008 at 21:11

Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon A
Agosto 10, 2008

Mga Pagbasa: I Hari 19:9a, 11-13 /Roma 9:1-5 / Mateo 14:22-33

Takot at pangamba ang siyang tila lumulutang sa mga pagbasa natin ngayon. Si Elias, puno ng takot dahil sa kapangyarihan ni Jesebel, ay nagkubli sa bundok ng Horeb. Si Pedro, na panandaliang nabalot sa takot, ay nagsimulang lumubog, gayong nakapaglakad na siya sa tubig, ayon sa panawagan ng Panginoon.

Takot at pangamba rin ang telon na nasa likod ng sari-saring eksena ng ating pang-araw-araw na buhay. Kung minsan, nagkukubli tayo sa iba’t ibang paraan.  May mga taong nagkukubli sa likod ng sari-saring panoorin sa TV. May iba namang nagtatago sa likod ng konsumerismo, ng walang patid na pagpapagal upang kumita nang higit pa. May mga nagsisikap lumimot sa pamamagitan ng sobrang pagkain o pag-inom, at mayroon namang nalululong sa masamang droga, at iba pang makapipinsalang bisyo tulad ng alak at sugal.

Ang takot at pangamba ay maaaring mauwi sa kaguluhan, sa kawalang-pagtititiwala, at sa iba pang mga suliranin. Ito ang isinasalarawan ng dagat, ng tubig, ng lawa ng Galilea kung saan natakot si Pedro. Ito ang larawan ng buhay natin na puno ng iba’t ibang uri ng pangamba at kaguluhan sa puso at isipan.

Marami ang dahilan upang  tayo ay madala ng pangamba. Takot tayo sa terorismo. Takot tayo sa hinaharap kung kailan ang lahat ng kalabisan ng mga tao sa kalikasan ay tuluyang hihingi ng malaking kabayaran. Takot tayo sa isang hinaharap na walang katiyakan … hindi natin tukoy kung ano  na namang mga bagong sakit ang dadapo sa sangkatauhan. Takot tayong magutom. Takot tayong maghirap. Takot tayong lahat na ang mga pangarap natin ay maaaring mawalan ng katuparan bukas o makalawa.

Subali’t ang takot ay hindi pawang masama ang bunga, depende sa kung ano ang ginagawa natin dito. Ang mga pagbasa natin ngayon ay may kinalaman sa takot na nagbunga nang maganda, sapagka’t nagamit nang tama. Ang takot ni Elias ay nagbunsod sa kanya upang magkubli sa bundok kung saan nakatunghay siya ng isang dakilang pagpapakilala ng Diyos – sa pamamagitan ng banayad na hangin. Ang kanyang pangamba ay sinuklian ng Diyos ng pagpapala – ang kanyang pagpapakilala ng sarili, o teopaniya.

Si Pedro ay may dahilan upang matakot rin. Bagaman at siya ang kinilalang pinuno ng mga apostol, si Pedro ay isang tao ring nababalot rin ng takot at pangamba. Nang siya ay palakarin ng Panginoon sa tubig at sumunod nang walang atubili, nakalakad siya. Ang kanyang pananampalataya at pagtalima ang naging tulay niya sa isang kamangha-manghang milagro. Nakalakad siya sa tubig, tulad ng kanyang Panginoon na naglakad sa tubig.

Humangin at ang alon ay nagpamalas ng kaguluhan, na hindi malayo sa mga kaguluhang atin ring pinangangambahan. Natakot si Pedro and nagsimulang lumubog. At sa sandaling yaon na lumubog siya, ang kanyang takot ay nagbunsod sa kanya sa isang napakaganda at mabungang pagsalig sa kanyang guro at Panginoon.

Ito ang pagsalig o pananalig ni Pedro. Ito ang dapat nating kapulutan ng aral at magandang balita. Hindi masama ang matakot. Hindi nakahihiya ang masagian ng pangamba. Maging si Pedro ay nakaranas at napasa-ilalim sa takot at pangamba.

Nguni’t dito siguro tayo naiiba kay Pedro. Si Pedro ay taong natakot nguni’t hindi napadala sa takot. Tinanggap niya at hinarap ang takot niya.

At ang taong humaharap at tumatanggap sa sariling takot ay nakakakita ng kahit na maliit na bintana ng pag-asa. Nanalig siya. Nanawagan at humiling nang buong puso. Nanalangin si Pedro. Nagpahayag siya ng kawalang kakayahan at kahinaan. “Panginoon, iligtas mo ako!” At ang higit na dakilang milagro ng kaligtasan ay naganap nang nanalig si Pedro sa isang higit na makapangyarihan sa kanya.

Hindi masama ang matakot. Ang masama ay ang mapadala sa takot. Ang taong tanggap ang takot niya, ay handang manawagan, humingi, at manikluhod. Batid niyang hindi niya kaya ang lahat, at nangangailangan siya ng tulong mula sa itaas.

Magulo ang mundo, tulad ng dagat ng Galilea na hinagupit bigla ng hangin. Tigib tayo ng pangamba sa maraming dahilan. Sa araw na ito, hindi takot ang problema. Ang tunay na problema ay kung marunong tayong manawagan, kung marunong tayong manalig at magtiwala sa kanyang sa atin ngayon ay nagwiwika: “Huwag kayong matakot. Ako ito!”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: