Kapistahan ng Pagtatanghal sa Banal na Krus
Septiembre 14, 2008
N.B. Humihingi ako ng paunmanhin kung medyo nahuli ang panulat na ito. Pagkagaling ko sa Guam, nagtungo naman ako sa Cebu at tila ang mga dapat gawing trabaho ay hindi kumakaunti bagkus dumadami at nadadagdagan.
Mga Pagbasa: Bilang 21: 4b-9 / Filipos 2: 6-11 / Juan 3:13-17
KAHANGALAN O KARANGALAN?
Ang unang pagbasa ay nagbubunsod sa isang damdaming hindi kaila sa atin lahat – ang damdamin ng pagtatanong, pagtatampo, o paninisi. Narinig natin kung paano tumangis ang mga Israelita kay Moises: “Bakit mo pa kami inilabas a Egipto? Dito ay walang tubig at kami ay sawang-sawa na sa pagkain.” Ito ay karanasang bumabalot sa ating buhay tuwina. Marami tayong tanong. Marami rin tayong reklamo. Marami tayong hindi naiintindihan sa mga nagaganap sa ating buhay.
Sa harap ng ganitong paninisi, ang tugon ng Diyos ay isang tila isang kahangalan. Sinabi niya kay Moises na magtayo ng isang tikin kung saan ang larawan ng isang ahas ay matatanghal. Sino mang matuklaw ng ahas sa ilang ay kagya’t makatatanggap ng kagalingan kung titingala lamang sa tikin na ito.
Ang larawan ng tikin na tinitingala ng mga Israelita ay naganap sa Bagong Tipan – ang pagkabayubay ni Kristo sa tikin ng Krus, kung saan naganap ang pagbabayad na ganap sa ating pagkagupiling sa kasalanan.
Isang kahangalan ang matalo sa anumang panukala. Tayong mga tao na sanay at bihasa sa pakikipagsapalaran ay nakababatid nito. Ayaw natin ang matalo. Ayaw natin ang maturingang tapakan o tuntungan ng ibang tao. Ayaw natin ang ituring na walang silbi, walang nagawa at walang napagtagumpayan.
Tayong lahat ay natuklaw ng ahas ng pagkainggit, ng pag-iimbot, at ng mga naising higit sa ating kalagayan at kakayahan. Natuklaw tayong lahat at nakamandagan ng pagyayabang, pagkamakasarili, kadayaan, at katakawan. Walang iniwan ang ating kalagayan sa mga Israelitang tuwang-tuwa noong una sa pagtakas sa Egipto. Nguni’t noong natambad na sa kanilang paningin ang katotohanan, nagambala sila at naguluhan. Minatamis pa nilang bumalik sa pagkaalipin kaysa sa magpakasasa sa pagkaing walang lasa at walang sarap sa isang lugar na tuyot na tuyot sa kawalan ng sariwang tubi – sa ilang!
Ang kamandag na aking binabanggit ay walang iba kundi ang kamandag ng kasalanan. Dito tayong lahat nasadlak. Dito tayong lahat nanlilimahid – sa kapalaluan, kayabangan, pagkamakasarili, at katakawan. Hindi ba’t ito ang unti-unting lumilitaw na katotohanan sa ating lipunan? … mga hukom na nabibili at nababayaran? … mga senador na sa kagustuhang maging presidente ay handang manlinlang upang madoble ang biglang kita sa mga proyektong daan at iba pa? Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng lahat ng trahedya sa ating bayan, ay handa pa rin tayong ipagbenta ang bayan sa mga tampalasang mga minero at mangangalakal, na siyang sisipsip sa dugo ng mga mahihirap at mga mangmang?
Lahat tayo ay nasa kapangyarihan ng kamandag ng kasalanan. Lahat tayo ay nagupiling sa karumihan ng budhi na siyang maituturing na kamatayan ng kaluluwa.
Sa araw na ito, isang tila baga kahangalan ang gamut sa kamandag na ito – ang pagkapako ni Kristo sa Krus!
Isang kahangalan sapagka’t ang kalakaran ng mundo ay ang daan ng kayamanan at kapangyarihan. Isang kahangalan sapagka’t ang gusto ng daigdig ay makisama at makisakay sa takbo ng lipunan, kung saan ang matitipuno, matatapang at makapangyarihan ang siyang tinitingala at pinapanginoon ng balana.
Sa araw na ito, titingala tayo sa larawan ng karupukan, kahinaan, at kawalang kakayahan. Subali’t hindi ito ang huling kabanata ng storyang ito. Ang huling hirit ay wala sa kamatayan sa krus, bagkus makikita sa pagtingala at pagkakita sa higit pa sa kamatayan sa krus … ang kanyang muling pagkabuhay!
Ang kahangalan sa krus na ito ay siyang ngayon ay ating tinitingalang karangalan. Ito ang dakilang pagtatanghal ng sagisag at daan ng ating kadakilaan ayon sa balak ng Diyos. Ang krus ay tila isang malaking kahangalan. Nguni’t ito ngayon ang ating tinitingala matapos makamandagan tayo ng kasalanang mana. Ito ngayon ang ating tinitingala sapagka’t ito ang simulain at pangako ng tagumpay ng Diyos, ni Kristo, at ng lahat ng sumusunod sa kanya.
Ito ang karangalan na naghihintay din sa atin. Subali’t kailangan natin munang tumingala at kumilala sa kanyang nabayubay sa krus. Kailangan natin na bumagtas sa kamandag na itong nananalaytay sa dugo nating mga anak ni Eba, sa lupang bayang kahapis-hapis na ito. Kailangan natin tumingala sa langit na tunay nating bayan. Kailangan natin ang sumunod sa daang pataas patungo sa bundok ng kalbaryo, kung saan ang kahangalan ay napalitan ng karangalan, kung saan ang luha ay nakublihan magpakailanman ng tagumpay na walang hanggan at walang maliw.
O Jesus na napako sa Krus na banal, maawa ka aming bayan!