frchito

KAKANYAHAN O KAKAYAHAN?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 13, 2008 at 11:36

Ika-29 na Linggo ng Taon(A)

Oktubre 19, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 45:1, 4-6 / Tesalonika 1: 1-5b / Mateo 22: 15-21

Matipuno at makapangyarihan noon si Ciro. Siya ang pinakamataas sa imperyo noon ng Persia. Wala nang hihigit sa kanya. Masasabi nating ang kanyang kakayahan ay walang hangganan, walang balakid, walang paghamon. Subali’t sa kabila ng ganoong kapangyarihan, nakakita rin siya ng katapat. Sa harap ng pagpapakilala sa kanya ng iisang Diyos, naghupa ang kanyang kalooban … nagpakababa, at napasailalim sa harap ng isang katotohanang hindi niya masisiphayo magpakailanman.

Bagama’t wala tayong ebidensiya na si Ciro ay lubusang nakisama sa pananampalataya ng mga Israelita, puede nating sabihin na sa pagsusumamo ng Diyos sa kanyang pagpapahayag at pagpapakila ng sarili, nagapi ang kanyang tila di matitinag na kapangyarihan at nabuksan ang kanyang puso sa katotohanan – ang katotohanang ang nais ng Diyos ay katiwasayan, kapayapaan, at kalayaan para sa Kanyang pinakamamahal na bayan.

Si Ciro ang itinanghal ng imperyo ng Persia bilang dakilang pastol. Sa mata ng Diyos, nagamit Niya maging isang di-kapanalig upang masulat nang tuwid and isang kasaysayang pinagliko-liko at pinagkawing-kawing ng iba-ibang mapapait na karanasan, sa ilalim ng makapangyarihang mga bayan sa paligid ng Israel.

Tunay na angkop na angkop ang tugon natin sa unang pagbasa, na ngayon ay ipinatutungkol natin sa Diyos: “Papuri at luwalhati sa Iyo, O Panginoon!”

Marami ngayong mga pinuno at makapangyarihang tao na pinapanginoon ng higit na marami pang tao. Pinapanginoon ng bilyong katao si Bill Gates. Sa yaman niya at kapangyarihang kaakibat ng pera, maraming mangha sa kanya. Nguni’t marami ring galit at inggit sa kanya. Mayroon namang mga politikong tao na tila ang kanilang kapangyarihan ay niyari sa langit. Wala nang ibang tila makapapalit sa kanila kundi kanilang asawa, anak, apo, at apo sa tuhod. Sa larangan ng business, hindi maikakaila na kay raming halos ay manggayupapa sa harapan nina Henry Sy, Lucio Tan, at iba pang mga malalaking negosyante sa ating bayan. Kaya nilang magluklok ng presidente sa Malakanyang o mga senador o congresista saan mang dako ng Pilipinas. Pati sa larangan ng relihiyon, kay raming mga politikong nanggagayupapa sa harapan ni Eddie Villanueva, at ni Mike Velarde, upang makasiguro na sila ay maihahalal ng balana. Maging sa mga “covenanted communities,” ang mga tinatawag na “elders” ay parang mga politikong hindi napapalitan sa pwesto.

Kapangyarihan, kayamanan, posisyon … ang lahat ng ito ay bumubuo sa tinatawag nating “kakanyahan” (identity) ng isang tao. Ito ang batayan ng tinatawag ng mga sikologong “bloated ego” – isang kakanyahang parang pantog na lumaki nang lumaki sa haba ng panahon ng tinatawag nilang “public service” o “ministry.” Nakaimbento pa ang marami ng palusot sa ganitong sitwasyon … ang pagbibigay taguri dito bilang “servant leadership.” Ang kanilang pagtutulad dito ay para bagang sila raw ay parang si Kristo na nakapako sa krus, habang naglilingkod sa kapwa. Nguni’t ang ipinagtataka ng marami ay simple lang … kung ito ay pagkapako sa krus, ay bakit ayaw nilang bumaba sa krus?

Malaki ang aral na dapat natin mapulot kay Ciro. Sa kabila ng kanyang kakanyahan, ay naglubag ang kanyang kalooban sa mga aping mga Israelita sa Babilonia. Alam natin na sa kasaysayan, pinalaya niya ang mga bihag sa Babilonia noong taong 538 BCE.

Dito ngayon papasok ang paksang ating nais liwanagin sa araw na ito. Hindi kakanyahan ang dapat bigyang-diin ng tao, kundi kakayahan. Ang kakayahan ay hindi parang pantog na lumolobo, na puno lamang ng hangin. Ang kakayahan, hindi kakanyahan, ang siyang nabubuo sa pamamagitan ng pagsisikap, pagsisikhay, pagpoporsigue, at pagsusunog ng kilay, kasama ng isang kaloobang hindi umaasa sa sariling katalinuhan lamang kundi sa biyaya at tulong mula sa itaas.

Dito naman naging malinaw na halimbawa ang mga Israelita … Sa Diyos, hindi sa tao, sila nagpahayag ng pananalig: “Papuri at luwalhati sa Iyo, O Panginoon.”

Ito rin ang tinutumbok ng mga kataga ni Pablo sa mga taga Tesalonika. Sa Diyos siya nagpasalamat, kasama ni Silvano at Timoteo, sapaka’t aniya, ang ebanghelyo ay hindi lamang nanatiling salita, kundi naging isang kakayahan at kapangyarihang dulot ng Espiritu Santo. Hindi kakanyahan, hindi kayabangan at hungkag na lobo ng guni-guni ang siyang naghari sa puso at isipan ng tatlong mga “lingkod ng Diyos,” bagkus ang kakayahang nakamit nila sa biyaya ng Diyos mula sa itaas.

Malaki ang kinalaman ng kakayahang mula sa langit at hindi kakanyahang puno ng yabang sa tagumpay ng taong maka-Diyos. Ang may kabatirang ang kanyang kakayahan ay hindi mula sa sariling sikap lamang ay marunong magbigay ng kung ano ang dapat sa Diyos at sa tao. Ito ang diwa ng tugon ni Kristo sa mga nagsisikap maglatag ng patibong sa kanya. Sa mga mapagbalatkayong tao na nagtanong sa kanya, sumagot siya ng isang tugon na punong-puno, hindi ng kakanyahan, kundi kakayahang makalangit: “Ibigay sa Diyos ang para sa Diyos, at kay Cesar ang para kay Cesar.”

Ang ating pagninilay sa Linggong ito ay may kinalaman sa lahat. Ito ay para sa mga walang kakayahang makamundo tulad ng mga mangmang at mahihirap. Hindi wasto na isiping tayong lahat ay biktima lamang ng mga makapangyayari. Hindi tayo dapat magpadala na lamang sa panlilinlang ng mga may angking “kakanyahan.” Puede nating tulungan ang sarili natin upang maging higit na maalam at marunong, upang hindi manatiling utusan at utu-uto sa harapan ng mga taong naghahanap lagi ng kapwang manghihinuhod sa kanilang paanan, dahilan sa akala nilang kakulangan nila o kasalatan ng kakayahan.

Nguni’t ito, higit sa lahat, ay para sa mga taong lasing na lasing sa kanilang kakanyahan. Nakatikim lamang ng kaunting kapangyarihan ay nakalimutan na na ang lahat ay may hangganan. Nakatutuwang gunitain ang sinabi ni Shakespeare sa isa niyang panulat: “Man, proud man, drest in a little brief authority, does some fantastic tricks before high heavens, as make the angels weep!”

Tumatangis ang mga anghel sa parang pantog at lobong angkin ng mga taong namimintog ang kalooban sa kakanyahan at kayabangan. Tumatangis ang mga anghel sa katiwalian ng mga pinagpala nang higit sa lahat sapagka’t sila ay makapangyarihan at may hawak ng baril. Tumatangis ang balana sa mga walang pakundangan sa patuloy na paghihirap ng marami, masunod lamang ang kanilang pangarap na maging presidente o senador o anumang nagkukumahug na posisyon sa lipunan, na laging tinataguriang public service, ngunit ni kapurit na serbisyo ay hindi mababakas sa kanilang pamumuhay.

Mabuti pa si Ciro … walang paniwala subali’t hindi timawa. Tulad ng binasa natin sa sulat ni Pablo sa mga taga Filipos, ang may angking kakanyahan ay dapat bumaba, tulad ni Kristo, na bumaba sa kanyang pagka-Diyos at naging tao tulad natin lahat.

Matapos ang lahat, ang mahalaga ay hindi isang naglolobo at namimintog na kakanyahan, kundi isang kakayahang nakakakilala at nakababatid na mayroon higit na makapangyayari sa itaas. Sa kanya lamang ang puri at luwalhati magpakailanman!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: