frchito

SINO BA O ANO BA SIYA?

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections on Hunyo 5, 2009 at 18:21

trirublev1

Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo
Junio 7, 2009

Malimit kung tayo ay tinatanong kung sino tayo, ang tugon natin ay malayong-malayo sa tanong. Ako ay isang doctor … o ako ay isang inhinyero, o panday, o pintor. Ang tanong na kung sino tayo ay sinasagot natin ng kung ano ang ginagawa natin, ano ang pinagkakaabalahan natin, ang pagsasabi ng kung ano ang papel na ginagampanan natin.

Ang Kapistahan natin ngayon ay parangal sa Diyos, iisang Diyos na may tatlong Persona – ang tinatawag natin na Banal na Santatlo. Kung ating tatanungin kung sino ang Diyos, mahirap maghagilap ng sagot. Kung ating tatanungin kung sino ang Diyos ayon sa Biblia, ang tugon ng Biblia ay isang mahabang salaysay – ang salaysay ng kaligtasan ng tao.

Dalawang paraan ang mayroon tayo upang sagutin kung sino tayo. Ang una ay ang nasabi na natin … Ako ay isang anluwage … Ako ay isang magsasaka. Ang unang paraan ay ang pagsasabi ng papel na ginagampanan natin. Ang ikalawa naman ay ang sagutin nang tahasan kung sino tayo … ang magsabi ng kung ano ang pangalan natin … Ako si Mario … Ako si Pedro Penduko, o sinoman.

Walang masyadong sinasabi ang parehong tugon. Matapos natin sabihin kung anong papel mayroon tayo, marami pang tanong ang kasunod nito. Kung sasabihin natin naman ang pangalan natin lamang, lalung maraming pang ibang tanong ang susunod dito.

Nguni’t may ikatlong paraan upang sagutin ang tanong na ito … tulad ng ginawang pagpapahayag sa atin ng Diyos, na napapaloob sa isang mahabang salaysay. Ito ang unti-unting pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang bayan na naganap sa mahabang salaysay ng kaligtasan.

Hindi ito katumbas lamang ng pagsasabi kung ano ang ginagampanang papel ng Diyos. Hindi ito isang napakalalim na paghihimay ng kung ano ang Diyos tulad nang ginawa ng mga pilosopo sa mahabang panahong nagdaan. Ang una ay isa lamang biograpiya, isang talambuhay. Ang ikalawa ay makapagdudulot lamang ng sagot sa pamamagitan ng paglilista ng mga pangungusap na nagmumula sa “ang Diyos ay hindi ganito …” hindi tao … hindi madamot …. Hindi nagbabago, atbp. (Our answers are not about what God is, but what God is not.)

Pero tanungin mo ang isang tao tungkol sa kanyang pinakamamahal na ina, ama, anak, o asawa at ang ecsena ay kagya’t nag-iiba. Kung ang tanong ay tungkol sa isang taong mahal natin, ang tanong ay hindi ano, o sino, kundi “sino ba si Norma o si Alan para sa iyo?”

Ito ang tugon ng Diyos sa mahabang kasaysayan ng kaligtasan. Iyan ang dahilan kung bakit ang tugon ng Diyos sa tanong ni Moises ay ika nga ay bitin … Ako ang ako nga. Ang Diyos ay nagpahayag sa atin bilang isang Diyos na walang tuldok. Isa siyang pangungusap na walang patlang, walang patid, walang kuhit, walang tuldok. Siya ay isang pangungusap na nagtatapos sa tutuldok … sapagka’t hindi natin mahuhuli sa iisang salita o pangungusap ang kaganapan ng Kanyang pagka Diyos.

Ito ang hiwaga ng Banal na Santatlo … iisang Diyos na nakilala natin sa Kanyang pagpapahayag bilang isang kabuuang may tatlong kakanyahan, hindi lamang kaanyuan.

Siya ay Diyos para sa atin … Siya ay Ama na ang pag-ibig ay walang hanggan. Siya ay Amang mapanlikha, Diyos na may akda ng buhay, sa mula’t mula pa ay Siya na.

Siya ay Diyos para sa atin …Siya ay Anak na sugo ng Ama, bunga ng pag-ibig ng Ama, na nagkatawang tao para sa atin, upang makipamayan sa atin. Siya ay Diyos na nagkakaloob ng sarili, nagkaloob ng buhay at kamatayan, at muling nabuhay para sa atin, at para sa ating kaligtasan. Siya ay Diyos na Panginoon ng kasaysayan, isinilang, nabuhay, namatay, at muling nabuhay sa ikaluluwalhati ng Ama.

Siya ay Diyos para sa atin … Siya ay Espiritung sugo ng Ama at ng Anak. Siya ay naghahatid sa kaganapan ng katotohanan, ang tinig ng mga walang tinig, ang lakas ng mga nanghihina, ang apoy na nagpapadaig at nagpapalagablab sa ating kahinaan. Siya ay Diyos ng buhay, ang may akda ng lahat ng kabutihan, ang nagtutulak sa atin sa kabanalan.

Ang Banal na Santatlo ay hindi isang ngalan, hindi isang anyo, kundi kakanyahan ng Diyos. Ang Banal na Santatlo ay ang iisang Diyos na nagpakilala bilang Tatlong Persona, na may tatlong kakanyahan, bagama’t tanging isa lamang ang kalikasan.

Mahirap unawain o arukin? Tumpak! Nguni’t hindi para sa atin ang lubos na arukin ang hiwaga ng Diyos. Hindi tayo Diyos tulad Niya. Hindi para sa atin ang siyasatin kung sino Siya. Ang para sa atin ay sagutin ang pinakamahalagang katanungan – hindi kung ano o sino ang Diyos, bagkus ang sagutin kung SINO BA SIYA PARA SA ATIN?

Ama, Anak, at Espiritu Santo … Mayroon pa bang dapat hanapin?

Advertisement
  1. fr. chito…. ang dami namang dapat sambahin.. merong mga santo, mga imahe, merog esiritu..
    di ba sabi sa bibliya isa lang ang diyos at yun si Jesus.

    sa simbahan po ang daming santo, yung iba po hinahalinkan pa, pinupunasan ng panyo, at iba pa.
    naguguluan na po ako.

    “hindi para sa atin ang lubos na arukin ang hiwaga ng Diyos. Hindi tayo Diyos tulad Niya”. . AMEN po dito

    • hindi sinasamba ang mga estatwa, kahit na may mga tila nagkakamali na tila pinahahalagahan ng labis ito. ang bawal sa biblia ay hindi ang pag-ukit ng imagen, kundi ang pagsamba sa diyus-diyusan. kung bawal ang imahen, ang bronze serpent na ipinagawa niya kay moises ay palpak din. pero luma na ang usaping ito. salamat sa komento

      • Payag ako dito. Diba nga po may mga imahe at estatwa tungkol kay Hesus at maging mga santo din nang lumitaw mga bago pa mag 250AD, bago pa man mai-organize yung Biblya ng mga katoliko?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: