Pag-akyat ng Panginoon sa Langit(B)
Mayo 24, 2009
Mga Pagbasa: Gawa 1:1-11 / Efeso 1:17-23 / Marco 16:15-20
Araw-araw, libo-libong Pinoy ang lumilisan, nagpapaalam, at nagtatagubilin sa mga kamag-anak na naiiwanan. Sa kabuuan, may 10 bahagdan ng populasyon ng buong bansa ang nasa banyagang lugar upang magpagal at magpaanyo para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.
Iisa lamang ang kahulugan nito na may kinalaman sa pista natin sa araw na ito – ang pag-akyat ng Panginoon sa langit at pagluklok niya sa kanan ng Ama. Sanay o bihasa ang Pinoy sa paglisan. Bihasa ang Pinoy na mangibang-bansa, makipagsapalaran, at lisanin ang kanilang mahal sa buhay.
Isang pang-araw-araw na pangitain sa mga paliparan natin ang tanawing ito – ang mag-anak na sama-sama sa huling pagkakataon upang magpaalam sa isa’t isa. At sa pagpapaalam na ito, matindi ang mga huling habilin, ang mga paalaala sa mga bata, ang mga huling utos, kumbaga, at mga matinding mga tagubilin lalu na sa mga musmos na maiiwan.
Madaling isipin na ang pista natin sa araw na ito ay walang iniwan o walang kaibahan sa larawang ito ng huling pagtatagubilin ng isang ina o ama sa kanyang mga anak.
Ito ay totoo … nguni’t hindi ganap na totoo. Ito ay isa ngang tunay na pagpapaalam nguni’t ito ay higit sa isang pagpapaalam. Hindi ito isang makabagbag-damdaming paglisang ganap na para bagang wala nang kinalaman ang Panginoon sa kanyang mga iniwan.
Hindi ito katumbas ng isang “mi ultimo adios” ni Jose Rizal. At lalong hindi na ito ay may kinalaman sa isang listahan ng mga habilin na dapat isapuso, isaisip, at isadiwa ng mga lilisanin.
Ang pag-akyat ng Panginoon sa langit ay hindi isang paglisan ayon at katulad sa ating kaalaman at karanasan. Ang pag-akyat ng Panginoon ay isang bagong uri ng pananatili … isang pananatiling hindi nakatali sa pisikal na anyo ng muling nabuhay na si Jesus, ni hindi nakatuon sa pangkatawang pananatili ng Panginoon, kundi isang pananatiling nagpapalawig, nagpapalawak, at nagpapalalim ng kanyang pananatiling mapangligtas sa piling ng kanyang bayan.
Sa paglisan ng isang ina o ama mula sa Pilipinas, tagubilin at habilin lamang ang nag-uugnay sa lumisan at iniwanan. Hindi maipagkakailang wala ang magulang at nasa malayo. Kahit na araw-araw mag-text, o tumawag gabi-gabi sa telepono gamit ang nausong mga phonecard, hindi maipagkakailang nagkalayu-layo ang mag-anak, at walang anuman ang maaaring magbigay ng extension, ika nga, sa taong lumisan.
Ang pag-akyat ng Panginoon ay hindi ganito. Sa kanyang pamamaalam, lalung lumawig ang pananatili ng Diyos sa piling natin … higit sa lahat, dahil sa pananatilin ng Espiritu na nagbubunsod sa mga disipulo upang maging saksi ni Jesus at tagapaghatid ng magandang balita.
Ang pagiging saksi ni Jesus ay walang kinalaman lamang sa mga huling habilin. Ito ay isang paghamon na bunsod ng isang natatanging kaloob – ang pagbaba ng Espiritu Santo. Ang pag-akyat ni Jesus ay nangahulugang muling pagbaba ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, na may kaakibat na mga kaloob na siya namang magpapalawig sa katawang mistiko ni Kristong muling nabuhay.
Ang paglisan ni Jesus ay hindi madamdaming pamamaalam … Ito ay pagpapanibago ng kanyang pananatili sa ibang paraan sa piling na kanyang bayan. At ang kanyang pananatiling mapagligtas, ay hindi na lamang mahihinuha at makikita sa kanyang paggawa ng mga milagro at pagpapagaling sa Judea, Samaria, at Galilea at sa iba pang lugar. Ang pag-akyat ni Jesus ay nangahulugang ang magandang balita ng kaligtasan ay hindi na lamang niya tungkulin. Naging tungkulin ito at misyon ng buong simbahan, ng mga disipulo at mga tagasunod ni Kristo. Ang paglisan niya ay pagpapanibagong uri ng kanyang pananatili sa pamamagitan ng dakilang gawain ng pagpapahayag ng magandang balita ng kaligtasan.
thank you father
Maganda din pong isipin na ang goodbye sa salitang tagalog ay “paalam” sa madaling salita, may pina-aalam; may iniiwan sa atin. Ano ang ipinapa-alam? Pinapaalam na ang Diyos ay lagi nating kapiling at kasama sa paglalakbay. Kaya hindi tayo dapat matakot o malungkot, dahil kasama natin ang Diyos. Hindi dapat isiping tayo’y mag-isa, dahil kasama natin si Hesus, ang Panginoon. At hinding hindi Niya tayo iiwanan.