frchito

UTANG NA BAYARIN, ATANG NA PASANIN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 2, 2008 at 15:59

Ika-23 Linggo ng Taon(A)
Septiembre 7, 2008

Mga Pagbasa: Ezekiel 33:7-9 / Roma 13:8-10 / Mt 18:15-20

Magaling tayong lahat sa pagtutuos ng utang. Mahaba ang ating memoria sa pag-alala ng pagkakautang sa atin ng kapwa. Nakakalimutan natin ang magagandang nangyayari sa atin, nguni’t hindi natin malimutan ang masasamang nagaganap sa ating buhay. Madali natin malimot ang pabor na ginagawa sa atin ng kapwa, ngunit hindi makatkat sa guni-guni ang mga pagkakasalang nagagawa laban sa atin.

Hindi ba’t ito ang dahilan ng hindi mapatid at mapuknat na bakbakan sa ilang bahagi ng Pilipinas? Hindi ba’t ito ang nasa likod ng mga patayan at gantihan sa lipunan natin na wari baga’y napakahaba lagi ang listahan ng mga pagkakautang natin sa isa’t isa? Hindi ba’t ito ang ginagamit na dahilan kung bakit ang usapin tungkol sa lupa at sa tinatawag na “ancestral domain” ay tila wala nang solusyon at katapusan?

Malalim at mahaba ang memoria ng tao kung ang pinag-uusapan ay ang pagsingil ng lahat ng uri ng pagkakautang. Kay raming namamatay at nagbubuwis ng buhay at kinabukasan dahilan sa pagsingil ng utang na ito na walang kabayaran at walang katapusan.

Si Pablo ay isa sa mga mapusok na taong nababanggit sa Bibliya. Sa kanyang kapusukan, pinagtuunan niya ng galit ang mga unang kristiyano noong siya ay bata pa. Si Pablo ang una sa mga tagapag-usig ng Santa Iglesya. Naging instrumento siya ng paniniil at paniningil ng mga pagano sa nagsisimula pa lamang na pulutong ng mga tagasunod ni Kristo sa Palestina.

Ito ang parehong Pablo na ngayon ay nagwiwika sa atin, bunga ng kanyang personal na karanasan sa paniningil sa imahiharyong pagkakautang ng mga kristiyano.  At malinaw ang kanyang turo: “Huwag magkaroon ng anumang pagkakautang liban sa pag-ibig.”

Mahaba at pahaba nang pahaba ang listahan ng mga iba-ibang grupo ng tao sa daigdig. Nagpupuyos ang damdamin ng mga minoridad sa maraming bansa. Nagngangalit ang mga taga Tibet sa paniniil halimbawa ng dambuhalang China sa kanilang lupain at kultura. Naghihinagpis ang mga Palestino laban sa Israel na para bagang sila ay nagulangan ng bansang nabanggit. Patuloy na nag-iisip kung paano mabaligtad ng marami pang mga grupo sa buong mundo ang kalakaran o takbo ng pamamahala ng maraming bansa. Pati sa katimugang Pilipinas ay punong-puno ng galit ang dalawang grupo na pawang nagsisikap magapi ang isa’t isa upang mamayani ang kanilang naisin.

Sa sitwasyong ito, kay daling gumawa ng hakbang na may kinalaman sa dahas at puwersa. Kay daling madala ng kagustuhang daanin ang lahat sa karahasan.

Ang Linggong ito ay isang paalala at panawagan sa kahinahunan. Hindi dapat pagkakautang ang ating pagtuunan ng pansin kundi ang naka-atang na utos sa lahat ng anak ng Diyos – ang pagmamahal sa kapwa. Huwag magkaroon ng utang sa kapwa liban sa pag-ibig.

Ang batayan ng pamumuhay Kristiyano ay walang iba kundi ito – pag-ibig lamang ang utang na bayarin; tanging pag-ibig lamang ang atang nating pasanin!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: