Ika-28 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 12, 2008
Mga Pagbasa: Isaias 25:6-10 / Filipos 4:12-14, 19-20 / Mateo 22:1-14
Halos lahat ng larawan na ipinipinta ng mga pagbasa ay may kinalaman sa isang pagtitipon. Sa hula ni Isaias, natunghayan natin ang isang bangketeng sagana ang nakalaan para sa lahat ng tao. Hindi na natin dapat ulitin ang mga sangkap ng handaang ito an siguradong makapagpapagutom sa atin.
Alam natin na ang lahat ng ito ay nakatuon sa tinatawag na “messianic banquet” na isa sa mga larawan ng darating na kaganapan ng kaligtasang ipinangako ng Diyos sa kanyang bayan, isang larawang binigyang-pahimakas sa buhay hayagan (public life) ni Kristong Panginoon.
Ito ang pangako at hula na ating pinanghahawakan bilang mananampalataya. Iyan ang dahilan kung bakit ang tugon natin sa unang pagbasa ay walang iba kundi ito – ang ating maigting na pag-asa na tayong lahat ay makakabilang balang araw sa handaang ito: “Mananahan ako magpakailanman sa bahay ng Panginoon.”
Hindi kaila sa ating lahat na tayong mga Pilipino ay patuloy pa ring naghahanap ng pamalagiang tahanan. Marami sa ating maralitang taga-lungsod ang walang tahanan. Kay dami ang nakatira sa mga kariton, sa ilalim ng tulay, sa gilid ng mga ilog, na patuloy na nababarahan, kundi naglalaho na lamang at sukat. Alam rin natin na sampung bahagdan (10 %) ng ating kababayan ay naninirahan o nakikipanirahan sa ibang bansa. Tayong mga Pilipino ay matatagpuan sa mahigit sa 100 bansa sa buong mundo! Ang karanasan ng mga Israelita na naging isang bayang palagiang naglalakbay, palagiang naghahanap ng matutuluyan ay karanasan din natin bilang Pilipino.
Nguni’t ito ay hindi lamang natin karanasan. Ito ang panawagan ng Diyos para sa lahat ng tao. Tayong lahat ay mga pelegrinos (pilgrims) na walang permanenteng tahanan sa lupang ibabaw. Tayong lahat ay bumubuo sa iisang bayang ang kinabukasan ay maging ganap na isa sa ilalim ng pamamatnubay at pamamahala ng Diyos.
Iyan ang diwa ng larawan ng isang dakilang bangkete na handa ng Mesiyas! Iyan ang hantungang nais nating marating at makamit! At ito rin ang panagimpan at kagustuhan ng Diyos para sa atin.
Malayo pa ang lakbayin natin. Marami pang kanin ang kakainin ng mga Pinoy upang marating ang ating sariling Lupang Pangako. Marami pang luha at paghihinagpis ang pagdaraanan ng libo-libong mga Pinoy na minamatamis nilang makipagsapalaran sa mga karagatan ng buong mundo kaysa mamatay ng dilat ang mata, kumbaga, dito sa bayang walang masyadong maiaalay na trabahong makapaghahatid sa magandang kinabukasan sa kanilang mga anak. Mas ginugusto pa ng marami ang posibleng madakip ng mga pirata sa Somalia kaysa sa manatili ditong nakatingala sa kisame maghapon.
Pangarap natin ang kaligtasang makamundo!
Ang magandang balita ngayon ay higit pa rito. Pangarap rin ito ng Diyos. Nguni’t ang pangarap ng Diyos para sa atin ay bumabagtas pa sa rito, humihigit pa rito. Pangarap ng Diyos na ang lahat ng tao, ang lahat ng bayan sa buong daigdig ay makapiling Niya at ng isa’t isa sa isang walang hanggang bangkete sa kabilang buhay.
Nguni’t ang pangarap na ito ay dapat maging pangarap rin natin nang lubos. Mayroon rin tayong pananagutan at tungkulin upang ito ay maging katotohanan para sa atin.
Alam natin na mayroong mga Pinoy, na sa kanilang kagustuhang maka-angat sa buhay ay nauuwi sa pagbabagong ugali, sa pagbabagong pananampalataya, sa pagpapadala sa ibang mga kaugalian at paniniwala. Marami ang nawawalan ng pananampalataya sa isang bansa, nadadala ng kultura ng postmodernismo, ng konsumerismo at sekularisasyon.
Sa dahilang ito, masasabi natin na ang ilan ay napapatapon at napapariwara. Sa halip na dumulog sa bangkete na tama ang disposisyon at tama ang kasuotan, ay nagbibihis sila nang hindi angkop, kumbaga, sa dakilang handaan.
Dito papasok ang talinghaga sa ebanghelyo. Malinaw ang pangaral. Lahat ay inaanyayahan. Lahat ay tinatawagan ng Diyos. Lahat ay nais niyang tipunin. Subali’t mayroong naging patapon kumbaga sapagka’t hindi wasto ang kanyang pag-uugali. Hindi tama ang kanyang pananamit. Ayon sa talinghaga, ang taong ito ay ipinatapon sa labas, hindi sapagka’t hindi siya dapat kabilang, nguni’t sapagka’t hindi niya iniangkop at inihanda ang sarili sa paanyayang dakilang ito. Hindi ang may handa ang nagpatapon sa kanya, kundi ang kanyang maling pagpapahalaga sa paanyaya.
Tayong mga Pinoy saanman tayo naroon ay hindi mga patapon … Tayo ay mga pelegrinos, mga taong naglalakbay patungo sa isang hantungang hindi gawa-gawa lamang natin. Tayo ay hindi itinatapon sa ibang bansa hindi upang maging mga patapon, kundi upang maghanda sa dakilang pagtitipong nabanggit natin. Ito ay walang iba kundi ang langit na tunay nating bayan.
Doon, kasama ng Banal na Santatlo, at kaniig ng lahat ng nagdamit nang tama, at nag-asal nang tama, tayong lahat ay makakaranas, hindi ng walang hanggang pagpapatapon bagkus walang hanggang pagtitipon. “Mananahan ako magpakailanman sa tahanan ng Panginoon!”