PISTA NG SANTO NINO
Enero 18, 2009
Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6, 15-18 / Marco 10:13-16
Malapit sa puso ng Pinoy ang bata. Magaan ang loob sa bata; mapagbigay; bukas-palad, at puno ng karinyo at kaamuan sa bata. Bata ang tampulan ng lahat ng atensyon sa pamilya, sa tahanan, sa pagtitipon ng mga matatanda. Ito marahil ang dahilan kung bakit ganuon na lamang at sukat ang pamimintuho ng Pinoy sa banal na sanggol, ang Santo Nino!
Ang pagpapahalaga ng Pinoy sa bata ay malinaw na malinaw. Para sa bata, lalu na kung panganay, ang pinakamahal na eskwela ang hinahanap ng marami. Laging pinakamagara, pinakamaganda, at pinakamaayos ang hinahanap para sa bata. Sa unang kaarawan ng panganay, maraming magulang ang hindi nag-aatubiling gumastos ng malaki, at maghanda ng marangya, maidaos lamang ang unang kaarawan.
Subali’t nakapagtataka … Galit tayo sa mga isip-bata at asal-bata. Liban kay Bentot noong araw, o kay Bondying noong maraming taon na ang lumipas, o kay Anjo Yllana na maraming taong nagpanggap na parang Bondying sa TV, hindi tayo panig sa mga asal-bata, isip-bata, o sa mga nagbabata-bataan lamang.
Tama ang ebanghelyo ni Lucas … lumago si Jesus sa karunungan at sa katandaan. Lumaki ang banal na sanggol… naging ganap na adulto … naging ganap na tao, at ganap na manliligtas, hanggang sa kasukdulan ng pag-aalay ng sarili sa krus.
Mahalaga na maunawain natin ang kahulugan nito. Kay raming pag-aasal bata at pag-iisip bata ang nakikita natin sa lipunan. Masahol pa ang mag-asal bata kaysa sa pagiging tunay na bata. Ang tunay na bata ay walang itinatago. Ang tunay na bata ay parang computer na WYSIWYG … what you see is what you get … kung ano ang nakikita ay siyang nahihita … Walang pagpapanggap ang bata … walang pagbabalatkayo … walang pagkukubli ng tunay na layunin … kung ano ang hiling ay siyang turing. Kung gustong kumain ay iiyak o hihingi. Kung galit ay galit; kung masaya ay masaya; kung tunay na nais ay walang patumpik-tumpik pa … Walang hele-hele pero quiere, ika nga.
Maraming mga nagbabata-bataan sa lipunan natin. Maraming nagkukubli. Maraming sanga-sanga ang dila. Sa dalawang pamilyang nagpanapok (nag-away) sa golf course, walang nagsasabi at umaamin na sila ang nanguna. Walang umaamin ng kanilang pananagutan. Pero walang sinuman ang makapagsasayaw ng tango kung nag-iisa. Dalawa lagi ang kinakailangan upang magkasuntukan at magpanapok sa isa’t isa. Nandyan din ang napakadulas ang dila na katatagan na ang pagkabulaan (kasinungalingan). Hindi daw siya nagnakaw kundi nag “download” lamang. Iyon nga lang, mahigit na pitong daang milyon ang perang naglaho, pinagpartehan, at na “download” ewan natin kung saan at kaninong “USB” disk napunta (Umit na Salapi sa Bangko). Nagtuturuan ang mga kampon ng kabulaanan … nagpipitulunan … kanya-kanyang pagdadahilan at pag-iwas at pagmamaang-maangan. Nguni’t ang mga nag-aasal batang ito na tila mga inosente pa sa mga ninos inocentes sa bagong tipan, ay nangaglalakihan at nag-gagaraan ang mga bahay at kotse. Asal bata silang lahat sa pagtanggi at pag-iwas sa pananagutan.
Napupuno na ang madlang tao. Nagpupuyos ang damdamin. Nangangamba at nawawalan ng pag-asa ang marami. Ito marahil ang dahilan kung bakit kinukuha na lamang sa panatisismo, at pagsama sa mga prusisyong 14 na oras ang tagal at haba. Ito marahil kung bakit ang lahat ng atensyon ay napupunta sa mga festival, kasama na rito ang malaking kabalbalang aswang festival sa Capiz! Tanging sa Pilipinas lamang nangyayari ito. Sa ibang bansa sa Asya, ang hanap nila ay maging numero uno sa tagisan ng talino sa agham at matematika atbp. Sa Pilipinas, ang hanap natin ay ang pinakamaraming tambalan ang naghahalikan sa araw ng mga puso. Ang hanap natin ay ang pinakamalaking bibingka o pinakamaraming daing na bangus upang matala sa Guinness book of world records.
Para tayong mga bata sa maraming bagay. Masahol pa tayo sa bata na nga, ay nagbabata-bataan pa.
Ang pista natin ngayon ay malayo sa pagbabata-bataan. Malayo ito sa pag-aasal o pag-iisip-bata. Ito ang kapistahan ng sanggol na si Jesus na umako ng isang pananagutang hindi pambata kundi pista ng isang matipunong sanggol na naghatid ng liwanag sa isang mundong nababalot ng dilim.
Ang daigdig na ito ay balot na balot sa dilim … dilim ng katiwalian … dilim ng pagkakanya-kanya at pagmakasarili. Ang daigdig na ito ay nababalot ng dilim ng kadayaan, katakawan, at ng kulturang ang pinahahalagahan ay ang biglang pagyaman at biglang pagkakamal ng kapangyarihan at katanyagan.
Dilim ang bumabalot sa ating pamahalaan, sa gobyerno, at sa sistema political. Hindi ito gawaing naghihintay sa mga isip-bata, asal-bata, o taong nagbabata-bataan. Ito ang isang mundong naghihintay ng kaligtasang ipinagkaloob ng Diyos sa pamamagitan ng kahinaan at kababaan ng isang sanggol.
Ang sanggol na ito ang atin ngayong ipinagmamakaingay at ipinagmamakapuri. Ang sanggol na ito ang naghatid ng isang gawaing angkop sa isang matipuno at matapang na tao na handang pagbayaran at pagbuwisan ang isinasapuso at balak isakatuparan.
Napamahal na ang bayang Pilipino sa banal na sanggol. Kasama natin siya sa maraming pamilyang pinoy. Wala yatang Pinoy na pamamahay ang walang maliit na istatwa ng Santo Nino o larawan man lamang. Nguni’t ang pagmamahal na ito ay hindi dapat manatili sa antas o libel ng pagbabata-bataan, pag-aasal-bata, o pag-iisip-bata.
Sa maraming halimbawa ng pagaasal-bata sa lipunan, unti-unti tayo natututo. Unti-unti tayong umuunlad, lumalago, lumalaki sa katandaan at karunungan … tulad ni Jesus, tulad ng Mananakop na nagsimula bilang isang mahina at mababang-loob na sanggol, ngunit umako sa isang gawaing-pagliligtas na nangailangan ng katatagan, katibayan ng loob, at katapangan, bagama’t nababalot ng kahinahunan ng puso at kilos. Itinanghal niya ang mga bata … ang mga tulad ng bata … tuwid, tapat, at tiyak ang nais at balakin. “Ang hindi marunong tumulad sa mga batang ito ay hindi makapapasok sa kaharian ng langit.” Tulad ng bata, hindi isip-bata, hindi asal-bata, at lalung hindi nagbabata-bataan!
PIT SENYOR! HALA BIRA!